THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY (Filipino) Chapter 28

“HINDI mo pa rin ba sasabihin sa `kin kung ano’ng sinabi nila sa `yo?” Hindi na mabilang ni Riki kung ilang beses na niyang itinanong iyon kay Ailyn. Pero tulad ng unang isinagot sa kanya ng babae ay nagkibit-balikat lang ito. Inabala ni Ailyn ang sarili sa pagtingin sa organizer na iniabot dito ni Jeremy. Nakasulat doon ang mga schedule ni Riki.

Mula nang araw na nakausap si Ailyn ng mga magulang niya ay hindi na matahimik si Riki. Gustong niyang malaman kung ano ang kahulugan ng misteryosong ngiti sa mga labi ng mga magulang niya pagkatapos bulungan ng kanyang ama si Ailyn.

“Hindi mo na `yon kailangan pang malaman,” bale-walang sabi ni Ailyn pagkasara ng organizer. Palaging ganoon ang isinasagot ng babae sa kanya. Nag-init na naman tuloy ang ulo ni Riki. Lalo na nang sa halip na tingnan siya ay binalingan ni Ailyn ang make-up artist at stylist na naroon din sa dressing room niya.

“Excuse me, puwede bang pakibilisan ang pag-aayos ninyo sa kanya? Nakakahiya namang paghintayin ang mga tao sa photo shoot, kanina pa sila nasa pool,” nakahalukipkip na sabi ni Ailyn.

Bossy, anang isip ni Riki. Lalo niyang gustong malaman ang sinabi ng papa niya sa dalaga dahil pagkatapos ng araw na iyon ay may nag-iba na rito. Mas naging bossy si Ailyn at tila palaging segurado sa mga sinasabi at ikinikilos. Kahit paulit-ulit asarin ni Riki ang dalaga ay hindi na ito namumula sa inis sa kanya. It was as if his father had given her power over something Riki didn’t know about.

She was pissing him off even more. Hindi lang dahil pakiramdam ni Riki ay sinusuyo siya ni Ailyn na parang bata kundi dahil may bahagi niya ang hindi niya maintindihan kung bakit hinahanap-hanap ang pamumula ng mukha ng dalaga tuwing nagagalit o naiinis ito. Maging ang talas ng dila ni Ailyn tuwing sumasagot kay Riki ay nawala na rin at maging iyon ay hinahanap niya. It was as if he was already missing their banter. Did that mean he’d been enjoying it all along? Marahas na umiling si Riki. It was the weirdest feeling he had ever felt. At dahil hindi alam ni Riki kung ano ang gagawin sa pakiramdam na iyon ay mas gusto na niyang mainis na lang. Gusto niyang manigaw.

Pinilit ni Riki na magtimpi dahil ayaw niyang maunsyami ang trabaho niya dahil sa init ng ulo niya. Contrary to what people thought of him, Riki took his job seriously. Isa ang edorsement na iyon sa trabahong iyon.

Nang muling kumatok ang isa sa mga production assistant para tawagin si Riki ay tapos na siyang ayusan. Tumayo si Riki suot lang ang roba at sa loob niyon ay swimming trunks. Para sa isang energy drink ang shoot nila sa araw na iyon at ang konsepto ay nangangailangan ng paglublob ni Riki sa swimming pool kasama ang isang babaeng modelo na hindi pa niya kilala kung sino.

Sinundan siya ni Ailyn na feel na feel talaga ang pagiging bodyguard. Katulad ng dati ay pulos itim ang suot ng dalaga mula ulo hanggang paa. Deretsong-deretso ang tayo ni Ailyn at palaging alerto. He suddenly felt the itch to destroy that façade of hers. Later, paalala ni Riki sa sarili. Tatapusin muna niya ang trabaho niya roon.

Saglit na nawala ang atensiyon ni Riki kay Ailyn nang salubungin siya ng photographer at production manager ng photo shoot na iyon. Pagkatapos ipaliwanag sa kanya ang kailangan niyang gawin ay lumusong na si Riki sa tubig bitbit ang bote ng energy drink na ineendorso niya. Pasimple niyang tiningnan ang bodyguard niya na nakasandal sa pader di-kalayuan sa pool at nakahalukipkip na iginagala ang tingin sa paligid. Napakunot-noo si Riki nang may mapagtanto. Hindi siya tinitingnan ni Ailyn. Kanina pang umaga. Kung hindi abala ang dalaga sa pagtingin sa organizer ay palagi nitong iniikot ang tingin sa paligid. But Riki never saw her look at him. Anong klaseng bantay ito?

Tatawagin sana ni Riki si Ailyn nang maramdaman niyang may iba nang lumusong sa tubig. Napalingon siya. Isang magandang babae ang papalapit sa kanya. May kakaibang ngiti sa mga labi ng modelo na alam na alam ni Riki ang kahulugan.

“Hi,” malambing na bati ng babae nang makalapit sa kanya.

Hinarap ito ni Riki. Mas mabuti pang sa modelo na lang niya ituon ang atensiyon kaysa mainis sa bodyguard niya. He smiled. “Hello there,” ganting-bati ni Riki.

Lalo pang lumapit sa kanya ang babae at hinaplos ang braso niya. “I’m going to be your partner for today,” bulong nito.

“Oh,” tanging nasabi ni Riki. He could clearly catch the hidden meaning behind her words. He liked that. Biglang may pumasok na ideya sa isip ni Riki. Bahagya siyang napangiti at inilapit ang mukha sa babae. Riki wondered what the reaction of his bodyguard would be if she saw him like this. He bet she wouldn’t keep silent.

“Okay, let’s start the shoot,” malakas na sabi ng photographer.

Dumeretso nang tayo si Riki at itinuon sa photographer ang atensiyon niya. Iniwasan niyang hanapin ng tingin si Ailyn at nag-focus na lang sa trabaho niya.

Makalipas ang isang oras ay nakontento na ang photographer sa mga kuha nito. Nagawa na rin ni Riki na mag-relax. Mukhang may balak pang sabihin sa kanya ang babaeng kapareha niya nang may tumawag dito at pinaaahon na ito. Pero bago umalis ang babae ay mabilis nitong hinalikan si Riki sa pisngi. “See you later,” bulong ng modelo bago tuluyang lumayo sa kanya at umahon sa pool.

Muntik nang mapailing si Riki. Too easy. Sanay na siyang nilalapitan ng mga babae na gaya ng modelong iyon. At sino siya para tumanggi? Riki didn’t want to be seriously involved with anyone anyway. Kaya sapat na sa kanya ang mga panandaliang intimacy na kayang ibigay ng mga babaeng lumalapit sa kanya. Tiyak na kapag nalaman ng bodyguard niya ang opinyon niyang iyon ay mag-iinit na naman ang ulo nito.

Nang maalala uli ni Riki si Ailyn ay hinanap agad niya ng tingin ang dalaga. Pinigilan niya ang mapangiti nang makitang nasa gilid ng pool si Ailyn, nakapamaywang at nakakunot ang noo habang nakatingin sa kanya. Itinaas ni Riki ang mukha at hindi kumilos sa kinatatayuan niya di-kalayuan sa bodyguard niya.

“What?” tanong ni Riki sa dalaga.

Tila may nais sabihin si Ailyn ngunit sa halip ay humugot ito ng malalim na hininga at saka nagsalita. “Umakyat ka na rito,” sabi ng bodyguard niya, saka siya tinalikuran.

Si Riki naman ang napakunot-noo. “Wait.” Huminto naman si Ailyn at tumingin sa kanya. Nainis si Riki nang makitang wala na namang ekspresyon sa mukha ng bodyguard niya. Ano na naman bang kalokohan ang nais palabasin ng babaeng ito?

Nakatitig pa rin si Riki sa mukha ni Ailyn nang may maisip siya. Dahan-dahan siyang naglakad sa tubig palapit sa kinaroroonan ng dalaga. Habang ginagawa niya iyon ay hindi inaalis ni Riki ang tingin sa mga mata ni Ailyn. To prevent her from getting away, palusot niya kung bakit niya iyon ginagawa. Nang sa wakas ay nasa gilid na ng pool si Riki kung saan nakatayo si Ailyn at nakayuko sa kanya ay itinaas niya rito ang isang kamay niya. Gumuhit ang pagkabigla at pagtataka sa mukha ni Ailyn.

“Tulungan mo akong makaahon,” sabi ni Riki. Iwinagayway pa niya kay Ailyn ang kamay niya. Mukhang nagdadalawang-isip pa ang dalaga pero inabot din naman nito ang kamay ni Riki. It was the first time their hands actually touched. Ipinilig ni Riki ang kanyang ulo para alisin iyon sa isip niya at mag-focus sa balak niyang gawin. Ngumiti siya ng nakaloloko kasabay ng paghigpit ng hawak niya sa kamay ni Ailyn. Namilog ang mga mata ng dalaga. Bakas sa mukha ni Ailyn na alam na nito na may kalokohan siyang gagawin. Pero huli na para iwasan ang plano niya. With a smirk, Riki pulled her. Napasigaw si Ailyn nang mahulog ito sa pool.

UMUBO nang umubo si Ailyn pagkaahon niya sa tubig na binagsakan niya ng hilahin siya ni Riki. Pakiramdam niya ay mamamatay na siya sa kakulangan ng hangin at sa tubig na pumasok sa ilong at lalamunan niya. Nangaligkig si Ailyn sa lamig at bumigat ang pakiramdam niya dahil sa nabasa niyang damit. Napasinghap siya nang sa wakas ay makatayo siya nang maayos. Inis na inis na binalingan ni Ailyn si Riki na kasalukuyang tawa nang tawa.

“Bakit mo ginawa `yon?” umuubong angil ni Ailyn sa binata.

Lalo siyang nainis nang painosenteng tumingi sa kanya si Riki. “Anong ginawa? Ang sabi ko tulungan mo akong umahon. It is not my fault if you weren’t strong enough to keep me from pulling you. Akala ko ba mas malakas ka kaysa sa akin?”

Napatiim-bagang siya. “Para kang bata,” sikmat ni Ailyn sa binata at nagsimulang kumilos para umahon. Ayaw niyang makipag-away rito. Nangako si Ailyn sa sarili na pagpapasensiyahan niya si Riki. May pangako siyang binitawan sa mga magulang nito na gagawin niya ang makakaya niya para protektahan at pabaitin si Riki. At ang unang hakbang para mangyari iyon ay ang siguruhing makokontrol ni Ailyn ang galit niya tuwing lumalabas ang masamang ugali ng binata. Ayos na siya, eh. Nakuha na niya ang sekreto, na basta hindi niya titingnan ang mukha ni Riki ay makokontrol na ni Ailyn ang emosyon niya. Pero hayun na naman ang binata na tila batang kulang sa pansin.

“Buwisit ka, wala pa naman akong dalang extra na damit,” gigil na sabi ni Ailyn nang makarating siya sa gilid ng pool. Napalingon siya kay Riki nang mauna pa itong umahon sa kanya. Halatang ipinapakita talaga ni Riki na hindi nito kailangan ng tulong para makaahon sa pool. Tinapunan ni Ailyn ng matalim na tingin ang binata.

Nakalolokong nginisihan siya nito. “Oh, you don’t have to worry. I have many clothes in the dressing room. Kasya iyon sa iyo tutal mukha ka rin namang lalaki,” tumatawang pang-aasar ni Riki kay Ailyn.

Buwisit na buwisit siya. Pero sa halip na sagutin si Riki ay umahon na lang sa pool si Ailyn. Nang makatayo siya ay noon lamang niya napansin ang mga staff na curious na nakatingin sa kanilang dalawa. Malamang sinadya siyang ipahiya ni Riki sa harap ng staff ng photo shoot. Walang salitang tinalikuran ni Ailyn si Riki at tinahak ang daan patungo sa dressing room nito. Wala siyang magagawa kundi humiram ng damit kay Riki dahil hindi naman siya maaaring umalis doon nang basang-basa.

Nang makapasok si Ailyn sa dressing room at akmang isasara na ang pinto ay pinigilan siya ni Riki at pumasok din sa loob. Nanlaki ang mga mata niya at napaatras. “Ano’ng balak mong gawin?”

Umangat ang mga kilay ni Riki. “Magbibihis din, ano pa.”

Napaawang ang mga labi ni Ailyn sa pagkamangha. “O, eh, di mauna ka na. Mamaya na ako pagkatapos mo. Lalabas na ako.” Akmang lalabas na siya nang umismid ang binata. Napahinto tuloy si Ailyn at napatingin dito.

“What? You think I have an interest in you? Don’t make me laugh. Kahit maghubad ka pa sa harap ko wala `yong epekto sa `kin. Ah, baka naman ikaw ang maaapektuhan kaya gusto mong lumabas. That’s silly,” tumawang sabi ni Riki. Lumapit ang binata sa isang panig at kumuha ng tuwalya. Pinunasan nito ang sarili at nanghahamong tumingin sa kanya. “Akala ko ba lalabas ka na?”

Ikinuyom ni Ailyn ang mga kamay para pigilan ang inis niya. Tatawanan siya ni Riki kapag lumabas siya dahil parang inamin na rin niya na apektado siya sa presensiya ng binata. Kaya nagmatigas si Ailyn at pinatatag ang sarili. Hindi siya umalis sa kinatatayuan niya at hinintay ang gagawin ni Riki. Nunca na aaminin ni Ailyn na apektado siya sa kahubdan nito kahit iyon naman talaga ang totoo.

“Nasaan ang damit na ipapahiram mo sa akin?” sa halip ay tanong ni Ailyn.

May kumislap na pagkagulat sa mga mata ni Riki ngunit saglit lamang ay nawala na iyon. Kumilos ang binata at naghalungkat sa maletang dala nito. Kumuha si Riki ng T-shirt at pantalon, saka nito inihagis iyon sa kanya. Sinalo iyon ni Ailyn at maingat na inilapag sa mesang malapit sa kanya. Pasimpleng huminga siya nang malalim at bahagyang tumalikod kay Riki bago niya sinimulang hubarin ang mga basang damit.

Hindi tiningnan ni Ailyn si Riki at nagkunwaring walang anuman ang ginagawa niya kahit pa halos mabingi na siya sa lakas ng kabog ng dibdib niya. Oo nga at mga lalaki ang kasama ni Ailyn sa trabaho. Pero ni minsan ay hindi siya naghubad sa harap ng mga ito. Alam niyang hindi naman siya pag-iinteresan ni Riki kahit maghubad pa siya sa harap nito.

Nahubad na ni Ailyn ang jacket niya nang napansin niya ang pananahimik ni Riki. Inaasahan niya na magsasalita ang binata ng kung ano-anong kalokohan pero nakapagtatakang wala itong sinasabi. Hindi tuloy nakatiis si Ailyn na tingnan si Riki. Natigilan siya nang makitang seryosong-seryoso ang mukha ng binata habang titig na titig sa kanya. Wala na ang nakalolokong kislap sa mga mata nito kanina. Napalitan na iyon ng kung anong emosyong hindi niya alam. Hindi man mabasa ni Ailyn ang tumatakbo sa isip ni Riki ay biglang sumikdo ang dibdib niya sa hindi niya malamang dahilan.

Tumikhim si Ailyn. “Ano na nama’ng problema mo?” basag niya sa katahimikan.

Kumurap si Riki na tila natauhan, pagkatapos ay tumikhim at nag-iwas ng tingin. Hinablot ng binata ang bathrobe na nasa bandang likuran nito. “I forgot I have something to tell the photographer. I’ll be back. Go change.” Iyon lang at tila may humahabol kay Riki na lumabas na ito ng dressing room. Natulala si Ailyn at nakahinga nang maluwag. Hindi kasi niya alam kung talagang makakaya niyang maghubad sa harap ni Riki. Napatingin si Ailyn sa mga kamay niya na nasa laylayan ng blouse na suot niya. Nanginginig ang mga kamay niya sa lamig at nerbiyos. Pagkatapos ay napabuga siya ng hangin.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.