Tinapik nito ang ibabaw ng ulo niya. “Sa palagay ko mabait kang bata. At sana kapag naging girlfriend ka na niya, ikaw na rin ang pakasalan niya. Mula nang makilala ka ni Arice, mas madalas na siyang ngumiti.”
“Lagi naman pong nakangiti si Arice. Lagi nga po niya akong pinapatawa.”
Umiling ito. “Kilala ko si Arice. Akala mo lagi siyang masaya pero malungkot ang mga mata niya. May isang babae na naging dahilan kung bakit walang ngiti sa mga mata niya. Pero mukhang ikaw ang magbabalik noon sa kanya.”
Hindi niya alam kung matutuwa o hindi. Maaring siya nga ang dahilan kung bakit bumalik ang ngiti sa mga mata ni Arice. Iyon ay dahil siya ang makakatulong para bumalik dito si Estrella. And she didn’t like the feeling.
“Paano po kung iyong babaeng dahilan kung bakit siya ngumingiti dati, siya pa rin ang nagpapangiti sa kanya ngayon?” tanong niya.
Umiling ito. “Imposible. Hindi siya mapapasaya pa ng babaeng iyon. Walang ibinigay ang babaeng iyon sa kanya kundi sama ng loob.”
“Paano po kung kahit na ilang beses na siyang nasaktan, iyon pa rin po ang babaeng mahal niya?” tanong niya.
Huminga ito ng malalim at malungkot na tumanaw sa malayo. “Bilang ama niya, mas gusto ko na piliin niya ang babae na kaya siyang pasayahin at ipaglaban. Marami nang pinagdaanang problema ang anak ko. Gusto ko naman may mag-alaga din sa kanya. Tama na ‘yung panahong minahal at sinaktan siya ng babaeng iyon. Pero wala naman akong magagawa kung sino ang babaeng piliin niya. Tayo pa rin ang pumipili ng sarili nating kaligayahan. Pero kung may pagkakataon, sana ikaw na lang ang piliin niya at mahalin mo ang anak ko.”
Hindi na niya magawang sumagot dahil ayaw naman niyang idamay pa ang pari sa pagpapanggap nila. Nakakakonsensiya naman na sa simbahan pa siya magsisinungaling. Alam naman kasi niya ang tungkol sa pakay ni Arice kay Estrella. At oras na matuloy ang plano nila ay tiyak na malulungkot si Padre Leon. Ayaw niyang dagdagan pa ang pag-asam nito na isang babaeng tulad niya ang magustuhan ni Arice.
Nate-tempt siyang sabihin dito ang totoo. Kailangan niya ng advice dahil kahit siya ay nalilito na sa nararamdaman niya. Isang bahagi niya ang nagpoprotesta tuwing gumagawa siya ng paraan para mapalapit si Arice kay Estrella. Pero ipinipikit na lang niya ang mga mata para sa Kuya Ernest niya.
Paano kung tama si Padre Leon? Paano kung kahit na makuha ni Arice si Estrella ay hindi pa rin ito maging masaya sa huli? Hindi ba’t parang siya pa ang nagpahamak dito? Tama bang isalalay niya sa kamay niya ang kaligayahan ni Arice?
Tinapik nito ang balikat niya. “Huwag mong dibdibin ang mga sinabi ko. Alam ko naman na kakikilala pa lang ninyo ni Arice. Hindi kita dapat i-burden sa kaligayahan niya.”
“Naiintindihan ko po kayo dahil tatay po kayo. At ako rin po gusto ko rin na makitang masaya si Arice. Sa ngayon po pabayaan po natin ang mga bagay-bagay. One day, things will fall into place.”
“Ayoko lang siyang gumawa ng bagay na pagsisisihan niya,” makahulugan nitong sabi at nilapitan na ang mga bata nang makitang parating na si Arice. Naging isang malaking palaisipan sa kanya ang mga sinabi ni Padre Leon hanggang makaalis na sila ni Arice papunta ng kapitolyo para sa mga wedding souvenirs.
Hinaplos nito ang pagitan ng mga kilay niya. “O! Lumilipad na naman ‘yang isip mo. Ano bang sinabi sa iyo ni Tatay?”
“Wala. Sana lang daw mahalin kita at huwag kang sasaktan. Nag-aalala pa rin siya sa iyo hanggang ngayon. Di kaya nararamdaman niya na may plano ka para mabawi si Estrella?” tanong niya dito.
“Nakokonsensiya ka ba na nagtatago tayo ng sekreto sa kanya? Maiintindihan din naman niya ito balang-araw. Di lang naman ito para sa amin ni Estrella. Para din naman ito sa Kuya Ernest mo, hindi ba?”
Kinagat niya ang labi. Ayaw niyang sabihin dito na ayaw ng tatay-tatayan nito kay Estrella. Subalit tiyak na masasaktan ito. Ayaw niyang magkaroon ng gap ang mga ito. “Malaki ka na. Alam mo na ang ginagawa mo. Gusto lang naman ng tatay mo na maging masaya ka na at huwag ka nang masaktan.”
“Huwag mo nang alalahanin iyon. Ako na ang bahala. Nararamdaman ko naman na gumagana ang plano natin. Things will fall according to plan. Don’t worry.”
Pinili niyang sumang-ayon na lang dito kahit may pangamba sa puso niya. Habang palapit sila ng palapit sa katuparan ng plano nila ay napupuno naman ng takot ang puso niya. Bakit parang sinasabi ng puso niya na mali ang ginagawa niya?
This was not her. Kapag nagplano siya, ibig sabihin ay desidido siya sa goal niya at titiyakin niyang matutupad iyon. Sa kauna-unahang pagkakataon ay parang ayaw na niyang ituloy ang plano nila. And she didn’t have any logical reason for it. Isang kahibangan lang ang naiisip niya – she was falling in love with Arice Braganza. At gusto niyang siya na ang mahalin nito at hindi si Estrella.
“NICE…” Hindi maalis ang tingin ni Riva sa mga wedding souvenirs na nasa salaming estante. Pumunta sila ni Arice sa wedding souvenir shop para i-check ang mga souvenir sa kasal nina Ernest at Estrella at i-pick up na rin ang mga iyon.
She was particularly enchated with the kissing swan couple glass sculpture. Sa ibabaw niyon ay nakasakay ang bagong kasal. It was cute and romantic.
Figurine naman na nakasakay sa swing ang napiling souvenir nina Estrella para sa kasal ng mga ito. Nakahilig ang bride sa balikat ng groom. Even that one made her feel light inside.
Hindi niya alam kung nadadala siya ng wedding fever. But this wasn’t like her. Ayaw nga niya ng mga kasal-kasal. Naiirita siya lalo na’t madalas pa siyang tanungin ng kamag-anak niya kung kailan siya ikakasal.
Kung normal na pagkatao niya ang pagbabasehan, dapat ay nilalait na niya ngayon ang souvenir na iyon. Baka nga ipaulit pa niya ang mga iyon dahil siya naman ang binilinan ng pinsan niya na mag-check para tiyakin na perfect ang mga souvenirs. And she just felt light and fluffy inside. At wala siyang balak kumontra.
“Ma’am, balikan na lang po ninyo ang order after four hours,” sabi ng staff na si Caloy. “Pasensiya na po, Ma’am.”
Tiningnan niya ang relo. Four hours. Masyado iyong matagal at baka gabihin na sila ng uwi. Ayaw niya sa lahat ay naghihintay ng matagal.
Nilingon niya sa Arice para sabihin dito ang delay na busy sa pagbubuklat ng clear folder para sa mga designs. “Sir, dito rin po kayo magpagawa ng souvenir para sa kasal ninyo ni Ma’am,” anang isa sa staff ng souvenir shop. “Magaling po ang designer namin at wala pong kapareho ang magiging souvenirs ninyo.”
Hinila siya ni Arice palapit dito. “Sweetheart, mamili ka ng magandang souvenir. Naiinggit na kasi ako sa pinsan mo. Parang gusto ko na rin magpakasal.”
Siniko niya ito. “Tumigil ka nga diyan.” Ngumiti na lang siya kay Caloy. “Babalik na lang kami after four hours. Sana naka-ready na para di kami gabihin.”
“Four hours. Saan tayo magde-date ng four hours?” tanong nito at hinawakan ang kamay niya habang palabas ng souvenir shop.
“Bake shop. Nagpapabili si Mama ng mga gagamitin niya sa wedding cake. Saan ba makakabili ng baking supplies dito?”
“Pwede nating lakarin kung gusto mo. May masarap ding restaurant sa tabi noon. Kung gusto mo ng native delicacies, tiyak na mag-e-enjoy ka,” yaya nito.
“Okay,” aniya at hinayaan itong hawakan ang kamay niya habang naglalakad sila sa kalsada. Parang natural na lang para dito na hawakan ang kamay niya. Hindi na siya naiilang. “I am starting to enjoy this. Ganito pala ang maghanda para sa kasal. Parang exciting. Ngayon lang kasi ako nag-participate sa pag-aasikaso ng kasal. It has a romantic air. Di ko maintindihan. Di naman ako interesado sa kasal.”
“Hindi naman matutuloy ang kasal na iyan pero excited ka,” sabi ni Arice at pinisil ang ilong niya. “Willing naman akong ibalik ang lahat ng nagastos sa kasal. Just tell your cousin when the right time comes.”