The Tongue of Death (Filipino) Chapter 18

Natutulog pa ang araw pero mulat na mulat na ang mga mata ko at handa na akong sumabak sa gyera. Suot ko na ang uniporme at tapos na akong kumain. Sa katunayan, mas nauna akong nagising sa limang lalaki. Nagpresenta na rin akong magluto kaya kapag nagising na yung lima ay hindi na sila mamomoblema ng agahan.

Pero hindi pa rin ako mabait. Wala 'yon sa bokabularyo ko.

Kaya lang ako naghanda ng maaga ay dahil kokontakin ko si Mang Kaloy para sumunog ng damuhan. Maalam 'yon sa kaingin dahil isa 'yong avid fan ng mga arsonista. Bumubula pa 'yong bibig kapag nagkukwento patungkol sa mga pelikulang may sabog at sunog.

"Ang aga mo yata," puna ng kung sino.

Tinigil ko ang pag-ikot ng kutsara sa tasa saka nilingon ang nagsalita. Nakita ko si Raman, 'yong lalaking nagbigay ng panty sa akin. Ginusot ko lang ang mukha at naupo nang maayos sa upuan. Pinagpatuloy ko ang pag-ikot ng kutsara.

Narinig ko ang yabag niyang papalapit sa pwesto ko. "Sumabay ka na ngayon."

"Sabay?"

"Kumain." Umikot siya sa harapan ko kaya natakpan ang papasikat na araw na siyang pinagmamasdan ko mula rito sa balkonahe. "Simula nang lumipat ka rito, hindi ka pa namin nakakasabay sa mesa."

"Tapos na 'ko."

"Galit ka ba... Jem?"

Tumingala ako sa kaniya. "Jem?"

Nagkamot siya ng batok saka nag-iwas ng tingin. "Ano bang dapat naming itawag sa 'yo?"

"Jemima." Nagbaba ako ng tingin sa tasa. "Ano bang pakay mo rito? Nakaharang ka sa harap ko. Alam mong hindi ang T-shirt mo ang pinagmamasdan ko."

"Sorry." Mabilis siyang gumilid kaya nakita ko na naman ang bukang-liwayway. "Sure kang tapos ka nang kumain? May strawberry jam do'n. Baka gusto mo?" alok niya.

Nangunot na ang noo ko. "Pinakaayaw ko talaga ang kinukulit ako," sabi ko.

Natahimik siya. Mas lalong nangunot ang noo ko nang makarinig ako ng tahol. Galing sa likuran. Maya-maya pa'y sumulpot sa paanan ni Raman ang aso niyang mabalahibo. Narinig ko ang tawa ni Raman habang nilaro-laro ang aso. Iniwas ko ang tingin at nagkunyaring wala ang dalawa sa giliran ko.

"Una na ako, Jemima. Kailangan kong magbihis."

"Go. Hindi ako ang nanay mo kaya 'wag kang magpaalam sa akin."

Natawa siya pero hindi na nagsalita. Ginulo niya ang balahibo ng aso, tumayo nang tuwid, saka walang sabing naglakad paalis. Nakita ko sa gilid ng mata ang pagsunod ng aso niya. Napabuga ako ng hangin.

Ilang minuto akong nakaupo ro'n, at nang tuluyang sumikat ang araw ay tumayo na ako. Bitbit ang tsa, bumaba ako sa sala at nagtungo sa kusina. Hinugasan ko ang tasa saka kinulob sa dryer.

"Kumain ka na?"

"Lintek."

Mabilis akong pumihit at nakita ko 'yong lalaking may salamin. Walang ngiti sa mga labi kaya mas lalo siyang naging seryoso tingnan. Idagdag pa ang naka-suit and tie na porma. Para siyang abogado.

Hinilot ko ang sentido at masama siyang tiningnan. "Pakialam mo kung tapos na 'ko o hindi? 'Wag ka ngang nanggugulat diyan," ismid ko.

Naalarma ako nang umabante siya at tumayo sa harap ko. Mas lalong tumalim ang tingin ko sa kaniya, pero mukhang hindi naman siya naaapektuhan. Inayos lang ang salamin saka inabot ang nakakulob na baso sa gilid ko. Binuksan niya ang water dispenser at nagsalin ng tubig habang nakatitig sa akin.

Napamura ako. Ba't titig na titig 'tong lintek na 'to?

"You have the looks, but pity. You're foul-mouthed lady," bulong niya saka sumimsim sa baso habang titig na titig pa rin sa akin.

Hinawi ko siya pero ni hindi man lang natinag ang bwi**. "Tumabi ka ngang hay*** ka!"

Binaba niya ang baso sa kitchen sink na nasa likuran ko. Napaatras naman ako sa ginawa ng lintek. At nang magkaroon ng pagkakataong makatakas ay mabilis akong kumilos para makawala sa panggigipit niya sa akin sa kitchen sink. Humugot ako nang malalim na hininga saka nilingon ang lintek. Nakasandal na siya sa kitchen counter at nakahalukipkip. May maliit na ngiting naglalaro sa mga labi habang nakatitig pa rin sa akin.

Naningkit ang mga mata ko. Nakakaasar ang mukha ng lintek!

Nakita ko sa gilid ng mata ang pagpasok ni Raman sa kusina. Bitbit niya ang aso na siyang binaba niya pagkuwan.

"Ishmael," tawag ni Raman. Tumayo siya nang maayos at napabaling ng tingin sa akin. Nagulat pa nang makita akong umuusok sa inis. "Anong ginawa mo kay Jemima?"

Nagpalipat-lipat ang tingin ni Raman sa aming dalawa.

Nagkibit-balikat si Ishmael. "Nothing," tipid na sagot ng hungkag at may gana pang ngumiti na kita ang mapuputing ngipin.

Napabuga ako ng hangin. Hindi ako mahilig pumatol sa mga patola kaya hindi na ako umimik. Pumihit ako at naglakad palabas ng kusina, pero hindi pa ako tuluyang nakakalabas nang matigilan ako.  Mula sa pintuan ay pumasok 'yong dalawa pang lalaking kasa-kasama ni Alferes. Nagtatawanan sila pero nang makita nila ako ay agad nanahimik at nahinto sa paghakbang.

Natuod ako sa kinatatayuan habang nakatingala sa dalawa. Ba't ang tatangkad ng mga lintek?

"You're Jemima, Miss?" ngiting tanong ng lalaking naka-jersey.

Pinasadahan ng ikalawang lalaki ang buhok saka nagbaba ng tingin sa akin. May suot siyang simpleng T-shirt at cargo pants. "Palagi kang kinukwento ni John," sabi niya. Tumaas ang sulok ng labi. "Hindi tayo pormal na nagpakilala sa isa't isa." Umikhim siya. "Ang pangalan ko'y Abel, at itong kasama ko, si Aaron."

Nilahad ni Aaron ang kamay. Pero naki-fist bump ako sa kaniya. Nagulat siya at natawa. "Good play," sabi niya.

Tumango lang ako at lumusot sa pagitan ng dalawang nagtatangkarang mga tao. Kung iisipin, mukha na silang basketball player sa tangkad. Pero napaisip ako kung sino sa amin ang nag-adjust. Kasi hindi naman ako gano'n katangkaran. Pwedeng ako lang 'yong maliit.

Hindi tulad ni Raman, wala akong narinig na tutol mula sa dalawa. Sa katunayan, nagtuloy-tuloy ako hanggang sa sala. Palabas na ako ng Apartment House nang makasalubong ko si Alferes. May dala siyang supot ng pandesal. Pansin kong nakapantulog pa siya. Aba, mukhang bagong gising ang isang 'to.

"Pupuntahan ko lang 'yong LLP. 'Wag ka nang magsadya doon mamaya dahil didiretso na ako sa SCC," sabi ko sa kaniya.

Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. "Maaga ka ngayon."

"Masama ba?"

Umiling siya. "Ingat ka sa daan."

Tumango ako at nilampasan siya. Diretso na akong lumabas ng gate at nilakad ang eskina. Pagkarating ko sa main road, sakto namang nakita ko si Mang Kaloy. Dumaan sa harap ko at alam kong patungo sa tindahan ni Aling Esing.

"Mang Kaloy!" tawag ko.

Huminto siya at nilingon ako. Nangunot ang noo niya, maya-maya pa'y tumawa nang malakas. "Jemima!" bati niya.

"Ipapasunog ko 'yong damuhan sa harap ng LLP. Babayaran kita."

Hinawakan niya ang baba saka napaisip. Umiling siya. "Hindi mo ba alam ang batas? Bawal nang magkaingin."

"Ano?"

Tinaboy niya ako gamit ang kamay. "Nagretiro na ako sa trabaho dahil pinagbawal na ang kaingin. Nasa batas 'yon. Magbasa naman paminsan-minsan, Jemima."

Kumunot ang noo ko sa pinagsasabi niya. Hindi ko alam na bawal na sa batas ang kaingin. Isa pa, ang gusto ko ay malinis ang harap ng LLP para matamnan ng mga punong-kahoy at tanglad.

Hindi ko na kinulit ang matanda dahil alam kong hindi lasing. Masamang kulitin ang mga lasinggo na hindi lasing dahil mabilis mainis, tulad ko. Hinayaan ko nalang siyang magpatuloy sa paghakbang tungo sa tindahan ni Aling Esing. Bibili na naman 'yon ng alak. Napairap ako.

Dinukot ko ang cellphone sa bulsa at nagtipa. Anong magandang gawin para malinis ang harap ng LLP?

Bigla, may mga batang naglalaro na dumaan sa harap ko. Nagsisigawan kaya nangunot ang noo ko sa inis. Dapat hindi na pinalalabas sa bahay ang mga batang makukulit dahil istorbo lang sila sa mga tao. Tsk.

Nag-angat ako ng tingin at nakita ko ang malawak na LLP. Halos kasintangkad ko na ang mga damo. Tumingala ako sa langit. Hindi naman maulap kaya swak sa paglilinis ng damuhan.

"Miss Cruz."

Napatingin ako sa bagong dating. 'Yong lasinggong pakialamero. Nasa tabi niya si Sonya na bahagyang nakangiti sa akin.

"Anong kailangan niyo?" tanong ko.

Umikhim si Sonya. "Um, kasi nag-insist si Jax na tulungan kang ipalinis ang damuhan. It's about sa nangyari kahapon na may nakapasok na ahas sa manukan mo."

Ilang segundo ko silang tinitigan at naghintay sa salitang biro lang pero hindi bumuka ang bibig ng dalawa. Nanatili silang nakatitig sa akin. Lintek. Hindi ko mapigilang matawa sa kanila.

"Wag kayong magbiro." Natawa na naman ako. "Ganiyan na ba kayo ka-desperadong makuha ang lupa ko? Bws*** na 'yan. Tapos na akong magpasalamat sa inyo kaya wala na akong obligasyong tanggapin ang alok niyo. Kaya pwede ba, lubayan niyo ako?"

Nakita ko ang paglunok ni Sonya. Nang tingnan ko ang lintek na pakialamerong Jaxx, napansin kong nakatitig siya sa likuran ko. Nangunot ang noo ko at nilingon ang tinitingnan niya.

Nakita ko si Ishmael. Naglalakad palapit sa akin. At gaya nang una ko siyang nakita, hindi ko makitaan ng ngiti ang mga labi niya. Seryoso ang lintek na laitero. At matalim siyang nakatingin sa lintek na pakialamerong Jaxx. Tama. Magpatayan kayo sa tingin, mga lintek!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.