The Tongue of Death (Filipino) Chapter 21

Kanina pa maulap ang langit. Nitong tanghali, hindi naman ganito kadilim ang mga ulap. May araw pa nga. Pero nang lumabas ako ng classroom mula sa dalawang oras na lecture, nakita kong maitim na ang mga ulap. Malamig din ang hangin at mukhang uulan na nga.

"Maglalakad ka ba?" tanong ni Alferes na nasa tabi ko.

Tiningala ko ang langit. "Oo. Hindi pa man bumubuhos at magandang maglakad dahil hindi mainit."

Dinukot ko ang cellphone sa bulsa at tiningnan ang inbox. Walang message mula sa pinsan ni Alferes at kay Vince. Mukhang hindi pa napapadala 'yong mower sa LLP. Wala rin naman akong gagawin sa Apartment kung 'di sagutan 'yong bilang lang sa daliring mga assignment. Kaya nagdesisyon akong maglakad pauwi sa Apartment House.

Nasa tabi ko lang si Alferes habang naglalakad ako palabas ng gate. Nunkang may biglang tumawag sa pangalan ko.

"Jemima!" boses ni Vintosa.

Binilisan ko ang hakbang pero naabutan pa rin ako ng babae. Naningkit ang mga mata ko sa sementadong daanan.

"Wait up naman, friend. Ambilis mong maglakad," sabi ni Vintosa. Napansin kong nagja-jog siya sa kaliwa ko.

Nasa kanan ko si Alferes na tahimik lang pero nakakasabay sa bilis ng hakbang ko. Hindi nalang ako umimik para manahimik si Vintosa. Pero 'yong babae, dumaldal nang makasalubong namin sa gitna ng field 'yong grupo niya noon. As usual, nagkikwentuhan habang naglalakad. Nagtama na naman ang tingin namin ng new girl. Wala siyang imik habang nakipagtitigan din sa akin. Nawala lang ang titig niya niyang malampasan namin ang isa't isa.

"That girl talaga! Hindi naman maganda. Ansama pa ng ugali," daldal ni Vintosa at humalukipkip. Tuloy pa rin ako sa paglalakad kasabay ang dalawa sa magkabilang gilid ko. "No'ng na-bully namin, takot na takot. Tapos the other day no'n, she snobbed at me. Hmmp! May tinatagong baho pala ang babaeng 'yon -"

"Tama na, Claire. Hindi magandang magsalita ng masama sa kapwa," putol ni Alferes sa sinasabi ni Vintosa.

Napansin ko sa gilid ng mata ang pagnguso ni Vintosa. "Siya kasi, nakakainis ang girl na 'yon!"

"Naiinis ka man o hindi, pero masamang magsalita ng masama sa kaniya. Lalo't ginagawa mo ito sa likuran niya. Pinagbawal 'yon sa Bibliya."

Doon lang tumahimik si Vintosa. Lihim akong napangiti. Sumasakit na kasi ang tainga ko sa kakareklamo niya at wala ako sa mood para awatin ang tabil ng dila niya. May mabuting dala naman pala si Alferes.

Nang makalabas ako sa gate, diretso akong lumiko sa direksyon ng bird sanctuary. Doon ang daan pauwi ng Apartment House. Pero biglang hinuli ni Vintosa ang braso ko at inikot ako paharap sa kaniya.

"Eh, maglalakad ka pauwi? Ihahatid ka nalang ng driver ko."

Nagsalubong ang dalawang kilay ko at marahas na binawi ang braso mula sa hawak niya. "Malilintekan ka sa akin 'pag ginawa mo ulit 'yon."

Ngumuso siya. "I'm sorry, okay? Gusto ko lang makipagkaibigan sa 'yo. Hindi ka naman nagsasalita kaya ako na ang nagpapansin sa 'yo," sabi niya saka yumuko.

Umikot ang mga mata ko sa inis at huminga nang malalim. "Kung gusto kong maglakad, wala ka na ro'n."

Isang mariing tingin pa ang ginawad ko kay Vintosa bago tumalikod at mabilis na binaybay ang daan ng bird sanctuary. Ilang minutong paglalakad pa sa sidewalk at naramdaman ko na si Alferes sa tabi ko. Bitbit na naman niya ang sariling bike.

Lumiko ako sa isang maliit na daan. Isa 'yong shortcut patungo sa Apartment house. Mga private vehicle lang ang dumadaan dito kaya nawala na ang ingay ng mga tricycle sa main road. Nakasunod pa rin si Alferes.

Ilang minuto kaming tahimik nang bigla siyang umikhim. "Inaway mo si Claire?" tanong niya.

"Nagsumbong sa 'yo?"

"Hindi. Nakita kong umiiyak habang papasok sa kotse niya. Anong ginawa mo do'n?"

"Wala."

"Wala?"

"Oo."

"Magsabi ka ng totoo, Jemima."

Napairap ako. "Wala nga!" singhal ko.

Natahimik siya. Huminga na naman ako nang malalim dahil bumibilis ang tibok ng puso ko sa inis. Ayaw kong makipag-away kay Alferes pero kung hindi pa siya titigil sa kakatanong ay malilintekan na siya sa akin.

"Gusto ko si Claire," biglang bulong ni Alferes.

Mas lalong nangunot ang noo ko. "Tumahimik ka nga diyan. Wala akong pakialam kung gusto mo 'yon o hindi."

"Gusto ko si Claire na maging kaibigan mo, Jemima."

Doon ako napahinto sa paghakbang. Maging siya ay huminto rin. Bumaling ako kay Alferes. Naningkit ang mga mata. "Anong sabi mo?"

Bahagya siyang ngumiti. "Napapansin kong kaya mong magtimpi sa kaniya. At tahimik kapag kasama mo siya. Nagiging disiplinado ang tabil ng dila mo tuwing kasama mo siya, Jemima."

Humalukipkip ako at mariing tinignan si Alferes. "Nagbibiro ka ba?" Umiling siya. Natawa ako. Tawang-tawa sa sinabi niya. "Yong lintek na 'yon? Magiging kaibigan ko? Alferes, gumising ka nga. Wala ka sa panaginip mo!"

"Seryoso ako." Umiwas siya ng tingin. "Hayaan mo siyang sumama sa atin."

Humalukipkip ako at umiwas din ng tingin. "Ayoko."

"Jemima -"

"Ayoko sabi!"

"Kahit gawin mo lang para sa akin, Jemima."

Napahugot ako nang malalim na hininga. Marahas akong bumaling ulit kay Alferes at nagtama ang tingin naming dalawa. Seryoso siya. Walang bahid ng ngiti sa mga labi. Mas lalong nagusot ang mukha ko.

"Iritang-irita ako sa tabil ng dila niya, Alferes. Sobrang sakit sa tainga ang lintek niyang bibig kaya ayoko siyang kasama!"

"Ganiyan din ang nararamdaman ko kapag kasama ka, Jemima. Nagtitimpi rin ako sa 'yo. Kung iritable ka sa kakatanong at kakakuwento ni Claire, isipin mo kung anong nararamdaman ko sa tuwing naririnig kitang nagmumura." Lumunok siya at nag-iwas ng tingin. "Triple sa nararamdaman mong inis sa kaniya."

Natigilan ako. Natameme sa sinabi niya.

Napalunok ako ng ilang ulit habang pinoproseso ang salita ni Alferes. Hindi ko alam kung bakit may bikig sa lalamunan ko.

Napakuyom ako ng kamao at umikhim. "N-Nagtitimpi ka? Lech*. 'Wag mo na akong lapitan, Alferes!" Huminga ako nang malalim at matalim siyang tinitigan. "Hindi ako ang maysabing lumapit ka sa akin, at mas lalong hindi ko hiningi ang presensiya mo sa buhay ko! Ikaw ang lumalapit at hindi ako!"

Unti-unti siyang bumaling sa akin. Malamlam ang tingin niya. Na parang nagmamakaawa. "Dahil mahal kita, Jemima. Lumalapit ako dahil mahal kita." Malungkot siyang ngumiti at nagbaba ng tingin. "Kahit ilang masasakit na salita pa ang ibabato mo sa akin, pero pagmamahal ang tumutulak sa akin para sundan ka."

"Tumahimik ka -"

"I love you -"

"Sabing tumahimik ka! Put***** lintek ka! Hindi ka ba nakakaintinding hay*** ka?!"

Pinandilatan ko siya. Mabilis na nagtaas-baba ang balikat ko habang hinabol ko ang hininga. Rumagasa ang kuryente sa kalamnan ko dahil sa tindi ng emosyon ko. Hindi ko alam kung anong sasabihin. Hindi ko alam kung anong gagawin pagkatapos ng sinabi niya!

Nagulat nalang ako nang biglang tumulo ang luha niya. Naglandas ang mga 'yon sa pisngi niya habang nakatitig sa akin. Natigilan ako. Umiiyak si Alferes?

Napasinghap ako nang bigla niyang kinabig ang batok ko at hinigit ako para sa isang yakap. Naramdaman ko ang paghinga niya nang malalim at pagtulo ng luha niya sa tuktok ng ulo ko.

"Please forgive her, Father. She don't know what she is doing," bulong ni Alferes.

Napalunok ako.

"B-Bitiw," babala ko.

Pero humigpit ang yakap niya. Nagpumiglas ako pero hindi niya ako hinayaang makawala. "Alferes!" sigaw ko.

Bigla, may narinig akong tahol ng isang aso. Tapos boses ng may kaedaran nang lalaki. "Hoy, binata. Anong ginagawa mo riyan?"

Doon lang ako binitiwan ni Alferes. Napatingala ako sa kaniya. Ilang segundo niya akong tinitigan, bago pinulot ang bike niyang nakalapag sa sidewalk. Sumakay siya at nagpedal nang hindi man lang umiimik.

Tinanaw ko lang ang bulto niyang papalayo.

Saktong bumuhos ang ulan. Wala akong dalang payong kaya hinayaan ko nalang na mabasa ang sarili ko. Tahimik akong nagpatuloy sa paglalakad. Walang kasama. Mag-isa lang sa gitna ng ulan.

Lumunok ako. Bigla nalang nanlabo ang paningin ko. Naramdaman ko ang paglandas ng mainit na luha sa pisngi, kasabay ng malamig na tubig-ulan.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.