Maulap ang langit at wala akong dalang payong. Humalukipkip ako habang pinagmasdan ang mga estudyanteng paroo't parito sa gate. Nakasandal ako sa pader ng isang maruming gent na malapit lang sa gate. Wala namang gumagamit kaya walang estudyanteng naglakas-loob na lumapit sa puwesto ko.
Inis kong hinawi ang lamok na gustong pumasok sa tainga ko. Lintek na 'yan. Inalis ko ang pagkakatali ng buhok para mawala ang interes ng lamok sa tainga ko. Kaso, nabanas naman ako sa lagkit ng buhok sa leeg ko. Ayaw na ayaw ko talagang nilulugay ang buhok!
"Alferes," gigil kong bulong.
Kanina pa ako naghihintay sa lintek. Nasa kaniya ang susi ng gate ng Apartment House at main door. Nasabi na sa akin na mamayang gabi pa makakauwi 'yong apat na lalaking nag-aaral sa Cebu City. Malamang, tatawid pa ang mga 'yon ng dagat bago makakarating ng Lapu-Lapu. Kaya kahit panaka-naka akong sinusulyapan ng mga estudyanteng palabas at papasok sa gate, at pinagpipiyestahan na ng lamok ang mga braso ko, gigil at busangot akong naghintay sa lintek na Alferes. Walang ya talagang lalaking 'yon!
Nagtawanan ang grupo ng babaeng papalabas ng gate at panaka-naka akong sinusulyapan. Matalim ko silang tiningnan pero ang mga linta, hindi man lang natakot sa tingin ko! Aba, malalakas na nga ang loob!
"Jemima," hingal na sambit ng isang pamilyar na boses.
Binaling ko ang tingin sa bagong dating at nakita ko ang pawisang Alferes. Kinuha niya ang panyo sa bulsa ng unipormeng slacks saka nagpahid ng pawis. Ngumiti siya. "Kanina ka pa?" tanong niya.
Huminga ako nang malalim at akmang maglilintanya nang tinikom ko ang bibig. Nakita ko kasi sa gilid ng mata ang pagdaan ng grupo nina Vintosa. Masama ang tingin sa akin ng mga lintek, at alam kong nangingilati na silang sumagupa sa akin, pero hindi magawa ng mga lech** dahil kay Alferes. Heh. Bahag ang buntot ng mga hay***.
"Para kang babae. Ang lamya mo kahit kailan," busangot kong sambit saka humakbang palabas ng gate.
Natigilan pa ang ilang kasabayan ko sa paglalakad. Mas lalo lang dumilim ang paningin ko. Ni hindi na takot sumabay sa akin, a? Ambibilis naman tumaas ng confidence level ng mga 'to.
"Jemima," tawag ni Alferes sa likuran. "Maglalakad ka lang? Sumabay ka na sa bike ko."
Hindi ako sumagot sa tanong niya. Lumiko ako sa kaliwa pagkalabas ng gate. Dire-diretso akong humakbang hanggang maraanan ko ang pila ng sakayan ng jeep. Nagpatuloy ako sa paghakbang hanggang tanging matatas na pader nalang ang nasa gilid ko habang umaabante sa sidewalk.
"Jemima," tawag na naman ni Alferes. Pansin kong mas hiningal siya kaysa kanina. "Ambilis mong maglakad."
Nakita ko sa gilid ng mata ang pagsabay niya sa akin. Bitbit na niya ang kaniyang bike at nakatingin siya sa mukha ko.
"Wag kang tumitig," babala ko.
Nag-iwas naman siya ng tingin. "Ilang kilometro pa bago marating ang eskina. Sigurado kang lalakarin mo 'yan?"
"Sanay na ako." Sumulyap ako sa kaniya saka tumingin sa harap. "Kung ayaw mong maglakad, mag-bike ka."
Hindi na siya nagpumilit kaya natahimik kami. Ugong ng dumadaang sasakyan lang ang naririnig ko sa paligid. Hindi rin uso ang huni ng ibon dito sa highway kaya wala ring silbi ang bird sanctuary sa likod ng nagtataasang pader sa gilid ng sidewalk.
"Sa susunod, bigyan mo nalang ako ng duplicate para hindi ko na kailangang maghintay ng gano'n katagal," basag ko sa katahimikan naming dalawa.
Pansin kong napasulyap siya saglit sa akin. "May biglaang meeting ang SSC kaya pasensya na."
"Kaya nga," busangot kong tugon. "Bigyan ko ako ng spare key para hindi na ako mamomoblema sa kakahintay sa 'yo."
Tumaas ang sulok ng labi niya. "Hindi pwede, Jemima."
"Bakit naman?"
"Basta hindi pwede." Umikhim siya. "Sa susunod, magpunta ka nalang sa opisina at doon maghintay."
"Ayoko nga sabing maghintay sa 'yo!"
"Wala kang magagawa." Nagkibit-balikat siya. "Iisang susi lang ang mayro'n sa gate at main door kaya delikadong basta-basta ko nalang ipagkakatiwala ang susi."
Umirap nalang ako. Natahimik na naman kami nang may bigla akong naalala. "Sa susunod na linggo pala, pupunta ako sa BOF office. Pahiram nalang ako ng bike mo."
"Fish seeds?" kunot-noo niyang tanong. Tumango ako. Umiling siya kaya nangunot ang noo ko. Umikhim siya. "Delikado sayong mag-bike sa highway," sabi niya.
"Alam ko 'yon pero alam mo ring ayokong nagpa-public transpo."
Bumuntong-hinga siya. "Kailangan mong masanay, Jemima."
Hindi na ako sumagot dahil alam kung mauuwi na naman sa bangayan. Pinili kong manahimik at tinoon ang tingin sa daan. Ilang oras din kaming naglalakad ni Alferes, nang bigla siyang tumigil sa isang panaderya at nag-ayang kumain.
"Bubuhos na ang ulan," paalala ko.
Tumingala siya saka umiling. Nagbaba siya ng tingin sa akin. "Bubuhos 'yan kung bubuhos. Pero masarap ang ensaymada sa panaderya. Tara."
Hindi na ako nakatanggi lalo nang hinigit niya ako papasok, kasama ang bisikleta niya. Bumungad sa akin ang malawak na espasyo para sa magda-dine in na customer. 'Yong arrangement ng mga upuan at mga mesa, parang sa napapanood ko fast foods sa telebisyon.
"Nag-aaksaya lang tayo ng oras," bagot kong sambit.
"Hindi 'yan," natatawa niyang saad saka hinigit ako sa counter. "Anong gusto mo?" tanong niya.
Tiningala ko ang menu sa uluhan saka bagot na tinuro ang emsaymada at isang juice. "Yan. Iti-take out. Pakibilisan lang ng balot," sabi ko sa tindera.
Ngumiti ang tindera. "Sige po maam." Bumaling siya kay Alferes. "Ikaw, Sir. Anong sa 'yo?"
"Hmm... same order nalang, Miss."
"Sige po."
Ilang segundo lang kaming naghintay ni Alferes, bago inabot ng babae ang take-out namin. Hinablot ko 'yong akin saka walang sabing lumabas ng panaderya. Alam kong si Alferes na ang magbabayad ng order.
Tiningala ko ang langit at nagbabadya na nga ang ulan. Maiitim na ang ulap at ilang minuto nalang ay tiyak kong bubuhos na. At ang lintek na Alferes, nasa loob pa rin. Bakit ba ang lamya-lamya ng 'sang 'yon?
Ilang segundo lang at nakita ko siyang lumabas habang hawak ang bisikleta. Tinaas pa niya ang supot ng order niya sa malayang kamay saka ngumiti sa akin. "Masarap 'yan. Di ka magsisisi."
"Tara na," inis kong aya saka nauna nang umabante. Sumunod siya.
Ilang minutong paglalakad pa nang bigla-bigla nalang kumulog at kumidlat. Napatalon ako sa gulat at napahawak sa dibdib. Narinig ko nalang ang pinipigilang tawa ni Alferes.
Sinamaan ko siya ng tingin. "Sige. Tawa pa."
Umiling siya at tinaas ang kamay na may hawak ng supot. "Hindi na," ngiting sambit niya.
Hindi na lang ako umimik dahil alam kong mapapagod lang ako sa kakasatsat kay Alferes. Tahimik nalang kaming nagpatuloy sa paglalakad. Paminsan-minsan ay binubuksan ko ang supot sabay kagat sa ensaymada, at mapapansin kong nakatingin lang si Alferes sa mukha ko habang kumakain.
Lumunok ako. "Alam mo bang nakakaasiwang titigan habang kumakain? O sadyang hindi tinatablan ang mukha mo nang kahihiyan, ha? Alferes?" sabi ko saka sumimangot.
Natawa siya saka napailing. "Paborito mo ang ensaymadang monggo noong bata pa tayo."
"Nag-iba na ang panlasa ko." Nagusot ang mukha ko saka nagbaba ng tingin sa daan. "Hindi ko na 'to paborito. Parehong-pareho lang ng lasa sa iba pang ensaymada." Binaba ko ang kamay na may hawak ng supot.
"Talaga? Mukhang hindi halata. Naubos mo ang dalawang ensaymada."
"Manahimik ka nalang, pwede?"
Narinig ko ang buntong-hinga niya, at napansin ko sa gilid ng mata ang pag-iwas niya ng tingin sa akin. "Ano bang nangyari sa 'yo... sa pitong taong wala ako, Jemima?"
"Wag kang magdrama diyan."
Umiling siya. "Hindi ko alam kung ikaw pa ba ang Jemimang nakilala ko noon, o hindi na. Nag-iba ka na. Ibang-iba ka na sa kababata ko noon."
Dahan-dahang bumagal ang hakbang ko hanggang tuluyan akong napahinto. Pero patuloy sa paghakbang si Alferes at mukhang walang balak na huminto, kaya naiwan akong titig na titig sa likuran niya.
Napalunok ako at napakuyom ng kamao. Ramdam kong nagusot ang paper bag na pinagsidlan ng ensaymada. Nakagat ko ang labi at napatingala sa kalangitang malapit nang umiyak.