The Tongue of Death (Filipino) Chapter 20

Natatawa akong tiningnan ni Alferes habang ningunguso si Vintosa na nakaupo sa gilid ko at sige sa kain. Humalukipkip ako at sumandal sa sandalan ng upuan. Nandito kami sa labas ng Community College at kumakain ng tanghalian. Ang plano, ako at si Alferes lang ang kakain dito pero nakita kami ni Vintosa at sumama sa amin. Ayaw ko ngang magkaroon ng buntot sa calinderia pero sige sa pag-insist si Vintosa, at sa huli ay umuo ako para wala nang satsat.

"Why you guys don't -" Lumunok si Vintosa saka sumimsim sa lemon juice. "- eat?"

Nagkibit-balikat si Alferes at sumubo. Kinuha ko ang kutsara't tinidor saka nagsimulang kumain. Ayoko lang makarinig ng iba pang tanong mula kay Vintosa.

"Claire," tawag ni Alferes.

Nag-angat ng tingin si Vintosa saka ngumiti. "What?"

"Hindi ka nagbibiro nang sinabi mong kakaibiganin mo si Jemima?"

Umiling si Vintosa. "Why would I? I mean it."

Ngumisi si Alferes at tumingin sa akin. Napairap ako. Wala talagang magawa ang lintek.

Hindi na umimik si Alferes kaya natahimik ang mesa namin. Ilang minuto pa kaming tahimik na kumakain, nang may grupo ng kababaihang pumasok sa calinderia. Nagtatawanan sila kaya napaangat ako ng tingin sa ingay. Naningkit ang mga mata ko nang mapansin kong pamilyar na pamilyar ang mukha ng mga babae.

"They're also here," malungkot na bulong ni Vintosa.

Doon ko napagtanto nga sila nga 'yong mga alipores ni Vintosa. Ang sasagwa ng mga kolorete sa mukha, at may fashion style na uso pa no'ng dekada nobenta. Ang nagpataas ng kilay ko ay ang kasama nilang baguhan yata sa grupo. Pamilyar din ang mukha pero sigurado akong hindi ko nakikitang kasa-kasama ni Vintosa. Siya yata 'yong new girl na sinasabi ng huli.

"That girl... arg!" gigil na bulong ni Vintosa at iniwas ang tingin mula sa grupo. Nagpatuloy siya sa pagsubo ng kanin samantalang tinitigan ko nang mariin 'yong new girl daw.

Pamilyar, e. Sa'n ko nga ba nakita ang mukha ng babaeng 'yon?

Lumingon ang babae sa gawi namin at natigilan ako nang magtama ang tingin naming dalawa. Ilang segundo siyang nakipagtitigan sa akin. Walang kakibo-kibo ang ekspresyon. Hanggang sa siya na ang nagkusang umiwas ng tingin. Hindi nakaligtas sa pansin ko ang pag-irap niya. Aba, isa na namang lintek. Bakit ba punong-puno ng masasamang nilalang ang pipitsuging Community College?

"Jemima," tawag pansin ni Vintosa. "Don't stare at them. Kanina ka pa nila pinagchi-chismisan."

Naningkit ang mga mata ko at tumingin kay Vintosa. "Alam na alam mo 'yong galawan, e no?"

"Of course. Ako kaya ang nagturo sa kanila pa'no maging chismosa."

Pambihira.

Umiling na lang ako at tinuon ang pansin sa malamig kong kanin. Hindi ko matyansa kung hanggang kailan ako magtitimpi kay Vintosa. Mabuti nalang at nandito si Alferes para aliwin ang kaibigan ko kuno. Heh. Katulad ni Alferes, pinakikisamahan ko nalang siya dahil nakakatamad kumain nang mag-isa. Pero hindi ko siya tinuturing na kaibigan. Isang langaw sa ibabaw ng tae ng kalabaw ang tingin ko kay Vintosa.

At dahil bagong salta kuno sa grupo si Vintosa, nagpresenta siyang magbayad sa lahat ng kinain namin. Galante pala. Pero hindi ako tumatanggap ng libre dahil ayaw kong magkaroon ng utang na loob. Masamang magtambak ng utang na loob dahil 'yon ang pinakadelikadong utang.

"Bayad na 'yan. No'ng isang linggo pa," sabi ko saka kinuha ang shoulder bag.

Tumingin si Vintosa sa gawi ko. "What?"

"Tsk. Bingi." Bagot akong lumingon sa kaniya. "Nag-advance pay na ako kay Mang JekJek. Ikaw na lang ang hindi pa bayad," dagdag ko saka naglakad palabas ng malaki-laking calinderia.

"Eh? Okay," sabi ni Vintosa.

Hindi na ako sumagot o lumingon dahil kanina pa ako rinding-rindi sa tawanan ng ex-grupo ni Vintosa. Nasa gilid ng pinto ang grupo ng babae, doon sa may malaki at bilugang mesa. Simula nang pumasok kanina, nawala ang katahimikan ng calinderia. Tawa nang tawa at may minsanang hampasan ng mesa.

Ewan ko ba kung ba't hindi sinisita ni Mang JekJek. Siguro ayaw mawalan ng customer?

Basta naririndi na ako. Buti nga at mahaba ang pasensya ng ibang customer. Pero pansin kong nagsisialisan din pagkatapos kumain. At alam ko nang narindi rin sila, ayaw lang magsalita at ipahiya ang grupo.

"Jemima, mauna ka na sa labas," rinig kong sabi ni Alferes.

Bumusangot ako. Minsan, hindi ko na alam kung sinasabi lang niya ang obvious o sadyang tan** lang talaga si Alferes. Hindi ako sumagot at nagtuloy-tuloy palabas ng calinderia.

Nadaanan ko pa 'yong mga babaeng maiingay. Pasimple kong tiningnan isa-isa ang mga mukhang pinaglaruan ng kolorete. Hay. Kahit patapon 'yong ugali ko, alam ko naman kung pa'no maging presentable. Kasi ang mga babaeng ganito, dapat pinapalo sa puwet para magtanda. Pinapahiya lang nila ang mga sarili.

Sa kakatingin sa grupo habang palabas ng calinderia, nagtama ulit ang tingin namin ng new girl. Hindi siya ngumiti. Titig na titig lang sa akin na parang may atraso ako sa kaniya. Ako na ang nag-iwas ng tingin dahil may nakasalubong akong mga high school students mula sa kalapit na Sudtonggan National High School. Alam ko ang uniporme nila dahil doon ako nag-aral nang high school.

Humugot agad ako ng malalim na hininga pagkalabas ko sa calinderia. Tirik ang araw pero hindi ako direktang nasisinagan ng araw dahil nakatayo ang calinderia sa lilim ng isang narra. Nasa gilid lang din ng main road ang calinderia pero malaki-laki ang set back kaya pwedeng tumambay ang customers sa harapan ng calinderia.

"Jemima, iha."

Binaling ko ang tingin sa gilid at nakita ko si Aling Fina, 'yong asawa ni Mang JekJek. Ngumiti ako. "Hi, 'te."

"Kumain ka na?" tanong niya. May bitbit siyang maliit na palanggana na may lamang hilaw na hipon.

Tumango ako sa tanong niya. "Hinihintay ko 'yong kasama ko 'te."

"Ah, ganun ba? Papasok na ako sa loob, iha. Para maluto na itong mga hipon."

"Ano, 'te. Sa Lunes, mag-a-advance pay ulit ako."

"Walang problema, iha." Ngumiti siya at nagpaalam na naman.

Sinundan ko lang ng tingin ang bulto niyang papasok. Sakto namang lumabas si Vintosa. Nang makita ako ng babae, patakbo siyang lumapit saka ngumiti nang malapad. "I don't have sinsilyo kasi kaya si Zander na ang nagbayad sa kinain ko."

Ngumiwi lang ako sa sinabi niya. Kung iisipin, marami siyang in-order kanina at baka umabot ng isandaan ang mga 'yon. Pero si Alferes naman ang nagbayad kaya bulsa niya ang mabubutas at hindi akin.

"Ok," sabi ko nalang.

Tahimik naming hinintay si Alferes. Panaka-naka kong nililibot ang tingin sa paligid habang nakababa ang tingin ni Vintosa sa cellphone. Ilang minuto pa ang lumipas nang biglang umingay ang entrada. Lumabas na 'yong mga babaeng maiingay. As usual, may pasigaw-sigaw sila na may kasamang tawa.

Huling lumabas 'yong bagong salta sa grupo. Nakita ko kung pa'no niya nilibot ang tingin sa paligid, at nagtama ang tingin naming dalawa. Nangunot ang noo ko pero nanatiling walang kaemo-emosyon ang mukha niya.

"Francine! Tara na. We'll gonna be late for our afternoon class!" rinig kong sigaw ng isa sa kasamahan niyang babae.

Doon lang naputol ang tinginan naming dalawa. Bumaling siya sa babaeng sumigaw at umikhim. "Ok," sabi niya.

Mas lalong nangunot ang noo ko. Pati boses ay pamilyar sa akin. Bakit lahat-lahat sa babaeng 'yon ay pamilyar sa paningin at pandinig ko?

"See?" ismid ni Vintosa. "I dunno how she manage to be okay after we bullied her. Kung alam ko lang na aagawain niya ang grupo ko after namin siyang i-bully, sana hindi ko nalang siya pinakialaman."

Napantig ang tainga ko. "Bully?" Bumaling ako sa nakangusong si Vintosa. "Anong bully ang pinagsasabi mo?"

Mas lalo lang humaba ang nguso ni Vintosa. "You don't remember that girl, no?" Ngumisi siya. "She's the one naive girl na na-bully namin. Tapos dumating ka. Akala ko ay pipigilan mo kami, pero sinabi mong kukunin pati ang wallet niya."

Ilang segundo akong napaisip. Inalala ko ang sinabi niya at napakurap ako nang rumehistro sa isip ko ang mukha ng babaeng takot na takot noon. Takte. Siya 'yong babaeng muntik nang makabangga sa akin no'ng burol ni Teresita. Binutasan ko pa nga ang gulong ng bisikleta niya dahil sa inis.

Pero sa totoo lang, hindi ako nainis sa babae dahil muntik na niya akong mabangga. Sadyang sa kaniya ko lang nabaling ang inis ko na noon ko pa kinikimkim.

At sa nakita kong pagbabago sa kaniya... 'yong mukha niyang may kolorete na, 'yong fashion style niyang sumusunod na sa uso, saka 'yong tingin niyang walang kaemo-emosyon, parang hindi na siya 'yong babae noon. Kaya pala hindi ko nakilala no'ng unang kita kahit pa napakapamilyar ng mukha niya sa akin.

"Tara na," rinig kong boses ni Alferes.

Bumalik ako sa realidad at napatingin sa kaniya. Umikhim ako. "Ilang papel ang nawala sa'yo?"

Hilaw siyang natawa saka tinaas ang hintuturo at gitnang daliri. Napangisi ako habang napanguso na naman si Vintosa. "I'll pay you," sabi niya kay Alferes.

Nagkamot ng batok si Alferes at ngumiti kay Vintosa. "Wag na. Libre ko nalang 'yon."

"But -"

"Tara na," putol ni Alferes sa satsat ng babae. "Mali-late na tayo."

Tumango ako at naunang maglakad pabalik sa Community College. Ilang metro lang 'yon kaya hindi na ako nag-atubiling pumara pa ng tricycle.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.