Tumayo siya. “Excuse me. Pupunta lang ako sa powder room.”
Hinawi nito ang buhok na nalaglag sa noo nito. “Take your time. Naiintindihan ko naman ang mga babae. Kailangan ninyong magpaganda para sa akin. Maghihintay lang ako sa iyo dito.”
Isang tipid na ngiti ang ibinigay niya dito saka nagpunta sa karamihan ng mga tao. Nang wala na siya sa paningin nito ay pasimple siyang lumabas sa side door. Sa wakas ay nakalanghap siya ng sariwang hangin.
Inilabas niya ang cellphone at tinawagan si Arice. Kailangan niya ng matinong makakausap. "Hello! How's the party?"
"Boring." Kasalanan ni Alvin. Sa dinami-dami ng babae doon ay siya ang napagdiskitahan nito. "Hindi kita nakita."
"I am just around. Nakatayo ka malapit sa fountain. You are wearing a black long sleeve dress. Instead of covering you all over, it only made you sexy all over."
Luminga siya sa paligid at nagsimulang bumilis ang tibok ng puso niya. "Nandito ka? Nasaan ka?"
"Nandito lang ako sa may puno ng acacia."
Ipinamaywang niya ang isang kamay. "Bakit parang kapre ka? Tuwing hinahanap kita lagi kang nasa likod ng kung anong puno."
"Nandito lang ako sa malaking puno sa tapat ng fountain," natatawa nitong sabi. "Why don't you come here? Para makita mo ang pinakaguwapong kapre sa mundo."
"Basta huwag kang lilipat ng puno para hindi ako maligaw."
Kumuha siya ng dalawang baso ng red wine sa dumaang waiter at binitbit papunta sa malaking puno. Bahagya pang may liwanag doon subalit walang tao. Nang ilang metro na lang ang lapit niya ay lumabas ito mula sa likod ng puno at sinalubong siya.
"Hi, gorgeous!" bati nito at hinalikan siya sa pisngi.
Parang kiniliti ang puso niya sa papuri nito. "Gusto ko yatang maniwala."
"When it comes to complimenting a woman, I don't lie."
"All right, Cassanova. Naniniwala na ako." Inabot niya ang kopita ng alak dito at pinagpag ang balikat ng coat nito. "Ano nga palang ginagawa mo dito? Hindi kita napansin sa loob."
"I am not invited, my dear. Persona non grata ako sa mga del Carmen, remember?"
"Oh! I am sorry. Ibig sabihim pati ang ibang mga tao diyan hindi nire-recognize accomplishments mo?"
"Hindi lahat ng tao matapobre tulad ni Doña Guada. I am invited to their parties, of course. Si Doña Guada lang naman ang hindi nag-iimbita sa akin?"
"Tapos nandito ka lang at nanonood?"
Nagkibit-balikat ito at nilanghap ang wine. "Don't worry. I am used to it. Bata pa lang ako sanay na akong sumilip sa mga parties. I don't gatecrash. Alam ko kung saan ako lulugar."
Nakikita niya dito ang batang Arice na tinatratong basura at walang kwenta. Marahil sa batang edad nito ay natuto na itong mangarap. At sa kabila ng naabot ito ay mababa pa rin ang tingin dito ng pamilya ng babaeng mahal nito.
"Gusto mong kumain? Ikukuha kita." Baka kanina pa ito nakabantay doon at hindi pa rin kumakain.
"Riva, hindi na ako busabos tulad ng dati. Siyempre may dala akong pagkain. Pwede pa tayong mag-picnic kung gusto mo."
Idinala siya nito sa Ford Ranger nito na nakaparada sa tagong bahagi ng orchard. Inilabas nito ang picnic basket at inilatag ang picnic blanket sa likod ng pick up. May luminous light pa ito na kukumpleto sa isang romantic dinner.
Inalalayan siya ni Arice na sumampa ng pick up. "Hindi nga lang gourmet food ang mga ito. Di tulad ng nasa party."
Kumuha siya ng ham sandwich at kinagatan iyon. "I don't really mind. Gutom na gutom talaga ako. Ihinanda mo ba 'to para kay Estrella? Umaasa ka ba na makikita mo siya?"
Umiling ito. "No. Hindi mo siya mapapatakas sa party. Sa malayo ko lang siya pinapanood."
"Bakit parang pinaghandaan mo 'tong moonlight picnic na 'to? Tapos parang guwapong-guwapo ka pa."
"Para sa iyo 'yan. Nalaman ko kay Daisy na ipinagtanggol mo ako kay Doña Guada kanina."
"Hindi na ako nakapagtimpi sa inis. Hindi ko gusto ang paninira niya sa iyo. Ipinakita lang niya sa akin kung gaano siya kamatapobre. Hindi pwede sa akin iyon. Parang siya lang ang anak ng Diyos. Hindi ko ma-imagine na gusto mong maging biyenan iyon."
"Nanay siya ni Estrella. Wala naman akong magagawa doon."
"Gusto ka ni Mama," aniya at tinapik ang pisngi nito. "Hindi rin naniniwala ang pamilya ko sa mga paninira niya."
Ginagap nito ang mga kamay niya. "Salamat sa iyo. Kung wala ka siguro baka napaniwala sila ni Doña Guada na masama nga akong tao."
"Deserving ka sa anumang biyayang mayroon ka dahil pinaghirapan mo iyon. Hindi mo kasalanan ang kasalanan ng mga magulang mo."
Malungkot itong ngumiti. "Sana nagawa rin akong ipagtanggol ni Estrella tulad ng ginawa mo."
Gusto niyang sabihin dito ang tungkol sa pag-uusap nila ni Estrella. Kung paano siya nito dini-discourage na makipagmabutihan kay Arice. Pinili na lang niyang huwag ikwento. Baka masamain ni Arice ang sinabi niyakay Estrella na wala na itong pakialam dito. Na hindi na nito mahal si Estrella. Baka mamaya ay masira pa ang gabing iyon.
"Tama na ang drama. Kumain ka na lang ng kumain."
"Mukhang gutom na gutom ka."
"Wala akong ganang kumaim dahil kinukulit ako ni Alvin."
"Sinong Alvin?"
"Alvin Ramirez,pamangkin ng governor. Wala siyang bukambibig kundi ang mga babae niya. Mga artista, model, singer at beauty queen na pumatol sa kanya. Tapos parang utang na loob ko pa na niyaya niya akong mag-date kami."
"Makikipag-date ka naman?"
"Not interested. Ayoko sa mga lalaking pakiramdam nila regalo sila sa mga kababaihan."
Naging seryoso ito. "He is a womanizer. Marami na siyang naging girlfriend. Balita ko nga may nabuntis na 'yan dati. Ayokong magmukhang tsismoso pero gusto ko lang protektahan ka.”
"Thank you. Ayoko rin naman sa kanya. Without his money and his family's backing, ewan ko lang kung papansinin siya ng mga babaeng iyon. Hindi katulad niya ang type ko."
Kumislap ang interes sa mga mata nito. "So what is your type?"
Someone like you, sagot niya sa isipan niya. Mabilis niyang ipininid ang bibig bago pa niya maisagot ng malakas.
"Masyado atang mataas ang standard mo," anito nang di agad siya makasagot. "Masyadong guwapo dapat? Ubod ng yaman? Isang prinsipe?"
"Hindi ako mahilig tumingin sa mga guwapo o sa pera ng isang tao. Mas importante sa akin ang character ng isang tao. Hindi dapat nakabase ang pagkatao niya sa pinanggalingan niyang pamilya o sa perang di niya pinaghirapan. Lalong di dapat guwapo lang. Dapat kaya niyang magsumikap sa sarili niyang paraan."
"Hindi naman mataas standard mo. Kaso parang mahirap pa ring hanapin 'yan. Baka lalong walang manligaw sa iyo. Nakaka-intimidate ka kasi."
"Nai-intimidate ka sa akin?" tanong niya.
"No. I think you are a woman of character. Maswerte ang lalaking magugustuhan mo dahil secured siya. Hindi ka papayag na masaktan siya. Ako nga lang ipinaglaban mo."
"Kasi nga mahal kita," paalala niya sa pagpapanggap nila at tumawa.
Ngunit nanatili itong seryoso. "Gusto mo kapag nakabalik ka na ng Manila at okay na lahat sa amin ni Estrella, ireto kita sa kaibigan ko?"
Umiling agad siya. "No. Hindi na kailangan."
"Puro trabaho ka na naman? Malulungkot ako kapag wala kang love life. You need a man who will make you forget about work and who will make you smile."
Nakangiti niya itong pinagmasdan pero parang gusto niyang maiyak. As if there was a hollow inside her heart. Paano ay natagpuan niya ang lalaki na kaya siyang patawanin, nagpakita sa kanya kung paano i-enjoy ang buhay at kung paano mas mabuting tao. Pero hindi naman ito magiging kanya. Of course, he was in love with someone else. Ngayon ay parang ipinapasa siya nito sa ibang lalaki.
"Huwag mo nang isipin iyon. Mag-concentrate na lang tayo sa inyong dalawa ni Estrella. Bukas nasa city sila ni Kuya Ernest para sunduin ang parents ni Kuya. Galing pa kasi sila ng abroad. Tapos nagpapatulong din si Estrella na kunin ang mga give away sa shop at kung anu-ano pang kailangan sa kasal. Nagka-problem daw kasi schedule ang kaibigan niyang wedding planner."
"Sasamahan kita sa kabisera. Pero kung pwede sa morning sumama ka rin. Maglilinis ako ng simbahan kasama ang mga bata. Gusto kang makausap ni Tatay.”
“Bakit daw?”
“Gusto niyang malaman kung seryoso ka sa akin.”