The Last Will Series 1 - 4 Chapter 5

“CHRISTIEN? Christien!” naggising ang labing dalawang taong gulang na si Christien sa nagpa-panic na boses na iyon ng kanyang ina. Malalim na ang gabi. Ano ang mayroon kung bakit tinawag siya ng ganoon ng ina sa kakaibang boses? Marami man na pagtataka ay sinunod ni Christien ang instinct niya. Lumabas siya ng kuwarto at nakita ang nasasaktang mukha ng ina. Ang kaninang inaantok rin niyang mga mata ay nanlaki. Gumapang ang takot sa buong katawan niya, lalo na nang makitang maraming dugo sa binti ng kanyang Mama.

Walong buwang buntis ang kanyang Mama. Lahat ay sabik sa pagdating ng bago niyang kapatid. Napag-alaman kasi nila noong nakaraang buwan na babae pala ang pinagbubuntis nito. Puro sila lalaki at matagal na rin na ninanais ng kanyang mga magulang na magkaroon ng anak na babae. Ganoon rin naman siya at mga kapatid niya. Pero kung ganoon ang nangyayari sa kanyang Mama, magkakaroon pa ba ng katuparan ang matagal na nilang inaasam?

Wala ang kanyang Papa sa bahay. Kasalukuyan itong nasa isang business trip sa Cebu at sa makalawa pa ang dating. Kasama rin nito ang kanyang Tita Judith, ang kapatid ng kanyang ama, kaya tama lamang na siya ang tawagin ng kanyang ina. Panganay siya. Kahit bata pa ay kailangan ni Christien na akuin ang responsibilidad. Tinawag niya ang nag-iisang matanda na maaaring makatulong sa kanila na nasa loob ng bahay---ang family driver nila. Ito at siya ang nagdala sa kanyang ina sa ospital.

Takot na takot si Christien. Nakikita niya kung paano bumalatay ang sakit sa mukha ng kanyang ina. Napakarami rin na dugo ang nakita niyang umaagos sa binti nito. Tila nahawa na rin siya sa kaputlaan nito. Gusto niyang tawagin ang kanyang Papa para sabihin ang lahat pero hindi niya alam kung paano. Hindi pa uso ang telepono. Hindi rin niya alam kung paano mako-contact ito.

Nagsimula nang umiyak si Christien nang makarating sila sa ospital. Pinilit ng Mama niya na huwag niya itong iwanan. Kailangan raw siya nito sa tabi nito.

“I love you, Christien. Kayo ng mga kapatid mo...” nagsimula na rin na umiyak ang kanyang Mama.

“M-mama... alam ko naman po iyon. Pero bakit sinasabi niyo po iyan ngayon?”

“I-I may not last long. Nararamdaman ko...”

Mariing umiling si Christien. “Hindi! Hindi ka mamamatay, Mama!”

Umiiyak pa rin na ngumiti ang Mama ni Christien. “Hindi ganito ang nararamdaman ko noong ipinanganak ko kayo ng mga kapatid mo. Today, its different.” Ngumiwi pa ang kanyang Mama. “I-I just hope, kung hindi man ako, ay maka-survive ang bata. Sabik na sabik na kayong magkaroon ng kapatid na babae `di ba? Ito na `yun....”

“Mama...”

“Take care of her, Christien. Take care of your siblings. Huwag kang iiyak. Magpakatatag ka...” iyon lang at pumikit na ang kanyang Mama. Nagsisigaw si Christien sa takot. Tinanong niya kung ano ang nangyayari, lalo na at marami siyang naririnig na tunog sa buong paligid. Pero sa halip na sagutin siya, tuluyan na siyang pinalayo ng mga nurses.

Almost an hour later, may lumapit na Doctor sa harap niya. Nagbigay ito ng good news at bad news. Ang good news ay naggawang isalba nito ang buhay ng sanggol na nasa sinapupunan ng ina at ang masama naman ay naging kapalit noon ang buhay ng kanyang ina.

Naggawa nilang i-contact ang ama at pati na rin ang Tita pagkatapos ng trahedya. Nakauwi ang mga ito kaagad. Hindi niya masisisi kung bakit naging matindi ang pagluluksa ng ama sa kabila ng pagdating ni Agnes sa mundo. Alam niya kung gaano katindi ang pagmamahal nito sa kanyang Mama. Pero hindi niya akalain na sa sobrang tindi noon ay makakagawa ito ng isang karumal-dumal na bagay...

Si Christien mismo ang nakakita sa bangkay ng kanyang ama sa loob ng kuwarto nito. Maraming dugo rin na nagkalat sa sahig na galing sa pulsuhan ng kanang kamay nito. Ayon sa imbestigasyon, nag-suicide daw ang ama.

Sa batang edad ay naulila kaagad si Christien at ang mga kapatid nito.

“Be strong, Christien.” Niyakap siya ng Tita Judith niya. “Nandito pa naman ako. Hindi ko kayo pababayaan na magkakapatid...”

Alam naman iyon ni Christien. Mabait ang Tita Judith niya. Parang nanay na rin ang turing niya rito. Nagtitiwala siya na hindi siya pababayaan ng mga ito. Sa katunayan, hindi ito pumasok sa trabaho ng mahigit isang buwan para ayusin silang magkakapatid. Pinaramdam nito sa kanila na hindi sila nag-iisa.

“Gusto ko sana na dalhin ka sa psychologist, Christien.” Minsan pang sinabi sa kanya ng Tita.

Kumunot ang noo ni Christien.

“H-halos nakita mo ang pagkamatay ng parehong magulang mo. Paano kung magka-trauma ka ng dahil roon?”

Umiling si Christien. “Ayos lang ako, Tita.”

Matamang tinitigan siya nito. “Sigurado ka ba roon?”

“Huling habilin sa akin ni Mommy ay magpakatatag ako.”

Niyakap siya ni Tita Judith. “Tama. Ikaw ang panganay. Kailangan mo talaga na magpakatatag. I’m proud of you...”

Ngumingiti si Christien, tumatawa pero alam niya sa puso niya na nagdurugo iyon. Ayos lang siya? Sa tingin niya ay hindi. Pero hindi naman iyon dahil sa namatay ang kanyang mga magulang. Napunan naman kasi ng tama ni Tita Judith para sa kanya ang puwesto ng mga ito. Iyon nga lamang, nagsinungaling siya sa Tita niya na hindi siya nagkaroon ng trauma pagkatapos ng lahat....

Second year high school si Christien nang pag-aralan niya sa PE class nila ang basketball. Hindi siya mahilig sa sports pero dahil kailangan, nakapaglaro rin siya noon. Isa sa mga naging laro nila ay nadapa siya at nasugatan. Naging malaki ang sugat noon para dalhin siya sa clinic. Pero bukod roon, ang pagkakita lamang sa sugat niya ay kakaiba na ang dinala sa kanya. Namutla siya nang husto.

“`Wag kang matakot. Hindi naman ito magiging masakit...” wika ng nurse habang nililinis ang kanyang sugat. Pero kahit tapos na iyon ay namumutla pa rin si Christien. Kakaiba ang naging takot niya nang makakita siya ng dugo. May mga bigla siyang naalala. Ang dugo sa binti ng kanyang Mama. Ang sa Papa niya dahil sa pagkitil nito ng sariling buhay.

“Mukhang hindi ka pa maayos. Gusto mo ba muna na magpahinga?”

Pilitin man ni Christien na kumalma ay hindi niya maggawa. Nagpahinga muna siya at nang mawala ang panginginig ay saka lamang siya bumalik sa class room. Pagbalik niya ay sinalubong siya ng mga kaklaseng lalaki.

“Balita ko, namutla ka raw nang magkasugat ka, ah!” tatawa-tawang wika ng isa niyang kaklase.

“Sugat lang, kinatatakutan mo na?” humagalpak pa ng tawa ang isa.

“Takot sa sugat! Takot sa dugo! Duwag! Duwag!” kantiyaw ng iba pa.

Tumiim ang bagang ni Christien. Ipinapangako niya na simula sa araw na iyon ay hindi niya ipapakita kahit sino man ang kahinaan niya....

“SA TINGIN ko ay kailangan ka rin namin na dalhin sa emergency room, Sir...” naggawa pang mang-asar ng isa sa mga nurses sa ospital kung saan dinala niya si Emerald pagkatapos nitong magdugo.

Damn you. Gustong murahin ni Christien ang nurse. Alam niya na namumutla siya pero kailangan rin niyang magpakatatag. Kagaya ng sinasabi sa kanya ng Mama niya. Pero paano niya magagawang magpakatatag kung parang umuulit ang nakaraan?

Gusto niyang kumalma. Dati naman, kapag nagkakaroon ng pagkakataon na makakita pa siya ng mga dugo ay nagagawa niyang kumalma. Tumatagal lang ng ilang minuto pagkatapos ay maayos na siya. Pero ngayon ay kalahating oras ng nasa emergency room si Emerald ay hindi niya pa rin maggawa.

Para bang ang eksena ay kapareho rin ng nangyari sa Mama niya noon.

Hindi pinansin ni Christien ang nurse. Pagkalipas ng ilang minuto ay may lumabas na Doctor. Pinili ni Christien na hindi tignan si Emerald. Lalo lamang siyang masasaktan. Naririnig niyang umiiyak ito. Hindi niya kayang makitang umiiyak ito.

“I’m sorry...” panimula ng Doctor.

Naghalo-halo ang nararamdaman ni Christien. Ang bottom line nga lamang ay lahat ng damdamin na iyon ay masama. Naalala niya pa rin ang nangyari sa ina. Naalala niya ang dugong umagos sa binti nito na halos kaparehas ng kay Emerald. Iyon nga lamang, nakaligtas ang asawa niya. Hindi nga lamang ang anak niya...

Alam at gusto rin naman ni Christien na damayan si Emerald. Responsibilidad niya iyon. Alam niyang masama ang lagay nito. Pero hindi niya maggawa. Kung nasasaktan si Emerald ay mas lalo siya. May pakiramdam siya na hindi niya gustong makita ang asawa. Pero hindi iyon sa dahilang galit siya rito o ano. Iyon ay dahil pinapapaalala nito sa kanya ang mga pangyayari kapag nakikita niya ito. Bumabangon ang masasamang damdamin sa katawan niya. Namumutla siya, nanghihina. Hindi rin niya gustong makita si Emerald sa masamang lagay nito. Hindi niya madamayan ito dahil parang mas masama ang lagay niya. Kung lalapitan niya ito ay baka mag-break down lang siya. Lalo iyong hindi makakatulong sa sitwasyon.

“Bakit sinusubsob mo ang sarili mo sa pagtatrabaho? Alas diyes na ng gabi. Dapat ay nakauwi ka na. At sa lagay ni Emerald---“

“Tita, `wag niyo po muna akong sermunan. Marami akong kaso---“

“Kung ganoon ay totoo nga.” May inis sa boses ni Tita Judith. Naabutan siya nito sa opisina ng ganoong oras. “Pinababayaan mo ang asawa mo.”

Hindi nagsalita si Christien. Pinagpatuloy niya ang pagtatrabaho.

“Kailangan ka ni Emerald, Christien. Lalo na sa mga panahong ito...”

Umiling si Christien. “Hindi ko kayang panagutan muna ang mga responsibilidad ko sa kanya, Tita.” Sa tingin ko ay mas kailangan ko ng tulong kaysa sa kanya.

Pero nuncang sasabihin at aaminin iyon ni Christien. Kapag ginawa niya iyon, magmumukha siyang duwag. Mas mahina pa siya sa asawa. Nakakaawa siya. Hindi niya gusto iyon.

Gusto niyang sundin ang sinasabi sa kanya ng ina. Magpapakatatag siya. Iyon nga lamang, tanging ang nakikita lamang niyang paraan para maipakitang magpakatatag siya ay ang hindi tignan ang kahinaan niya----ang makitang nasasaktan si Emerald at ang pinapapaalala nito sa kanya makatapos ng nangyari rito.

Pero hindi ba at sa ginagawa niyang ito ay nagiging duwag rin siya? Ang pagtakas sa problema?

“Bigyan mo ako ng magandang dahilan kung bakit,”

Tumingin si Christien sa tiyahin. Napaisip muna siya bago sumagot. Kung aaminin niya rito ang lahat, anong mangyayari? Hindi ba at masasaktan lamang ang kanyang tiyahin? Maiisip nito na napabayaan siya nito dahil lumaki siya sa ganoong takot...

Nag-isip ng ibang dahilan si Christien. “Alam niyo naman na hindi ako sanay na matalo. Wala akong kaso na kailanman ay naipatalo. Pero ang nangyari kay Emerald...sa tingin ko ay isa iyong malaking pagkatalo sa parte ko....”

“HINDI mo man sinabi ang mga iyon sa akin, kahit sabihin mo pa na ginawa mo lang dahilan ang mga iyon, ganoon ang naramdaman ko, Christien...” sa inamin ng asawa ay naggawa rin na umamin ni Emerald.

Niyakap ni Christien si Emerald. “Hindi ko ginusto, Emerald. Hindi ko lang gusto na ipakita sa `yo na mahina ako. Sinabi ko na sa `yo na hindi ako ang taong kailangan mo noon. Hindi kita matutulungan dahil sa mahina ako...”

“P-pero mas lalong ipinakita mo lang na mahina ka nang piliin mong layuan ang problema...”

Tumango si Christien. “I’m sorry. Pero kulang pa ang mga salitang iyon, `di ba? Kahit sabihin ko pa ang mga salitang iyon ng milyong beses, nasaktan na kita...”

Kinapa ni Emerald ang damdamin. Tama si Christien. Kulang pa nga. Pero kung ipagkukumpara ang sakit kaysa sa nararamdaman niya noon at kanina bago ito magpaliwanag, malaki ang nabawas roon.

May dahilan naman si Christien. Dahilan na kahit sino ay wala palang may alam. Hindi nito ginawa dahil hindi nito gusto na ipakita ang kahinaan ito. Bahagyang naiintindihan rin naman niya ito sa parte na iyon. Inasar ito ng mga kaibigan nito nang minsang makita ng mga iyon. Inisip siguro nito na kapag hinayaan nitong ipakita ang mga iyon sa iba ay mangyayari muli iyon. Isa pa, hindi maganda para sa isang lalaki, at sa panganay pa na kagaya nito ang magpakita ng kahinaan. Masyado rin itong na-obsess sa sinabi ng ina nito na kailangan nitong magpakatatag. Ni hindi nito inisip na sa pagpapakita nito ng ganoon ay may ibang tao naman itong nasasaktan.

Pero isa rin siguro na nakapagpaluwag ng puso ni Emerald ay ang malaman na hindi naman pala ang matagal na niyang iniisip ang dahilan ni Christien. Mas malalim pa iyon roon pero malayo. Hindi niya iyon kasalanan. Wala siyang kasalanan. Nakakapanghinayang nga lamang na lumipas ang tatlong taon na ganoon ang inisip niya. Namuhay ang sakit sa puso niya sa maling akala. Dahil lamang sa hindi pagkakaintindihan. Ganoon ang pinaniwala sa kanya ni Christien. Tatlong taon ang nasira dahil lamang sa naduwag ito na magpakita ng damdamin. Kung sana ay noon niya pa nalaman ang lahat....

Pero ano pa ba ang magagawa nila ngayon? Hindi na nila maibabalik ang tatlong taon na nakalipas. Pero kung bibigyang pansin ang kamalian sa loob ni Christien, masasabi niyang maaaring mawala ang pagdududa niya rito. Maaaring bumalik ng lubos ang tiwala niya rito.

Maaaring mawala rin ang mga takot niya.

Kapag nalaman ni Emerald na magaling na si Christien. Kapag wala na ang mabigat na dinadala nito sa loob nito.

“S-sinubukan mo na bang magpatingin tungkol sa trauma mo?”

“Kung ginawa ko iyon, parang inamin ko na rin na mahina ako.”

What a macho man. Pero may isang bahagi ng sarili ni Emerald na hindi naman ito masisisi. Panganay si Christien. Gusto nito na magmukhang malakas dahil na rin ito ang role model ng mga kapatid nito. Ipinangako nito sa ina na magpapakatatag ito kaya kahit sa loob ay nasasaktan ay pinipilit nitong gawin iyon. Lawyer rin ito. Lahat ay nag-iisip na matapang ito. Hindi nararapat ang pagiging mahina sa isang kagaya nito. Ang kahinaan ay isang pagkatalo nito. At least, ang mga ipinapakita nito sa panlabas...

“Kung ganoon ay hindi mo pa naaalis ang takot mo.”

Tumango si Christien. “H-hindi na yata maalis iyon.”

“Iyon ay dahil hindi mo ginagawan ng paraan.” Bumuntong-hininga si Emerald. “Hindi ko gusto iyon.”

“E-Emerald...”

“I want you to conquer your fear, Christien.”

“Pero---“

“Face it.” Mariing sabi ni Emerald na para bang walang makakabali noon.

Pagkatulala lamang ang nakuha ni Emerald mula kay Christien.

HINDI pa man nakakapasok si Emerald at Christien sa lugar kung saan niya ninais niyang dalhin ito ay namutla na kaagad ang huli. Napalunok rin ito at parang kaunti na lang ay papaandarin na muli ang sasakyan para umalis.

Tinaasan ng kilay ni Emerald si Christien. “Ito o psychologist?”

“Pero Emerald---“

Bumaba na si Emerald bago pa man ituloy ni Christien ang sasabihin. Huminga muna ng malalim ang lalaki bago naman sumunod ito sa kanya.

“Huminga ka muli.”

Tinaasan ni Christien ng isang kilay si Emerald.

“Kailangan mo na mag-relax. Ni hindi ka pa nga nakakita ng dugo ay namumutla ka na.”

Sinunod ni Christien ang sinabi niya.

“Smile.” Muling utos niya.

Sinunod muli ng lalaki ang gusto niya at tila nahawa rin si Emerald. Napangiti siya.

Hindi naman naging mahirap kay Emerald na pasunurin si Christien sa gusto niya. Nag-alinlangan ito pero pumayag rin ito basta ba raw iibahin niya ang kanyang paraan. Hindi pa rin gusto ni Christien na pumunta sa psychologist. Natatakot raw ito na baka may makakita rito at kung anong isipin. Kaya nag-isip si Emerald ng ibang paraan. Dinala niya ito sa isang lugar kung saan tiyak na makakita ito ng dugo---sa Red Cross.

Susubukan nila na mag-donate ng dugo ngayong araw kaya tiyak na bukod sa kukuhanan ay makikita rin nila iyon. Minsan na siyang nakapag-volunteer roon kaya alam na niya ang process. Lahat ng mga necessary before donating procedures ay ginawa na nila kagabi.

“K-kukuhanan lang naman ako ng dugo `di ba? Puwede naman akong hindi tumingin.”

Tinirikan ng mata ni Emerald si Christien. “Kung ganoon, ano pa ang purpose ng ipinunta natin rito? Sisiguraduhin ko na makikita mo ang ginagawa nila sa `yo. Kapag sinuway mo ako, papupuntahin kita sa blood bank nila rito. May kakilala rin ako rito kaya magiging madali lang iyon.”

Umiling-iling si Christien. “Wala talaga akong kawala sa `yo.”

Hinawakan ni Emerald ang balikat nito. “Para rin sa `yo ito. Kapag hinarap mo ang mga problema at takot mo, they will lose their power over you.”

Ganoon ang nasa isip ni Emerald. Minsan rin niyang nabasa ang quote na “You don’t drown by falling in water. You drown by staying there,”. Hindi ba at kapag namuhay si Christien sa takot na iyon ay mas lalo pang lalala iyon? Mas lalong masisira ang buhay nito. Kagaya ng nangyari sa relasyon nila dahil namuhay lamang ito sa takot nito...

Minsan rin na napanood ni Emerald na sadyang ipinapakita ng mga espesyalista sa paggamot ng mga takot ng pasyente ng mga ito ang bagay na kinatatakutan ng mga ito. Sinasanay ang mga iyon sa pagtingin at pag-experience ng bagay na kinatatakutan ng mga ito. They were exposed to their fear. Sa tingin niya, ang gagawin niya ngayon kay Christien ay mayroon rin na kinalaman roon.

Sinadya ni Emerald na hindi sila pinagsabay ni Christien sa pagkuha ng dugo. Nauna siya pero pinilit niya si Christien na tumingin. Namumutla ito pero paulit-ulit niya itong sinabihan na kumalma at mag-breathe in, breathe out. Nang ginawa naman nito iyon ay bahagyang gumanda na ang itsura ng mukha nito.

Naging napakalaki talaga ng takot ni Christien sa dugo. Kaunting exposure lang roon ay kakaiba na ang nagiging reaksyon nito. Nararapat lamang talaga na ayusin nito iyon.

“Damn,” napamura pa si Christien nang turn na nito. Hinawakan ni Emerald ang balikat nito.

“Relax.”

Nag-breathe in, breathe out ang lalaki. “Kaya mo `yan.”

Tumango-tango ito. Bahagya pa na nag-alinlangan ang kukuha ng dugo rito dahil sa hindi pa rin nawawalang takot sa mukha ni Christien pero ginawa pa rin nito ang procedure.

“Good?” tanong ni Emerald nang makatapos.

Umiling ito. “That was a lot of blood---“

“Yes. Pero isipin mo na ito ang unang hakbang. Kailangan mong masanay na makakita ng dugo at kontrolin ang takot mo kapag nakikita mo iyon.”

“I-I still can’t control myself. Nanginginig ako...”

Natunaw ang puso ni Emerald. Tila na-guilty rin siya. Nahihirapan si Christien at dahil iyon sa naging plano niya. Pero iyon pa lang naman ang simula. Hindi rin dapat niya inaasahan ang lahat ay magiging ayos para rito.

Niyakap ni Emerald si Christien para pakalmahin. Naramdaman niyang parang naiiyak na ito sa sobrang panginginig. Mas lalo niyang hinigpitan ang yakap rito. “Its all right. Its okay...”

Hindi nagsalita si Christien pero yumakap rin ito sa kanya. Naramdaman niyang nawala na ang panginginig nito makalipas ang sampung segundo. Pero ganoon pa man, hindi pa rin kumakawala ang lalaki sa mga bisig niya. “Christien?”

“S-sa tingin ko ay kailangan nating gawin ng madalas ito...”

Tumaas ang isang kilay ni Emerald. “Para gumaling ka o para mayakap lang ako?”

“Both. Pero mas malaking puntos ang huli.” Hindi man nakikita ay naramdaman ni Emerald ang ngisi nito.

Sa kabila ng mga nangyari ay tila nahawa na naman si Emerald kay Christien. Napangisi rin siya. Though gusto talaga niyang gumaling si Christien pero parang mas masaya yata kung magbibigay siya palagi ng comfort rito. Gusto niyang mayakap at mas mapalapit rito...

Gaano man itanggi ng utak ni Emerald ay sinisigaw ng puso at katawan niya na matindi pa rin ang nararamdaman niya para sa asawa.

“BLOOD pasta. Again.”

Hindi na kagaya ng mga naunang reaksyon ni Christien sa paboritong dalhin na pagkain ni Emerald rito kapag umuuwi siya galing sa sariling restaurant ay wala ng takot sa mukha nito. Sa halip ay napangiwi na lamang ito, mukhang naasar na dahil sa paulit-ulit na nakikita nito.

“Masarap naman `di ba?” ngiti-ngiting wika ni Emerald. Specialty ng Bread and Pasta ang Blood Pasta. Kakaiba kasi iyon kaya dinadayo. Masarap rin daw ayon sa mga customers at pati na rin si Christien bagaman natatakot noong unang makita at tikman ay naggawang i-judge pa rin iyon. Mukha kasi talagang dugo na nilagyan ng pasta ang pagkain.

Tumango-tango si Christien. Kinuha nito ang pagkain at mabilis na kinain na rin naman. Noong mga unang araw na dinalhan niya ito noon ay namumutla pa ito makita lamang ang mukhang totoong dugo na pagkain. Pero nang magtagal at masanay na rin naman ay tila balewala na lamang para rito ang lahat.

Nakangiti si Emerald habang pinapanood ang asawa. Nakikita na niya na magiging matagumpay ang plano niya. Mahigit isang linggo na simula nang gawin niya ang sariling paraan sa pagpapawala ng takot ni Christien. Hindi madali. Ilang beses niyang nakita ang pagpa-panic rito, lalo na kapag unang attempt niya ng ibang paraan ng pagpapakita rito noon. Pero ngayon ay tila nakikita na niya ang resulta. Nasasanay na si Christien.

Hindi na muli naging pasaway si Emerald sa asawa. Hindi na rin siya nagpapagabi mula sa trabaho. Maaga siyang umuuwi para maipaghanda niya si Christien nang makakain o `di kaya ay maasikaso niya ito kapag umuuwi ito. Dapat ay maalarma siya sa ginagawa niya. Parang inaayos na rin niya ang kasal na hindi naman talaga plano niyang ayusin. Hindi pa siya pumapayag sa gusto ni Christien. May mga takot pa rin siya. Pero kakatawang kapag naiisip niya iyon ay natatawa na lamang siya. Tila may malaking bahagi kasi ng puso niya na nagsasabing gawin iyon at wala naman siyang nakikitang ganoon na pagkakamali.

Sinusubukan ng ayusin ni Christien ang sarili nito. Kung mangyayari man ang nakaraan, maaaring hindi na muli niya makuha mula rito ang kaparehong reaksyon. Kapag naiisip niya iyon, nawawala ang mga takot. Maganda rin sa pakiramdam ang isipin na maayos nila ang dating relasyon ni Christien. Pagkatapos ng lahat, siya na rin ang nagsabi na may nararamdaman pa rin siya sa asawa. Hindi naman magandang pang-habang buhay ay itago na lamang niya iyon dahil mas binibigyan niya ng halaga ang nakaraan...

“Thank you.” Wika ni Christien pagkatapos niya itong pakainin. Nag-insist na rin siya na maghugas ng pinagkainan nito at hindi na ito pumalag. Ayon rito ay nag-uwi ito ng ilang trabaho kaya nagpaalam muna ito na aasikasuhin ang ilan sa mga iyon.

Naiwan si Emerald sa kusina. Walang kaso sa kanya kung ano ang plano ni Christien ngayong gabi. May gagawin rin naman kasi siya. Magluluto siya ng gelatine, ang bagong pagkain na ipapakain naman niya kay Christien. Bloody red rin ang kulay noon. Ramdam kasi niya na kahit pinagtitiyagaan pa rin naman ay nagsasawa na rin si Christien sa blood pasta. Iba naman ngayon.

Hinalo-halo muna ni Emerald ang powdered gelatine sa sauce pan bago ilagay sa kalan. Habang itina-transfer ang sauce pan sa lamesa patungo sa kalan nang matapos siya sa paghalo ay aksidenteng dumalas ang kamay niya sa pagkakahawak. Naibagsak niya ang sauce pan sa sahig.

Dahil yata sa narinig na pagbagsak ay napasugod si Christien sa kusina. Naging matindi ang pamumutla nito nang makita siya. Noong una ay ipinagtaka niya pa iyon hanggang sa mapatingin rin siya sa sarili niya. Natapon sa katawan niya ang ginagawang gelatine. Tila dugo iyon na dumadaloy pababa sa kanyang katawan...

“Oh no...” naintindihan kaagad ni Emerald ang reaksyon ni Christien. Naalala nito ang nangyari sa ina nito at sa kanya. Mukha kasing totoong dugo na umaapaw mula sa katawan niya ang nangyari sa gelatine. Sa halip na subukin ay nilapitan niya ito. Kakaibang-kakaiba na kasi ang reaksyon ng mukha nito kaysa sa dating mga pagsubok na ibinigay niya rito. May namuong pawis na rin mula sa gilid ng mukha nito.

Ginawa ni Emerald ang paraan kung saan alam niyang kakalma si Christien. Niyakap niya ito. “Hindi ito dugo, Christien. Its just gelatine. Mukha lang---“

“You witch!” punong-puno ng inis ang boses ni Christien. Nanginginig na rin ito. Mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakayakap rito.

“Christien, hindi ko intensyon na makita mo ito sa ganitong estado. Natapon lang ang gelatine. Hindi iyon sinasadya. Please relax. Calm down...” kung anu-ano pa ang sinabi ni Emerald para kumalma ang asawa.

Naging matagal ang panginginig ni Christien na kahit gaano man niya katagal yakapin at higpitan ang yakap rito ay hindi pa rin ito tumigil. Pakiramdam ni Emerald ay nahawa na rin siya. Nanginig na rin siya sa takot. Naging matindi kaysa sa lahat ang nangyari ngayon...

“Ano bang kailangan kong gawin, Christien? Please---“ naputol sa pagsasalita si Emerald nang kumawala si Christien mula sa yakap sa kanya. Noong una ay nag-alinlangan pa siyang pakawalan ito. Kailangan niyang i-comfort ito at tanging ang nakikita lamang niyang paraan ay ang yakapin ito. Pereo nang kumawala naman ito sa yakap niya ay kinuha nito ang mukha niya.

Hinalikan ni Christien si Emerald.

Nagulat si Emerald sa ginawa ni Christien. Ngunit ganoon pa man, unti-unti rin siyang natunaw sa ginawa nito. Nakita na lang niya ang sariling tumutugon sa halik nito. Mas malalim. Mas maalab...

“Christien...” sa tindi ng halik ay napaungol na si Emerald.

Naramdaman pa rin ni Emerald ang panginginig ni Christien pero hindi ito tumigil sa paghalik. It all went crazy. Naging iba ang kahulugan ng comfort para kay Christien at kahit alam ni Emerald na mali ay hindi niya maggawang tumanggi.

Naging mabilis ang mga sumunod na sandali. Nanginig rin muli si Emerald pero hindi na iyon dahil sa natatakot siya sa nangyayari kay Christien. Nanginig siya dahil niyanig ni Christien ang mundo niya sa pamamagitan ng mga halik nito. Natagpuan na lang rin niya ang sarili niya na hinahayaan itong pangkuin siya papunta sa kuwarto nila. Inihiga siya nito sa kama at halos sabay nilang tinanggal ang damit nila, si Emerald para kay Christien, si Christien para kay Emerald.

Tila sasabog ang dibdib ni Emerald sa matinding sensasyong ibinibigay sa kanya ni Christien. Sinamba ni Christien ang katawan niya sa pamamagitan ng halik nito. Sinuklian niya naman iyon sa pamamagitan ng mga ungol niya na sa tingin niya ay mas lalo lamang nakapagbigay ng lakas kay Christien. She was close to coming when she stopped. Lumayo ito at tumayo.

“B-bakit?” wika ni Emerald sa nanunuyong lalamunan.

“I’ll be back.” Wika nito at nagmadaling lumabas sa kuwarto. Mabilis lang rin na nakabalik si Christien. Sa pagbalik nito ay mabilis lang rin na nalaman ni Emerald kung bakit ito umalis.

“Protection. I don’t want you to be in the same trouble again...”

Sandaling nanlamig si Emerald. Paano niya nalimutan ang bagay na iyon? Pero siguro nga ay masyado na siyang nalunod sa ginagawa nila kaya ganoon na lang. Iyon nga lamang, parang hindi niya sigurado kung bakit parang hindi niya yata nagustuhan na naalala iyon ni Christien.

It felt different when Christien entered her. Parang hindi si Christien iyon. The latex was between them and it doesn’t seem right. Pero nagsisilbi iyong proteksyon para sa kanya. Siya ang may kailangan noon dahil hindi na niya gustong muling mabuntis pa...

Pero hindi na nga ba talaga niya gusto? O hindi lang niya gusto dahil natatakot siya na mangyari muli ang nakaraan? Ang pabayaan siya ni Christien. Pero hindi ba at mukhang malabo ng mangyari naman iyon muli? Ano na nga ba ang estado ng damdamin niya kung usaping pamilya ng usapan?

Unti-unti ng nagbabago si Christien. Malamang ay hindi na mauulit ang dati. Minsan na sinabi na rin naman nito na gagawin nito ang lahat para hindi mangyari iyon. Pero kaya na nga ba talaga niyang pagkatiwalaan muli ito?

Tumingin si Emerald sa mga mata ni Christien. Pakiramdam niya ay lalo pa siyang natunaw. Yet, gusto niya ang tumingin muli roon. Nakaramdam siya sa puso niya na gusto niyang tumingin rin sa marami pang mga matang kagaya noon. Sa mga maliliit na Christien...

Gusto niya pang magkaanak na ito ang ama. Gusto niya pa rin na magkaroon ng pamilya at mga anak kasama si Christien.

Pero tama na ba talaga ang lahat? Tama na ba ang panahon?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.