The Amorous Intruder (Filipino) Chapter 5

Yakap ni Riva ang sarili habang pinapanood ang pagkakatuwaan ng mga trabahador ng Villa del Carmen. Nakikikanta ang kapatid niyang si Emarie at si Renzie sa mga nakapaikot sa bonfire habang masaya namang nakikipag-kwentuhan ang nanay niyang si Mildred sa mga kababaihan doon at nakikipag-palitan ng recipe. At home na at home ang mga ito sa hacienda habang siya ay parang sinisilihan doon mula nang tumapak siya. Siguro ay dahil nararamdaman ng lupaing iyon na ayaw niya sa nagmamay-ari niyon – kay Estrella.

Kinukwentuhan ni Estrella ang mga batang anak ng mga trabahador. Mukhang feel na feel nito ang pagiging nanay. Hindi niya alam kung paano makakahanap ng ibubutas dito dahil perpekto ito sa paningin ng lahat. Nakita rin niya kung paano nito asikasuhin ang pinsan niya. She hated to admit it, pero ito ang pinakamalambing sa lahat ng nobya ng pinsan niya. Nakuha na rin nito ang loob ng pamilya niya at maging si Renzie.

“Bakit hindi ka nakikihalo sa kanila? Huwag mong sabihing trabaho pa rin ang iniisip mo?” untag sa kanya ng Kuya Ernest niya.

Mahina siyang tumawa. “Hindi naman maiiwasan.” Sa loob ng limang taon ay naging buhay na niya ang trabaho niya sa El Rio Realty. Iyon ang maliit na real estate company ng Papa niya na napalago nilang magpinsan.

Inakbayan siya nito at pinisil ang balikat niya. “Masyado mo namang dinidibdib na i-turn over sa iyo ang pamamahala sa El Rio. Aba! Hindi ka na nakapagbakasyon mula nang pumasok ka sa El Rio. Ni hindi ka nga nakikipag-date. Paano ka makakapag-asawa niyan?”

“Mahirap maghanap ng katulad mo, Kuya,” sabi niya at pinisil ang braso nito.

“Come on. You give me too much credit. Pero gusto ko lang ipaalala sa iyo na hindi dapat masyadong seryoso sa buhay. Go out and date. Enjoy life. Aanhin mo pa ang mga pinaghihirapan sa buhay kung hindi mo nae-enjoy? Hindi mo naman kailangang humanap ng kasing guwapo ko. Ang gusto ko lang naman may lalaking mag-aalaga sa iyo at magmamahal sa iyo. Iyong hindi ka hahayaang magutom at irerespeto ka rin.”

“Kung may mahahanap akong ganoong lalaki o kung may dadating man, saka na kapag gamay ko na ang pagpapatakbo ng El Rio.”

Huminga ito ng malalim. “Surely, hindi malulugi ang kompanya kung magde-date ka o mag-aasawa. You are a smart woman. Pero may iba ring parte ng buhay kang kailangang pagtuunan. Hindi ang El Rio ang buong buhay mo. Maraming mas importanteng bagay kaysa pera. At kapag natagpuan mo iyon, pakiramdam mo kumpleto na ang buhay mo,” sabi nito at lumingon kay Estrella. Naramdaman marahil ni Estrella na nakatingin si Ernest dito kaya tumingin ito sa direksiyon nila at ngumiti saka bumalik sa pagkukwento sa mga bata.

At that moment, Estrella almost made her believe that she loved her cousin. Na hindi lang pera ang habol nito. But she knew better. Pakakasalan nito ang pinsan niya para mabawi ang Villa del Carmen.

Napadpad ang pinsan niya sa Villa del Carmen dahil interesado itong bilhin iyon. Lugmok na ang hacienda. Nag-alisan na ang maraming trabahador kaya maraming parte niyon ay masukal na, napabayaan na ang magarang mansion at malapit nang ilitin ng bangko.

Isang buwan lang na nawala si Ernest pero pagbalik nito ay kasama na nito si Estrella at ipinakilala bilang nobya nito. Ito na rin ang magbabayad ng utang sa bangko para matubos ang Villa del Carmen at iregalo kay Estrella sa kasal nito. isang buwan lang din ang naging paghahanda sa kasal kaya nataranta siya. Wala pang babaeng inalok ang pinsan niya na pakasalan at ganoon kabilis.

“Malapit nang mag-alas nuwebe. Oras na para matulog, mga bata,” sabi ni Estrella. Kalong na nito ang isang batang nasa dalawang taong gulang na nakatulog habang nagkukwento ito. “Aling Isay, nakatulog na po si Ben-Ben.”

“Salamat po, Señorita. Kayo lang po nakakapagpatulog sa kanya nang di nagmamaktol. Kapag po may anak na kayo ni Sir Ernest, siguro po mas magiging mabuting nanay po kayo. Magaling po kasi kayong mag-alaga ng bata,” sabi ni Aling Isay.

“Gusto ko na ngang magkaroon agad kami ng anak, Aling Isay,” sabi ni Ernest at kinintalan ng halik sa noo si Estrella. “Kung pwede nga kambal agad. Hindi na rin kami bumabata.”

“Bago kayo magkaanak, gusto muna naming maka-bonding si Ate Estrella,” singit ng kapatid niyang si Emarie at hinila ang kamay ni Estrella. “Ate, kukwentuhan mo pa kami tungkol sa love story ng mga ninuno mo, di ba?”

“Sasali na ako diyan,” sabi naman ng nanay niya. “Hindi rin naman ako makatulog kagabi dahil sa mga kwentuhan ninyo. Aba’y sasali na ako at marami rin akong maise-share na love story. Hindi pa ninyo alam ang kwento sa amin ng asawa ko. Naku! Kikiligin kayo.”

“Ay! Gusto ko ring sumali,” anang si Renzie. “Walang tulugan ‘to.”

“Pass muna ako,” sabi niya at humikab. “Wala pa akong tulog mula kagabi.”

“Huwag kang killjoy,” babala ng Kuya Ernest niya. “Kapag hindi ka sumali sa kwentuhan nila, ako ang sasali sa girl bonding nila.”

Nag-angalan ang lahat. “Ayoko, Kuya. Malalaman mo ang sekreto naming mga girls,” angal ni Emarie at hinila siya nito. “Ate, wala kang kawala. Kung hindi i-spoil ni Kuya ang kwentuhan namin.”

Wala siyang nagawa kundi sumama ang mga ito sa malawak na guestroom na nasa kabilang wing ng mansion. Sadyang ipinagawa daw iyon para sa mga guests. May apat na kama ang naturang guestroom na dati daw silid ng mga tiyahin ni Estrella. Nasa ibang bansa na ang pamilya ng mga ito at di na bumalik ng Villa del Carmen. Pinagdikit nila ang dalawang kama at kanya-kanyang pwesto ang mga ito. Pinili niyang humiga sa isa pang bakanteng kama dahil wala talaga siya sa mood makipagkwentuhan. Gusto na niyang magpahinga dahil di naman siya nakatulog sa maghapon. Hindi welcome ang pakiramdam niya sa Villa del Carmen.

“Ate Estrella, kilala mo ba si Arice?” pambungad na tanong ni Renzie.

“Arice?” gulat na tanong ni Estrella.

Bigla siyang bumangon nang mabanggit si Arice. Hindi niya alam kung bakit biglang nawala ang antok niya nang mabanggit ang pangalan nito. She suddenly felt a warm flush on her face at parang bigla niyang naamoy ang pabango nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.