The Amorous Intruder (Filipino) Chapter 27

"ARICE, pwede pa akong gumawa ng paraan para magkita kayo ni Estrella. May dalawang araw pa bago ang kasal nila. Gusto kong bumawi sa iyo."

Hinaplos ni Arice ang noo nito. She looked tired and still hurt. Nakahiga ito sa kama sa kuwarto nito. Hanggang ngayon ay naninikip ang dibdib niya kapag nakikita ang benda sa kamay nito. Parang gusto niyang balikan sa kulungan si Alvin sa kulungan at gulpihin ito. "Riva, magpahinga ka na. Huwag mong isipin iyon. Ang importante magpagaling ka."

"Hindi ako matatahimik hangga't hindi ako nakakabawi."

Hindi niya alam kung sasakalin ito o hahalikan para tumahimik ito. Kanina pa ito paulit-ulit sa guilt trip nito. Puro Estrella pa rin ang bukambibig nito samantalang nanganib na nga ang buhay nito. Ganoon ba katindi ang concern nito sa pinsan nito para mas unahin pa nito ang plano nila kaysa sa sarili nitong buhay. Ayaw na nga niyang marinig ang pangalan ni Estrella. Kundi siya nagmadaling iwan si Riva para makipagkita dito, hindi sana ito malalapitan ni Alvin. Kaya pala parang ayaw niya itong iwan kanina.

Hindi siya umalis sa tabi ni Riva hanggang makatulog ito. Nilapitan siya ni Mildred, ang mama ni Riva. "Arice, tulog na si Riva. Kumain ka muna. Hindi ka na nakakain sa kababantay sa kanya."

Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa tabi ng kama. "Salamat po pero di naman po ako nagugutom. Pasensiya po sa gulo. Hindi ko po nabantayan si Riva."

Sana ay tiniyak muna niyang safe si Riva. Napahamak na nga ito ay iniisip pa rin nito ang tungkol kay Estrella. Lalo lang tuloy siyang nagagalit sa sarili niya. Responsibilidad pa rin niya si Riva. Siya ang sumundo dito at nagpaalam sa nanay nito. Hindi niya ugaling pabayaan ang isang babae na mapahamak.

Hinawakan nito ang balikat niya. "Walang naninisi sa iyo. Kasalanan iyon ng Alvin na iyon. Marami na pala siyang nabiktimang babae. Kundi lang kasal ni Ernest, gusto ko nang iuwi ang anak ko. Nag-aalala ako sa kanya. Ayaw pa niyang umuwi. Gusto daw niyang nandito kapag ikinasal si Ernest. Ayaw daw niyang alalahanin siya ng pinsan niya. Gusto niyang magmukha pa ring normal ang lahat. Mahal talaga niya ang pinsan niya." Saka nito nag-aalalang tiningnan ang nahihimbing na si Riva.

"Ma'am, babantayan ko po siya habang nandito po siya. Hindi na po siya malalapitan ni Alvin." Nag-hire na siya ng mga taong magbabantay dito. Kung pwede lang ay huwag na itong lapitan pa ng ibang lalaki para tiyak na hindi ito mapahamak. Hindi rin niya kailangang isugal ang kaligtasan nito para makuha si Estrella. Ang problema lang ay ayaw nitong makinig.

"Salamat sa pagmamalasakit sa kanya. Laging gustong ipakita ni Riva sa lahat na matapang siya at malakas. Ayaw niyang aminin kapag natatakot siya o nasasaktan. Gusto niya masasandalan siya ng lahat at ayaw niyang makakaabala sa iba. Mabuti nga pumayag siya na ikuha mo siya ng bantay."

Naninikip ang dibdib niyang nilingon si Riva. "Importante po sa akin si Riva. Kaya po ipanatag po ninyo ang loob ninyo. Hindi ko po hahayaang may mangyari pang masama sa kanya." Siya na lang ang bahala sa kasal nina Ernest at Estrella. Hindi na nito kailangan pang alalahanin ang bagay na iyon.

Di nagtagal ay nagpaalam na rin siya. Kailangan niyang makipag-usap sa abogadong hahawak ng kaso ni Riva laban kay Alvin. Ang importante ay safe si Riva ngayon.

Pababa ng sala ay nakita niyang nakaabang si Doña Guada sa baba ng hagdan. "Kung bakit kasi ikaw ang pinili niya kaysa kay Alvin. Napahamak tuloy siya," pagpaparinig nito nang makababa siya.

Mahigpit niyang hinawakan ang balustre ng hagdan bago pinakawalan iyon. Malas at salot ang tingin nito sa kanya. Ugali na nitong isisi sa kanya ang lahat ng masamang nangyayari sa paligid niya. "Señora, kilabutan naman po kayo sa sinasabi ninyo. Mas pipiliin ninyo ang taong may pangalan at pera kahit maitim ang budhi? Hindi na po ako magtataka kung bakit naging miserable si Estrella sa buhay na pinili ninyo para sa kanya dati."

Napamaang nito. Hindi marahil nito inaasahan na tatalampakin niya ito. Hinayaan niya ito noon na kontrolin si Estrella. Pero hindi niya ito hahayaan sa pagkakataong ito kay Riva. "Aba! Ano bang ipinagmamalaki mo?" angil nito.

Isang mapang-uyam na ngiti ang ibinigay niya dito. “Magpasalamat po kayo na hindi narinig ng pamilya Riva ang mga pananaw ninyo. Baka matakot silang maging parte kayo ng pamilya nila. Baka biglang iurong ni Ernest ang kasal. Tumitingin lang kayo sa bulsa ng isang tao. Wala kayong pakialam kung mapapahamak kayo sa kanya o hindi. Mabuti na lang hindi kayo ang nanay ni Riva."

Naniningkit ang mata siyang dinuro nito. "Anong pinaplano mo? Sisiraan mo ako sa pamilya ni Ernest para hindi matuloy ang kasal nila?”

Ngayon lang niya ito nakitang takot na takot. Takot itong masira ang mga plano nito. Si Ernest nga naman ang tiket nito para makaahon sa kahihiyan at kahirapan. "Wala po akong plano. Gusto ko lang pong magpaalam na mas madalas ninyo akong makikita sa mga darating na araw dahil kay Riva. Goodnight," pormal niyang wika at lumabas na ng mansion. Hindi na niya gustong magtagal pa doon dahil parang sinasakal siya.

Pasakay na siya ng kotse nang may tumawag sa kanya. “Arice!” Tumakbo palapit sa kanya si Estrella. "Arice, pwede ka bang makausap?"

Tumingala siya at pumikit. This was not the right time. "Next time na lang. Pagod na ako,” aniya sa malamig na boses.

"Hindi mo ako sinipot sa usapan natin kanina,” may halong tampong sabi nito.

"Kailangan ako ni Riva." Hindi na lang niya sinabi na papunta na siya dito nang tawagan siya tungkol sa panggugulo ni Alvin dito. Hindi niya alam kung bakit samantalang kahit kaunting pakonswelo naman ay pwede niya itong bigyan.

Yumuko ito. "Ngayon lang nangyari na mas inisip mo ang ibang tao kaysa sa akin. Mas mahalaga siya sa iyo?" mahina nitong tanong at dahan-dahang inangat ang mga mata.

Direkta niyang tiningnan ang malungkot nitong mga mata. "Yes."

Parang natural lang sa kanya na sabihin iyon. Wala iyong halong pagkukunwari. Kanina nang sabihin sa kanya ng kaibigan na niya na ginugulo ni Alvin si Riva, kinalimutan na niya nang tuluyan si Estrella.

Lalo itong naluha. "Hindi mo na ba ako mahal?"

"Ikakasal ka na,” paalala niya dito.

Sinapo nito ang sariling dibdib. "Naguguluhan ako. Desidido na talaga akong pakasalan si Ernest. Hindi kasi ako siguro kung mahal mo pa rin ako. Mula nang makita kitang kasama si Riva, hindi ko na alam kung tamang ituloy ang kasal ko."

Nagsalubong ang kilay niya. "Akala ko ba mahal mo siya?"

Itinaas nito ang baba. "Paano kung ikaw ang mas mahal ko?"

Hindi agad siya nakasagot. Nakakakita na siya ng pag-asa ngayon. Pero bakit parang wala doon ang loob niya sa pag-uusap nila? Napaghandaan na niya ito. Alam na niya kung anong dapat niyang sabihin. Parang nabura iyon lahat dahil sa pag-aalala niya kay Riva.

Kinuyom niya ang palad. "Kung mahal mo ako, magkita tayo sa bisperas ng kasal mo. Alas siyete ng gabi sa malaking bato malapit sa bahay ko. Sumama ka sa akin. Lalayo tayo dito. Kung hindi ka darating, ibig sabihin hindi mo ako mahal.”

“Iiwan mo si Riva?” Nagningning ang mga mata nito siyang pinagmasdan at pinagsalikop ang palad. “Ilalayo mo talaga ako dito? Ako talaga ang mahal mo, di ba?”

Pinagmasdan lang niya ito. Hindi niya alam kung anong nagbago pero ito pa rin naman ang Estrella na mahal niya. Bakit parang wala na siyang espesyal na nararamdaman habang kaharap ito? Bakit hindi niya matiyak dito na ito nga ang mahal niya?

Huminga siya ng malalim. “Sa bisperas ng kasal mo…”

Tumango lang ito at di inalis ang tingin sa kanya hanggang makasakay na siya ng kotse niya. Parang sinasakal pa rin siya nang pasibarin iyon palayo. Saan ba may nagbago? Bakit nang mga oras na iyon ay hindi si Estrella ang nakapangyayari sa isip niya kundi si Riva? At wala iyong kinalaman sa mga plano nila na paghiwalayin sina Estrella at Ernest.

Kung malalaman lang sana niya kung bakit.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.