Hindi na napadala ng pinsan ni Alferes ang mower dahil sa pagbagsak ng malakas na ulan. Hindi ko na rin kinulit dahil wala ako sa mood para magsungit pagkatapos ng sinabi ni Alferes. Lin - napabuntong-hinga ako. Wala rin ako sa mood para magmura. Ang gusto ko lang ay humilata sa kama. Pero nakatayo pa rin ako sa labas ng gate ng Apartment House.
Hindi ko gustong pumasok. Ewan kung bakit. Alam kong nasa loob na si Alferes dahil nakabukas ang ilaw ng kuwarto niya sa second floor. Kita ko pa ang nakatayong anino niya sa kurtina ng bintana. May hawak siyang cellphone at walang kakibo-kibo.
Wala naman akong pakialam sa sinabi niya. Wala talaga. Pero hindi mawala-wala sa isip ko 'yong sinabi niyang nagtitimpi siya sa akin.
Parang ansakit lang marinig mula sa kaniya.
Naramdaman ko ang pag-vibrate ng cellphone ko sa bulsa ng unipormeng slacks. Dinukot ko 'yon at nilabas. Tumatawag si Alferes. Kumabog bigla ang dibdib ko habang tinititigan ang pangalan niyang nakaimprinta sa screen.
Sasagot ba ako?
Humigpit ang hawak ko sa cellphone. Kita ko ang paglandas ng tubig-ulan sa maliit na screen. Bigla, namatay ang ilaw ng screen. Umawang ang labi ko. Lintek. Nalimutan kong hindi pala 'to water-proof.
Nag-angat ako ng tingin sa bintana ng kwarto ni Alferes. Tumungo siya at hinagis ang cellphone sa kung saan, tapos nawala ang anino niya sa kurtina. Napapikit ako nang mariin. Akala siguro no'n na pinatayan ko siya ng tawag.
Mas lalong bumigat ang buhos ng ulan na may kasamang pabugso-bugsong hangin.
Napalunok ako sa lamig na nanunuot sa balat ko. Sinuksok ko na ulit ang cellphone sa slacks saka nagpalinga-linga sa paligid. Wala pang alas-sais pero madilim na sa pwesto ko dahil sa naglalaking mga punong-kahoy na nakapaligid sa gate ng Apartment House.
Malakas din ang tilamsik ng putik sa lupa, at maingay ang buhos ng ulan. Niyakap ko ang sarili. Nanginginig na ako sa lamig, pero wala pa rin akong lakas ng loob na pumasok sa loob ng gate.
Pa'no kung makita ko si Alferes sa loob? Anong sasabihin ko sa kaniya?
Napayuko ako at napapikit nang mariin.
Bigla nalang nawala ang mabibigat na tubig-ulan. Nangunot ang noo ko. Rinig ko pa rin ang buhos pero wala akong maramdamang patak ng tubig-ulan sa balat ko.
Nagmulat ako at napatingin sa gilid. Nakatayo ro'n si Ishmael na may hawak na payong. Binaling niya ang mukha sa akin, at natanglawan ng liwanag na nanggagaling sa Apartment House ang kalahati ng mukha niya.
"Pumasok ka na sa loob," sabi niya.
Bumuntong-hinga ako. "Ayoko." At nag-iwas ng tingin. Tinuon ko ang paningin sa nagliliwanag na Apartment House.
"Tumawag siya."
Nangunot ang noo ko. "Sino?"
"Zander."
"Tapos?"
"He asked me to search for you and bring you home."
Napabaling ulit ako kay Ishmael. "Akala ko ba mamayang gabi pa kayo makakauwi?"
"Vacant ko na kaninang hapon kaya nauna na akong umuwi sa tatlo."
"Tapos tinawagan ka niya?"
Tumango siya.
Iniwas ko na naman ang tingin. "Mauna ka na sa loob."
"As you wish."
Tinanaw ko lang ang likod ni Ishmael habang binubuksan ang gate at naglakad tungo sa main door. Naramdaman ko na naman ang patak ng ulan sa tuktok ng ulo ko. Napasimangot ako. Andaling kausap ng isang 'yon.
Gusto ko na ring pumasok dahil nangangatal na ang ngipin ko sa lamig pero pinipigilan ako ng ideyang makakasalubong ko si Alferes sa loob. Lintek. Kailan pa ako nahiya sa lalaking 'yon?
Napasinghap ako nang mamatay ang lahat ng ilaw ng Apartment House. Nalintekan na. Ngayon pa talaga nag-brownout. Napakurap-kurap ako dahil sa biglaang dilim ng paningin ko.
Lintek talaga.
Hindi ako basta-bastang makakapasok sa gate dahil wala akong nakikita. Sobrang dilim. Hindi ko alam kung ba't ganito kadilim, pero siguro dahil sa ilang oras ko na ring tinititigan ang maliwanag na Apartment House. Ngayon lang din ako nakaramdam ng inis sa pinangagawa kong pagtayo sa ilalim ng ulan.
Lintek. Para akong tanga.
Kung sana pumasok na ako sa loob edi hindi sana ako mangangapa sa dilim. Inis kong tinapik-tapik ang pisngi at inisip na sinasampal ko ang sariling pisngi. Antanga mo talaga, Jemima!
Ilang minuto ko pang pinapagalitan ang sarili, nang may nakita akong flashlight na niluwa ng main door. Bigla nalang tinutok ng kung sino ang flashlight sa mukha ko. Napapikit ako nang tumama ang ilaw no'n sa mata ko.
"Lintek! Ibaba mo nga 'yan!" sigaw ko.
Nawala ang ilaw ng flashlight. Nagmulat ako ng mata at nakita kong nakababa na ang ilaw ng flashlight sa lupa. Ilang segundo pa at patakbong lumapit ang flashlight, esti 'yong humahawak ng flashlight sa gate. Binuksan niya 'yon at patakbo na namang lumapit sa akin. Pinayungan ako ng kung sinoman.
Nangunot ang noo ko. Hindi ko makita ang mukha ng taong 'yon, at tanging bulto lang ang nakikita ko.
Hinawakan niya ang kamay ko at hinigit ako palapit sa kaniya. "Jemima," nag-aalalang sabi niya.
Nakilala ko ang boses ni Alferes.
Hindi pa ako nakaimik nang hinigit niya ako papasok sa gate, at tungo sa main door ng Apartment House. Lakad-takbo ang ginawa niya pero ilang beses akong muntik-muntikan nang madapa.
"Dahan-dahan naman," paos kong reklamo sa kaniya.
Hindi siya umimik hanggang maabot namin ang main door. Mabilis niyang hinagis ang payong sa gilid ng pinto at hinigit na naman ako palapit sa kaniya. Binalot niya sa akin ang tuwalyang nasa balikat niya at inakay ako papasok sa Apartment.
"I'm sorry," seryoso niyang bulong.
Nangatal ang ngipin ko. "A-Anong sinasabi mo r-riyan?" bulong ko at hinapit ang tuwalya padikit pa nang husto sa akin.
Humigpit ang hawak niya sa balikat ko at mas hinapit ako palapit sa katawan niya. Maging tuhod ko ay nanginig nang pumasok ang malamig na hangin mula sa nakabukas na main door ng bahay.
"Hindi na dapat kita iniwan doon sa kalsada."
Hindi nalang ako umimik. Ang akin lang ngayon ay makapasok sa kuwarto at makapagbihis. Kanina pa nangangatal ang ngipin at nanginginig ang kalamnan ko sa lamig. Halos hindi na rin ako makahinga dahil masakit sa baga ang malamig na hanging nalalanghap ko.
Nakabukas ang maliliit na solar lights sa bawat kanto ng bahay kaya medyo nakikita ko na ang paligid. Inakay ako ni Alferes paakyat ng hagdan pero halos hindi ko na maihakbang ang paa dahil sa pamamanhid niyon.
"Stay still," sabi ni Alferes.
Pinikit ko ang mga mata at lumunok. Kanina pa nanunuyo ang lalamunan ko.
Naramdaman ko ang pag-angat ko sa eri. Mabilis na humakbang paakyat ng hagdanan si Alferes habang buhat ako sa magkabilang braso.
Ilang minuto lang at binaba niya ako sa harap ng pintuan ng kuwarto ko. Napahawak ako sa dingding nang umikot ang paningin ko. Sumandal ako ro'n at pinikit na naman nang mariin ang mga mata.
Sinipat ni Alferes ang noo ko. "Nilalagnat ka, Jem."
"Shh." Nagmulat ako ng mata at mukha ni Alferes ang una kong nakita. Nakakunot ang noo niya at mariing nakatitig sa akin. "Maliligo na ako," bulong ko saka dahan-dahang inabot ang seradura ng pinto.
Siya na ang nagkusang bumukas ng pinto. Hindi na ako umimik at naglakad papasok sa kuwarto ko. Nangunot ang noo ko sa dilim, at naalala kong walang solar light sa loob ng kuwarto ko.
"Sandali," sabi ni Alferes. Maya-maya pa'y may bumukas na flashlight. "Gamitin mo 'tong flashlight ng cellphone ko, Jem."
Hindi ko siya nilingon dahil sumasakit ang ulo ko at nasusuka na ako. Dahan-dahan akong naglakad papunta sa banyo. Nakasunod lang si Alferes. Binuksan ko ang pinto at tumayo sa ilalim ng shower.
"Teka, Jemima, aalis lang a -"
Hindi na niya natapos ang sasabihin nang binuksan ko ang shower. Hinayaan ko ang tubig na maglandas mula sa tuktok ng ulo ko, pababa sa talampakan ko. Nakita ko sa gilid ng mata ang paglagay niya ng cellphone niya sa sink. Mas lumiwanag ang paligid nang tumama ang ilaw ng flashlight sa bubungan ng banyo.
"Jemima," sita ni Alferes. Mabilis siyang lumapit sa akin saka pinatay ang shower. Inalis niya ang shoulder bag ko. Hinawakan niya ang balikat ko at pinaharap ako sa kaniya. "Ilalagay ko sa lababo ang bag mo. Kukunin ko nalang mamaya ang -"
Hindi na niya natapos ang sinasabi nang nilapat ko ang noo sa dibdib niya. Umiikot ang paningin ko, at parang hinalungkay ang sikmura ko.
"Jemima, anong - Jemima!"
Nasukahan ko ang damit niya. Ilang minuto kong nilabas ang kinain ko nitong tanghali. At nang maubos na ang laman ng tiyan ko ay tumingala ako sa kaniya at ngumisi. "Opps, sorry."
Kumurap-kurap siya at manghang tumitig sa akin. Maya-maya pa'y natawa. "Para kang lasing," komento niya at hinawi ang basang hibla ng buhok na dumikit sa pisngi ko.
Umirap nalang ako saka binuksan ang shower. Hinigit ko siya patayo sa ilalim ng shower, at mabilis naman niyang nahagis sa kalapit na sink ang shoulder bag ko.
Natabunan ng shoulder bag ang ilaw ng cellphone niya kaya dumilim ang loob ng banyo. Napakurap ako. Pero hinigit ako ni Alferes payakap sa kaniya.
Pumulupot ang braso niya sa balikat at baywang ko. Humigpit ang yakap niya. At hindi ako nagreklamo dahil gusto ko na rin ang init ng katawan niya. Pumapawi sa lamig na nararamdaman ko.