The Tongue of Death (Filipino) Chapter 17

Naging tahimik ang lakad namin ni Alferes pauwi. Sukat no'ng sinabi niya kanina, hindi na siya nagsalita pa. Wala rin naman akong maisip na isasagot sa mga salita niya kaya tinikom ko nalang ang bibig at hinayaan siyang mag-isip ng sagot sa sarili niyang tanong.

Gusto kong kalimutan ang sinabi niya kanina pero pati yata ako ay napaisip. Ano nga ba ang nangyari sa akin sa panahong wala siya sa tabi ko? Alam ko sa sarili kong meron pero hindi ko gustong alahanin pa 'yong lintek na nangyari. Isa pa, simula no'ng umalis si Alferes, nawala na rin ang relasyong meron kami no'n. Sadyang siya lang 'yong pilit binabalik ang matagal nang wala - ang pakikipagkaibigan ko sa kaniya.

At talagang inaasar kami ng ulan dahil bigla ba namang bumuhos habang nasa gitna kami ng daan. Nakuyom ko ang kamao sa inis. Hindi ko talaga alam kung sino ang may balat sa pwet sa aming dalawa.

"Jemima, tara."

Mabilis na tinungo ni Alferes ang isang bukas na kubo sa gilid ng daan. Sumunod ako sa kaniya at sumilong. Pinagpag ko pa ang butil ng tubig na namuo sa labas ng uniporme ko saka kunot-noong tumingala sa maitim na ulap. Bumuhos na nga nang tuluyan ang ulan nang hindi pa kami nakakaabot sa eskina.

May narinig akong kilos mula kay Alferes na nasa likuran ko, at naramdaman ko nalang ang pagyakap ng uniporme niya sa akin. "Malayo pa ang Apartment. Baka sipunin ka," sabi niya.

Tumabi siya sa akin. Napansin ko sa gilid ng mata na nakasuot siya ng puting T-shirt. Hindi ko nalang pinansin ang presensiya niya saka tinanaw ang ilang mga puno sa malayo. Nagsasayawan sila sa hampas ng hangin. May nakita pa akong ilang mga ibon na lumilipad sa ibabaw ng mga puno at sa ilalim ng ulan.

"Tatawagan ko nalang si Akbar para humiram ng kotse. Sasamahan na kita sa Cebu."

Napasulyap ako kay Alferes. "Yong pinsan mong inutangan ko ng incubator?"

"Oo." Tumingin siya sa akin. Agad nagtama ang tingin naming dalawa. Ngumiti siya. "Kumusta ang mga sisiw?"

"Ok lang." Tinanaw ako ang malayo. "Wala namang sakitin."

"Nabisita mo ba kanina?"

Natahimik ako. Nalimutan kong bumisita sa LLP dahil muntik-muntikan na akong ma-late kaya dumiretso na ako sa Community College. Bumuntong-hinga ako. "Mamaya."

"Samahan na kita."

Nangunot ang noo ko. "Dumiretso ka na sa Apartment House mo. Hindi ko na kailangan ng alalay do'n."

"Wala akong gagawin sa bahay kaya tutulungan na lang kita do'n."

"Lintek. Sabing 'wag mo akong samahan. Hindi ako lumpo para humingi ng tulong sa 'yo."

Bumuntong-hinga siya. "May anger issues ka, Jemima?"

"Wala," busangot kong sagot. "Ayoko lang sa mga taong mahilig mangialam. Kaya tumahimik ka nalang diyan at mauna ka na sa apartment."

"Sige," tipid na sagot niya at agad tumahimik.

Napalunok naman ako dahil sa biglaang pagbigat ng pakiramdam ko. Alam ko namang walang masamang intensyon si Alferes at gusto lang talaga niyang tumulong, pero sadyang hindi ko gustong pakialaman ako sa lahat ng bagay kung alam ko naman ang ginagawa ko. Hindi ako bata. Maalam ko nang magdesisyon para sa sarili ko. 'Yon din ang dahilan kung ba't madali akong naiinis sa mga taong pakialamero sa buhay ko.

"Wag kang magpagabi, Jemima." Tinapik ni Alferes ang balikat ko bago sumakay sa kaniyang bike at nagpedal.

Tinanaw ko lang siya. Kanina pa tumila ang ulan at gaya ng inasahan ko, maputik na naman ang daan sa eskina papunta sa LLP. Nasa unahan pa ang isa na namang eskinang magdadala sa Apartment House, at nasa unahan naman ng eskina ang bahay ng magaling na Nicanor. Pero alam ko namang mamayang gabi pa uuwi ang magaling kong ama. Bumuntong-hinga ako saka nilakad na ang masikip na daanan papunta sa manukan.

Damuhan lang ang nasa giliran ng daanan kaya plano kong ipalinis ang bahaging 'yon, at tamnan ng ilang mga puno. Para naman hindi masyadong maputik tuwing tag-ulan.

Pabulong akong napamura nang malubog sa isang mababaw na kumunoy ang kaliwang paa ko. Lintek. Ba't nagkaroon ng kumunoy dito? Pilit kong hinihila pataas ang binti ko pero dahil maputik din ang paligid ng maliit na kumunoy kaya mabilis akong nadulas. Napasalampak ako sa maputik na daan at napasigaw ako sa biglaang kirot ng balakang ko. Bwi***!

Inikot ko ang katawan at sinubukang gumapang palayo sa kumunoy, pero sobrang dulas ng putik at hindi kaya ng damo ang bigat ko. Nilingon ko ang minalas na binti at napamura na naman ako nang makita kong umabot na sa kalahating hita ang nalubog sa putik.

"Need some help?"

Napatingin ako sa harap. May nakatayong bota doon, at nang tumingala ako ay nakita ko ang seryosong mukha ng lasinggo. Nilahad niya ang kamay sa harap ko. "Give me your hand and I'll pull you up."

Natawa ako. "Parang superhero ang datingan, a? Sumusulpot kung kailan naghihirap ang bida." Inabot ko ang kamay. Mabilis naman niyang sinara ang nakalahad na palad.

"I am." Ngumiti siya. "I am helping you out."

Isang hila lang at mabilis na nakawala sa maliit na kumunoy ang binti ko. Muntikan na rin akong mapaluhod sa lupa, pero mabilis siyang kumilos at agad hinawakan ang balikat ko. "Watch out," bulong niya at tinayo ako nang maayos.

Napapantastikuhan ko siyang tiningala. "Nandito ka na naman," puna ko.

"Narinig kitang sumigaw kanina."

"Owws?" Tumaas ang kilay ko saka humalukipkip. "Ano ba talaga ang pakay mo rito? Diretsahin mo ako dahil hindi mo ako madadala sa salita mo."

Tumitig siya ng ilang segundo sa mukha ko bago tumawa nang malakas. Sinasabi ko na nga ba. Napangisi ako sa inasta niya. Nahuli rin kitang hungkag ka.

"I find it weird," sabi niya. Binasa pa niya ang ibabang labi saka ngumiti na naman sa akin. "It's been weeks but I can't get a hold on you. You're too aloof... and I like that."

Naningkit ang mga mata ko saka natawa na naman. "Sabi nang may binabalak ka. Ano 'yon? Sabihin mo sa akin lintek ka."

"I want you." Nawala ang ngiti sa mga labi niya at napalitan ng isang seryosong mukha ng lintek. Dinilaan na naman niya ang sariling labi habang nakatitig sa akin. "I want your land, Jemima Cruz. I will give you billions, just give me your land title."

"Baliw ka." Pinasadahan ko ng kamay ang sariling buhok. "At sa tingin mo ibibigay ko nalang nang basta-basta ang lupa ko? Hah. Bumalik ka kung sa'n ka man nanggaling hay*** ka."

Naningkit ang mga mata niya. "Think twice, Miss Cruz. Billions will change your life. You can even move to the city with that amount of money."

"Hindi ko binibenta ang lupa ko."

"... And maybe you can escape from your father's torment."

Nakalmot ko bigla ang mukha niya. "Hay*** ka! Lumayo ka sa akin! Umalis ka sa lupa ko o ididemanda kitang trespassing ka!"

Nasapo niya ang pisnging narumihan ng putik. Naningkit na naman ang mga mata niya habang nakatitig sa akin. "Too hard, Cruz? I'll soften you," bulong niya. Nagtagis ang bagang at agad tumalikod.

Napahawak ako sa dibdib sa lakas ng pintig niyon. Hiningal ako. Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa lintek niyang pagmumukha kapag nagkaharap kami ulit ng hay*** na 'yon. Ang lakas ng loob na mag-negotiate sa harap ko. Hindi ko kailanman ibebenta ang lupa at walang magiging may-ari kung 'di ako lang! Wala nang iba!

MATAPOS ang insidente kanina, minabuti kong tingnan ang kabuuang bilang ng mga manok. Hindi ko maintindihan kung anong ibig sabihin ng lintek kanina. Kung paano niya ako palalambutin, wala akong pakialam. Basta ang alam ko lang ay hindi ako madaling paamuin at hindi na mawawala ang pagmumukha ng lintek sa listahan ng mga taong may atraso sa akin.

Sana nga ay babalik na sila kung saang lugar man sila galing. Hindi ko gusto ang presensya ng lalaking 'yon, dahil kilala ko na ang galawan ng mga katulad niyang lintek. Mga walang magawa sa buhay.

At sa kakalintek ko, may nakita akong literal na lintek sa sulok ng manukan. Nakaluko siya at kakulay ng puno. Hindi ko makita ang ulo pero alam kong nakatitig sa akin.

"Bwi***t na 'yan. Hanggang dito ba naman, sinusundan ako ng malas?" maktol ko at padabog na lumabas ng manukan.

Tinanaw ko ang malawak na LLP, pero wala akong makitang maski isang tao. Kumuyom ang kamao ko. Nagbaba ako ng tingin sa mansadong slacks ng uniporme at tinaas ang manggas ng upper uniform. Malalaking hakbang na tinungo ko ang main road sa malayo.

At nang marating ko ang lec*** kalsada, wala naman akong nakitang tao. Pwera sa lasinggo. May nakaparadang kotse sa gilid ng daan, ilang hakbang mula sa kinatatayuan ko, at nakasandal siya doon na parang siya ang nagmamay-ari. Nasa cellphone na hawak ang tingin at sa palagay ko'y nagtitipa sa screen.

"Hoy," hingal kong tawag pero mukhang hindi ako narinig ng hungkag. Patuloy lang siya sa pagtitipa sa cellphone at wala man lang kaimik-imik. "Hoy!" Dali-dali ko siyang nilapitan.

Nangunot ang noo niya saka nag-angat ng tingin. Binaling niya ang mukha sa kaliwa at agad nagtama ang tingin naming dalawa. Mas lalong lumalim ang kunot sa noo niya. "Clarize," sabi niya.

"Oo, ako nga." Huminto ako sa harap niya at huminga nang malalim. "Maalam kang manghuli ng ahas?"

"Ahas?" Pinatunog niya ang dila. "May nakita kang ahas?"

"Sagutin mo nalang ang tanong ko!"

Natigilan siya, maya-maya pa'y umiling. "Hindi ako snake keeper, Miss Cruz."

"Walang kwenta," mura ko saka nagpalinga-linga sa paligid.

Nasa'n ba ang mga lech***ng tao sa lugar na 'to? Kung kailan kailangan ko ng tulong, doon naman nagsisitaguan. Mga walang kwenta talaga!

"But I know someone who can help you."

Napatingin ulit ako sa lasinggo. Nakatitig lang siya sa akin kaya nagusot ang mukha ko. "Ano pang hinihintay mo? Bagong taon? Tawagan mo na at papuntahin mo na dito!"

"Stay calm."

"Anong kalma?" Marahas akong humugot ng malalim na hininga. "Nando'n 'yong mga manok ko, kasama ng isang ahas. Paano ako kakalma?!"

Mariin siyang tumitig sa akin bago tinaas ang cellphone at nilapat sa tainga. "Sonya, come here," sabi ng lasinggo habang titig na titig sa akin.

Napaiwas na lang ako ng tingin at tumalikod sa kaniya. Natanaw ko ang malawak na damuhan ng LLP, at sa malayo ay ang malaki-laking manukan.  Alam kong sa likod ng payag na nakikita ko ay ang palaisdaan.

Umihip ang hangin at narinig ko ang banayad na simoy niyon. Nakita ko pa kung pa'no hinawi ng hangin ang nagtataasang damo sa kapatagan ng LLP, saka sinayaw ang mga sanga ng puno sa gilid lang niyon.

Bumuntong-hinga ako saka pinahupa ang inis at kaba sa sistema. Ang importante sa ngayon ay mawala ang ahas sa manukan. Saka, ipapasunog ko ang malawak na damuhan pagsikat ng araw bukas. Magtatanim ako ng tanglad doon sa bahaging nasunog, at ilang mga puno na rin na pwedeng maging tambayan sa susunod na mga taon.

"Jax!"

Naputol ang pagpapaplano ko nang marinig ang matinis na boses na 'yon. Napatingin ako sa bagong dating at nakita ko ang asawa ng lasinggo. Nakasuot ng dress na may tali sa baywang saka may mahabang sleeve. Bagay naman sa kaniya ang suot. Mas disente tingnan kumpara sa suot niya nang hatinggabi na 'yon.

"Anong problema?" tanong niya habang palapit sa amin, saka napatingin sa akin. Bumilog ang mga mata niya. "J-Jemima..."

Nangunot ang noo ko. "Kaya mo bang humuli ng ahas?" walang ligoy kong tanong sa kaniya.

"Ahas? Uhm..." Tumingin siya sa asawa niya, saka tumingin naman sa akin. "M-Medyo," nahihiya niyang sagot.

Hah. Bakit ba hiyang-hiya 'tong si Sonya samantalang walang pasintabi  naman ang asawa niya? Tsk. Opposite do attract, e no?

Mabilis akong bumalik sa manukan. Nakasunod lang si Sonya saka 'yong lasinggo. Umikot ang mga mata ko. Alam ko namang nagsasaya ang hungkag dahil binigyan ko ng permisong pumasok sa property ko. Ewan ko ba kung bakit sobra obsess ng boss niya sa lupa ko. Sa tingin ko naman, hindi magandang site ang lugar para sa commercial dahil palautang ang mga tao rito.

"May sako ka ba saka uhm... saka stick na hati sa gitna ang dulo?" tanong bigla ni Sonya.

"Meron akong sako, pero yung stick, pwede ka namang gumawa mamaya."

Hindi na siya nagtanong pagkatapos no'n. Naabot namin ang manukan at agad akong naghanap ng sako sa naka-pile na mga sisidlan ng chicken feeds. Binigay ko agad kay Sonya ang nakuha ko, saka gumawa ako ng sariling kahoy na may hati sa dulo. Binigay ko rin 'yon kay Sonya at hinayaan siyang kumilos nang malaya sa loob ng manukan.

Tahimik lang akong nagmasid habang nakatayo sa gilid ng lasinggo. Walang nagsasalita sa aming dalawa, hanggang tuluyang nasilid sa loob ng sako ang lintek na ahas.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.