THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY (Filipino) Chapter 30

PAKIRAMDAM ni Ailyn ay para siyang sinilaban sa galit sa naabutan niyang eksena sa loob ng hotel room kung saan nag-check in sina Riki at Helena ayon kay Jeremy. Sa tulong din ni Jeremy ay nakuha ni Ailyn ang key card para mabuksan agad ang pinto ng suite ni Riki. Halos nakahubad na ang dalawa. Nasa ibabang parte ng katawan ni Riki na nakapantalon pa ang kamay ni Helena. Alam ni Ailyn na hindi siya dapat makaramdam ng galit para sa dalawa na tila siya ang girlfriend ni Riki at nahuli niya itong may kasamang babae sa hotel na iyon. Pero hindi niya mapigilan ang sarili kaya nagdahilan na lang siyang galit siya dahil manloloko at mamba-blackmail ang babaeng kasama ng binata. Ipinaalala ni Ailyn sa sarili na naroon siya bilang bodyguard ni Riki at para iligtas ang binata sa manggagantsong babaeng kasama nito.

“Lumayo ka sa kanya,” gigil na sabi ni Ailyn.

“Who are you to tell me that?” mataray na asik sa kanya ng babae na mukhang naka-recover na sa pagkabigla.

Mariing itinikom ni Ailyn ang mga labi. Sa halip na sagutin si Helena ay bumaling siya kay Riki na nakatingin sa kanya. “Niloloko ka lang ng babaeng `yan. Modus niya ang mang-akit ng mayayamang lalaki at kinukunan niya ng video ang pakikipag-ulayaw niya sa lalaking iyon na ginagamit niyang pam-blackmail. Malaking eskandalo para sa `yo kapag inilabas niya sa madla ang sex video ninyong dalawa,” ani Ailyn sa binata.

Nagulat si Riki sa sinabi niya.

“Are you crazy? I don’t know what you’re talking about,” tumatawang sabi ni Helena.

Naningkit ang mga mata ni Ailyn at mabilis na isinara ang pinto. “Ah, talaga? Pero sigurado ako na may inilagay kang video camera sa paligid.” Iniikot niya ang tingin sa loob ng kuwarto.

“Wala kang makikita! Go away, bitch! Iniistorbo mo kami!” pagtataboy sa kanya ni Helena. Naalerto si Ailyn nang makita niyang kinuha ng babae ang babasaging ashtray at inihagis sa kanya. Nakailag siya kaya sa pinto tumama at nabasag ang ashtray.

“What the hell are you doing?” galit na sabi ni Riki bago pa man makapagsalita si Ailyn. Marahas na bumangon sa kama ang binata at hinablot si Helena. Napaigik si Helena sa mahigpit na pagkakahawak ni Riki sa braso ng babae. “That would have hurt her, damn you!” mabalasik na asik ni Riki.

Saglit na hindi nakahuma si Ailyn sa rahas at talim ng tinig ng binata. Tama ba siya ng pagkakaintindi na nagagalit ito dahil muntik na siyang masaktan sa ginawa ng babae?

“You’re hurting me, Riki,” reklamo ni Helena.

Napakurap si Ailyn. “Huwag mo siyang bibitawan,” aniya kay Riki. Inilibot uli niya ang tingin sa paligid at hinaluglog ang bawat sulok ng kuwarto para hanapin ang video camera na sigurado siyang naroon lang sa tabi-tabi. Huminto si Ailyn sa cabinet na kaharap ng kama. Nagkahinala siya at binuksan iyon. “Nakita ko na,” aniya nang makita niya ang maliit na video camera sa loob niyon. Kinuha niya iyon. Pinindot ni Ailyn ang stop button dahil nagre-record pa rin iyon at humarap sa dalawa.

“No!” sigaw ni Helena.

Namimilog ang mga mata ni Riki. Tumingin ito sa babaeng hawak nito. “You are taking a video of us? You are sick!” sigaw ng binata.

Si Ailyn naman ay napatingin sa pinto nang may kumatok doon. Lumapit siya roon at sumilip muna sa peephole. Nang makita si Jeremy ay agad niyang binuksan iyon.

“Did you find it?” tanong agad ng lalaki.

Itinaas ni Ailyn ang video camera na hawak niya. Naningkit ang mga mata ni Jeremy at lumampas ang tingin sa kanya.

“I will sue you, bitch,” gigil na sabi ni Riki kay Helena.

“You can’t, Riki,” sabi ni Jeremy. Lahat sila ay napatingin dito. Gusto ni Ailyn na tanungin si Jeremy kung bakit hindi puwede. “We will fix this the usual way. Hindi puwedeng malaman ng iba ang tungkol dito. Mailabas man o hindi ang laman ng video na iyan, kapag kinasuhan natin siya ay malalaman din ng madla na may sex video ka. Kahit ang mga magulang mo ay hindi palalampasin ito,” paliwanag ni Jeremy. May punto ang lalaki at halatang alam din iyon ni Riki dahil hindi ito sumagot at tiningnan lang nang matalim si Helena.

Lumapit si Jeremy sa kama at inilapag doon ang isang attache case bago tumingin sa babae. “Pag-usapan natin ang kabayaran sa pananahimik mo. You will sign a contract that says you agree to never speak about this to anyone or else I will do a drastic move to make your life miserable. Hindi ka rin maaaring lumapit pa kay Riki o kahit na sinong malapit sa kanya mula sa araw na ito.” Binuksan ng manager ni Riki ang hawak nito. Nanlaki ang mga mata ni Ailyn nang makita ang perang ibabayad ni Jeremy kay Helena.

“Saan mo nakuha `yan?” tanong ni Ailyn.

Tumigil si Helena sa panlalaban sa pagkakahawak ni Riki at itinutok ang tingin doon.

“From Riki’s bank account of course,” bale-walang sabi ni Jeremy.

Marahas na binitawan ni Riki si Helena. Mabilis na lumapit si Riki kay Jeremy at tiningnan ang pera. “Finish your transactions right away, Jeremy. I want that bitch away from here fast. Ayoko nang makikita ka pa dahil sa susunod na mangyari `yon, I’m really going to kill you,” gigil na banta ni Riki kay Helena na namutla sa takot.

Napaderetso ng tayo si Ailyn nang balingan siya ni Riki. Kumabog ang dibdib niya at napahigpit ang hawak niya sa video camera nang maglakad palapit sa kanya ang binata. Alam ni Ailyn na hindi tamang pagmasdan niya ang hubad na katawan ni Riki. Mali man sa sitwasyon ay hindi niya napigilang pasimpleng obserbahan ang hubad na anyo nito. Malapad ang dibdib ni Riki at may abs pa. Ang pantalon nito ay hindi na nakabutones kaya halos mahulog na iyon sa balakang nito. Malinaw tuloy na nakikita ni Ailyn ang hipbones ni Riki. Nakayapak ang binata. Hindi siya makapaniwalang darating ang araw na may lalaking masasabihan niya ng salitang “sexy.” May gumapang na kilabot sa katawan ni Ailyn at nag-init ang mga pisngi niya. Delikado talaga ang lalaking ito sa mga babae! Ako nga na walang kainte-interes sa mga lalaki ay naaapektuhan nito, paano pa kaya ang ibang babae. Oo, aminado si Ailyn na naaapektuhan siya ni Riki pero nunca niyang aaminin iyon sa binata.

Umangat ang tingin niya sa mukha ni Riki nang huminto ito sa harap niya. Ilang segundong nagtama ang mga mata nila bago inilahad ng binata ang kamay at nagsalita. “Give me that,” ani Riki sa hawak niyang video camera.

Bantulot na iniabot iyon ni Ailyn sa binata. Nang mahawakan iyon ni Riki ay walang pagdadalawang-isip na inihagis nito iyon sa sahig. Napaigtad si Ailyn at napasigaw naman si Helena nang maghiwa-hiwalay ang piyesa ng video camera nito.

“Magbihis ka na, Riki. Anumang oras ay tiyak na makakarating na sa press ang larawan ninyo ng babaeng ito at dudumugin ka na naman ng mga reporter. Mas makabubuti kung umalis ka na ng hotel na ito para hindi nila malaman na talagang nagpunta ka rito. Ako na ang bahala sa reception. Ailyn, samahan mo na siya,” malumanay na basag ni Jeremy sa katahimikan.

Kumurap si Ailyn. “Sige.” Sinulyapan niya si Riki. Bahagya siyang napaigtad nang makitang titig na titig sa kanya ang binata. Hindi alam ni Ailyn kung ano ang iniisip ni Riki. “Bakit?” nagtatakang-tanong niya rito.

Sa halip na sagutin ang tanong ni Ailyn ay tinalikuran na siya ni Riki. Hinablot ng binata ang damit nitong nasa sahig at isinuot. Pagkatapos ay lumakad na ito patungo sa pinto. “I leave everything to you, Jeremy,” sabi ni Riki sa manager nito na tumango lang.

“Riki—” tawag dito ni Helena.

Hindi pinansin ng binata ang babae. Sa halip ay tumingin ito kay Ailyn. “Let’s go.”

Nalilito man si Ailyn sa pabago-bagong mood ni Riki ay sumunod naman siya rito.

“SHIT! Ang bibilis talaga magsipagkilos ng mga reporter na `ito.”

Napangiwi si Ailyn sa sinabi ni Riki. Nagkalat kasi ang mga reporter sa tapat ng condominium building na tinitirhan ni Riki. Sa tingin ni Ailyn ay exagerrated lang ang mga reporter. Para sa isang larawan lang ay nagkakagulo na ang mga ito.

“Mas matindi pa `yan kung hindi ka namin natunton kaagad at nakuha ng babaeng iyon ang video camera bago kami dumating. Malamang maba-blackmail ka o worse magkakaroon ka ng sex scandal,” sabi ni Ailyn sa binata.

Tiningnan siya ni Riki. “There will be no scandal dahil wala namang nangyari sa amin. We only kissed and that’s it.”

Awtomatikong tumaas ang isang kilay ni Ailyn. “Ows?” hindi naniniwalang sabi niya.

Nalukot ang mukha ni Riki. “Huwag kang maniwala kung ayaw mo,” anito, saka ibinaling ang tingin sa labas ng kotse. “Just whose fault do you think it is?” dugtong ng binata sa mahinang tinig na sa tingin ni Ailyn ay mas sarili nito ang kinakausap kaysa sa kanya.

Napamaang si Ailyn kay Riki. Wala ba talagang nangyari dito at kay Helena? Pero paano nangyari iyon? Wala sa personalidad ni Riki ang tatanggi sa babaeng halos ialay na ang sarili rito, lalo na kung ganoon kaganda at ka-sexy.

“In this case we can’t go. Siguradong may mga nakaabang na ring mga reporter sa mga bahay ng mga kapatid ko. Gusto ko pa namang matulog dahil masakit pa rin ang ulo ko,” reklamo ni Riki.

Kumurap si Ailyn. Naalala niya ang naging reaksiyon ng binata nang batuhin siya ni Helena ng ashtray kanina. Bumuntong-hininga siya. “Gusto mo bang sa bahay ko na lang muna tayo magpunta? Kung wala ka talagang puwedeng puntahan,” wika ni Ailyn na pilit pinakakaswal ang tinig kahit ang totoo ay kinabahan talaga siya sa suhestiyon niyang iyon.

Tiningnan siya ni Riki. Nailang si Ailyn sa matamang pagtitig nito sa kanya bago umayos ng upo si Riki at binuhay ang makina ng sasakyan. “Well, I don’t have any other choice since I’m really tired. Tell me what your address is,” sagot nito.

Marahang napabuga ng hangin si Ailyn bago sinabi kay Riki ang address niya. Saglit pa ay nasa daan na sila patungo sa bahay niya.

“HE’S REALLY here.”

“Sshh, huwag kang maingay. Baka magising,” pabulong na saway ni Ailyn kay Winnie na nagpilit sumilip sa kuwarto niya kahit na mariin siyang tumanggi. Nawala sa isip ni Ailyn na maaaring makita sila ni Winnie pagdating nila ni Riki sa apartment niya. Mabuti na lang at pagkapasok nila sa apartment niya ay dumeretso si Riki sa silid niya pagkatapos ituro ni Ailyn kung nasaan iyon. Pabagsak na dumapa sa kama niya si Riki at saglit lang ay tulog na ito. Wala pang tatlumpung minutong nakahiga roon ang binata ay kumatok naman si Winnie sa pinto ni Ailyn.

“In all fairness. Kaya naman pala maraming nababaliw na babae sa kanya masyado siyang guwapo sa personal,” sabi ni Winnie. Nanlaki ang mga mata ni Ailyn nang akmang lalapitan pa ng babae si Riki.

Mabilis na hinawakan niya ang braso ng kaibigan at hinatak ito palabas ng kuwarto niya. “Hayaan muna natin siyang matulog para gising na siya pagdating ni Jeremy,” sabi ni Ailyn.

“Iyong manager niya pupunta rin dito? Tamang-tama marami akong gustong itanong sa kanila.”

Bumuntong-hininga si Ailyn. “Winnie, kaya siya nandito kasi tumatakas siya sa mga reporter. Kapag kinulit mo siya baka uminit lang ang ulo nila at mag-away lang kayo. Huwag mo muna silang kukulitin, ha?” pakiusap niya sa kaibigan.

Ngumuso si Winnie pero tumango naman. Nang lumabas ng apartment ni Ailyn ang babae akala niya ay okay na. Pero nagulat siya nang bumalik si Winnie bitbit ang laptop nito at sumalampak sa sofa. “Pero hayaan mo akong makinig sa usapan.”

“Winnie—”

“You owe me. Ako kaya ang nagsabi sa `yo kung sino talaga ang babaeng iyon. Kung hindi dahil sa `kin malamang hindi lang larawan ang pinagpipiyestahan ng mga reporter kundi sex video,” sabi pa ni Winnie.

Hindi nakasagot si Ailyn dahil tama naman ito. Napabuga siya ng hangin. “O sige na nga,” sumusukong sabi niya at umupo na rin sa sofa. Hindi alam ni Ailyn kung gaano katagal na silang nakaupo roon nang marinig nila ang paghinto ng sasakyan sa labas ng apartment niya. Napaderetso siya ng upo at napatingin sa pinto. Saglit lang ay narinig na ni Ailyn na may kumakatok doon.

“Si Jeremy na yata `yan,” aniya sabay tayo. Nang buksan niya ang pinto ay ang lalaki nga ang naroon.

“Nasaan si Riki?” bungad ni Jeremy sa kanya.

“Natutulog. Ano’ng nangyari sa mga reporter at kay Helena?” tanong ni Ailyn, saka niluwangan ang pagkakabukas ng pinto para makapasok ang lalaki.

“Okay na. For now. Pero dahil hindi ko sinagot ang tanong nila tungkol sa relasyon nina Riki at ng babaeng `yon ay malamang na mangulit pa rin sila,” tipid na sagot ni Jeremy. Napahinto ang lalaki nang tila may napansin ito sa sala niya. Sinundan ni Ailyn ng tingin ang tinitingnan ni Jeremy at nakita niyang nakatingala rin si Winnie sa lalaki.

“Ah, Jeremy, siya si Winnie. Kaibigan ko at ang nagbigay sa `kin ng tip tungkol kay Helena. Winnie, siya ang manager ni Riki,” mabilis na pakilala ni Ailyn sa dalawa.

Tumango lang si Jeremy habang nginitian naman ito ni Winnie na umisod at tinapik ang tabi nito. “Hello. Upo ka.”

Sa halip na sagutin si Winnie ay binalingan uli siya ni Jeremy. “Pakigising na si Riki. Kailangan niyang sagutin ang mga tanong ng press tungkol sa picture niya with Helena dahil kung hindi magkakaroon lang ng maraming espekulasyon. Mas maganda kung masagot niya iyon kaagad. Of course we must think of a good answer to their questions,” sabi ni Jeremy.

“I’ll help,” sabad uli ni Winnie.

Tiningnan ni Ailyn si Winnie. Tumaas ang isang kilay niya nang makitang may kakaibang kislap ang mga mata ng babae habang nakatingin kay Jeremy. Nagkahinala si Ailyn na nagka-crush yata sa manager ni Riki ang kaibigan niya. Pero saka na niya uusisain si Winnie. Iniwan niya ang dalawa at nagtungo sa kuwarto niya para gisingin si Riki.

Natutulog pa rin si Riki nang pumasok si Ailyn sa kuwarto niya pero sa pagkakataong iyon ay nakatihaya na ang binata. Mas malaya niyang nakikita ang mukha nito. Lalo tuloy nagmukhang anghel si Riki habang natutulog. Maingat na lumapit si Ailyn sa binata. Kailangan na niya itong gisingin pero may bahagi niya na tila ayaw gisingin si Riki at gusto lang titigan ang binata.

Wala sa loob na lumuhod si Ailyn sa gilid ng kama para mas makita niya nang maayos ang mukha nito. “Parang ang bait mo kapag tulog ka,” hindi nakatiis na bulong niya kay Riki. Napaigtad si Ailyn nang kumilos at tumagilid paharap sa kanya ang binata. Tumabing sa mukha ni Riki ang ilang hibla ng buhok nito.

Ilang segundo pa niya itong tinitigan. Hindi nakatiis ang mga kamay ni Ailyn na hindi hawiin ang buhok ni Riki. Dahan-dahan niyang inangat ang kamay para gawin iyon. Kumabog ang dibdib niya nang lumapat ang dulo ng mga daliri niya sa buhok ng binata. Maingat at magaan niyang hinawi ang buhok nito.

Napasinghap si Ailyn nang bigla na lang hawakan ni Riki ang kamay niya. Pagkatapos ay dumilat ito. Nagtama ang mga mata nila. “What are you doing?” paos na tanong ng binata, halatang kagigising lang.

Hindi nakapagsalita si Ailyn dahil nag-init ang kanyang mga pisngi. Huling-huli siya ni Riki sa akto! Nahiling niya na sana ay bumuka ang sahig at lamunin na lang siya niyon kaysa sagutin ang tanong ni Riki. “Gigisingin kita,” palusot na sagot ni Ailyn. Mariin siyang napapikit para ihanda ang sarili sa sasabihin ni Riki. Alam niyang kahit anong palusot ang sabihin niya ay hindi niya matatakasan ang nakaambang pang-iinis nito sa kanya. Pero walang narinig na matatalas na salita si Ailyn mula sa binata. Sa halip, naramdaman niyang may malambot at mainit na bagay na lumapat sa mga labi niya. Mabilis na napadilat si Ailyn kasabay ng pagliliparan ng mga paruparo sa sikmura niya nang mapagtanto niya kung ano ang ginawa ni Riki sa kanya—hinahalikan siya nito!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.