Tatlong minuto akong nakatitig sa kisame. Yata. Hindi ko alam kung anong oras na pero hindi ko magawang bumangon mula sa kama. Mabigat ang katawan ko. Hindi ko rin maalala kung bakit may malamig at basang towel sa noo ko.
"Gising na siya," sabi ng pamilyar na boses.
Hindi ko rin magawang igalaw ang ulo dahil kumikirot 'yon kapag ginagalaw ko.
"Jemima," boses ni Alferes. Dumungaw siya at nakita ko ang nakakunot niyang noo. "Kaya mo bang bumangon?"
Umikot ang mata ko sa inis. Mukhang alam ko na kung ba't may basang towel sa noo ko. Humugot ako nang malalim na hininga saka dahan-dahang umupo. Inalayan ako ni Alferes at Raman.
Pumikit ako nang umikot ang paningin ko. Maya-maya pa'y kunot-noo kong binalingan si Raman. "May klase ka," paos kong sambit. Sinulyapan ko ang bintanang jalousie. Lumulusot sa pagitan niyon ang sinag ng araw. "Late ka na," dagdag ko pa.
"Ah, absent lang naman," hilaw niyang tawa saka sumulyap saglit kay Alferes. "Wala kasing tutulong kay John kung hindi ako aabsent."
Bumaling ako kay Alferes. Nakita kong binabalatan niya ang isang saging. Umikhim ako. "Sino nagdala sa 'kin dito sa kuwarto?"
Natigilan siya sa pagbalat at nag-angat ng tingin sa akin. Ilang segundo siyang mariing tumitig bago ngumiti nang marahan at muling nagbaba ng tingin sa saging. "Wala kang maalala," sabi niya.
Anong klaseng sagot 'yan?
Kinuha ko nalang 'yong towel na nahulog sa hita ko, saka muling nilapat sa noo ko. Giniginaw ang paa ko pero pinagpapawisan ang ibabang katawan ko. Mukhang lagnat nga.
"Ako," bulong ni Alferes.
Nangunot ang noo ko. Wala akong maalala pwera sa payong na hinagis niya sa gilid ng pinto. Madilim pa ang paligid no'n, at mukhang siya nga ang nagdala sa akin dito dahil siya 'yong huli kong kasama. Kaso, giniginaw ako sa oras na 'yon at basa pa ng ulan.
Lumunok ako at nag-iwas ng tingin. "Sinong nagbihis sa akin?"
Nakita ko sa gilid ng mata ang pag-angat niya ng tingin. Inabot niya sa akin ang saging na binalatan niya. "Kumain ka muna. Alas-onse. Wala pang laman ang tiyan mo."
"Hindi ako gutom. Tubig nalang."
Inabot ni Raman ang baso ng tubig. Agad ko 'yong tinanggap at sumimsim habang kunot-noong nakatitig sa bintana. Weekday pa ngayon. May klase pa ako saka si Alferes... ba't siya umabsent?
"Huy," pukaw ko sa kanila. Inabot ko kay Raman ang baso ng tubig saka bumaling kay Alferes. "Wala kang gagawin sa opisina mo ngayon?"
Umiling siya. "Si Feina na ang inutusan ko. Walang magbabantay sa 'yo kaya nagpresenta na kami ni Raman na lumiban muna sa klase."
"E,'yong tatlo? Nasa'n?"
"Kanina pa umalis ng bahay. Finals ngayon ni Aaron at Abel, at laro naman ni Ishmael."
"Ito?" turo ko kay Raman. "Pina-absent mo?"
"Hep, kusang umabsent, Miss," salo ni Raman.
Inikot ko nalang ang mga mata sa iniisip ng dalawa. Sa katunayan, kaya ko naman ang sarili ko. Hindi na bago sa akin dahil ilang taong ko ring mag-isang inaalagaan ang sarili sa tuwing nagkakalagnat. Nagpupunta lang ako sa kalinderya ni Mang Jekjek at doon tatambay para kumain at uminom ng gamot.
Siyempre, mahahalata ng matanda na may sakit ako, pero 'yon din ang gusto ko sa kanilang mag-asawa. Kilala lang nila ako sa mukha at pangalan, pero hindi kung sino ang magulang at saan ako nakatira. Kaya sa huli, pinapahinga lang ako ni Mang JekJek sa pinakaloob ng kalinderya dahil hindi ko rin naman gustong umalis doon o kaya bumalik sa Community College.
Napangiti ako habang inaalala ang panahon na 'yon. Kung iisipin, tinuring kong bahay ang kalinderya kaysa sa bahay ng magaling kong ama.
"Hayaan mo na siya, John. May naalala lang siguro si Miss."
Agad kong pinalis ang ngiti sa labi ko nang marinig ang sinabi ni Raman. Umikhim ako saka binaba ang mga paa sa sahig. Tumayo ako at dahan-dahang naglakad papunta sa pinto ng kuwarto.
May humawak sa braso ko para sana alalayan ako pero marahan kong tinapik ang kamay. "Kaya ko," sabi ko saka nagpatuloy sa paghakbang palapit sa pinto.
"May nilutong nilagang baboy si Raman."
"Hindi ko tinatanong," kunot-noo kong sambit.
Bumuntong-hinga ako. Ramdam ko ang init ng hininga ko. Tsk. Ilang araw ba 'to? Kailangan ko pang asikasuhin ang manukan. Lalo ngayong tag-ulan.
"Alferes," tawag ko.
"Hmm?"
Nakita ko siya sa gilid ng mata. Naglalakad siya kasabay ko sa hagdan. Alam kong tinatansya niya ang bawat hakbang ko pababa.
"Yong manukan. Pakiasikaso na lang."
Mabilis kong tinakpan ang bibig at bumahing. Kinusot ko ang mata nang manubig ang paningin ko. Nagpatuloy ako sa paghakbang pababa ng hagdan. Nasa gilid ko pa rin si Alferes at binabantayan ang bawat hakbang ko.
"Ang susi?" tanong niya.
Suminghot ako. "Nasa bulsa ng bag ko. Tingnan mo nalang mamaya."
Hindi na siya umimik. Nagtuloy-tuloy kaming humakbang pababa ng hagdan at tungo sa kusina. Niyakap ko pa ang sarili nang umihip ang malamig na hangin mula sa bukas na main door nang mapadaan kami sa sala.
"Tumawag si Akbar. Hindi ka niya ma-contact. Pinapatanong kung kailan mo balak itutuloy ang paglilinis ng damuhan."
Nangunot ang noo ko. Hindi pala nalinis ang damuhan dahil ilang araw na ring umuulan-ulan. Lintek talaga. Ngayon pa ako nagkasakit. Kung kailan naman kinakailangan kong puntahan ang LLP. Sa susunod na araw nga, pupunta sana ako sa opisina ng BOF para kumuha sana ng fish seeds. Pero heto ako ngayon at yakap-yakap ang sarili dahil sa lamig.
"Sa susunod na linggo." Umikhim ako. "Baka tumagal pa 'tong paulan-ulan. Hihintayin kong matuyo 'yong lupa para hindi mahirapan si Vince."
"Kukuha ka ng similya?" tanong niya.
Tumango ako. Kumunot ang noo ko nang umikot saglit ang paningin ko. "Baka sa susunod na linggo na siguro, pagkatapos kong mapalinis ang damuhan. Kailangan kong makasiguro na wala nang lintek na makakapasok sa manukan. Mahirap na. Baka sa susunod, sa palaisdaan na naman tatambay ang mga lintek na ahas."
Natahimik si Alferes. Napabuga naman ako ng hangin dahil naalala ko 'yong sinabi niyang naiirita siya tuwing naririnig akong nagmumura. Pinauna ko nalang siya sa loob ng kusina. Walang satsat akong naupo sa stool sa gilid ng kitchen counter.
"May mesa," sabi ni Alferes at nagpunta sa ref. Nilabas niya mula ro'n ang isang kaserola saka nilipat ang laman sa isang kaldero. Nilagay niya 'yon sa ibabaw ng stove at binuksan ang gas tank sabay bukas sa burner. "Sa mesa ka, Jemima."
"Ayos na ako dito." Hinilot ko ang sentido.
Sabay naming hinintay na uminit ang nilaga. Maya-maya pa'y pumasok sa kusina si Raman dala ang tray na pinaglagyan ng palangganang may lamang tubig. Nakita ako ni Raman at ngumiti siya nang marahan. "Do'n ka sa mesa, Miss."
Hindi na ako tumugon. Nanatili ako sa stool saka pinikit ang mga mata. Bumuntong-hinga ako kalaunan dahil sa bigat ng katawan ko.
"Miss, sa mesa ka para komportable ka."
"Shhh," saway ko. Ang ingay-ingay. Mas lalo lang umiikot ang paningin ko sa boses ni Raman.
"Pabayaan mo na," sabi ni Alferes.
Hindi na ako kinulit ni Raman. Narinig ko nalang ang pagbukas ng faucet. Hinugasan niya yata ang palanggana.
Nang maihain na ang nilaga ay inalayan ako ni Alferes para maupo sa harap ng mesa. Ayoko sana no'ng una pero pagod na akong kumontra sa kaniya. Nagpatianod ako. Hinayaan ko silang maupo sa magkabilang tabi ko. Si Raman sa kaliwa, at Alferes sa kanan.
"Tahimik ka pala, Miss."
Pumikit ako at huminga nang malalim. Akmang kukunin ko ang mangkok na pinaglagyan ng nilaga pero naunahan ako ni Alferes. Siya na ang nagkusang maghain niyon sa pinggan ko.
"Salamat, Miss."
Nangunot ang noo ko. Kanina pa sumasatsat si Raman at masakit sa tainga ang boses niya.
"Pinaalam ko kay Akbar ang plano mo," sabi ni Alferes. Naghain siya ng kanin sa sariling pinggan saka bumaling sa akin. "Magpapahiram siya ng kotse."
Ilang segundo akong napatitig kay Alferes, at napatango nang makuha ang punto niya. "Sasama ka?" tanong ko.
"Hindi kita pwedeng pabayaan," bulong niya saka sumubo ng kanin.
Binaling ko nalang ang atensyon sa pagkain. Panaka-naka akong sumusubo pero hindi lingid sa kaalaman ko ang panaka-naka ring sulyap ng dalawang lalaki sa akin.
"Lintek," mura ko. Marahas kong binaba ang kutsara't tinidor sa mesa. "Wag niyo akong titigan, pwede?"