NAPAMAANG si Lorie habang nakatingin kay Choi nang mabilis na paandarin ng binata palabas ng parking lot ng mall ang kotse nito. “Reporter?” ulit ni Lorie sa sinabi ng binata.
Dumilim ang mukha ni Choi. “Oo. Si Chavit Sotto. Hindi ko siya makakalimutan dahil siya ang dahilan kung bakit ako nasangkot sa eskandalo halos tatlong taon na ang nakararaan. Ayaw pa rin talaga akong tigilan.”
Saglit na nag-isip si Lorie bago niya naalala ang tinutukoy ni Choi na eskandalo. Sinabi iyon sa kanya nina Mocha. “Iyong tungkol sa anak ng business partner ng mga magulang mo?”
Nakagat ni Lorie ang ibabang labi niya nang matalim siyang tiningan ni Choi.
“You know that?”
Napangiwi si Lorie. “Narinig ko lang. Ang ibig mong sabihin, siya ang nakakita sa inyo sa hotel?”
Tumiim ang mga bagang ni Choi. Ang akala ni Lorie ay sisigawan siya ng binata pero ibinalik lang nito ang tingin sa daan. “Yes. That’s him. May galit sa akin ang taong iyon dahil i-b-in-an ko siya sa club ko. He loves snooping at my members’ personal lives and they don’t like it. Isa pa naman sa ipinagmamalaki ko sa club ko ay privacy. Para sa mga miyembro kaya ko siya ipinagbawal. Mula noon, wala na siyang inatupag kundi ang sundan ako at gumawa ng mga artikulo tungkol sa lahat ng escapades ko. Hindi siya titigil hangga’t hindi niya nadudumihan nang husto ang reputasyon at pangalan ko,” wika ni Choi na bakas ang disgusto at galit sa tinig.
Nanlaki ang mga mata ni Lorie at napakagat sa ibabang labi nang maalala ang dahilan kung bakit sila hinahabol ng reporter. Napahigpit ang yakap niya kay Maja na nakatulog na sa mga bisig niya. “P-paano iyan?” mahinang usal ni Lorie
“What?” tanong ni Choi nang sumulyap uli ito kanya.
Nakangiwing ikinuwento ni Lorie ang nangyari kaya sila hinabol ng lalaking iyon. “Damnit,” mahinang bulalas ni Choi at nagbuga ng marahas na hininga. “Hindi pa ba sapat sa kanya ang pasakit na ginawa niya sa akin more than three years ago? Magkakandaletse-letse na naman ang buhay ko nito at dahil pa rin kay Sheila,” sabi ni Choi na tila mas ang sarili ang kausap.
Ilang segundo ang lumipas bago may impormasyong luminaw sa isip ni Lorie. “Sandali. Ibig sabihin ang ina ni Maja ay—”
Hindi na natuloy ni Lorie ang sasabihin dahil lalong dumilim ang mukha ni Choi. Mariing naglapat ang mga labi at nag-isang linya ang mga kilay ng binata tanda na galit ito. Mabilis na itinikom ni Lorie ang kanyang bibig at inalis ang tingin kay Choi. Sapat na ang reaksiyon ng binata upang malaman niyang totoo ang hinala niya. Ang ina ni Maja ay walang iba kundi ang Sheila na iyon. At kung tama ng kutob si Lorie ay nabuo si Maja sa mismong gabing nahuli sina Choi at Sheila sa hotel. Napatingin siya kay Maja, lalong humigpit ang yakap niya sa bata. Nakaramdam si Lorie ng awa para sa bata. Kapareho rin ito ni Kai na nabuo dahil sa isang aksidente at kapusukan ng dalawang taong hindi naman mahal ang isa’t isa.
Ginawaran ni Lorie ng halik ang tuktok ng buhok ni Maja. Huwag kang mag-alala, Maja, hindi ka man nabuo sa pagmamahal, sisiguruhin ko naman na mararamdaman mo iyon ngayon. Gagawan ko ng paraan para mahalin ka ng daddy mo. At ng mommy mo na rin kung nasaan man siya ngayon.
Hinalikan uli ni Lorie si Maja bago isinandal ang ulo sa sandalan at wala sa loob na sumulyap kay Choi. Kumabog ang dibdib niya nang makitang nakatingin sa kanya ang binata. Walang galit o iritasyon sa mga mata nito. May nakita rin si Lorie na kislap doon na nagpatigil sa paghinga niya. Tila namamangha si Choi na hindi niya maintindihan. Ilang segundo rin silang binalot ng katahimikan bago tumikhim si Lorie at pinilit magsalita. “M-mababangga tayo kapag hindi ka pa tumingin sa daan, Sir.”
Kumurap si Choi at agad na ibinalik ang tingin sa daan na tila ba may kung ano sa sinabi niyang nagpagising dito.
Katahimikan ang pumagitan sa kanila sa buong biyahe. Nang humimpil ang sasakyan nila sa parking lot ng condominium building ni Choi ay saka lang ito nagsalita. “You are too compassionate.”
Napalingon si Lorie sa binata. “Ha?”
Lumingon sa kanya si Choi. “You don’t know what compassionate is?”
Nainis siya sa tono nito. “Alam ko, `no! Naka-graduate naman ako ng high school at section two ako. Kaya nga ako nakapag-vocational school. Hindi por que hindi ako nakapagkolehiyo ay tanga na ako. Hindi ako nakapagkolehiyo dahil wala akong pang-enroll,” asar na sikmat ni Lorie sa binata.
Kumunot ang noo ni Choi. “Then what is that ‘ha?’ for?” tanong nito sa halip na humingi ng tawad sa pang-iinsulto nito sa kanya.
“Hindi ko lang maintindihan kung paano mo nasabing compassionate ako,” inis pa ring sagot ni Lorie.
Natigilan na naman si Choi. Pagkatapos ay tumikhim ito at nag-iwas ng tingin. “You are giving her more than a hired helper should give her.”
Kumunot ang noo ni Lorie. “Anong sobra? Sobra na maging mabait at mapagmahal ako sa kanya dahil babysitter lang niya ako?”
Hindi sumagot si Choi kaya lalo siyang nainis. “Ano namang masama kung mahalin ko siya? Dapat naman talaga binibigyan ng pagmamahal ang mga batang gaya niya. Dapat mahalin mo rin siya dahil anak mo siya. Hindi iyon sobra. Tama lang iyon,” paliwanag ni Lorie.
“See? That’s what I’m talking about. Kapag palagi kang nagmamahal ng ganyan sa hindi mo talaga anak, darating ang araw na ikaw lang ang masasaktan kapag oras na para ibalik sila sa mga magulang nila.”
Naumid ang dila ni Lorie sa sinabi ni Choi. Biglang sumagi sa isip niya si Kai. Alam ni Lorie na darating ang araw na biglang susulpot ang ate niya at kukunin si Kai. Ngunit hindi nag-aalala si Lorie dahil alam niyang isasama rin naman siya ng ate niya. Si Maja, alam din niya na darating ang panahong hindi na siya kakailanganin ni Choi para alagaan ang bata.
“Oo masasaktan ako. Pero at least, naiparamdam ko sa kanila na mahal ko sila. Ganoon naman talaga dapat iyon, hindi ba?” sagot pa rin ni Lorie.
Mataman siyang tinitigan ni Choi. Tila nang-aarok. Sa unang pagkakataon mula ng magtrabaho si Lorie sa binata ay sinalubong niya ang titig nito sa kaparehong paraan. Oo nga at hindi sila pareho ng katayuan sa buhay, na amo niya si Choi. Ngunit sa pagkakataong iyon ay nais ni Lorie na malaman ni Choi na kahit simpleng tao lang siya ay may paninindigan siya. At paninindigan niya ang kanyang sinabi.
Nagtagal sila sa ganoong ayos. Mukhang walang gustong magbawi ng tingin sa kanila kung hindi pa gumalaw si Maja sa kandungan ni Lorie. Magkapanabay na tiningnan nila ang bata.
“We’re home?” pupungas-pungas na tanong ni Maja.
Ngumiti si Lorie at hinaplos ang ulo ng bata. “Oo, nandito na tayo,” sagot niya at binuksan ang pinto ng sasakyan. Hindi na rin nagsalita pa si Choi. Mabuti na rin iyon bago pa uli siya makapagsalita ng maaaring magpainis kay Choi at bigla pa siyang sibakin sa trabaho. Walang pakialam si Lorie kung malaki man ang ipinapasuweldo ni Choi. Ang mas inaalala niya ay ang kahahantungan ni Maja kapag iniwan niya ang bata na mag-isa sa tatay nito.
Karga na ni Lorie ang bata at akmang maglalakad na siya patungo sa elevator nang maramdaman niya ang paghawak ni Choi sa siko niya. Agad niya itong nilingon. Bumuntong-hininga si Choi. “I’m sorry.”
Napamaang si Lorie sa sinabi ng binata. Nagkamali ba siya ng dinig? Si Choi Montemayor, nagso-sorry sa kanya?
Bumakas ang frustration sa mukha ni Choi. “Nag-sorry na ako, ano ba?” anito sa kanya. Umawang ang mga labi ni Lorie dahil inulit pa nito iyon. Kumunot ang noo ni Choi. “Bakit ganyan ang reaksiyon mo?”
Kumurap siya. “Hindi ako makapaniwalang nagso-sorry ka,” sa wakas ay naisatinig ni Lorie.
Natigilan si Choi na para bang noon lang din nito napagtanto ang bagay na iyon at tila napasong binitawan siya. “Bahala ka na nga,” anito sa inis na tinig at nagpatiuna na sa paglakad patungo sa elevator.
Napasunod na lang si Lorie ng tingin sa binata. Akalain mo, marunong palang mag-sorry, aniya sa isip. Kapagkuwan ay tuluyan nang nawala ang inis ni Lorie at hindi napigilang mapangiti. Mas magaan na ang pakiramdam niya nang sumunod kay Choi.
“WOAH! Choi, long time no see,” masayang bati ni JT at ng iba pa nilang kaibigang nasa VIP area ng club nila nang magpakita siya roon nang Sabado ng gabi.
Ngumisi si Choi sa mga kaibigan niya at nakipagpalitan ng tapik sa balikat at beso sa mga babae. “Nagpa-miss lang ako,” sabi niya na pinaniwalaan naman ng mga ito. Pabagsak na umupo si Choi at agad naman siyang tinabihan ng mga babaeng VIP member nila.
Ang totoo, noon lamang nakapunta roon si Choi dahil tuwing Sabado at Linggo lang maaaring manatili hanggang gabi si Lorie sa unit niya dahil kasama ng babae ang anak nito roon. Sa loob tuloy ng isang linggo mula ng sumulpot si Maja sa buhay ni Choi ay noon lang uli siya nakabalik sa club.
“Let’s dance, Choi,” ungot sa kanya ng dalawang babae sa magkabilang gilid niya.
Nginitian ni Choi ang mga babae at hindi niya maiwasang mapansin ang malakas na amoy ng mga mamahaling pabango ng dalawa na naghahalo at nagpapasakit ng ilong niya. It was weird because he was never sensitive to perfumes before. Dahil ba sa loob ng halos isang linggo ay nasanay siya sa natural na amoy ni Lorie na ang tanging ibang amoy lang na mayroon ito ay kapag nagpolbo ito?
Natigilan si Choi. Kulang na lang ay iuntog niya ang sarili dahil sumagi na naman si Lorie sa isip niya. Naroon siya upang magpakasaya at ibalik sa normal na takbo ang buhay niya. Kailangan niyang kalimutang nag-e-exist si Lorie.
“Choi, sige na,” ungot uli ng mga katabi niya.
Tinapik ni Choi ang mga hita ng mga babaeng exposed na exposed sa microminiskirt na suot ng mga ito. “Go to the dance floor. Susunod ako. May kailangan lang kaming pag-usapan ni JT sandali,” malambing na sagot ni Choi sa mga babae. They pouted their lips at him ngunit tumalima naman. Saglit pa ay naiwan na lang sila ni JT doon.
Nang magkatinginan sila ng kaibigan niya ay naningkit ang mga mata ni JT. “Don’t tell me the rumor is true at hihingin mo ang payo ko.”
Napakunot-noo si Choi. “What rumor?”
Mabilis na lumipat si JT sa tabi niya at pabulong na nagsalita. “Tungkol sa secret child mo.”
Napaderetso ng upo si Choi at manghang napatitig kay JT. “What? Saan mo narinig `yan?”
“Hindi lang narinig. Nabasa. May artikulo sa isang tabloid at sa mga online showbiz websites. Walang binabanggit na pangalan pero ikaw na ikaw ang tinutukoy doon, Choi. And believe me, even those girls who were here a while ago have read it. Malamang balak nilang tanungin ka mamaya kaya ka niyayayang magsayaw. So, is it true? Bakit hindi mo sinasabi sa `kin,” usyoso pa ni JT.
Bigla ay parang may humalukay sa sikmura ni Choi sa sinabi ng kaibigan niya. Isang blind item. Alam niya kung sino ang nagsimula ng ganoong intriga. “Sino’ng nagsulat niyan?”
“Sino pa ba? Alam mo namang may reporter na mainit ang dugo sa `yo, `di ba? Si Chavit.” Napamura si Choi. Sinasabi na nga ba niya. Kakakita pa lang ni Chavit kina Maja at Lorie kailan lang at ngayon ay gumagawa na ng ingay ang reporter.
Mataman siyang pinagmasdan ni JT. “Choi, alam nating talagang nakakairita siya, lalo na para sa atin, pero kilalang may kredibilidad si Chavit. Siguradong marami nang reporters ang nakakaamoy ng balitang magpapakulay na naman sa trabaho nila. Alam nila na kadalasan ay totoo ang mga sinusulat ni Chavit. Ganoon ang nangyari noon, hindi ba? Mas magiging magulo ang buhay mo ngayon kaya kung gusto mong matulungan kita sabihin mo sa akin ang totoo habang maaga,” seryosong sabi ni JT.
Napatiim-bagang si Choi dahil alam niyang tama si JT. Isa pa, bukod sa mga kapatid niya ay ito lang ang maaasahan niya kapag nasa kagipitan siya. Nagpalinga-linga si Choi upang siguruhing walang ibang tao roon bago niya sinabi kay JT ang lahat.
“Kaya kailangan mong makita si Sheila? Ibang klase talaga ang babaeng iyon,” bulalas ni JT pagkatapos niyang magsalaysay.
Napasandal si Choi at mariing napapikit. “Yeah. I need to give the child back to her. Ayokong mahila pababa sa sitwasyong ito. Mabuti na lang at nasa ibang bansa ang parents ko kaya kailangan matapos na ito bago sila dumating.”
“Sige, pagbubutihin ko ang paghahanap. At ikaw, kailangang mas maging maingat ka, Choi. Siguradong hindi lang si Chavit ang nakabantay sa iyo ngayon. For all you know baka marami nang reporter ang umaaligid sa building mo. Baka may makalusot at makarating hanggang sa unit mo,” sabi ni JT.
Muling napadilat si Choi at napaderetso ng upo sa sinabi ng kaibigan niya. Bigla niyang naalala ang mga naiwan niya sa unit niya. Paano kung may nakalusot nga sa security at bigla na lamang mag-doorbell sa unit niya? Paano kung buksan ni Lorie ang pinto at makumpirma ang balitang may anak siya? Malaking problema iyon. Ngunit ang mas matinding bagay na naisip ni Choi at tumakip sa nauna ay ang pag-aalala sa kung paano haharapin ni Lorie ang reporters. Paano kung harass-in ang babae? The thought made him nearly mad.
Napamura si Choi at napatayo. “I’m going home,” paalam niya sa kaibigan. Nagprotesta si JT ngunit hindi na niya iyon pinakinggan. Mabilis ang kilos na lumabas na si Choi ng club.