THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY (Filipino) Chapter 19

ANG MGA sumunod na nangyari ay parang slow-motion na palabas sa sine sa paningin ni Lorie. Pagkatapos ng mga salitang binitiwan ni Choi kanina, lalo na ang tungkol sa sinabi ng binata na nais siya nitong pakasalan ay para nang naka-drugs si Lorie na hindi na masyadong maunawaan ang mga nangyayari. Basta nang pumasok ang abogado at pagkatapos ng mariing banta ni Choi kay Sheila ay nanahimik na ang babae. Pumirma si Sheila sa kontrata sa kabila ng halatang pagtiim ng mga bagang nito. Halatang sa kabila ng kaangasan at taray ng babae ay takot ito kay Choi.

Ang hindi lang maintindihan ni Lorie ay kung bakit hindi siya sinusulyapan ni Choi mula pa kanina. Ni hindi siya kinakausap ng binata at nagmumukha na siyang tanga na nakatayo lang doon. Hindi maiwasan ni Lorie na makaramdam ng pagkalito at hinanakit sa inaakto ni Choi. Ganoon ba dapat umakto ang isang lalaking sinabing pakakasalan siya? Maliban na lamang kung hindi naman talaga nito balak gawin iyon at nasabi lamang iyon ni Choi para inisin ang tunay na ina ng anak nito. Sa totoo lang, may pakiramdam si Lorie na ang huli ang dahilan ng binata.

Bumalik si Lorie sa loob ng guest room nang hindi na niya maunawaan ang sinasabi ng abogado at hindi na niya kinaya ang hindi pagpansin sa kanya ni Choi. Umupo si Lorie sa tabi ni Maja na natutulog na at hinaplos ang buhok ng bata hanggang sa hindi niya alam kung gaano na katagal ang lumipas.

“Lorie.”

Awtomatikong sumikdo ang puso ni Lorie at mabilis na tumingin sa pintuan nang marinig niya ang malumanay na pagtawag ni Choi sa pangalan niya. Nang magtama ang mga mata nila ay may bumikig sa lalamunan niya sa nakita niyang pagkahapo, frustration, at kung ano-ano pang emosyon sa mga mata ni Choi na noon lamang nakita ni Lorie na naghalo roon mula nang makilala niya ito. Lumunok siya at hindi inalis ang tingin sa binata. “Umalis na sila?” mahinang tanong ni Lorie.

Tumango si Choi at inilahad ang isang kamay. “Come here,” malumanay na tawag nito sa kanya. May kakaibang himig sa tono ng boses ni Choi na nagpatayo sa mga balahibo ni Lorie sa batok. Masyadong malakas ang epekto sa kanya ng himig na iyon na namalayan na lamang ni Lorie ang sariling tumayo at walang salitang lumapit kay Choi. Kinuha ng binata ang isang kamay niya at pinisil iyon bago hinatak si Lorie palabas ng silid. Wala pa ring nagsasalita sa kanila kahit na naisara na ni Choi ang pinto. Hawak lang ng binata ang kamay niya habang ang hinlalaki nito ay marahang humahaplos sa likod ng palad niya.

Tumikhim si Lorie dahil hindi na niya matagalan ang katahimikan at ang epekto sa kanya ng ginagawa ni Choi sa kamay niya. “H-hindi mo na talaga ibibigay sa kanya si Maja.”

“Yeah. That woman will not be a good mother to my child. Matu-trauma lang lalo si Maja kung ibibigay ko sa kanya ang bata. Besides, I don’t want to part with my child anymore. Nasanay na akong nasa buhay ko siya,” kaswal na sagot ni Choi. Nakagat ni Lorie ang ibabang labi at napatango. Nanlaki ang mga mata niya nang iangat ni Choi ang kamay niyang hawak nito sa mga labi nito at halikan iyon. “Lorie, I’m sorry.”

Kumurap siya. “P-para saan?” nalilitong tanong ni Lorie.

Nagtama ang mga mata nila. “For everything I did that offended and hurt you. For being such a selfish, unfeeling ass when we first met. For even thinking of giving Maja away. For shouting at you when you’re just thinking of the child’s welfare. At para sa nakita mo kanina. I’m sorry for all the insults Sheila threw at you. And I’m sorry if you heard my proposal like that. Alam ko dapat marinig mo iyon sa mas magandang sitwasyon,” seryosong pahayag ni Choi.

Umawang ang mga labi ni Lorie. Kumabog ang dibdib niya sa implikasyon ng sinabi ng binata. “A-anong ibig mong sabihin?”

Bahagyang ngumiti si Choi at bigla siyang hinigit palapit dito. Napasinghap si Lorie nang maglapat ang mga katawan nila. Ginawa iyon ng binata nang hindi pinuputol ang tinginan nila. “I meant what I said to her a while ago, Lorie. I want you to be the mother to my child. I want you to stay with me always. I want to marry you.”

Hindi nakapagsalita si Lorie pero nakikita niya sa mga mata ni Choi ang sinseridad ng mga salitang binitawan nito. Pero kahit ganoon, pakiramdam ni Lorie ay may kulang sa mga sinabi ng binata. At iyon ang pumipigil sa kanyang maging lubusang masaya.

“Gusto mo akong pakasalan para kay Maja?” Tumango si Choi. Nakagat ni Lorie ang ibabang labi sa munting kirot sa dibdib niya.

Iniiwas niya ang tingin sa binata. “C-Choi. Mahal ko si Maja. Pero ayokong magpakasal dahil lamang kailangan mo ng tatayong nanay sa kanya. Kahit naman ganito ako, may pangarap din naman akong buhay. Gusto ko kung magpapakasal ako, sa lalaking m-mahal ako. Gusto ko ng pamilyang puno ng pagmamahal,” mahinang sabi ni Lorie.

Naramdaman niya ang isang kamay ni Choi na humaplos sa baba niya at itiningala siya. Nagtama ang mga mata nila. “I can make your dreams come true.”

“Hindi mo kaya,” sagot ni Lorie. Dahil gusto mo lang akong pakasalan para sa anak mo hindi dahil gusto mo ako.

Pinisil ni Choi ang baba niya. “I can. Because I love you,” pinal na sabi ni Choi na ikinalaki ng mga mata ni Lorie. “I love you,” ulit nito sa mas masuyong tinig na nagpainit sa sulok ng mga mata niya. “Alam ko baka hindi ka maniwala dahil sa totoo lang noong una ay hindi rin ako makapaniwala. But then that was my stupid self justifying what I thought I am before I met you. Nang umalis ka kasama si Maja, noon ko na-realize na kahit anong tanggi ang gawin ko ay hindi ko maalis ang kung anong nararamdaman ko para sa `yo. And when I found you again, I realized that I really do love you at wala na akong pakialam sa pride ko o sa kahit na ano pang sabihin ng iba. I just want you. At tutuparin ko ang pangako ko sa iyo nang araw na iyon. I will keep you, Lorie. If you will just allow me to be with you by marrying me I promise it will be forever. At maniwala ka sana kapag sinabi ko sa `yo na ito ang unang beses na nagsalita ako ng ganito. And please say ‘yes’ because I don’t know if I could bear to say embarassing things for so long.”

Nakaawang pa rin ang mga labi ni Lorie habang nakatitig kay Choi. Mahal siya nito. Si Choi Montemayor, inaming mahal siya. May lumukob na kakaibang init sa buong katawan ni Lorie. Bigla ay parang nais niyang mapahalakhak sa labis na saya.

“And if you keep your mouth open like that I’d kiss you senseless until you say ‘yes,’” seryosong sabi ni Choi pero nakita niyang iba na ang kislap sa mga mata nito na nakatitig na sa mga labi niya.

Hindi na napigilan ni Lorie ang pagsilay ng matamis na ngiti sa mga labi niya. “Ah, kung ganoon sasabihin ko na ang sagot ko ngayon para hindi mo na kailangang gawin `yan,” aniya rito.

Umungol si Choi at lalo pa siyang hinapit palapit sa katawan nito. “No. Don’t say anything yet. Let me kiss you senseless first,” sabi ni Choi bago tuluyang sinakop ang mga labi ni Lorie. Napapikit siya at tatawa sana ngunit tuluyan na siyang nalunod sa halik ng binata. Kung ganoon humalik ang binata ay talagang mapapasigaw siya ng “oo.” Hindi dahil sa kung ano pa man kundi dahil gaya ni Choi ay mahal din niya ito.

I WILL not forgive you for this, Choi! gigil na gigil na sabi ni Sheila sa isip habang naglalakad patungo sa kotse niya na nasa parking lot ng condominium building. Hindi pa rin maalis ang galit na nararamdaman ni Sheila sa pagpapahiyang ginawa sa kanya ni Choi kanina. To think that he made her sign that stupid contract! She wasted her time coming there. At hindi ba alam ni Choi kung gaano katinding sakripisyo ang ginawa niya para lang buhayin ang batang iyon? Matagal siyang nagtago sa alta-sosyedad dahil sa bata. Sa halip na pasalamatan siya na hindi niya ipinalaglag ang anak nila ay ipinahiya pa siya ni Choi ng ganoon.

Bukod doon, balak pa talaga ng binata na pakasalan ang katulong na iyon at bumuo ng pamilya. Choi would be happy as if nothing happened habang si Sheila ay naging miserable dahil sa batang pareho naman nilang ginawa. It was unfair and she couldn’t take it.

Nakalapit na si Sheila sa kotseng nirentahan niya habang nasa Pilipinas siya. Bubuksan na sana niya ang pinto nang mapaigtad siya sa isang tinig mula sa likuran niya. “Sheila De Luna,” tawag sa kanya ng kung sino. Saglit na nataranta si Sheila nang makita ang reporter na sa pagkakatanda niya ay si Chavit Sotto. Naningkit ang mga mata ni Sheila nang makita niya ang ngisi at kislap ng interes sa mga mata ng reporter. “I can’t believe that I am seeing you here right now after more than three years,” masayang bulalas ni Chavit.

“Yeah. After that scandal na ikaw ang may kagagawan,” mapait na sagot ni Sheila.

Tumawa ang reporter, halatang hindi nagsisisi. “Speaking of that scandal, sigurado akong alam mong dito nakatira si Choi Montemayor. Siya ba ang dinalaw mo rito ngayon? Are you rekindling your old flame?” tanong ni Chavit na halatang excited makaamoy ng bagong isyu.

Nang maalala ni Sheila ang ipinunta niya roon ay lalo siyang nainis. Biglang may ideyang kumislap sa isip niya. Pinigilan ni Sheila ang pagsungaw ng ngiti at umaktong nasasaktan. Tuluyan na siyang humarap sa reporter. “Actually, I came here to compromise with him but I changed my mind because I discovered something shocking about him when I went to his unit,” umpisa ni Sheila.

Dumeretso ng tayo si Chavit at sa isang iglap ay may hawak nang recorder. Lihim siyang napangiti. Kung akala ni Choi ay hahayaan niya itong maging masaya nang ganoon lang pagkatapos ng ginawa nito sa kanya kanina ay nagkakamali ito.

NAALIMPUNGATAN si Lorie sa pakiramdam na may mainit at malambot na kung anong dumadampi sa mukha niya. Bigla siyang naging aware sa pamilyar na presensiya at amoy ni Choi. Awtomatikong dumilat si Lorie at nang lumingon siya ay nagtama ang mga mata nila ng binata. Ngumiti si Choi nang matamis at mabilis siyang hinalikan sa mga labi bago nagsalita. “Wake up, lovely. May pupuntahan tayo ngayon,” bulong nito sa kanya.

Nag-init ang mga pisngi ni Lorie at kumilos upang bumangon pero napagtanto niyang nakakulong pala siya sa mga bisig ni Choi kaya hindi rin niya iyon nagawa. Sa tabi ni Lorie ay masarap pa rin ang tulog ni Maja. Tiningala niya si Choi na titig na titig pa rin sa kanya. “Akala ko ba babangon na ako?” bulong niya rito.

Lumawak ang ngiti ni Choi. “Wait. I just want to memorize how you look when you wake up,” ganting-bulong ng binata.

Lalong nag-init ang mga pisngi ni Lorie at wala sa loob na hinampas ang braso ni Choi. “Puro ka kalokohan. Babangon na ako, sabi mo may pupuntahan tayo. Magluluto muna ako ng almusal bago ko gisingin si Maja.”

Mahinang tumawa si Choi pero bahagya namang lumayo. Inalalayan pa siya nitong bumangon. “Oo nga pala. Maaga ang dating nina Papa kaya dapat nasa mansiyon na tayo bago mag-lunch.”

Napaderetso nang upo si Lorie at maang na napatingin sa mukha ng binata. “Ano?”

Umangat ang isang kilay ni Choi. “Sabi ko dapat nasa mansiyon na tayo bago—”

Mabilis na inangat ni Lorie ang mga kamay niya upang patigilin si Choi sa pagsasalita. Nanlalaki ang mga matang tinitigan niya ang binata. “T-teka lang. Bakit tayo pupunta sa mansiyon?” kinakabahang tanong ni Lorie.

Mukhang nahulaan ni Choi ang nangyayari sa kanya dahil bigla itong ngumisi at bale-walang hinawakan ang mga kamay niya. “Dahil ngayon ang dating nina Papa at Mama mula sa bakasyon nila sa ibang bansa at plano kong ipakilala kayo ni Maja sa kanila ngayon,” kaswal na sagot ni Choi.

Biglang nanlamig si Lorie. Sinubukan niyang bawiin ang mga kamay niya mula kay Choi ngunit humigpit lang ang hawak ng binata roon at hinalikan pa ang mga iyon.

“Huwag kang matakot. Hindi ko kayo pababayaan. Mas mabuti nang ako ang unang magsabi sa kanila kaysa mabasa pa nila o marinig mula sa kung saan ang tungkol sa inyo.”

Huminga nang malalim si Lorie. Hindi naman ganoon kadali ang gusto ni Choi. Oo nga at nakilala na ni Lorie ang ina ng binata at alam niyang mabait ang ginang. Pero ano ang iisipin ni Doña Edna kapag nalaman nitong nais siyang pakasalan ni Choi? Makapangyarihan at mayaman ang mga Montemayor. Malabong matanggap siya ni Doña Edna. Paano haharapin ni Lorie si Don Jaime Montemayor, ang ama ng lalaking mahal niya?

“Lorie, I said don’t worry,” ani Choi. Nang ibalik ni Lorie ang tingin sa mga mata ng binata ay may kakaibang kislap na sa mga iyon. “Hindi ako papayag na masaktan kayo ng kahit na sino. Kahit pa pamilya ko. Trust me, okay?”

Kahit paano ay kumalma si Lorie sa sinabi ni Choi. Nakagat niya ang ibabang labi at napatango.

SUBALIT hindi nangyari ang plano ni Choi na maunang magsabi sa mga magulang nito. Alas-diyes ng umaga ay nakaayos na silang lahat maging si Maja para pumunta sa bahay ng mga magulang ni Choi. Dahil masyadong kabado si Lorie sa nalalapit na pakikipagkita niya sa mga magulang ng binata habang abala naman si Choi sa sasabihin nito sa mga magulang nito ay ni hindi na nila naalala pang magbukas ng telebisyon o kahit na tumawag man lang sa intercom ng reception ng condominium building. Kaya naman nang bumukas ang elevator sa ground floor at nakaisang hakbang pa lamang sina Choi at Lorie palabas ay pareho silang nagulat sa kislap ng mga camera at sa napakaraming reporters na nakaabang sa kanila.

Awtomatikong niyakap ni Lorie si Maja at agad na tumalikod sa mga reporter. Mabilis na iniharang ni Choi ang katawan nito sa pagitan nila at ng mga reporter.

“Mr. Montemayor, so it is true na may itinatago kayong anak sa unit ninyo. Is it also true that you are living with the woman who used to be your child’s babysitter?” tanong ng isang reporter na sinegundahan ng iba pa na hindi na masyadong naintindihan ni Lorie. Nararamdaman na rin ni Lorie ang pagpa-panic ni Maja at ang impit na paghikbi nito, patunay na malapit nang umiyak ang bata.

“Stop it all of you,” maawtoridad na sabi ni Choi sa mga reporter. Pagkatapos ay naramdaman ni Lorie ang matibay na braso ni Choi sa balikat niya at isinubsob ng binata ang mga mukha nila ni Maja sa dibdib nito. “I will conduct a press conference regarding this matter and please stop harassing us,” dumadagundong ang boses ni Choi. Kasunod niyon ay may ilang lalaking nakaitim ang mabilis na lumapit sa kanila upang tulungan silang harangan ang mga reporter.

“Sir Choi, hinihintay ho kayo ni Mr. Montemayor sa mansiyon. Pinapunta kami rito ni Sir Raiven para i-assist kayo,” sabi ng isa na lumapit sa kanila. Naramdaman ni Lorie ang paghugot ni Choi ng malalim na hininga bago siya nito inakay patungo sa kung saan sila ginagabayan ng mga lalaking nakaitim. Isinakay sila ng mga lalaki sa isang itim ding sasakyan.

Nang makapasok sila roon ay saka lang niluwagan ni Choi ang hawak kay Lorie. “Are you two okay?” nag-aalalang tanong ni Choi at ikinulong ang mukha niya ng mga kamay nito. Bakas ang pag-aalala sa mukha ng binata.

“Ayos lang ako,” sagot ni Lorie at mabilis na bumaling kay Maja. Namamasa ang mga mata ng bata at halatang natatakot. Hinalikan niya ito. “Okay na, Maja. Okay na,” alo ni Lorie sa bata. Maging si Choi ay inalo si Maja.

Pagkatapos ay bumaling si Choi sa harap ng sasakyan kung saan noon lamang niya napansing may driver na pala. “Let’s go now,” utos ni Choi. Agad namang umandar ang sasakyan. “Lilo, nakita mo ba kung ano ang reaksiyon nina Papa at Mama?” tanong ni Choi sa driver.

Tumikhim ang driver at saglit na sumulyap sa kanila. Tumagal ang tingin ni Lilo sa kanila ni Maja at kahit hindi magsalita ang lalaki ay alam ni Lorie na sa isip nito ay nakumpirma na nito ang balita. “Galit na galit ho sila, Sir,” sagot ni Lilo.

Napaungol si Choi at marahas na napasandal. “I don’t want them to learn about it this way,” frustrated na sabi ng binata.

Walang maisip si Lorie na maaaring sabihin para ikonsola si Choi. Dahil maging siya ay nilukob na ng sarili niyang takot sa pagharap niya sa mag-asawang Montemayor na hindi pa man ay alam na ni Lorie na magpapakita ng disgusto sa kanya. Sana lang ay hindi ganoon ang maging reaksiyon ng mga ito kay Maja. Dahil hindi tulad ni Lorie ay kapamilya ng mga Montemayor ang bata.

Mariing pumikit si Lorie at pilit kinalma ang sarili pero hindi niya nagawa.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.