The Last Will Series 1 - 4 Chapter 11

SA KABILA ng pagprotesta ay napapayag rin ni Mandy si Rolf na makauwi siya sa condominium unit niya. Dinahilan niya na hindi siya komportable na matulog sa unit nito kahit madalas siyang pumupunta roon. Iyon nga lamang, sa pagpayag nitong makabalik siya ay nanatili pa rin ito. Pakiramdam tuloy niya buong gabi ay hindi pa rin siya komportable kahit nasa sariling unit niya naman siya.

Kailangan niya ng pahinga pero sa isipin na naroroon lamang ang lalaking laman palagi ng isip niya simula nang makilala niya ito ay nagpagulo sa damdamin niya. Nasa couch ito sa loob ng kuwarto niya dahil hindi niya pinayagan na magtabi sila. Pero pinagsisihan ni Mandy ang desisyon na iyon buong gabi. She longed for Rolf. Gaano man itanggi ng isip niya ay sabik na sabik naman ang kanyang puso na makatabi at mayakap ito.

Pinairal ni Mandy ang pride at iyon ang napala niya. Pakiramdam niya ay lumulutang siya. Hindi siya nakatulog. Sandaling umalis si Rolf sa unit niya dahil may kailangan lang daw asikasuhin ito saglit. Gustong kuhanin ng pagkakataon iyon ni Mandy para matulog pero hindi niya pa rin maggawa. Hanggang sa may mag-door bell muli sa unit niya ay hindi pa rin siya maging matagumpay.

Nakabalik na si Rolf at lahat pero ganoon pa rin ang sitwasyon niya. Hindi sigurado ni Mandy kung kaya pa niyang itago ang sitwasyon.

“Adrien...” bahagyang nagulat naman si Mandy nang makitang hindi si Rolf ang nasa labas.

Napaka-observant ni Adrien dahil nahalata agad nito ang pinagdadaanan niya. “Hey, is there something wrong? You looked bad. Nakatulog ka ba kagabi?”

Hindi na naggawang magsinungaling ni Mandy. Tumango siya.

Napamura si Adrien. “Pinabayaan mo ang sarili mo! I knew it! Hindi dapat talaga kita hinahayaan na mag-isa.” Pumasok na si Adrien sa unit. Hinawakan siya nito at halos buhatin na papunta sa kuwarto.

“Sleep,” mariing utos nito.

“Hindi ko maggawa. I-I think I need someone---“

Kumunot ang noo ni Adrien. “Ano? Sino?!”

Napakagat-labi si Mandy. “I-I think I need a human pillow, Adrien.” And I need that to be Rolf.

May malaking unan si Mandy sa unit niya. Sanay kasi siya talaga na may kayakap na unan habang natutulog at tila mas lumaki pa ang pangangailangan niya ng ganoon ngayong nagbubuntis siya. Gusto niya na palaging may kayakap pero sadya yatang maraming pag-iinarte ang buntis. Kung dati ay kontento na lamang siya sa unan, ngayon ay may hinahanap na iyong tao. Sanay pa man kasi siya na yakapin na parang unan noon si Rolf. Nami-miss niya ang mga panahong magkatabi sila sa kama. Na pagkatapos ng pagniniig nila ay ihihiga niya ang ulo sa dibdib ni Rolf at mabilis siyang makakatulog. At pagkagising niya ay mabubungaran niya guwapong mukha nito na nagbibigay ng paru-paro sa kanyang tiyan, nagpapakiliti sa kanyang puso at nagpapaganda ng ngiti sa kanyang mga labi.

Gusto ni Mandy na maging libre muli si Rolf para maggawa niya iyon. Pero nuncang aaminin niya iyon.

Humiga si Adrien sa kama. Tinapik nito ang puwesto sa tabi nito. “Hayaan mo akong gawin iyon.”

Kumunot ang noo ni Mandy. “Pero...”

“Walang malisya, Mandy. Magkaibigan tayo. Isipin mo na ginagawa ko lang iyon dahil doon. Para sa kabutihan mo rin ito.”

Sandaling nag-alinlangan si Mandy. Tama ba talaga na gawin niya iyon? Nagtitiwala siya kay Adrien. Pero sa gagawin niyang iyon... magiging fair ba iyon rito?

Sa huli ay pumayag na rin si Mandy. Pakiramdam kasi niya ay desperada na siya. But well, tama si Adrien. Para sa kabutihan rin niya iyon. Humiga siya sa tabi ni Adrien. Niyakap niya ito. Hindi naman iyon ang unang beses. Pero bahagyang nangiba pa rin siya. May hinahanap kasi siya. Hindi niya maramdaman ang init na paborito niyang ibinibigay sa kanya ni Rolf sa tuwing niyayakap niya ito. Parang yumayakap lang rin siya ng unan sa piling ni Adrien. Pero nagpasalamat rin naman si Mandy na hindi nagtagal ay nakuha rin niya ang inaasam-asam na tulog.

Hindi sigurado ni Mandy kung gaano katagal siyang nakatulog sa ganoong puwesto. Pero pagkagising niya, nararamdaman pa rin niya na may tao pa rin siyang niyayakap. Nangiba nga lamang siya nang hindi na maramdaman ang ordinaryong pakiramdam na ibinibigay lamang sa kanya ni Adrien. Awtomatiko kasing gumanda ang pakiramdam niya kaysa kanina. Naramdaman rin niya ang init na hinahanap-hanap niya. May urge pa siya na gusto niyang ipagkiskis ang kanyang pisngi niya sa dibdib na parang pusa sa amo nito. She was enjoying and loved the warmth. Parang pakiramdam niya sa tuwing nasa ganoon siyang puwesto kasama si Rolf...

Kung hindi lang talaga nahihiya si Mandy kay Adrien ay gagawin na nga niya iyon iyon. Pinigilan nga lamang niya ang sarili. Ang laking perwisyo ng ginawa niya kay Adrien. Wala naman talaga dapat itong pananagutan sa kanya. Pero ito siya, inistorbo ito. Inabuso ito. Gaano na lamang kahirap ng ginawa nito para sa kanya? Paniguradong nangangalay na ito.

Inihanda ni Mandy ang sarili na magpasalamat kay Adrien nang makitang hindi si Adrien ang kasama niya. Si Rolf iyon!

Pinasok ng matinding pagtataka si Mandy. Nanaginip lang ba siya kanina na si Adrien ang nakita niya sa unit kanina? Wala na ba siya sa sarili kaya ganoon? Pero inisip niya ang kanyang nararamdaman. Iba ang bago siya matulog at ngayong naggising siya.

“Miss me?” hindi iilang beses na sinabi ni Rolf ang mga salitang iyon kay Mandy. Pero sa pagkakataon ngayon, walang kalokohan at tuwa sa boses nito.

Lumayo kaagad si Mandy. Bumalikwas siya ng bangon. “Rolf, anong ginagawa mo rito?”

“At ano ang inaasahan mo na makita? Ang Adrien na iyon?” madilim ang mukha ni Rolf.

Kung ganoon ay totoo ngang si Adrien ang kanina. “S-siya ang kasama ko kanina. Natural lamang na siya ang aasahan ko. Pero ano ang nangyari? Anong ginawa mo?”

“Ang dapat ko naman talaga na gawin. Ang paalisin ang kontrabida sa buhay ko.”

Nanlaki ang mga mata ni Mandy. “Oh no...! `Wag mong sabihin sa akin na naging masama ka sa kanya...”

Tumiim ang bagang ni Rolf. “Napakalaki ng concern mo sa kanya!”

“Kaibigan ko siya. Siya ang naging karamay ko sa mga nakaraang buwan---“

“Hindi na ngayon! Hindi ko hahayaan!” puno ng inis ang boses ni Rolf.

“Hindi mo puwedeng gawin sa akin ito, Rolf. Personal na buhay ko ito. Isa pa, malaki ang utang na loob ko kay Adrien. Sa mga nakalipas na buwan, siya lamang ang nagagawa kong asahan. Tinulungan niya ako.”

“Na nangyari dahil pinaalis mo ako sa buhay mo. That time...kaya ka ba nakipaghiwalay sa akin dahil nalaman mo ang lagay mo at hindi mo gustong malaman ko iyon?”

Hindi nagsalita si Mandy. Guilty siya. Hinayaan niyang gawin na senyales ni Rolf ang katahimikan niya.

Lalong nagdilim ang mukha ni Rolf. “Hindi ko akalaing magagawa mo sa akin ito, Mandy.”

Pumikit at pagkatapos ay huminga muna nang malalim si Mandy. “Naguluhan ako. Hindi natin plinano ang lahat ng ito. Wala rin tayong relasyon. Hindi ko alam kung tama ba na sabihin ko sa `yo ang lahat.”

Matamang tinitigan ni Rolf si Mandy. Kapagkuwan ay bumuntong-hininga ito. “Fine. Nakaraan na iyon at susubukan ko na lang na intindihin kahit na ba mahirap. Your excuse, hindi iyon sapat. Pero iintindihin ko pa ba iyon? At least I have known before its too late. At nang dahil diyan, hayaan mo ako na kuhanin ang responsibilidad. Magpakasal tayo.”

“H-hindi ganoon kadali iyon.”

“Dahil ba sa akin? Dahil playboy ako? Well, you don’t have to worry about it. Susubukan kong maging mabuting asawa sa `yo at---“

“Hindi natin mahal ang isa’t isa!”

Natigilan si Rolf. “Iyon ba ang gusto mo, Mandy? Pero ang akala ko ay hindi ka naniniwala sa pagmamahal?”

Hindi nagsalita si Mandy. Kahit siya ay nahihirapan rin na ipaliwanag ang sarili niya.

“What’s love got to do? Ang pagpapakasal naman ay habang buhay na commitment lamang. Ang pangakong aalagaan ang isa’t isa at mananatili sa piling ng isa’t isa pang habang buhay. Kung may pagpapahalaga tayo sa isa’t isa, sapat na ang bagay na iyon.

“You know I do care for you, Mandy. We are good for each other. Attracted rin tayo sa isa’t isa. I want you. I still want you. Sapat na ang mga iyon para magpakasal tayo.”

Kagaya noong una ay hindi nagsalita si Mandy. Sinalubong lamang niya ang mga mata ni Rolf. Pero sa isip niya ay marami ang nangyayari.

Sapat na nga ba? Nararamdaman naman niya iyon. Pinahahalagahan siya ni Rolf at ganoon rin siya rito. Masaya siya kapag kasama niya ito at malinaw na nakikita rin niya iyon rito. Malaki ang pagnanasa nila sa isa’t isa...at kahit siyang matagal ng nalayo rito ay halos gabi-gabi pa rin na hinahanap iyon.

Hindi sigurado ni Mandy kung sapat na nga ba iyon para sa magandang pagsasama. Kung ipagkukumpara kasi sa mga magulang niya, sa tingin niya ay wala pa rin iyon. Kung may pagpapahalaga ang mga ito sa isa’t isa, hindi ba dapat ay hindi nag-aaway ang mga ito? Kung kahit mumunting atraksyon ay mayroon ang dalawa, sapat na siguro nga iyon para magkasundo ang mga ito. Pero ni minsan sa buhay niya ay hindi niya man lang nakita ang mga itong naghalikan o nagyakapan man lang. Purong kalamigan ang nakikita at nararamdaman niya sa tuwing magkasama ang mga ito.

Nasa ganoon silang pag-uusap nang may marinig silang malakas na pagsabog na sa tantiya ni Mandy ay ilang dipa lamang ang layo mula sa lugar na kinaroroonan nila.

NAGKAROON ng malaking pagsabog sa condominium building kung nasaan ang unit ni Mandy. Pinagkaguluhan iyon at nakaapekto rin nang husto sa mga tenants. Minabuti ng management na paalisin muna ang lahat ng tenants habang inaayos ang gulo at maibalik sa dati ang lugar. Dahil doon, napilitan si Mandy na umalis at nawalan ng choice kung hindi sumama kay Rolf. Naging mas matindi rin kasi kaysa dati ang kagustuhan nito na tumira siya kasama nito.

Pero ikinagulat ni Mandy na sa halip na sa unit ni Rolf, sa isang malaking mansion siya nito dinala. “Bakit? Ano ito?”

“It was our family mansion. Naisip ko na mas maayos rito kaysa sa unit ko. Mayroong mga house help, may makakasama ka sa ahay. May mga hindi maiiwasan na pagkakataon na kailangan ko na umalis. Mas safe ka kapag may kasama ka. Nandito rin ang pamilya ko. Sa tingin ko ay tama lang rin na makilala mo sila.”

Napalunok si Mandy. “Y-you can’t be that serious.”

“Seryoso ako, Mandy. I want to have a serious relationship with you. Gusto kitang pakasalan. At para ipakita iyon lalo sa `yo, ipapakilala kita sa kanila.”

Hindi pa rin siya pumapayag na magpakasal sila ni Rolf. Humingi siya ng oras rito para mag-isip. Kahit gusto niyang ikonsidera ang mga dahilan ni Rolf para magpakasal sila, hindi pa rin niya maggawang magdesisyon. Kailangan niya pang mag-isip nang mas malalim. Alam niya na mas mabuting gawin niya iyon ng wala si Rolf sa tabi niya. Maaari kasi na maapektuhan ang desisyon niya ng presensiya nito. Pero hindi na rin naman niya gustong makipagtalo.

Nahihiya na siya kay Adrien. Sinubukan niyang tawagan ito pagkatapos ng nangyari at naramdaman niya ang galit nito sa ginawa niyang desisyon. Naging abusado na siya rito. Tanging si Rolf na lamang ang makakatulong sa kanya dahil wala naman siyang ibang malalapit pa na kaibigan.

Hindi na rin nagprotesta pa si Mandy sa gusto ni Rolf. Pagkatapos ng lahat, kahit nakakabahala ay nakakaramdam rin siya ng kapanabikan na makilala ang pamilya ni Rolf. Minsan na naikuwento ni Rolf ang pamilya nito. Wala na itong magulang at ang halos nagpalaki na sa mga ito ay ang Tita Judith ng mga ito. Napag-alaman niya na kamakailan lang ay namatay na ito. Nalungkot pa si Mandy nang malaman iyon. Minsan kasi siyang naipakilala rin ni Rolf sa tiyahin nito nang minsang hindi inaasahang bumisita ito sa golf club. Pero ganoon man, may apat pa rin na kapatid si Rolf. Gusto niyang makita ang mga ito dahil bilang nag-iisang anak, sabik rin naman siya na magkaroon ng mga kapatid.

“Madalas kaming lima sa bahay. Pero sa ngayon ay wala si Kuya Christien at Blaise.”

“Bakit?” hindi napigilan ni Mandy na maging mapag-usisa.

“Well, si Kuya ay inaayos ang relasyon sa dati niyang asawa kaya kasalukuyan silang nagsasama sa bahay nila na hindi naman ganoon kalayuan rito. Si Kuya Blaise ay inaayos naman ang custody ng anak niya sa dating karelasyon.”

Kumunot ang noo niya. Inaayos. Bakit parang nagkasabay-sabay naman yata ang tatlong magkakapatid sa pag-aayos ng kung ano sa buhay ng mga ito?

Ganoon pa man, sa kabila ng pagtataka, hindi na nagtanong pa si Mandy. Baka isipin ni Rolf na masyado niyang pinag-iinteresan ang buhay ng mga ito at maisip na interesado talaga siya rito. Well, mas gusto pa rin talaga niyang pairalin ang pride niya.

Pinakilala ni Rolf si Mandy sa kasalukuyang nasa bahay na kapatid na si Agnes. Isa itong painter kaya home-based lamang ang trabaho nito. Sandaling binigyan lang sila nito ng atensyon at pagkatapos ay umalis na.

“Pagpasensyahan mo na si Agnes. May pagkamataray kasi `yan, lalo na nitong mga nakaraan. May pinagdadaanan kasi kami---well, siya pala.”

Kumunot ang noo ni Mandy. “Bakit hindi mo isali ang sarili mo? Bakit kailangan mo pa na magkunwari?”

Napalunok si Rolf. Parang bigla itong kinabahan. “Anong ibig mong sabihin?”

“Alam ko na malungkot ka dahil sa nangyari sa Tita Judith mo...”

“Ah, that.” Parang nakahinga si Rolf nang maluwag. “Siyempre, masakit talaga sa akin iyon. Pero `wag na nating pag-usapan muna `yun. Kailangan mo na munang kumain. Its almost dinner. Mamaya pa uuwi si Allain kaya mamaya po siya makita. That one, makakasundo mo `yun. Kung may pinakamabait man akong kapatid, it was him.”

Tumango si Mandy. Maayos naman na nakakain sila ng dinner. Mababait rin ang mga staff sa bahay nina Rolf. Nagustuhan rin niya ang mga pagkain. In fact, simula nang malaman niya ang pagbubuntis niya ay ngayon lamang siya nakakain ng ganoon karami. Umaayon ang tadhana kay Rolf dahil mukhang magugustuhan niya ang pananatili sa lugar na iyon.

Pagkatapos ng hapunan ay dumating si Allain. Tama nga si Rolf. Mabait ito at palangiti pa. Matagal-tagal rin silang nagkuwentuhan. Nang dumating ang alas nuwebe ay sinabi ni Rolf na handa na ang kuwartong gagamitin niya.

Bahagyang ikinagulat pa ni Mandy na hindi sila sa iisang kuwarto tutulog ni Rolf.

“Hindi pa tayo kasal. Baka kung ano ang isipin nila kung hayaan kitang matulog sa kuwarto ko.” Dahilan ni Rolf.

Hati ang naging pakiramdam ni Mandy roon. Gaano man kasi niya itanggi, gusto niya na makasama si Rolf. Kahit mahirap at naguguluhan siya ay hinahanap-hanap talaga niya ang presensiya ni Rolf. Pero pumayag na rin siya dahil may punto naman ito at pinangungunahan pa rin talaga siya ng pride.

Pero mali talaga na palagi niyang pinaiiral ang pride. Isang oras na kasi ang nakalilipas simula nang humiga siya ay hindi pa rin siya makatulog. May body pillow naman sa guest room pero hindi pa rin iyon sapat. Hinahanap-hanap pa rin ng katawan niya si Rolf at pinatindi pa iyon nang nangyari sa kanila noong umagang iyon.

“Mandy? Gising ka pa?” nang mapagpasyahan ni Mandy ang buksan ng ilaw ang kuwarto ay napansin kaagad iyon ni Rolf. Kinatok siya nito at dahil buking na rin naman, binuksan na niya ang pinto.

“Hindi ako makatulog,”

“Ako rin.” Pag-amin ng lalaki at pumasok sa kuwarto.

“Bakit?”

“Nag-aalala ako sa `yo. Nakita ko kagabi na hindi ka komportable sa pagtulog mo. Hindi lang kita sinita dahil baka lalo lang iyon na makasama sa `yo. Sabihin mo nga sa akin, may problema ka ba sa pagtulog nitong nakaraan?”

“Medyo.”

“Pero nakatulog ka nang mahimbing sa bisig ni Adrien at ganoon rin sa akin.”

“Well---“

“Mas komportable ka na mayroong human pillow.” Hindi na siya pinatapos ni Rolf. Lumakad ito papunta sa kama. Humiga ito roon. “Come, matulog na tayo.”

“Rolf! Ang akala ko ba ay nahihiya ka sa pamilya mo na---“

“`Wag mo ng alalahanin ang bagay na iyon. Kailangan mo na matulog at kailangan mo rin na maging komportable. Ganoon rin ako. Magagawa ko lang rin na makatulog nang maayos kung magkatabi tayo.”

“Rolf...”

“Sa totoo lang ay simula nang balikan kita at malaman ang lagay mo, hindi na ako makatulog. Aside from thinking of you, I also want to sleep beside you. So please, hayaan mo na ako.”

Tumaas ang isang kilay ni Mandy. “Naggising ako kaninang umaga na natutulog sa `yo.”

“Alam ko. Pero paano ko magagawang makatulog rin kung iniisip ko na ang naunang gumawa noon sa `yo ay ang Adrien na `yun? I am jealous as hell.”

Bahagyang ikinagulat ni Mandy ang narinig. “Naapektuhan ka kay Adrien.”

“But of course! Pinahahalagahan kita, Mandy. Paanong hindi ko mararamdaman na magselos? Even though I feel its a bit weird. Nahirapan rin akong aminin iyon sa sarili ko dahil nakakatawa man na isipin, ito yata ang unang beses na masasabi kong nagselos ako sa isang tao.”

There must be something, something more than that. Dahil ganoon rin ang nararamdaman ko!

Nakaramdam ng kasiyahan si Mandy na hindi lang naman pala siya ang nakakaramdam ng ganoong damdamin kay Rolf. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit pumayag na rin siya na magtabi sila at gawin na naman niya itong human pillow. Damn her pride. Ginagawa rin naman niya ito para sa anak niya. Kung makakatulog siya nang maayos, magiging maayos ang kalagayan ng anak. Isa pa, gusto rin naman niyang pagbigyan ang sarili paminsan-minsan.

Pinatay ni Mandy ang ilaw. Tumabi siya kay Rolf at sinubsob ang ulo sa dibdib nito. It felt so nice. Hindi rin niya napigilan na bumigay lalo rito. She purred into him like a kitten. Naramdaman pa niyang ngumiti si Rolf sa ginawa niya. Hinalikan nito ang tuktok ng kanyang ulo.

“Good. Good night.”

Nagkaroon rin ng magandang ngiti sa labi ni Mandy. It was really a good night indeed.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.