THE PRINCE'S SCANDAL TRILOGY (Filipino) Chapter 8

“BAKIT bigla-bigla naman? Naku, Lorie, ha, fishy `yang amo mo. Aanhin niya ang housekeeper araw-araw?” disgustong bulalas nina Mocha kay Lorie nang magpunta siya sa parlor upang magpaalam sa mga katrabaho.

Bumuntong-hininga si Lorie at humawak sa batok. “Medyo komplikado kasi ang sitwasyon at hindi puwedeng sabihin,” pagdadahilan niya.

Napaatras si Lorie nang manlaki ang mga mata nina Mocha. “Kaya mas dapat mong sabihin sa amin kung komplikado,” sabay-sabay na sagot ng mga binabae.

“Lorie, alam mo naman na hindi lang basta katrabaho ang turing namin sa `yo. Kaibigan ka namin at nag-aalala kami para sa `yo, sa inyo ni Kai. Paano kami hindi mag-aalala kung wala kang sinasabi sa amin tungkol sa pinapasok mo na sabi mo nga ay komplikado?” tanong naman ni Madam Tisay.

Na-guilty si Lorie bigla. Alam naman niya na nag-aalala lang ang mga ito sa kanya. Bumuntong-hininga siya. “Ipangako n’yo na wala kayong pagsasabihan kahit sino,” sumusukong umpisa ni Lorie.

“Promise,” sabay-sabay na sagot ng mga binabae at lalo pang lumapit sa kanya upang makinig.

Humugot uli si Lorie ng malalim na hininga bago sinabi sa mga katrabaho kung sino ang taong pinaglilingkuran niya at ano ang sitwasyon nito. Alam ni Lorie na malalagot siya kay Choi kapag nalaman ng binata na may pinagsabihan siya, pero tama naman sina Madam Tisay. Mabuti nang alam ng mga ito ang sitwasyon ni Lorie upang kung sakaling may mangyari ay matulungan siya ng mga kaibigan niya.

Pagkatapos magsalita ni Lorie ay halos lumuwa na ang mga mata ng mga kaibigan niya at nakanganga pa. “Si Choi Montemayor ang amo mo? Ang hot fafa na iyon? At may sekretong anak siya?” bulalas ni Orlan.

Napabuga si Lorie ng hangin bagaman tumango.

“Oh, my gosh. Malaking eskandalo nga kapag nag-leak ang impormasyon na `yan,” sabi naman ni Mocha.

“Kaya nga hindi puwedeng malaman ng kahit na sino. Lalo na ng media,” wika ni Lorie.

“Kahit ng pamilya niya? Imposible namang hindi nila malaman iyan. Lagot siya. Ang alam ko ay malaking gulo ang nangyari sa pamilya niya noong naeskandalo siya kasama ang isang anak ng business partner ng pamilya nila noon. Nakalagay iyon sa magazine,” sabi naman ni Madam Tisay.

Napangiwi si Lorie. “Iyon din ang tingin ko at sinabi ko sa kanya `yan. Pero sabi ni Choi aalis daw ng bansa ang mga magulang niya at mawawala nang isang buwan. Iisip daw siya ng paraan para masolusyonan ang problema niya sa loob ng mga panahong iyon. Wala naman daw kaso kay Choi kung malaman ng mga kapatid niya ang tungkol doon. Katunayan sasabihin daw talaga ni Choi sa mga kapatid niya ang tungkol sa anak niya para matulungan siya. Ang pinakaimportante lang ay huwag mag-leak sa mga reporter ang tungkol doon.”

“Eh, ano iyon, ikukulong lang niya sa bahay niya ang bata?” tanong ni Orlan.

Bumuntong-hininga na naman si Lorie. “Parang ganoon nga yata ang plano niya. Kaya humingi ako sa kanya ng permiso na isasama ko si Kai doon kapag weekends at wala siyang pasok para kahit paano ay may makitang ibang tao si Maja.”

“Pumayag siya?” tanong ni Mocha.

Tumango si Lorie.

“Wow, hindi ako makapaniwalang papayag siya ng ganoon. Kilalang snob si Choi Montemayor sa mga hindi niya kauri. Iyon ang sabi sa mga tabloid alam mo ba `yon? Pero sa kuwento mo ay parang matino siyang nakikipag-usap sa iyo,” manghang bulalas ni Mocha.

Napaisip naman si Lorie sa sinabi ni Mocha bago natawa. “Sa tingin ko ay desperado lang talaga siya. Hindi kaya ni Choi na mag-alaga ng bata nang mag-isa at kailangan niyang maging mabait sa akin para hindi ko ipagkalat ang sekreto niya.”

Mukhang naintindihan naman ng mga katrabaho niya ang sinabi ni Lorie dahil tumango-tango ang mga ito. Pagkatapos ay nagbungisngisan. “Samantalahin mo na ito, Lorie. Kahit hindi ka ka-level ng mga babaeng naging jowa niya, araw-araw ka naman niyang kasama. Akitin mo siya nang makabingwit ka ng mayaman,” pilyang sabi ni Orlan na ikinalaki ng mga mata ni Lorie.

“Korak! Halika, magpa-hair treatment ka. Pati manicure at pedicure. Dapat maganda ka palagi!” patiling sabi naman ni Mocha.

Marahas na napatayo si Lorie. “Hindi ko gagawin `yan. Ano ba kayo? Hindi ako papatulan n’on,” mariing tanggi niya.

“Anong malay mo? Maganda ka kaya. Hindi ba at palagi kang naaalok na sumali sa mga beauty pageant pero tinatanggihan mo lang? At lalaki iyon. Walang lalaking hindi bumibigay kapag inaakit,” pakikisakay na rin ni Madam Tisay.

Marahas na umiling si Lorie. Hindi maaari iyon. Isa sa mga rule ni Choi ay hindi niya ito maaaring akitin at lalong hindi siya maaaring magpakita ng interes dito. Alam ni Lorie na napakaarogante ng bilin na iyon ng binata ngunit ngayong ilang beses na niya itong nakasama ay napatunayan niyang may dahilan si Choi para maging ganoon kaingat. Madalas talaga, kahit hindi naman ito nag-e-effort ay mahirap na hindi matulala sa angking kaguwapuhan ni Choi. Ganoon lang siguro talaga ang epekto ng mga gaya ng binata.

“Basta ayoko,” mariing tanggi ni Lorie. Ngunit kahit ano ang gawin niya ay nahatak pa rin siya nina Mocha para gupitan ang buhok at i-rebond iyon. Mabuti na lang at ipinangako ni Madam Tisay na libre nito iyon, kung hindi ay talagang hindi papayag si Lorie.

MATINIS na hagikgik ng isang batang babae ang gumising kay Choi. Hindi siya kumilos sa pagkakahiga at tumitig lang sa kisame. Patunay ang hagikgik na iyon na hindi panaginip lamang ang mga nangyari nang mga nakaraang araw. Talagang sumulpot sa buhay ni Choi ang anak na hindi niya alam na mayroon pala siya. And now, he had no choice but to keep her. At least, hanggang sa makita niya si Sheila. Kailangan nilang mag-usap ng babaeng iyon sa ayaw at sa gusto nito. Kailangang masiguro ni Choi na kukunin uli ni Sheila ang bata dahil sa totoo lang, hindi niya kayang karguhin nang matagal si Maja.

“Teka lang, huwag kang malikot nababasa rin ako.”

Napabangon si Choi nang marinig ang natatawang tinig na iyon ng isang babae. Maiksing panahon pa lang silang nagkakakilala ngunit agad niyang nakilala ang nagmamay-ari niyon—si Lorie. Napalingon si Choi sa relong nasa bedside table niya. Alas-nuwebe pa lang ng umaga. Sanay si Choi na tulog pa nang ganoong oras dahil palaging hapon nagsisimula ang araw niya, maliban na lang kung may morning appointment siya.

Lalong lumakas ang hagikgik na nahaluan na ng tawa ni Lorie. Somehow, the sound they were making was quite enticing. Tuluyan nang bumangon si Choi at isinuot ang roba niya. Inayos na niya kahapon ang guest room para maging silid ni Maja kaya nagawa na niyang matulog na gaya ng nakasanayan niya—with nothing on.

Lumabas si Choi ng silid at hinanap ang pinanggagalingan ng tawanan. Agad siyang napatingin sa nakabukas na pinto ng guest room. Walang pag-aalinlangang pumasok roon si Choi at sinundan ang pinanggagalingan ng mga tinig. Nakarating siya sa bahagyang nakaawang na pinto ng banyo.

Hindi alam ni Choi kung ano ang unang pagtutuunan ng pansin. Si Maja na nakalublob sa bathtub habang humahagikgik na naglalaro ng bula o si Lorie na nakatuwad sa direksiyon niya habang abala sa pagpapaligo sa bata. Tila may sariling isip ang mga mata ni Choi na mas pinili ang huli. His gaze slid down from her shoulders, patungo sa makurbang katawan ng dalaga na ngayon lang niya natitigan nang malinaw dahil basa na rin si Lorie at humakab sa katawan ang suot nito. Palaging maluwag na blouse ang suot ni Lorie kaya hindi niya iyon napansin. His eyes went down to her round backside and lingered there as he felt his body tense with the gush of arousal.

Napaungol si Choi sa isip, napaderetso ng tayo at mabilis na inalis ang tingin kay Lorie. Itinutok na lang niya ang tingin sa bata na mukhang mas naunang mapansin ang presensiya niya kaysa kay Lorie. Lumawak ang ngiti ni Maja habang nakatingin sa kanya. “Daddy!” patiling bulalas ng bata.

Nabigla si Choi sa ginawang pagtawag sa kanya ni Maja. May init na bigla siyang naramdaman nang nginitian siya ng bata. Iba iyon sa alinsangang naramdaman ni Choi kani-kanina lang para sa babaeng ngayon ay lumingon na rin sa kanya. Muling bumalik kay Lorie ang mga mata niya. Napalunok si Choi nang agad na mapansing may nag-iba sa hitsura ng babae. Ah, it was her hair. Tuwid na tuwid na iyon at makintab. Nakalugay rin iyon at nakabagsak hanggang balikat ni Lorie na noon lang niya nakitang ginawa ng babae. Sa ilang beses na nakita ni Choi si Lorie ay palaging nakapusod ang buhok nito. And, was it only him or her brows were now properly shaped and trimmed? Or was it the fact that her wet blouse clung to her body, revealing her full breasts and curves?

Nagsalubong ang mga kilay ni Choi at hindi naiwasang murahin ang sarili sa isip. Seriously, he should have followed JT’s suggestion to get laid. Masyado na yata siyang matagal na walang sexual activity kaya kahit ang isang babaeng halata namang walang interes sa kanya at hindi rin naman niya pag-iinteresan sa mas normal na pagkakataon ay nagpapaalerto sa kanya.

“Good morning, Sir,” nakangiting bati ni Lorie sa kanya. May kung ano sa matamis na ngiti at masiglang bati ng dalaga na nagdulot ng kung anong pagkakagulo sa sikmura ni Choi. Kung bakit at kung ano iyon ay hindi alam ni Choi.

“`Morning,” sabi rin ni Maja.

Kumunot ang noo ni Choi at pilit kinalma ang sarili. Nakahinga siya nang maluwag nang magtagumpay siya. “Masyado yata kayong masigla? Especially that brat na kahapon lang ay mas malakas pa sa alarm clock ang pag-iyak na nagpagising sa akin,” wika ni Choi sa halip na gumanti ng bati.

Bahagyang natawa si Lorie at bumalik ang tingin sa batang halatang tuwang-tuwa sa bath tub. “Umiiyak siya noon kasi nga hindi siya kumportable dahil basa siya noong naihi siya sa pagtulog at hindi agad napalitan ng damit.”

“So she didn’t wet the bed today?”

Tumingin uli sa kanya si Lorie at ngumiti nang mas maluwang. “Ang totoo naihi siya uli. Normal lang iyon sa edad niya. Kaya ngayong araw dapat mabilhan siya ng diapers na dapat mong isuot sa kanya sa gabi. Pagkatapos dapat bago siya matulog siguruhin mong nakapagbanyo siya,” paliwanag ni Lorie. Nang hindi sumagot si Choi ay tumingin uli ang babae sa bata. “Okay, Maja, tama na `yan. Magagalit si Daddy kapag nagtagal ka pa sa paliligo,” kausap ni Lorie sa bata na agad namang tumayo upang mabanlawan ni Lorie at mabalot ng malaking tuwalya. Pagkatapos ay binuhat ng babae si Maja at tuluyan nang humarap kay Choi dahil nakaharang siya sa pinto.

“So, ikaw ang nagturo sa kanya na tawagin ako ng ganyan,” puna ni Choi sa halip na bigyang-pansin ang kakaibang pakiramdam sa sikmura niya sa paraan ng pagkakasabi ni Lorie niyon sa bata. It was as if…. they were a couple or something. Itinutok ni Choi ang buong atensiyon kay Lorie kaysa sa naglalaro sa isip niya. Hindi niya matanggap na sumasagi sa isip niya ang bagay na iyon. She was just the babysitter for God’s sake.

Nakita ni Choi na natigilan si Lorie at tumango. “Bakit ayaw mo ba ng ganoong tawag? Ano ba ang gusto mo, ‘Papa?’ Puwede ko pa siyang itama,” sabi ng babae. Napatitig siya rito. Bahagyang namilog ang mga mata ni Lorie. “O ayaw mong tawagin ka niya ng kahit na ano? Hindi mo ba tanggap na anak mo siya? Hindi ko alam ang sitwasyon ninyo ng ina ng batang ito pero wala siyang kinalaman doon. Isa pa, kung hindi pa sapat sa `yo ang birth certificate at sulat para maniwala kang anak mo siya, titigan mo siya. Magkamukhang-magkamukha kaya kayo,” litanya ni Lorie.

Naningkit ang mga mata ni Choi at napaismid. “You talk too much for a babysitter,” inis na sagot niya at tumalikod na.

Inis pa ring lumabas si Choi ng guest room at hinayaan na lamang ang dalawa roon. Walang alam si Lorie tungkol sa kanya at lalong hindi siya nito maiintindihan. For heaven’s sake, he was just twenty-eight. He was rich, good-looking, and a certified bachelor at wala pa siyang balak mabago iyon. Masaya si Choi sa kalayaan niya. Masaya siya sa lifestyle niya. Ang bata ay bunga lamang ng kapusukan at katangahan niya nang ipagkatiwala niya sa isang babae ang pag-iingat. Wala pa sa isip ni Choi ang magkaroon ng anak sa edad niya. It didn’t fit him, much less his lifestyle. Isa pa ay malaking eskandalo kapag lumabas ang pagkakaroon niya ng anak. Lagot si Choi sa mga magulang niya kapag nangyari iyon.

So he only had one choice. Kailangan ibalik ni Choi kay Sheila si Maja bago pa madiskubre ng media ang bata at bago pa dumating ang mga magulang niya mula sa bakasyon ng mga ito. He knew he was never going to be a good father to Maja. Kaya mas mabuti pa na kay Sheila na lang si Maja. Hindi papayag si Choi na ibato sa kanya ni Sheila ang responsibilidad na kung tutuusin ay ang babae naman talaga ang may kasalanan.

Na-distract uli si Choi nang marinig ang hagikgik ni Maja. Muling napabalik ang tingin niya sa dalawang babae. He felt the familiar tug in his gut as he stared at them. Sa pagkakataong iyon ay mas matagal na nanatili ang mga mata niya kay Lorie na may masuyong ngiti habang binibihisan si Maja. Mas magiging mabuti ang kalagayan ng bata kung mapupunta sa isang gaya ni Lorie na maalaga, at hindi si Choi iyon. The tug become stronger and he had to shake his head to shake it off.

“Mamaya bibilhan kita ng diapers para hindi mo na nababasa ang bedsheet. Magagalit na ang daddy mo kapag pumanghi dito,” kausap ni Lorie sa bata.

Natigilan si Choi at saglit na napaisip, pagkatapos ay mabilis na bumalik sa silid niya at nagbihis.

“ANG BANGO mo na.”

Nakangiting sininghot ni Lorie si Maja pagkatapos niyang bihisan at polbohan ang bata. Humagikgik si Maja nang ingudngod niya ang ilong sa pisngi nito. Hindi tulad noong unang araw na dumating ang bata na hindi halos nagsasalita at nanginginig ang mga labi sa takot at pag-aalinlangan.

Pagkatapos amuyin ni Lorie si Maja ay tumayo na siya at binuhat ito pababa sa kama na ngayon ay wala nang comforter at sapin. “`Labas na tayo para makita ka ng daddy mo na malinis at mabango na,” masuyong udyok ni Lorie sa bata.

Kumislap ang mga mata ni Maja at patakbong lumabas ng silid. Narinig pa ni Lorie ang pagtili nito ng “daddy” na ikinangiti niya. Napansin niya kaninang pagdating niya ang pagkislap ng mga mata ni Maja nang aksidenteng masabi niya sa bata na daddy nito si Choi. Marahil ay nakalma si Maja na malamang kahit isa man lang sa mga magulang nito ay naroon.

Subalit napansin din ni Lorie na iba ang epekto kay Maja kapag nababanggit ang mommy nito. Kanina, nang pasimple niyang tanungin si Maja tungkol sa ina nito ay muling tumikom ang mga labi ng bata at para na namang iiyak. Iyon ang dahilan kung bakit binanggit ni Lorie kay Maja ang daddy nito at ibinida si Choi kahit hindi niya alam kung totoo ang mga pinagsasabi niyang magagandang katangian ng binata.

Napaisip tuloy si Lorie kung anong klaseng babae ang nanay ni Maja. Base kasi sa reaksiyon ng bata kanina ay may takot ito sa mommy nito. Hindi ba niyon minahal ang bata? Sabagay, kung mahal niya si Maja hindi niya basta iiwan ang bata. Kung ako siya hindi ko ipapamigay sa iba si Maja kahit pa sa tatay niya.

Naalis ang atensiyon ni Lorie sa isiping iyon nang sumungaw si Choi sa pinto ng guest room. Napakunot-noo siya nang makitang nakasuot si Choi ng kupas na pantalong maong, gray T-shirt na humahakab sa katawan nito, itim na jacket, at baseball cap. Ni sa hinagap ay hindi naisip ni Lorie na nagsusuot ng ganoon si Choi. Mas sanay siyang palaging naghuhumiyaw sa karangyaan ang ayos ng binata.

Kumunot ang noo ni Choi at walang pakundangang humagod sa kabuuan niya bago huminto sa mukha niya. “You’re still wet.”

Sa sinabi ni Choi ay napahawak si Lorie sa blouse niya at napatingin sa sariling katawan. Napasinghap siya at nag-init ang mga pisngi nang makita niyang bakat na bakat ang katawan niya, lalo na ang dibdib niya sa kanyang damit. Naitakip ni Lorie ang mga braso sa dibdib niya at nag-iinit ang mukhang napatingin kay Choi. Ngunit wala namang bakas ni katiting na interes sa mukha ng binata kaya para pang napahiya si Lorie sa ikinilos niya. Siyempre ay walang anuman kay Choi ang hitsura niya sa mga oras na iyon. Malamang normal na kay Choi ang makakita ng katawan ng babae. Pasalamat pa nga si Lorie at hindi tumatawa si Choi sa reaksiyon niya kahit malamang sinasabihan na siya ng binata sa isip nito na assuming siya.

“Wala ka bang dalang extra na damit?” tanong ni Choi.

“Wala. Matutuyo rin naman ito mayamaya. Pagkatapos kong labhan ang mga kubrekama, tuyo na ang damit ko,” sagot ni Lorie sa pilit pinakaswal na tinig.

Lalong lumalim ang pagkakakunot ng noo ni Choi. “That won’t do. Lalabas tayo.”

Napaawang ang mga labi ni Lorie sa sinabi ng binata. “Ha? Bakit?”

“Shopping. Although it will be just you and her. Ang sabi mo kailangan niya ng diapers, hindi ba? At kaunti lang ang damit niya kaya mas mabuting bumili ng bago. I’ll drive the two of you sa pinakamalapit na mall at hihintayin ko na lang kayo roon,” paliwanag ni Choi.

Sa sinabi nito ay saka lang namroblema si Lorie sa basang damit niya. “Paano `yan?” wala sa loob na nausal niya.

Mukhang nag-isip naman si Choi bago dumeretso ng tayo. “Wait here.” Iyon lang at nawala uli ang binata sa paningin ni Lorie.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.