The Substitute Chapter 25

Malaki ang ngiting pinagmasdan ko ang natutulog na si Hugo. Hanggang ngayon kasi'y parang sirang plakang paulit-ulit na tumutugtog sa isipan ko ang mga sinabi ni Yvo kahapon. Mga salitang nagpapasaya sa puso ko. Parang wala na ngang paglagyan ang galak na nararamdaman ko. I feel like I'm in a fairytale, I'm the stowaway Princess and Yvo's the Prince.

Ha! Ewan, puro kahibangan na ang naiisip ko.

Hindi rin pala masama na naging substitute ako ng brat na si Jia. Sabi nga ng iba, bago mo makamit ang bagay na gusto mo, dadaan ka muna sa mga pagsubok. Mga pagsubok na nalampasan ko kasama ng pagmamahal ko para kay Yvo at Hugo.

Isang ngiti ang sumilay sa mga labi ni Hugo. Maya-maya lamang ay marahan itong dumilat.

"Good morning sweetie." Nakangiti kong bati kay Hugo bago siya pinupog ng halik.

"Mama..." Mas lalo akong napangiti nang marinig ang sinabi ni Hugo. "...milk."

Isang tawa ang pinakawalan ko. Sa gulang na dalawang tao'y marami nang kayang bigkasin si Hugo. Hindi nga lang nito kaya na bumigkas ng isang pangungusap. Pero ganoon pa man, naiintindihan ko naman ang mga sinasabi niya.

Nang matapos ko siyang painumin ng gatas ay kaagad ko nang inasikaso ang pagpapalit ng kaniyang damit. Mabuti na nga lang at si Lemuel ang palaging nagpipresintang magluto ng almusal. Hindi naman raw kasi iyon sagabal sa kaniya dahil tanghali pa ang pasok niya. Kung ako naman raw ang magluluto, baka hindi ko na raw maasikaso si Hugo.

"Ate, kakain na!" narinig kong sigaw ni Lemuel mula sa labas ng kuwarto.

"Susunod na ako!" sagot ko bago muling nginitian si Hugo. Kung hindi lang ito dalawang taong gulang baka kanina pa ito nagtanong kung bakit panay ang pagngiti ko.

"Blooming ka yata, ate?" Puna ni Lemuel sa akin. Katatapos lang naming kumain at ngayon ay nagkakape sa maliit na terrace ng bahay.

"Masaya lang," malaki ang ngiting sagot ko bago marahang sumimsim ng kape.

Hindi ko pa nga pala nasasabi sa kanila ni Tatay ang tungkol sa alok ni Yvo. Hanggang ngayon parang nasa alapaap pa rin ako.

"Siyanga pala ate, tumawag kanina si Kuya Jino, gusto ka raw niyang makausap."

Bigla akong natigil sa pagsimsim ng kape. "Bakit naman daw?" Nakakunot ang noong tanong ko kay Lemuel.

"Malay ko, basta sabi niya pupuntahan ka raw niya rito mamaya. At saka may tumawag ulit na lalaki. Kinukumusta ka. Kapag may problema raw, tawagan siya kaagad."

Awtomatikong kumunot ang noo ko. Sino na naman ba iyon? "Wala bang sinabing pangalan?"

"Wala eh, pero may narinig kong ibang boses sa kabilang linya. Black ang itinawag sa kaniya."

Napatango na lamang ako sa sinabi ni Lemuel. Hindi ko kilala ang lalaki. Pero sana naman ay mabuti itong tao.

Wala rin akong ibang maisip na dahilan kung bakit gusto akong makausap ni Jino. Kung tungkol ito sa amin ni Yvo, baka may alam na ito sa ginawang pag-alok sa akin ni Yvo ng kasal.

Kinahapunan ay dumating nga si Jino. Maayos na maayos ang porma nito't parang kagagaling lang sa opisina.

"Hi!" Nakangiting pagbati niya sa akin.

Hindi pa man ako nakakasagot ay mabilis niya nang ginawaran ng halik ang pisngi ko. Kaya nakaawang ang bibig na tinitigan ko siya habang nauupo sa sofa.

Nakakapanibago.

"Ikakasal ka na."

Awtomatikong tumaas ang isang kilay ko sa sinabi ni Jino. "Kanino mo nalaman?"

"So, ikakasal ka na nga?" Madilim ang mukhang tanong ni Jino sa akin.

Kunot ang noong naupo ako sa pag-isahang upuan na malapit sa kaniya. "May problema ba?"

"Wala."

Alam kong may problema si Jino, ramdam ko. Pero parang pinipigilan niya ang kaniyang sarili na magsabi sa akin.

"Bakit parang taliwas naman sa nakikita kong reaksiyon mo ang sinabi mo?"

"Tinanggap mo ang alok ni Yvo?" Muling tanong ni Jino habang nakasandal sa sofa at nakapikit nang mariin ang mga mata.

"Of course, mahal namin ang isa't isa—."

"Bullshit!"

Isang tili ang kumawala sa aking lalamunan nang malakas na hampasin ni Jino ang lamesang nasa harap namin. Nangangatal ang kamay na inabot ko ang dibdib. Napakalakas ng tibok niyon. Parang ano mang oras ay lalabas na ang puso ko.

"Bakit ba nagagalit ka?" Nag-aalala kong tanong habang napapatingin kay Jino at sa pinto ng kuwarto kung saan natutulog si Hugo.

"Damn it, Quia! Manhid ka ba?!" Madilim ang mukhang tanong sa akin ni Jino.

Bigla ang pag-awang ng bibig ko. Marahan akong tumayo para kahit papaano'y magkaroon ng lakas ng loob na salubungin ang mga titig ni Jino. "No...you can't...w-we—."

"I know, kaya nga halos mabaliw na ako sa kakaisip nang dapat kong gawin! I thought I love Louise. Pero parang naging kulang ang nararamdaman ko para sa kaniya simula nang makilala kita." Awtomatikong natuptop ko ang aking bibig. Hindi pwede! Ano bang pinagsasasabi ni Jino?!

"Jino, mali ang nararamdaman mo. Itigil mo iyan—."

"Hindi mali ang magmahal, Quia."

"P'wes mali ka ng taong minamahal! Hindi ako iyon, Jino. Hindi pwede, hindi kahit kailan!" Galit kong sigaw bago padabog na tumalikod.

Pero bago pa man ako makalayo ay nahila na ako ni Jino sa braso. Pagkatapos niyo'y mahigpit niya akong niyakap. "Alam ko, kaya nagagalit ako sa sarili ko, Quia. Akala ko pagmamahal bilang isang kapatid ang nararamdaman ko, pero hindi. Hindi ko kayang dayain ang nararamdaman ko para sayo."

"No, please, Jino." Mahina kong sabi kasabay ng pagtulo ng mga luha ko.

Ito ba ang dahilan kung bakit pilit na minamadali ni Yvo si Louise na magpakasal? Alam ba ni Yvo ang tungkol sa nararamdaman ni Jino para sa akin?

"Ako dapat ang nasa posisyon ni Yvo ngayon. Kung sana'y hindi na lang kita pinilit na magpanggap. Ako sana ang pakakasalan mo. Ako sana ang mamahalin mo't hindi si Yvo." Bulong sa akin ni Jino habang nakakulong pa rin ako sa kaniyang mga bisig.

Ilang sandali lamang ay naramdaman ko ang pagpatak ng kaniyang luha sa aking balikat. Bigla ring humigpit ang pagkakayakap niya sa akin. Yakap na para bang ayaw niya akong bitiwan. Yakap na parang ayaw niya akong ibahagi sa iba.

"I'm sorry." Mahina kong sabi na lalong ikinasiksik ng mukha ni Jino sa leeg ko. "Hindi ko kayang saktan si Yvo at Louise. Mahal ko silang pareho, Jino. Patawad rin kung pagtinging kapatid lang ang kaya kong ibigay sa iyo."

Halos limang minuto kaming nasa ganoong posisyon. Nahiwalay lamang kaming dalawa nang marinig ko ang pag-iyak ni Hugo.

"Pasensiya na talaga, Jino."

Marahang pagtango ang ginawa ni Jino bago umiwas ng tingin. "Naiintindihan ko."

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ko bago ko siya iniwan sa sala.

"Nakita ko ang nangyari kanina, anak." Sabi ni Tatay nang puntahan niya ako sa terrace. Malalim na ang gabi at nagpapahangin lang sana ako sandali. Pero mukhang matatagalan ako dahil alam kong maraming itatanong si Tatay.

Isang paghingang malalim ang pinakawalan ko bago tumingin sa kaniyang direksiyon. "Huwag niyo na lang pong pansinin iyon."

"Naiintindihan kong hindi mo kayang mahalin si Jino. Alam naming noon pa man, si Yvo na talaga ang laman ng puso mo. Pero naiintindihan ko rin kung bakit ganoon ang nararamdaman niya para sa iyo."

"'Tay, masama ba akong tao dahil hindi ko kayang suklian ang lahat ng kabutihan ni Jino sa atin? Na kahit man lang tugunan ko ang pagmamahal niya, doon man lang makabayad tayo. Mali ba ako ng taong minamahal?"

"Anak, sang-ayon ako sa sinabi ni Jino na hindi mali ang magmahal. Kaya hindi maling si Yvo ang mahal mo't hindi siya. Kahit naman kailan hindi ka siningil ni Jino. Kusang-loob ang ginawa niya. Hindi nga lang siguro natin napaghandaang lahat ang pagkahulog niya sa iyo." Mahabang paliwanag sa akin ni Tatay.

Marahan akong lumapit kay Tatay. Pagkatapos ay masuyo ko siyang niyakap. "Mahal ko si Yvo 'Tay, kahit kailan yata hindi mawawala ang nararamdaman ko para sa kaniya."

"Alam ko, alam naming lahat."

"Sana nga matanggap iyon ng lubusan ni Jino. Ayaw kong maging dahilan iyon ng pagkasira ng relasyon natin sa kanila."

Lalo namang ayaw kong masira ang pagkakaibigan namin ni Louise. Tiyak na aawayin ako nito kapag nalaman nito ang mga sinabi ni Jino. Hindi rin maganda ang kalalabasan kapag nga pinairal ko ang kagustuhang bayaran si Jino sa kabutihan nito. Anong iisipin ng mga tao? Sigurado akong magiging pangit sa paningin ng mga ito ang pamilya ni Jino.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.