The Amorous Intruder (Filipino) Chapter 8

ITINAAS ni Riva ang kumot hanggang sa leeg niya at niyakap ng mahigpit ang unan. Lumamig ang simoy ng hangin at naalimpungatan siya sa pagaspas ng dahon at sanga mula sa puno malapit sa kuwarto niya. Madilim na ang silid dahil wala nang buwan na tumatanglaw sa gabi. Mukhang natakpan na iyon ng ulap.

Bumaba siya ng kama at naglakad papunta sa balkonahe. Isinara niya iyon. Saka niya naramdaman na may kakaiba sa paligid. Parang hindi na siya nag-iisa. Pabalik na siya ng kama nang makita niya ang anino sa isang parte ng silid. May lalaking dahan-dahang lumalapit sa kanya.

Sisigaw sana siya nang ilapat nito ang hintuturo nito sa labi niya. “Shhhh… huwag kang matakot. Si Arice ‘to.”

Her breath hitched. “Arice?”

Anong ginagawa nito sa kuwarto na iyon? Naroon ba ito para singilin siya sa mga itik? Pero bakit kailagan nitong pasukin ang kuwarto niya?

Hinaplos ng daliri nito ang kurba ng labi niya. “Alam kong matagal na panahon mo akong hinintay na bumalik sa iyo. Nandito na ako para patunayan na tayo ang para sa isang isa’t isa. Naalala mo ba ang pangako ko sa iyo?”

“Anong pangako?” tanong niya kasabay ng mabilis ng pintig ng puso niya.

Ano bang nangyayari sa kanya? Parang wala siya sa mundo ng realidad. Siguro nga ay hindi ito realidad kundi panaginip. Marahil nga ay panaginip nito. Subalit anong ibig nitong sabihin? Paanong matagal na niya itong hinihintay? Nagkakilala na ba sila ni Arice sa nakaraang buhay nila? soulmates ba sila? Kaya ba di niya magawang magkainteres sa ibang lalaki dahil ito ang hinihintay niya?

Di siya nagpapapaniwala sa mga reincarnation at soulmates. Minsan nga ay nawi-weird-uhan pa siya sa konsepto ng pag-ibig dahil di pa niya nararamdaman. But what the heck. This was just a dream. Baka wala rin itong kahulugan. Pero ngayon lang siya nagkaroon ng ganitong klaseng panaginip.

“Na babalik ako para mahalin ka habambuhay. Tinupad ko ang pangako ko. Bumalik ako. Kaya mula ngayon poprotektahan kita at pagsisilbihan. Patutunayan ko rin sa iyo na ako ang mahal mo. Hindi mo na kailangan pang pakasalan ang lalaking hindi mo mahal. Ako ang mahal mo.”

Pakiramdam niya ay isa iyong eksena sa pelikula. Dahan-dahang lumapit ang labi nito sa kanya. Nararamdaman niya ang mainit nitong hininga at naramdaman niya na lumapat ang likod niya sa dingding. Ipinikit niya ang mata at hinayaan itong angkinin ang labi niya. It was just a dream. No harm.

Maingat nitong inangkin ang labi niya. His lips tasted like wine and a man. Parang idinuduyan siya sa halik na iyon. A kiss that she could fall in love with. Maingat na maingat ito. She didn’t feel violated. Baka nga sa dati niyang buhay ay minahal niya ito.

“Estrella…Estrella…”

Estrella? Bakit napasok sa usapan ang bruhang pakakasalan ng Kuya Ernest niya? Kahit kailan talaga kahit sa panaginip ay kontrabida ang babaeng iyon. Panaginip o hindi, iyon ang pinakamalaking insultong natanggap niya sa buhay niya- ang tawagin siya sa pangalan ng ibang babae. Sa dinami-dami ng babae ay sa pangalan pa ng babaeng kinaiinisan niya.

Awtomatikong lumipad ang palad niya at dumapo sa mukha nito. “Hayup ka. Hindi ako si Estrella. Ako si Riva,” angil niya.

Parang biglang itong nagising sa panaginip na iyon. Sakto namang sumilay ang buwan mula sa pinagtataguan nito at bahagya siyang tinamaan ng liwanag. “R-Riva? Ikaw ‘yung pinsan ng mapapangasawa ni Riva?” Sinapo nito ang noo sabay nasabunutan ang sarili. “I am sorry, Miss. Akala ko…”

Nagsimulang gumapang ang mainit na hangin sa himaymay ng laman niya. First, she felt violated. Pinasok nito ang kuwarto niya at hinalikan siya. Pangalawa, pakiramdam niya ay nainsulto siya. Hinalikan siya nito sa pag-aakalang iba siyang babae. Daig pa niya ang sinampal. Wala pang lalaking gumawa ng ganoon sa kanya. At titiyakin niya na tuturuan niya ito ng leksiyon.

“Hayup kang maniac ka!” aniya at nagpakawala ng suntok na nailagan naman nito. “Akala mo ba palalagpasin ko ‘tong ginawa mo?”

“Miss, madilim kasi kaya hindi kita nakilala. Saka anong ginagawa mo dito? Hindi mo naman ‘to kuwarto…”

Naputol ang sasabihin nito nang magpakawala siya ng sipa at tinamaan ito sa sikmura. Bumagsak ito sa sahig. Itinukod niya ang tuhod sa sikmura nito at idiniin ang dalawang kamay sa balikat nito para hindi ito makagalaw.

Naggiyagis ang ngipin niya dahil sa panggigigil. Tuluyan na niyang binura sa isipan ang pagiging soulmates nila o ang masarap nitong halik. Those were just crap.

“Alam mo ba kung anong gagawin ko sa iyo? Papatayin kita. Puputulin ko ang kaligayahan mo. Tingnan ko lang kundi mo pagsisihan ang ginawa mo sa akin.”

Hindi niya nakitaan ng takot ang mga mata nito. Sa halip ay ngumiti pa ito na parang sinasabi na wala siyang ipinagkaiba sa ibang babae. Na makukuha siya nito sa simpleng ngiti lang. “Miss, baka naman pwede nating pag-usapan natin ito ng maayos. It was no big deal. No real harm done. It was just a kiss.”

“No big deal. At anong pag-uusap ang gusto mo? Na isipin ko na lang na hinalikan mo ako at bayad na rin ako sa mga itik ni Lolo Taboy, ganoon ba?”

“I don’t remember you complaining to my kisses.”

Nag-init ang mukha niya at lumuwag ang pagkakatukod ng tuhod niya sa sikmura nito. “Dahil akala ko panaginip lang iyon.”

Idinipa nito ang mga kamay. “Wow! Ang swerte ko naman.”

Nagulat na lang siya nang biglang yumakap ang mga kamay nito sa katawan niya at sa isang iglap ay siya na ang nakahiga sa sahig at ito na ang nasa ibabaw niya. Nahigit niya ang hininga at nanlaki ang mata niya. “Paanong…”

“Shhh…” anito at pinigilan ng daliri ang labi niya. Saka niya narinig ang mga paparating na yabag. Kasunod niyon ay ang pagkatok sa pinto ng Kuya Ernest niya.

“Riva, anong nangyayari sa iyo diyan?” tanong nito.

Binigyan niya si Arice ng nagbababalang tingin. Isusumbong ba niya ito at hihingi ng tulong sa pinsan niya? May violation ito.

Parang nabasa nito ang tinatakbo ng utak niya. “Kung malalaman nilang nandito ako sa kuwarto mo, tiyak na ipapakasal nila tayo. Gusto mo bang mangyari iyon?” babala nito.

Nakuyom niya ang palad. Iba nga pala ang tradisyon sa lugar na iyon. Out of this world minsan. Ayaw niyang makasal sa impaktong ito. Over her dead body.

“Okay lang ako, Kuya. Nahulog lang ako sa kama dahil nakikipagbuno ako sa isang halimaw sa panaginip ko. Pero okay na ako ngayon. Matutulog na ako,” sigaw niya. “You don’t have to worry.”

“Okay. Goodnight, sweet pea.”

Saka niya narinig ang papalayong yabag ng pinsan niya. Matagal na sandali silang di gumalaw ni Arice. Nang matiyak nilang nakabalik na ang Kuya Ernest niya sa kuwarto nito ay pareho nilang pinakawalan ang pinipigilang hininga.

“Salamat dahil hindi mo ako isinumbong,” sabi nito.

Hinatak niya ang T-shirt nito palapit. “Huwag mo akong pasalamatan dahil ako mismo ang kakastigo sa iyo. Pero gusto ko sagutin mo ako ng matino. Anong ginagawa mo dito?” Pilit niyang kinontrol ang lakas ng boses para hindi marinig ng Kuya Ernest niya.

“Definitely not to rape you or molest you. You are not my type.”

“At mas lalong di ako interesado sa maniac na tulad mo.”

Huminga ito ng malalim. Umalis ito sa pagkakadagan sa kanya. “Hindi ako maniac. Mag-usap tayo ng matino. Hindi mo kailangang mag-eskandalo ngayong na-establish na natin na di tayo interesado sa isa’t isa. Nandito ako para sa babaeng mahal ko.” Direkta siya nitong tiningnan sa mga mata. “Si Estrella.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.