The Tongue of Death (Filipino) Chapter 19

"Jaxx Archangel," matigas na sambit ni Ishmael at huminto sa tabi ko.

Aba, kilala ng laitero ang pakialamero. Magkatulad nga silang mga lintek. Humalukipkip ako. Naningkit ang mga mata ko habang nagpalipat-lipat ng tingin sa dalawang lalaki. Si Jaxx na walang kakibo-kibo at nanatili ang seryosong awra, habang si Ishmael na kuyom ang kamao at matalim ang titig sa isa.

Sino kaya ang mananalo? 'Yong manok ni Sonya na si Jaxx, o 'yong lech* kong manok na si Ishmael?

Lihim akong natawa. Mga walang 'ya. Pareho lang silang nangingialam sa buhay ng may buhay.

"Ishmael Rodriguez," bati ni Jaxx. Sumulyap pa sa akin ang hungkag bago muling tumingin kay Ishmael. "It's interesting to find you here."

"Why are you here?" Nagtagis ang bagang ni Ishmael.

Nagkibit-balikat si Jaxx. "I'm winning something." Bigla nalang inakbayan ng hungkag ang asawa saka nilapit sa kaniya. "We're here to buy the infamous Lanling Land Property of Miss Cruz."

Ngayon ko lang napansin na nakatungo si Sonya. Hindi makatingin nang diretso sa amin ni Ishmael at kagat-kagat pa ang labi. Tumaas ang kilay ko. "Anong problema ng asawa mo?" tanong ko.

Natahimik ang hungkag. Maski si Ishmael ay nanahimik. Pansin kong nanigas sa kinatatayuan si Sonya. Hmm. May kung anong mali rito.

"T-Tara na," rinig kong bulong ni Sonya. "Jaxx please..."

Tumaas na naman ang kilay ko sa sinabi niya. Hindi na umimik si Jaxx, at nagpatianod kay Sonya dahil hinihigit na siya nito palayo. Tinanaw ko lang ang papalayong bulto ng dalawa. May kung anong mali, e. Tiningnan ko si Ishmael na nakasunod lang ng tingin kay Jaxx... o kay Sonya. Ewan, hindi ako sigurado kung sino sa dalawa ang sinusundan niya ng tingin.

"Hoy," tawag ko.

Naglakbay ang tingin niya mula sa dalawa tungo sa akin. Nangunot ang noo. "I have my name," sabi niya.

"Alam ko. Pero magsabi ka ng totoo sa akin. Pa'no mo nakilala 'yong Jaxx Archangel?"

Bigla may papadaang tricycle sa harapan niya. Agad 'yong pinara ni Ishmael. Huminto ang tricycle sa tapat namin. Nagusot ang mukha ko nang umambang papasok siya sa loob niyon.

"Hoy. Sagutin mo nga ako," inis kong sambit.

Lumingon siya sa akin saka inayos ang salamin. "Jaxx was my friend... and Sonya is my ex-girlfriend."

"Ha?"

Pero hindi na ako sinagot ng lintek dahil pumasok na siya sa loob ng tricycle. Agad humarurot ang sinasakyan niya nang hindi pa ako nakaimik. Lalaking 'yon! Nameywang ako sa inis.

Pero inisip ko 'yong sinabi niya. Friend niya si Jaxx at ex-girlfriend niya si Sonya? Hah. Hindi ako fan ng TOTGA pero bakit ba nangyayari sa harap ko ang lech*ng senaryong 'yan? Pinasadahan ko ng kamay ang buhok at nilibot ang tingin sa buong LLP. Kailangan ko na talagang makahanap ng tagalinis para makaalis na ako dito sa kalsada. Kanina pa ako tinitingnan ng mga lintek na chismosang kapitbahay. Dumadaan na nga lang sa lupain ko, magti-chismis pa. Kaya ayaw na ayaw ko sa mga taong bungangera. Problema lang ang dala sa mundo!

Agad akong naghanap ng pangalan sa contact list ko at tanging 'yong pinsan ni Alferes lang ang alam kong maaasahan ko patungkol sa farming. Tinawagan ko ang numero niya at humingi ng ideya kung paano ko mapapalinis ang medyo malawak na LLP. Hindi 'yon kaya ng isang portable weed wacker dahil malaki-laki ang damuhang sakop ng LLP.

"May Zero-Turn Field Mower ako rito, Jem. Ipapadala ko nalang diyan mamayang hapon para hindi masyadong mainit."

Nangunot ang noo ko sa sinabi niya. Hindi ko alam kung ano 'yon pero tumango ako kahit hindi niya ako nakikita. "Ok. Babayaran nalang kita."

"No need. Si Vince ang maglilinis sa damuhan mo."

"Ah. Sa kaniya ko nalang ibibigay ang bayad."

"Ikaw ang bahala." Kahit hindi ko siya kita ay alam kong nakangiti 'yon. Palagi lang namang nakabungisngis ang pinsan ni Alferes. May happy pill sigurong iniinom araw-araw. "Ibababa ko na 'to, Jemima. Kailangan ko nang tingnan ang mga sisiw. Regards lang para sa mga sisiw mo... at sa 'yo na 'rin."

Hilaw akong ngumiti. "He...he."

Agad kong pinatay ang tawag at napairap. May pasimpleng da-moves 'yon, a? Tsk. Pagbigyan nalang para wala nang satsat. Nakakairitang makipag-usap sa mga taong malisyoso. Pero mukhang wala naman 'yong malisya. Ako lang yata ang malisyoso sa aming dalawa. Nangunot ang noo ko. Ba't parang tunog rebuke 'tong iniisip ko?

Umiling nalang ako saka pumara ng tricycle. Oras na para pumasok sa puputsuging Community College. Hay nako.

GAYA ng nakasanayan, pinagtitinginan ako ng mga estudyante. Ewan ko ba kung bakit. Siguro nasa genes na 'yong pagiging chismosa at pakialamera. Kadalasan naman sa mga tingin nang tingin ay babae. 'Yong mga lalaki, kaunting sulyap lang sa akin at babalik na sa ginagawa.

Ano bang meron sa mga babae at kumakalat sa kanila 'yong pagiging mapanghusga?

"Jemima!"

Nahinto ako sa paghakbang at nilingon ang tumawag. Si Vintosa. Nakalabi habang humahakbang palapit sa akin. Teka, nasa'n 'yong mga alipores niya?

"Mag-isa yata ngayon ang lintek," sabi ko.

Kumunot ang noo niya, pero makaraan ay naluha sa harap ko. "They betrayed me."

"They?" Tumaas ang kilay ko. "Anong pinagsasabi mo riyan?"

"Ikaw nalang 'yong friend ko!" sabi niya saka mas lumapit sa akin. Kinuwit niya ang braso sa braso ko at ngumiti nang malapad sa akin.

Mabilis kong binawi ang braso at napapantastikuhan siyang tiningnan. "Baliw ka. Hindi ko pa nakakalimutan ang atraso mo sa akin."

"Jemima naman..." piyok niyang sambit saka hinila ako sa kung saan. Nagpatianod ako sa kaniya dahil ramdam kong may mali. Hindi ko lang masabi kung alin.

Nakita ko ang sarili na nasa likod ng Student Affairs building kasama ang kaaway slash kakilala kong si Vintosa. At nakapagtatakang umiiyak siya sa harap ko ngayon.

Kung bakit? Hindi ako interesadong malaman.

Pero dahil hinila niya ako rito kaya wala akong magawa kung 'di kunot-noo siyang titigan hanggang maubos ang uhog niya sa kakaiyak. Naiirita na ako pero pinipigilan ko lang magkomento para wala nang satsat.

"You know, gusto ko lang makipag-friends sa kanila kaya sumama ako sa girl club nila. At first, they treat me as their friend. Maayos naman kami. Nagkakaintindihan. Sabay pa nga kaming nagplano para i-bully ka."

Tumaas ang kilay ko. Walang 'ya pala 'tong Vintosa. Harap-harapang confession, huh?

"Tapos..." Suminghot siya at naiyak na naman. Umikot ang mga mata ko sa inis. Kailan pa kaya siya matatapos sa teledrama niya? "Tapos... nakilala nila itong new girl. I don't know kung bakit naging cold sila sa akin. Nalaman ko lang kahapon na naging friends na sila ng new girl at inichapwera na nila ako," iyak niya.

Heh. Paano ba aaluin 'tong babaeng 'to? Papaluin ko ba sa likod?

"Tama na," irap kong sambit. "Wala akong pakialam kung anong nangyari. Ang akin lang, tumahimik ka na dahil hindi nakakatulong ang pag-iyak-iyak mo riyan. Mag-aral ka nalang nang mabuti para makatulong ka naman sa ekonomiya ng Pinas."

Natahimik nga siya. Ilang segundo siyang kunot-noong nakatitig sa akin, at nagulat nalang ako nang palukso siyang yumakap sa akin. "Thank you, Jemima! I knew it! Ikaw ang true friend na matagal ko nang hinahanap."

"H-Ha?"

Lintek. Hindi ako makahinga sa higpit ng yakap niya. Mabilis akong kumalas sa yakap at napahawak sa leeg. Napaubo ako.

"See? Dapat pala hindi na kita inaway. I know na magiging true friend ka dahil prangka ka't hindi plastic."

"Lintek." Lumunok ako ng laway saka matalim na tiningnan si Vintosa. "Pwede bang 'wag kang yumakap? Para kang ahas. Ang higpit makalingkis!"

Tawa lang ang sinagot niya. Umikot ang mga mata ko sa inasta niya at tumalikod. Humakbang ako pabalik sa mataong parte ng Community College. At hindi nga ako nagkamaling tatabi siya habang naglalakad ako.

"Punta ka na sa klase mo," taboy ko sa kaniya.

Umiling siya. "It's my vacant time," ngiti niyang sambit.

Napabuga ako ng hangin. "Hindi ako umuo sa alok mo kaya 'wag kang umasta na kaibigan kita."

"Hmmm... I say that you're my friend now. Kaya dito lang ako sa tabi mo."

Lintek. Nalintekan talaga. Si Vintosa? Magiging buntot ko 'yong palaging umaaway sa akin noon?

Napangiwi ako sa naiisip.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.