The Amorous Intruder (Filipino) Chapter 7

“Pakakasalan niya ang lalaking iyon na kailan lang niya nakilala? Para saan? Para mabawi niya ang Villa del Carmen. Inalok ko naman siya na tubusin ang hacienda. Gagawin ko iyon dahil mahal ko siya pero hindi niya tinanggap. Ganoon pa rin ba kababa ang tingin niya sa akin at ng pamilya niya?” mapait na usal ni Arice habang kausap ang mga kababata niyang sina Dindo at Vergel.

“Pare, sabi ko naman sa iyo noon na humanap ka na lang ibang babae. Alam mo naman na nasa pamilya pa rin niya ang katapatan ni Señorita Estrella,” sabi ni Vergel at nilagyan ng rice wine ang baso niya. “Importante pa rin sa kanila ang pangalan ng mga del Carmen.”

Pawang mga trabahador ang mga ito maging ang mga asawa nito sa Villa del Carmen. Ang mga ito ang nagbabalita sa kanya ng nangyayari kay Estrella. Estrella was her first love. No. Ito ang nag-iisang babaeng minahal niya. Mula sa pagiging isang busabos ay nagsumikap siyang umangat sa buhay para maging bagay kay Estrella at sa pagiging del Carmen nito.

Nang unang beses ay inilayo ito ng pamilya nito sa kanya dahil wala siyang maipagmamalaki. Kundi sa pari ng simbahan na umampon sa kanya ay baka palaboy pa rin siya hanggang ngayon at walang direksiyon ang buhay. Anak siya ng isang prostitute at ng isang manggagantso. Lulong sa alak at sugal ang mga ito. Lumaki siya na nagsasakitan ang mga ito at nagmumurahan. Sa edad na tatlong taon ay natuto siyang dumiskarte sa buhay para may makain. Pitong taon siya nang iwan siya ng mga ito sa kubo nila sa gitna ng bukid. Nangibang-bayan na ang mga ito at di na marahil kaya pang pasanin ang responsibilidad sa kany.

Inampon siya ng mga pari sa simbahan at lumaki sa simbahan. Doon niya madalas makita si Estrella, ang nag-iisang anak na babae ng mga del Carmen, isa sa pinakamayaman sa bayan nila. Naging magkaklase sila noong high school. Iilan lang ang kaibigan niya dahil pinapalayo ang ibang bata ng mga magulang nito sa kanya. Pero lihim siyang kinaibigan ni Estrella. Binibigyan siya ng pagkain na baon nito o kaya naman ay pinapahiram siya ng libro dahil hilig niyang magbasa. Nang disisiete anyos na sila ay naging nobya niya ito. Patago lang ang relasyon nila dahil tiyak na magagalit ang pamilya nito.

Nang magdisiotso ito ay itinakda na ang kasal nito kay Macario Guerrero na mula sa mayayamang angkan sa bayang iyon. Baon kasi sa utang ang pamilya nito dahil hindi maayos ang naging pamamalakad ng Villa del Carmen ng namayapa nitong ama. Si Estrella ang pambayad sa utang.

Nagplano silang magtanan subalit natuklasan ng mga magulang nito ang relasyon nila. Matapos siyang ipagulpi ng mga tauhan ng mga del Carmen ay ipinadala siya ng ama-amahang pari sa Maynila. Ikinuha siya nito ng scholarship para mag-aral. Umalis man siya pero ipinangako niya sa sarili na babalikan niya si Estrella sa pamilya nito. Magpapayaman siya dahil alam naman niyang pera lang naman ang nakakapagpabago ng tingin ng iba sa isang tao. Pera lang ang nagpapaikot sa mundo.

Dahil kasal si Estrella kay Macario ay saglit itong nawala sa isip niya. Pinagbutihan niya ang pag-aaral hanggang makatapos siya ng college. Habang nag-aaral ay nagtatrabaho siya kaya kinuha agad siya ng isang international company at ipinadala sa abroad. Anim na taon din siyang namalagi doon. Nang makaipon ng pera ay nagtayo siya ng sariling construction company kasama ang isang kaibigan. Pero hindi niya kinalimutan si Estrella.

Nang malaman niyang nabiyuda ito at nag-iwan ng maraming utang ang asawa nito kasama na ang pagkakasanla ng Villa del Carmen sa bangko ay nag-alok siya ng tulong. Maingat siya dahil hindi pa rin siya tanggap ng pamilya nito. Naghihirap na ang mga ito ay nasa ere pa rin.

Binigyan niya si Estrella ng panahon na mag-isip. Ilang buwan din siya sa abroad dahil may inasikaso siyang project doon. Pagbalik niya ay nalaman na lang niyang ikakasal na si Estrella sa lalaking kakikilala pa lang nito. Pakana na naman ba ito ng pamilya ni Estrella para ilayo ito sa kanya? Ganoon ba ka-sagrado ang pangalan ng mga del Carmen para mabahiran ng tulad niya. Wala namang natitira sa mga ito maliban sa pangalan at pride.

“Sa palagay ko mahal talaga ni Señorita Estrella si Sir Ernest,” hula ni Dindo na ngata ng ngata ng pulutan. “Iba sila kapag nagtinginan. Saka mabait si Sir Ernest. Hindi katulad ng unang asawa ni Señorita na halimaw.”

“Mabait din naman si Macario noong una, di ba? Nang tumagal-tagal at nagumon na sa sugal at alak saka lang naman naging halimaw iyon,” sabi ni Vergel.

“Magaling sa negosyo si Sir Ernest saka marunong makisama. Kaya nga bumalik ang ibang trabahador sa Villa del Carmen dahil nalaman na siya na ang mamamahala at hindi na si Señora Guada,” tukoy nito sa ina ni Estrella. “Mabuti nga nasa abroad pa siya ngayon kaya masaya sa Villa del Carmen. Basta wala akong reklamo kay Sir Ernest. Ayos siya.”

Matalim niya itong sinibat ng tingin. “Sino ba ang kaibigan mo? Siya o ako?”

Tinapik ito ni Vergel sa balikat. “Igan, di naman isyu ng pagkakaibigan iyan. Ang ibig sabihin ni Dindo, baka naman mahal talaga ni Señorita Estrella si Sir Ernest. Di naman malayong mangyari dahil guwapo at mabait.”

Isang beses pa niyang tinungga ang alak. “Kahit na ano pa siya, alam ko na ako pa rin ang mahal ni Estrella. Pupuntahan ko siya. Kailangan naming mag-usap.” Tumayo siya at hinarap ang direksiyon papuntang Villa del Carmen. Ang bahay ni Vergel ay nasa likurang bahagi lang ng Villa del Carmen. Ilang metro lang mula doon ay tanaw na ang mansion ng mga del Carmen. “Doon pa rin ba si Estrella sa dati niyang kuwarto?”

“Oo. Ipinasara na niya ang kuwarto nila ng dati niyang asawa. Gagawin na daw guestroom iyon,” sagot ni Dindo. “Huwag mong sabihing aakyatin mo iyon?”

Nakangisi niya itong nilingon. “Ito lang ang paraan na makakausap ko siya ng walang nang-aabala. Katulad ng dati.”

“Pero lasing ka,” sabi ni Vergel at hinabol siya.

“Hindi ako lasing.” Dahil sa mga magulang niya ay natuto siyang ilagay ang alak sa tiyan at hindi sa ulo. Alam niya kung kailan titigil sa pag-inom para mapanatiling malinaw ang isipin niya.

Noong bata pa siya ay umaakyat siya sa silid ni Estrella para sorpresahin ito. It was like a little game. Paraan niya iyon para ipakita dito na kaya nilang lusutan ang mga magulang nito.

Nang lumapit siya sa silid ni Estrella ay lalong lumapad ang ngiti niya nang makitang bukas ang pinto ng balkonahe nito. Sumasayaw ang puting kurtina na parang nag-aanyaya na puntahan niya ito.

Hinihintay siya ni Estrella. Nararamdaman niya iyon. Sa gabing iyon ay patutunayan niyang siya ang mahal nito. Titiyakin niyang wala itong ibang lalaking pakakasalan at gugustuhing makasama habambuhay kundi siya lang.

Nang umakyat siya sa puno na magiging tulay niya para makasampa sa balkonahe ay nagsimulang magtago ang buwan sa likod ng mga ulap. Ngumisi siya. Kabisado niya ang balkonahe na iyon. Walang kahirap-hirap siyang tumalon sa balkonahe at sa mahinang bagsak ng paa ay natiyak niya na ligtas siyang nakasampa. Hinawi niya ang kurtina at natambad sa kanya ang four-poster bed nito. Mahimbing na natutulog doon si Estrella.

Parang piniga ang puso niya. Di niya magawang lumapit dito at piniling tumayo sa gilid ng silid. Ayaw niyang magising ito.

Wala pa ring nagbabago. Pakiramdam niya ay bumalik siya sa pagiging bata. Walang mahalaga sa kanya kundi makasama si Estrella. Hindi na siya pwedeng mabigo sa pagkakataong ito. Nakasalalay dito ang kaligayahan nila.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.