“ANG taray mo, Ate Riva. Hindi ko kaya ang level mo. Mantakin mo nagawa mong makipagsabayan sa katarayan ni Doña Guada. Mas lalo tuloy akong natakot sa iyo,” sabi ni Emarie habang minamasahe ang braso niya. Nakaugalian na nilang tumambay sa kuwarto nila pagkatapos ng tanghalian. Paano ay nakakaantok talaga ang hangin pagdating ng hapon.
“Bakit ka naman matatakot sa katarayan ko kung wala ka namang sinasabing masama?” tanong niya at ipinikit ang mga mata. Gusto sana niyang tawagan si Arice tungkol sa mga nangyari pero may meeting pa ito sa kabilang bayan.
“Masyado kasing maere si Doña Guada. Dapat lang sa kanya iyon,” wika naman ni Renzie na nagpe-pedicure. “Kung gaano kabait si Ate Estrella, ganoon naman siya kamatapobre. Paano kaya sila naging mag-ina?”
Hindi nga magkaugali ang mga ito pero sunud-sunuran naman si Estrella dito. Maaring di lahat ng nangyayari ay kagustuhan ni Estrella. Naiintindihan naman niya na mahalaga dito ang pamilya nito. Malas lang nito dahil may nanay ito katulad ni Doña Guada. Pero hindi naman kalabisan para sa isang anak minsan na manindigan sa tama. Minsan nang nasira ang buhay nito nang magpakasal ito sa lalaking di nito mahal dahil sa kagustuhan ng pamilya nito. Hanggang kailan ba ito magiging sunud-sunuran? Pakiramdam kasi niya ay ibinenta nito ang sarili para lang manatili dito ang kayamanan ng pamilya nito.
Wala siyang pakialam kung paano patatakbuhin ng mga del Carmen ang buhay ng mga ito. Malas lang ng mga ito dahil ang Kuya Ernest niya ang ginagawang palabigasan ng mga ito. Her cousin was a good man. Hindi niya hahayaang mabulagan lang ito sa pag-ibig sa maling babae.
Pumasok ang mama niya at pinanlakihan agad sila ng mata. “Konting ingat sa pagsasalita, girls. Alalahanin nito na sa kanila pa rin ang lugar na ito.”
She rolled her eyes heavenward. Diyos na mahabagin! Sa mga del Carmen nga ang lugar na iyon, salamat sa pera ng Kuya Ernest niya.
Walang maipagmamalaki ang mga del Carmen sa kanya. Mas mataas pa ang respeto niya sa mga taong tulad ni Arice kaysa sa mga tulad ni Doña Guada na handang isakripisyo ang kaligayahan ng anak nito para manatili ang kayamanan nito. Parang linta ang mga ito na humahanap ng mahihigop na dugo.
“I will try my best to behave, Ma,” aniya at mariing pinagdikit ang labi.
Tinabihan siya nito. “I highly doubt that you will behave. Kilala kita, Riva. Hindi mo kayang pigilan ‘yang katalasan ng dila mo.”
“Sa palagay ko lang po unfair ang naging panghuhusga kay Arice. Hindi naman niya pinili ang mga magulang niya. At sa batang edad, ang alam lang naman niya ay kailangan niyang maka-survive para mabuhay. Nang mabigyan ng pagkakataon, nabago niya ang direksiyon ng buhay niya.”
“That’s why I like Arice more.” Pinisil nito ang ilong niya. “He has so much character. Parang Papa mo. Do you know that he built his company from scratch? Kaya kahit marami akong mayayamang manliligaw na galing sa buena familia, hindi ko sila pinili. Nakikita ko ang Papa mo kay Arice.”
Yumakap siya sa baywang nito. “Baka naman nai-in love din kayo kay Arice.”
Humalakhak ito. “Aba! Nagkakaroon ka na ng sense of humor. Isa pa iyan sa dapat kong ipagpasalamat kay Arice. Napapansin ko na mas madalas kang ngumiti. Napapangiti ka niya na hindi nagagawa ng ibang lalaking nanligaw sa iyo. Saka napapansin ko na palagi rin siyang nakangiti. Huwag mo na lang pansinin ang sinasabi ng ibang tao. Ang opinyon nila ay di kailangang maging realidad.”
Hinigpitan pa niya ang yakap dito. “Ma, the best ka talaga!”
Ipinagpapasalamat niya na ito ang nanay niya. Hinahayaan siya nitong gamitin ang isip niya sa pagdedesyon sa buhay. Pero kapag alam nitong wala siya sa lugar ay sinasabihan siya nito. Kapag naman alam nitong masaya siya ay todo suporta ito sa kanilang magkapatid.
“Ang kaligayahan ninyo ni Emarie ang pinakaimportante sa akin. At natutuwa ako kasi natagpuan mo ang lalaking nagpapasaya sa iyo. Arice is a man worth figthing for. Ibig bang sabihin magiging boyfriend mo na si Arice?”
Kinindatan niya ito. “You have to wait for that one, Ma.”
Ayaw niyang paasahin ang mga ito. Nakakalungko mang tanggapin pero pagpapanggap lang ang romansang binubuo nila ni Arice sa isipan ng mga tao. Oras na piliin na ito ni Estrella, madidismaya ang pamilya niya at masasaktan para sa kanya. Paano ay ngayon lang siya nakatagpo ng lalaki na kasundo niya.
Kung nagkatagpo lang sana sila ni Arice sa ibang panahon at pagkakataon. Pero kahit ano pang pagpapanggap nila, mananatiling totoo para sa kanya ang respeto at paghanga niya sa pagkatao nito.
Sana ay makatagpo siya ng lalaking tulad nito. Maganda ang character at karespe-respeto. At higit sa lahat, handang ipaglaban ang babaeng mahal nito kahit na anong mangyari. Sana lang sa pagkakataong ito ay ipaglaban din ito ni Estrella.
“Matulog ka na,” sabi nito at hinaplos ang buhok niya.
Bumaba siya ng kama. “Tatawagan ko po si Arlene,” tukoy niya sa assistant niya.
“Hindi ba wala munang trabaho sabi ng Kuya Ernest mo?” tanong nito. “May emergency ba sa opisina?”
“Emergency din po ito pero hindi tungkol sa opisina. I need to apologize to Arlene. Medyo napagsalitaan ko po siya ng hindi maganda bago ako umalis noong nakaraan. Nahuli ko po siyang nakababad sa phone. Iyon pala may sakit ang anak niya pero sabi ko di pa rin iyon excuse.”
“Oh!” usal ng mama niya.
“Weh? Magso-sorry ka?” anang si Renzie. “Dati ka pa naman nagtataray sa mga empleyado mo pero di ka naman nag-sorry kahit na kailan.”
“Well, hindi pa naman siguro huli na mag-sorry.” Hindi lang sa assistant niya kundi sa iba pang mga empleyado na nasabihan niya ng hindi maganda. Masyado kasi siya perfectionist.
“Dahil kay Kuya Arice kaya ka ulit nagkakaganyan?” tanong ni Emarie na kumikinang ang mga mata. Mukhang kinikilig ito.
“Mahal na mahal si Arice ng mga tauhan niya. Nakakainggit. Gusto ko rin ng ganoong klaseng pagmamahal at respeto. Na-realize ko na masyado akong masungit sa mga empleyado ko minsan at may pagka-mean samantalang pwede ko namang sabihin ng maayos. Ewan ko ba. Basta nang makasama ko siya kanina, magaan ang pakiramdam ko nang makita ko ang pakikitungo niya sa mga tauhan niya. At hindi ganoon ang atmosphere kapag nasa opisina ako. Parang hindi humihinga ang mga tao sa paligid ko.”
“Anak, hindi naman kita masisisi kung maging istrikto ka sa mga tauhan mo. Naalala mo bago mamatay ang paa mo may mga empleyado siyang pinagkatiwalaan pero niloko naman siya?” paalala ng mama niya. “Kaya kinailangan mong maging mahigpit sa mga tauhan mo. Pero natutuwa rin ako kung magbabago ka.”
Salamat kay Arice dahil naipa-realize nito na pwede namang umunlad nang di sinasakal ang mga tauhan niya. Isa na naman iyong magandang balita.
“MA’AM, hindi naman po ninyo kailangang mag-sorry sa akin. Tama naman po kayo. Hindi ko po dapat idamay ang trabaho ko sa problema ng pamilya ko,” sabi ni Arlene kay Riva nang tawagan niya ito para humingi ng paumanhin.
“Well, ganoon pa rin naman ang stand ko. Di pa rin dapat idamay ang personal na pamilya sa oras ng trabaho. Pero next time sabihin mo sa akin kapag may mga family emergency. Pwede naman nating i-delegate ang trabaho mo sa iba para maalagaan mong mabuti ang anak mo. Mas okay iyon, di ba?”
“Ayoko naman pong maantala ang mga trabaho natin. Alam ko naman po kung gaano kayo ka-busy, Ma’am. Tapos sa dami ng nag-apply sa inyo ako pa ang napili ninyo. Gusto ko lang naman pong patunayan na karapat-dapat akong maging assistant ninyo.”
“Wala kang kailangang patunayan, You had proven your worth as my assistant. And I haven’t thanked you for that.”
“Ma’am, hindi na rin po kailangan…”
“Basta salamat. Kung may kailangan kang tulong sa anak mo, sabihin mo lang sa akin. Huwag kang mahihiya.”
“Pero nakabakasyon po kayo.”
“Kahit na. Hindi naman ito trabaho so wala kang lalabagin sa bilin ko. Okay?”
Nakangiti siyang nagpaalam kay Arlene. Mas magaan ang pakiramdam niya ngayon. Hindi naman pala masakit sa pride na mag-sorry. Plano rin niyang kausapin ang mga tauhan niyang iba pagbalik niya. Hindi naman lahat ng tao ay magtatangkang traidurin siya o lokohin. Dapat ay ma-appreciate din niya ang mga tauhang loyal sa kanya.
Pabalik na siya sa kuwarto niya para ituloy ang siesta niya nang lapitan siya ni Estrella. “Riva, pwede ka bang makausap?”