“I LEARNED to invest in the stock market at the age of eighteen. Iyon ang sikreto ko kung bakit mas matagumpay pa ako kaysa sa inaasahan sa akin ng maraming tao.” Pagkukuwento ni Mandy kay Rolf.
Rolf had the luck. Simula nang magkakilala ay naging magkaibigan na sila ni Mandy. Masasabi rin niya na naging malapit sila sa isa’t isa kahit ito ang unang beses na pumayag ito sa paanyaya niya na mag-date sila. Masyado kasing abala si Mandy para lumabas. Sa mga nakaraang linggo ay puro tawag at text lamang ang naging komunikasyon nila. But he considered the date worth the wait.
May kakaibang halina talaga na dala si Mandy kay Rolf. Tila ba napakaaliwalas ng paligid kapag nakikita niya ito. Unang beses rin niya na masabik na makita muli ang isang babae at simula nang araw na naging magkaibigan sila nito, ito na lamang ang natatanging babae na pumasok sa isip niya.
Pero kahit ganoon, walang makakasisi kay Rolf. Kahanga-hangang babae naman kasi talaga si Mandy. Bukod sa maganda ay matagumpay pa ito sa buhay. Napag-alaman niya na dalawampu’t limang taong gulang na ito at mayroon na itong pagmamay-aring tatlong malalaking business. Isama pa ang dalawang malaking business rin na pinamamahala ng magulang nito rito. Matalino ito, masarap kausap. Kakaiba ito sa mga babaeng nakilala ni Rolf na isa rin na masasabing dahilan niya kung bakit ganoon na lamang ang pagkahumaling niya rito.
“Parang ang tali-talino mo talaga. Care to share?” nahalata ni Rolf na gusto ni Mandy ang pag-usapan ang mga tagumpay nito sa buhay. Maituturing naman niya na maganda iyon. Nagpapatunay lamang talaga na isang matino na babae ang nakuha niya. Pero may downside rin. Pakiramdam kasi niya ay na-i-intimidate naman siya sa nakakalulang achievements nito sa buhay. Samantalang siya...
Well, may mga achievements rin naman siya. He was an international golfer. Filipino pride siya pagdating sa sports na iyon. Kumikita rin siya ng malaki sa pamamagitan noon. Pero kung ipagkukumpara ang achievements niya kay Mandy ay tila napakaliit lamang noon. Napaka-broad ng experience nito samantalang siya ay nag-stick lamang sa paglalaro ng golf.
“Madali lang naman na mag-invest sa stock market. You just need to understand the market. Bumili ka ng units kapag mababa ang price. If you want to sell it, antayin mo na tumaas ang price. Pero mas recommended kung gagawin mong long-term investment ang lahat. Unless...you want to learn on the technical side of it. Ito ang kinukuwento ko sa `yo dahil nang nag-umpisa akong kumita, nilagay ko sa stock market ang pera ko and when it earned, iyon ang ginawa kong capital para sa mga business na mayroon ako ngayon.”
Tumango-tango si Rolf. Nakinig pa siya sa ibang kuwento ni Mandy. Kahit masasabi niya na wala naman siyang interes sa marami roon dahil puro negosyo ang kinukuwento nito, sinubukan pa rin na makinig ni Rolf. Pagkatapos ng lahat, wala man siyang interes sa kuwento nito ay mayroon naman siya kay Mandy.
“Let’s dance.” Yaya niya kay Mandy nang magsimula ang social time sa fine dining restaurant sa loob ng isang hotel kung saan niya ito dinala upang i-date at mag-dinner.
Pumayag si Mandy. Kung nagkaroon ng masayang oras si Rolf sa pagtingin lamang rito, higit ang pagsayaw rito. Nahahawakan niya ito. Malapit ang katawan nila sa isa’t isa.
Paano pa ang mga susunod? Ano pang klaseng emosyon ang ibibigay sa kanya ni Mandy? Tumatakbo ang mga isipin na iyon kay Rolf habang magkahawak ang mga kamay nila ni Mandy palabas ng hotel. Nagkaroon rin ng urge si Rolf na tuklasin ang mga nasa isip kaya napatigil siya.
“Bakit?” kunot ang noo na wika ni Mandy.
Nagsalubong ang mga mata nila ng dalaga. Lalong nagulo ang dibdib ni Rolf. Maya-maya pa ay dumako iyon sa mga labi nito at naramdaman niyang hindi na lang dibdib niya ang may problema. Ganoon rin ang lalamunan niya. Naramdaman niya ang pagkatuyo noon sa simpleng pagtingin lang sa mga labi ni Mandy.
“K-kailangan na ba talaga nating tapusin ang gabing ito, Mandy?”
“Well, hindi pa naman ganoon ka-late. Sabado rin ngayon kaya walang pasok bukas. What are you thinking?”
Kissing you and all the things more beyond than that, sa isip-isip ni Rolf. Pero tama ba talaga na gawin iyon ni Rolf? Mahigit isang linggo pa lamang simula nang magkakilala sila ng babae. Ito rin ang unang date nila. Sanay naman si Rolf sa first date sex. Pero ganoong babae ba si Mandy?
Naalala niya ang tungkol sa pareho nilang views sa pakikipagrelasyon. Naiintindihan siya nito kaya naisip niya na ganoon rin ang pananaw nito. Tumingala siya muli kay Mandy para lalo lamang niyang hindi makontrol ang sarili. Napakaganda ng babae at hindi lang rin naman miminsan na pinangarap niya na mahalikan ito. He already had that thought when he spends the afternoon with her in the golf club...
Pero cool ba na tignan kung basta na lamang niyang halikan ang dalaga? Gusto niyang magtake chances.
Sinubukan ni Rolf na hawakan ang pisngi ni Mandy. Naramdaman niya ang bahagyang pagkagulat nito pero hindi naman ito kumawala mula roon.
“Ang halikan ka, Mandy. Iyon ang naiisip ko...”
Inantay muna ni Rolf na mag-react si Mandy pero hindi nito ginawa iyon. Sa halip, sinalubong nito ang tingin niya at maya-maya ay inilagay rin ang tingin sa labi niya. Nakita ni Rolf ang interes sa mga mata nito at kinuha na niya iyong senyales. Unti-unti niyang nilapit ang sarili kay Mandy, ang labi niya sa labi nito.
Tama si Rolf ng hinala na mas magiging maganda pa ang damdamin. Corny man na sabihin pero naramdaman ni Rolf na tila magical ang eksena. Lumiwanag pa ang maliwanag ng hallway kung saan nila hinalikan ang isa’t isa.
Unang bumitiw si Mandy. “M-mali ito!”
“Magiging mali kung hindi natin gagawin. I like you. I’m interested in you. I did send you the messages, right? Pero sa nangyari ngayon, mas higit pa roon ang nararamdaman ko. I want you.”
“But Rolf...wala tayong relasyon. Heck, it was even just our first date.”
“So? Hindi ba’t ikaw rin mismo ang nagsabi sa akin na naiintindihan mo ang rules ko sa mga babae? I don’t do serious relationships and you said you agree in my beliefs...”
Natigilan si Mandy. Matamang tinitigan siya nito. “So if I indulge to you tonight...anong mangyayari? We will part ways---”
Natawa si Rolf. “Hindi pa tayo nag-uumpisa, iyon na ang iniisip mo.”
“P-pero hindi ba at ganoon naman talaga ang mangyayari? We will just hook up and that’s it!”
Umiling si Rolf. “I don’t think that it would just be a simple hook up, Mandy. Kakaiba ka sa mga babaeng nakilala ko. You intrigued me. Simula nang magkakilala tayo, ikaw lamang ang babaeng pumasok sa isip ko. Sa tingin ko ay magtatagal kung ano man itong nararamdaman ko sa `yo...”
“Kung ganoon, ano ang iaalok mo sa akin?”
“What if we start all of this in a no strings attached affair?”
Present Time
“YOU’RE showing.” Puna ng matalik na kaibigan ni Mandy na si Adrien. Dinalaw siya nito sa sariling condominium unit niya sa Makati kung saan siya nagsimulang tumira simula nang malaman niya ang kondisyon niya dalawang buwan na ang nakalilipas.
Napapikit si Mandy, napahawak sa umuumbok ng tiyan. “Isang dahilan lamang para lalong hindi na ako makalabas ng unit.”
“Hindi mo magagawang itago ito habang buhay, Mandy.”
“K-kaya ko naman siguro. Basta ipagpapatuloy mo pa rin ang pagtulong sa akin...”
Bumuntong-hininga si Adrien. “Kung pumapayag ka na lang kasi na ako na ang umako ng---“
“Hindi! Magiging unfair iyon sa `yo, Adrien. This child is not your responsibility.” Matigas na pagputol ni Mandy sa sasabihin ng matalik na kaibigan.
“But I care for you, Mandy. Hindi ko gusto na makita ka sa ganyan na kalagayan. Siguro nga ay magagawa mo na itago ang sarili mo sa maraming buwan ng pagdadala ng batang `yan pero paano kapag lumabas na siya? Anong plano mo? Think about it.”
Napakagat labi si Mandy. Ano nga ba ang plano niya? Dalawang buwan na simula nang malaman niya ang sitwasyon niya. Tinagurian pa naman siya ng mga tao na matalino at matagumpay sa buhay. Magaling na negosyante. Pero pagdating sa pagpaplano sa isang hindi inaasahang sitwasyon ay hindi niya maggawa.
Kung sana lamang ay kagaya rin ng negosyo ang pinagdadaanan niya sa buhay ngayon, mabilis lamang niyang maayos iyon. Pero hindi siya makapag-isip nang maayos. Nawawalan siya ng mga ideya. Wala siyang makitang solusyon sa kanyang problema kung hindi magtago na lamang.
Matapang si Mandy. Pero sa loob ng dalawang buwan ay napupuno ng takot ang sarili niya kaya sa halip na harapin niya ang mundo ay iyon siya, pinipilit na magtago sa pamilya niya.
Apat na buwan ng buntis si Mandy. Kagaya ng unang puna ni Adrien, nakikita na sa katawan niya iyon. Isang dahilan kung bakit mas ginusto niya na magtago lalo. Nakakapagtrabaho pa rin naman siya, iyon nga lamang ay madalas na online lamang iyon. Ginusto niya na magtago dahil hindi niya gustong ipaalam ang sitwasyon sa maraming tao, lalo na sa pamilya niya. Tanging ang matalik na kaibigan at kababata lamang niyang si Adrien ang may alam ng sitwasyon niya. Ito lamang ang mapapagkatiwalaan niya.
Sa loob ng dalawang buwan ay umaasa siya kay Adrien. Tanging ito lamang ang may alam na nandoon lang naman talaga siya sa condominium unit niya, hindi sa Cebu kung saan alam ng mga tao na naroroon siya sa loob ng dalawang buwan na pag-leave niya sa office. Ang dahilan niya ay gusto niyang tutukan ang pinapagawa niyang resort roon. Totoo naman na may pinapagawa siyang resort pero dahilan lamang niya ang sinasabing pagtutok para hindi magtaka ang pamilya niya sa kanyang pagkawala.
Si Adrien ang totoong tumututok sa negosyo. Nakikiusap siya rito at madali lang rin naman niya itong napapayag dahil may sarili rin itong negosyo sa Cebu. Madalas na pabalik-balik lamang ito roon at sa Maynila. Isama pa na naiintindihan rin nito ang kanyang sitwasyon. Pero hanggang kailan ang pagiging maintindihin nito?
Pinipilit siya ni Adrien na ayusin na ang problema niya. Nagmungkahi pa nga ito na ito na ang aayos ng problema niya. Pakakasalan raw siya nito para hindi na siya mahiya sa pamilya niya na aminin niya ang kanyang lagay. Hindi niya gusto iyon. Hindi si Adrien ang ama ng anak niya at hindi rin niya mahal ito. Hindi nila mahal ang isa’t isa. Ayaw niyang maggaya sa mga magulang niya na kaya lang naman nagpakasal ay dahil sa aksidenteng nabuo siya. Ayaw niyang itali ang isang tao sa buhay niya dahil lamang sa isang anak na namamagitan sa kanila.
“Masyado na ba akong nagiging pabigat sa `yo, Adrien? I’m sorry---“
“Hindi naman sa ganoon, Mandy. Pero nag-aalala lamang ako sa `yo. Dalawang buwan na ang nakalilipas simula nang malaman mo ang lagay mo, yet, wala ka pa rin na plano.”
“Masyado pa rin na magulo ang isip ko. Lalo na ngayon. I-I had the check up yesterday. Hindi muna ako maaaring magtrabaho hanggang sa makapanganak ako.”
Tumiim ang bagang ni Adrien. “See that? Masyado kang binibigyan ng stress ng batang `yan! And yet, ni hindi ka man lang gustong suportahan ng---“
“Desisyon ko ito.” Putol ni Mandy sa sasabihin ng kaibigan.
“But still...” nagngalit ang mga ngipin ni Adrien sa galit. Hindi nagsalita si Mandy. Naiintindihan naman kasi niya ang kaibigan. Nag-aalala at pinapahalagahan lamang siya nito. Lumipas ang ilang sandali at naging mahinahon rin naman ito. Huminga ito nang malalim. “Fine. Hahayaan na kita muna sa ngayon. Marami akong gustong sabihin sa `yo pero naiintindihan ko na maselan ang kalagayan mo. Hindi kita dapat pinipilit. I also should support you in whatever decision you will do. Pero sana ay gumawa ka na ng desisyon sa lalong madaling panahon. Isang tamang desisyon. Ikonsidera mo rin ang inaalok ko sa `yo.
“We’ve been good friends. Pareho rin tayong magaling sa negosyo at kung magpapakasal, magiging partner tayo, paano pa iyon? We will make a good alliance. Kilala mo na rin ako nang husto. I care for you. Hindi kita sasaktan. Hindi ko kaya. At kung iniisip mo na unfair sa akin na akuin ang batang `yan, drop it. Walang kaso iyon sa akin. You are important to me at tatratuhin ko rin na importante ang lahat ng ganoon rin sa `yo.”
Napakurap si Mandy. Madalas na iniisip ni Mandy na malas siya. Tanging sa negosyo lamang siya masuwerte. Paano kasi, kahit galing siya sa isang mayamang pamilya ay may malaki pa rin na mali roon. Nag-iisang anak lamang siya at hindi nagmamahalan ang kanyang mga magulang. Nagpakasal lamang ang mga ito dahil aksidenteng nabuo siya. Pinilit lamang itong magpakasal sa isa’t isa para mabigyan siya ng pamilya. Pinilit ng parehong pamilya ang mga magulang niya. Naipit ang kanyang ama sa sitwasyon. Pero kahit kasal na, hindi nito pinanagutan ang mga pangako. Nanatili ito sa dating buhay nito---ang pagiging playboy.
Sa mga nangyari ay hindi naniniwala si Mandy sa pag-ibig, sa kasal, sa isang seryosohang relasyon. Masyado siyang naapektuhan sa kung anong relasyon mayroon ang kanyang mga magulang. Hindi niya gusto ng ganoon. Kaya nga sinabi niya sa sarili noon na kung magkakaroon siya ng isang relasyon, mas mabuting huwag na lang rin niyang seryosohin iyon. Hindi niya gusto ng isang commitment at masira lamang kagaya ng mayroon ang pamilya niya. Isa rin iyon sa mga dahilan kung bakit hindi na inabala ni Mandy na sabihan ang ama ng magiging anak niya.
Mali iyon. Nararapat lang naman na malaman ni Rolf ang lahat. Pero paano? Pareho nilang alam kung ano ang relasyon nila. No strings attached. Pero ang batang ito...maaaring pagbaguhin noon ang buhay nila. Hindi niya gustong malaman ang reaksyon nito kaya minabuti na lamang niyang sarilinin ang problema. Malaki kasi ang posibilidad ng isang bagay na pinakaiiwasan niya.
Hindi gusto ni Mandy na mangyari ang nakaraan. Hindi rin niya gustong gawin iyon kay Adrien, lalo na rito. Mas marami pang magagandang bagay ang nararapat para kay Adrien. Itinuturing lang niya ang sariling masuwerte dahil sa kabila ng lahat, mayroon pa rin na gustong tumulong sa kanya.
“Tatawagan na lamang kita.” Sagot ni Mandy. Hindi rin nagtagal si Adrien sa unit niya at hindi na siya nagreklamo kahit na ba nakakaramdam siya ng matinding kalungkutan. Mag-isa na naman siya. Pero kailangan niyang intindihin ito. Hindi lang sa kanya umiikot ang buhay nito at hindi niya ito gustong pilitin. Isama pa na desisyon rin niya kung bakit siya nagkakaganoon. Hindi niya maaaring ipaalam ang kondisyon niya sa pamilya. Paniguradong magiging malaking gulo iyon at isa iyon sa mga huling bagay na gustong mangyari ni Mandy.
Maselan ang kondisyon ni Mandy. Dalawang buwan na ang pinagbubuntis niya nang una niyang maramdaman ang sintomas. Nagsusuka siya, madalas nahihilo at minsan pa nga ay nahimatay pa siya. Hindi niya gustong makita ng mga magulang niya ang nangyayari sa kanya dahil hindi niya gustong magsuspetya ang mga ito. Kaya minabuti na lamang niya na magtago sa unit niya at magsinungaling sa nangyayari sa kanya. At kung pananatilihin pa rin ni Mandy ang pagtatago, alam niya na mas kailangan niyang galingan ngayon.
Kung lumalabas lang si Mandy, iyon ay ang pagpunta niya sa Doctor. Patago pa nga ang gawain niya na iyon dahil natatakot siya na baka may makakilala sa kanya. Mahirap ang sitwasyon niya at mas mahihirapan pa siya sa susunod na buwan. Mayroon siyang severe morning sickness. Kahit apat na buwan na ang pinagbubuntis niya ay araw-araw pa rin siyang nagsusuka at madalas na nakakaramdam ng pagkahilo. Pinayuhan rin siya ng Doctor na mag-bed rest hanggang sa makapanganak siya.
Nararamdaman na ni Mandy na sooner or later, kailangan niyang umamin. Nag-aalala rin naman siya sa kondisyon niya. Paano kung may mangyaring masama sa kanya at sa batang dinadala niya tapos ay wala siyang kasama? Sa kaunting panahon, naggawa na niyang tanggapin ang sitwasyon. She would keep the baby. Wala itong kasalanan kaya nararapat lamang na gawin niya rito ang tama. Kahit mahirap iyon para sa kanya.
Pagkaalis ni Adrien, bukod sa lungkot ay may iba pang naramdaman si Mandy. Nahihilo na naman siya at naging matindi iyon. Sinubukan niyang humiga. Baka napagod lamang siya sa kaunting pag-uusap nila ni Adrien. Pinagpahinga niya ang sarili. Pero lumipas ang sampung minuto ay ganoon pa rin siya. Bahagyang natakot na si Mandy. Nang huli kasing mangyari sa kanya ang ganoong matinding pagkahilo ay noong unang beses na mahimatay siya dahil sa kondisyon niya.
Nasa ganoong kalagayan si Mandy nang may mag-door bell muli sa unit niya. Sinubukan niyang bumangon at inisip na baka si Adrien lamang iyon. Pero lalong tumindi ang pagkahilo niya nang makitang malayo iyon sa kaibigan.
“Rolf...” naggawa pang banggitin ni Mandy ang pangalan ng lalaking nasa pinto hanggang sa tuluyan nang mangyari ang kinatatakutan niya.
Nawalan ng malay si Mandy.
HINDI sanay na matakot si Rolf. Halos sa buong buhay niya ay nanatiling chill lang ang mga bagay-bagay. Namatay man ang mga magulang niya sa murang edad ay hindi iyon nakaapekto nang malaki sa kanya. Paano kasi ay nandiyan naman ang Tita Judith niya para sa kanila. Pinunan nito ang mga kulang sa buhay niya. Sinuportahan siya nito sa kung anong gusto niya. Hindi siya pinilit sa mga bagay na hindi naman niya gusto.
Hindi sanay si Rolf sa problema. Kaya naman ang nakitang pagkawala ng malay ni Mandy sa mismong harapan niya ay nagpayanig ng mundo niya. Kahit nasa ospital na ito ngayon at kinumpirma na sa kanya ng Doctor na wala namang dapat ikabahala sa kalagayan nito ay nanginginig pa rin ang kamay niya.
Umiling si Rolf. “Wala akong dapat ikabahala? She freaking fainted! Paniguradong may mali sa kanya!”
Matamang tinitigan si Rolf ng Doctor. “Kaano-ano po kayo ng pasyente, Sir?”
“I---“
Sandaling natigilan si Rolf. Kaano-ano nga ba talaga niya si Mandy? Nagkaroon sila ng affair. Pero masasabi niya ba na naging girlfriend niya ito? Kung siya mismo ang nagsabi na wala silang commitment.
Na siyang pinakamalaking pagkakamali ko sa buhay.
Umubo muna si Rolf. “K-kaibigan niya po.”
“Paanong kaibigan? Malapit ba kayo sa isa’t isa?”
Kumunot ang noo ni Rolf. “Bakit kailangan po na malaman iyon, Doc? Kaibigan po ako ni Mandy. Natural ay nag-aalala ako sa lagay niya. Gusto kong malaman ang lagay niya!”
Huminga nang malalim ang Doctor. “Well, buntis ang kaibigan mo. Ang mga pagkahilo at pagkahimatay na kagaya nito ay kalakip lamang ng pagbubuntis niya kaya wala dapat na ikabahala.”
Kung namumutla si Mandy nang una niyang makita pagkatapos ng dalawang buwan nilang paghihiwalay, mas naging matindi ang pamumutla ni Rolf. Sa tantiya niya ay nawala na yata lahat ng dugo sa katawan niya sa gulat. “B-buntis si Mandy...”
Tumango ang Doctor. “Four months. Apparently, dito siya nagpa-check up kahapon kaya mabilis naman nalaman kung bakit nangyari ang mga bagay na ito sa kanya. Ako rin ang Doctor na pinuntahan niya kahapon. Naresetahan ko na rin siya ng mga gamot na kailangan niyang inumin at siguro ay hindi pa lang gaanong nagte-take effect kaya nangyari ito sa kanya. Mukhang stress na stress siya. Alam mo ba kung bakit? She needs extra care. Kung talagang concern ka sa kaibigan mo at sa magiging baby niya, I suggest na bigyan mo siya ng tamang pag-aalaga.”
Tumango si Rolf. Hindi man imungkahi sa kanya ng Doctor ay gagawin ni Rolf. Lalo na sa natuklasan niya.
Responsibilidad na ni Rolf si Mandy ngayon. Hindi man ganoon ang inaasahan niya na muling pagkikita nila pero sa tingin naman niya ay nakatulong na rin iyon. Sa nangyari, magkaroon na rin siya ng hold kay Mandy. Hindi man ganoon kaagad ang nasa isip niyang plano tungkol sa babae pero mabuti na rin iyon. Mapapabilis niya ito na mapa-oo sa kagustuhan niya. Ang lagay nga lamang, masyado siyang nagulat sa natuklasan.
Binalikan ni Rolf si Mandy dahil na rin sa stipulation. Dalawang buwan na ang nakalipas simula nang magdesisyon ito na maghiwalay sila. Ngunit kahit ganoon, hindi pa rin ito mawala-wala sa isip niya. He wanted her back. Ang pride nga lamang ang pinanguna niya kaya hindi siya gumawa ng paraan. Siya mismo ang nagsabi kay Mandy na walang nag-uugnay sila kaya sino siya para pigilan ito sa naging desisyon nito na tapusin na ang namamagitan sa kanila?
Pero hindi na ngayon. Nakapag-isip-isip na si Rolf ng tama niyang gawin. Hindi naman magiging mahirap para sa kanya ang stipulation ng Tita Judith niya sa last will nito. May babae naman kasi siyang masasabi niyang kaya niyang bigyan ng isang seryosong relasyon. Kahit ang isipin na pakakasalan niya ito ay hindi rin nagbibigay ng masamang damdamin sa loob niya. It was Mandy. Pero dahil nga wala na silang relasyon at hindi na rin niya alam kung nasaan na ito ngayon, naisip niya na magiging imposible iyon.
At umaasa si Rolf na dahil sa nangyari ay malaki ang posibilidad na magiging matagumpay siya sa pakay. Mas malaki kaysa sa inaasahan niya at kahit ang gusto lamang sana niya.
Pagkatapos makausap ang Doctor ay pumasok na si Rolf muli sa emergency room kung nasaan nandoon si Mandy. Hindi na ito pina-confine pa at kaya lamang nanatili roon ay inaantay na maggising. Inantay niyang maggising ito at habang ginagawa iyon ay pinagsawa muna ni Rolf ang sarili sa pagtitig rito.
Nawawala na ang pangininginig ni Rolf. Pero nandoon pa rin ang pag-aalala. Pag-aalalang sa tingin niya ay hindi na siguro mawawala sa kanya sa mga susunod na buwan. Maselan ang kondisyon ni Mandy. Sa isipin na nahihirapan ito ay tila nahihirapan rin siya.
Hinawakan ni Rolf ang kamay ni Mandy. Kahit wala pa rin itong malay ay nagbigay pa rin iyon ng iba’t ibang emosyon sa kanya ang simpleng gawain lamang naman iyon. Kaya naman nang magkamalay ito ay mabilis rin niyang naramdaman iyon.
“We will get married.” Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Rolf na sabihin kay Mandy ang mga iyon.
Kumunot ang noo ni Mandy at naiintindihan naman ni Rolf kung bakit. Malamang ay nabigla ito sa sinabi niya. Pero hindi mahilig magpatumpik-tumpik pa si Rolf sa mga bagay-bagay, lalo na at seryosong lagay ang mayroon sila ngayon.
“No.” Mariin naman na wika ni Mandy at kahit inaasahan na ni Rolf ang magiging sagot na iyon ng dalaga ay naging iba pa rin ang dating ng sakit sa kanya.