Ilang araw lang namin ibinurol si papa ay nagpasya na si mama na ipalibing ito dahil ayaw niyang nakikita si papa sa ganoong sitwasyon dahil mas lalo lang daw itong nasasaktan sa tuwing masisilayan niya si papa.
Kasalukuyang natutulog ako sa aking kuwarto at may narinig akong ingay sa loob ng aking silid, at nang magmulat ako ng mata ay nakita ko si Kuya Clarence na nasa aking harapan at masama ang tingin.
Napabangon ako at tumayo sa aking kama, nanatili lamang siyang nakatitig sa akin pagkuwa'y ako na ang nagtanong sa kan’ya.
"K-kuya may p-problema ba?” Kapag ganoon kasi ang aura niya ay talaga namang kinakabahan ako, pakiramdam ko may nagawa akong kasalanan sa kan’ya.
Maya-maya ay may dinukot siya sa kan’yang bulsa at ipinakita sa akin. Nanlaki naman kaagad ang mga mata ko ng makita ang mga gamot na binili ko noong nakaraang kasama ko si Kian.
"K-kuya," nauutal kong tawag sa kan’ya.
"Para saan itong mga gamot na ito?”
"Aaahmm sa a-ano k-kuya, sa sakit ng ulo ko kasi ‘di ba minsan sumasakit ang ulo ko at medyo stress din ako? Kaya nag-pacheck up ako at iyan ‘yong binigay sa'kin noong doktor.”
"Nang ganito karami?” Itinaas pa nito sa'kin para makita ko.
"O-oo k-kuya."
"Talaga?” Alam kong hindi siya naniniwala sa'kin dahil kilala ko ang kuya ko kapag alam niyang nagsisinungaling ako.
Kinuha nito ang kan’yang cellphone at may idi-nial doon kaya mas lalo akong kinabahan kung sino ang tatawagan nito.
"Kuya sinong tatawagan mo?” Tumingin muna siya sa akin ng matalim.
"Si Wallace, itatanong ko sa kan’ya itong mga gamot kung para saan ito.” Nilapitan ko siya kaagad at hinawakan ang kaniyang braso. Hindi pa ako handang malaman ni Doctor Wallace ang tungkol sa sakit ko, dahil alam kong may problema rin itong kinakaharap ngayon at ayokong dumagdag pa sa alalahanin niya.
"Please kuya ‘wag mo na siyang tawagan, please?” Naiiyak kong turan sa kan’ya na ikinataka niya. Ibinaba niya muna ang kaniyang telepono at saka ako hinarap.
"Now tell me Celestine, para saan itong gamot na to?!” Saglit muna akong natahimik dahil hindi ko alam kung paano ko sisimulan sabihin kay kuya.
Kamamatay lang ni papa at heto may panibago na naman kaming kakaharapin. Doble ang sakit na mararamdaman nila kapag nalaman nila ang tungkol sa sakit ko at pati na rin kung ilang buwan na lang ang ilalagi ko.
"P-para sa, para sa__”
"Para saan Celestine?!” Dahil sa galit ni kuya ay naibato niya kung saan ang hawak niyang gamot ko.
"Kuya sorry!” Umiiyak ko siyang tinitigan at napaupo ako sa dulo ng aking kama. Nakapamewang naman siyang hinarap ako.
"Anong sakit mo Celestine!” Sigaw na ni kuya sa akin at maya-maya ay pumasok na si Kuya Darren at mama sa loob ng kuwarto na nagtataka kaming tinignan. Lumapit naman sa akin si Kuya Darren at mabilis akong niyakap.
"Kuya ano ba ang nangyayari bakit umiiyak si Celestine?”
"Clarence anak, ano itong mga gamot na nakakalat?” Sabay pulot ni mama sa mga gamot na ngayo'y nakakalat na sa sahig.
"Uulitin ko Celestine! Para saan ‘yang mga gamot na ‘yan?! Dahil kung hindi mo sasabihin ako mismo ang pupunta kay Wallace para itanong kung para saan ang mga iyan!” Sabay naman napatingin sa akin si mama at Kuya Darren na hinihintay din ang isasagot ko.
"M-may s-sakit ako, m-may s-severe Alzheimer’s ako kuya!” Kita ko sa mukha nila ang gulat at maluha-luha nila akong tinitigan, samantalang si mama ay wala sa sariling napaupo sa sahig at nakatulala sa'kin.
"I'm sorry kuya, mama!” Humahagulgol kong saad sa kanila.
"Aaaaah! Tang-ina!” Sabay suntok ni Kuya Clarence sa pader at panay ang iyak, ito ang masakit na pangyayari na hindi ko lubos maisip na mangyayari sa pamilya namin.
Si Kuya Darren naman ay napatayong bigla at hawak nito ang dalawang kamay niya ang kaniyang ulo at wari ko’y nagpipigil lang din ng sakit na nararamdaman pagkarinig niya sa aking sinabi.
"Kailan pa Celestine? Kailan mo pa nalaman?!”
"Noong panahong nawala si papa kuya, iyong tinawagan niyo ako na kasama si Kian iyon din ‘yong araw na nalaman ko ang result.”
"Diyos ko anak! Ang anak ko! Bakit Diyos ko?!” Sigaw ni mama habang nakasalampak siya sa sahig at pinaghahampas ito.
Nilapitan ko naman si mama at niyakap na lang ito habang patuloy pa rin sa pag-iyak. Noog mahimas-masan na kaming lahat ay saka lang ulit kami nag-usap.
"Si Wallace,” unang salitang sinabi ni Kuya Clarence.
"He needs to know about your illness.”
"No kuya, ayoko munang malaman niya.”
"Pero Celestine! Mas lalo siyang masasaktan kapag hindi pa niya kaagad malalaman! Gusto ka na niyang pakasalan Celestine, kung kailan hindi ka na makaalala saka lang niya malalaman ganoon ba ha?!” Napapikit ako ng mariin sa sinabi ni Kuya Clarence, tama naman siya kailangan niyang malaman ang tungkol sa sakit ko. Pero paano? Gayong may problema rin itong kailangang ayusin.
"Kuya ayokong dumagdag pa sa problema niya, hayaan muna nating matapos ‘yong sarili niyang problema bago ko sabihin sa kan’ya," mahinahon kong pakiusap kay Kuya Clarence.
"Sige. Pero oras na lumala ka at hindi pa natatapos ang problema niya, ako mismo ang magsasabi sa kan’ya!” Matapos niyang sabihin ‘yon ay mabilis siyang lumabas ng kuwarto ko at naiwan kaming tatlo ni Kuya Darren at mama.
"Anak, bakit? Bakit ikaw pa?!” Sambit ni mama habang hawak ang aking mga kamay at nakayuko.
Nag-uumpisa na namang mag-tubig ang aking mga mata. Hindi ko kayang makita silang nasasaktan dahil sa akin. Ang noo'y masayang pamilya namin ay nababalutan na ng lungkot at sakit na nararamdaman.
"Maghahanap ako ng magaling na doktor para mapagamot ka Cel, gagawin namin ang lahat para gumaling ka," baling sa akin ni kuya na halata ang pamumula ng kaniyang mga mata.
"Kuya, balewala na iyon, ang kailangan ko lang ngayon ay ang pag-unawa ninyo at ang mahalaga ay iyong pagmamahal niyo.” Kahit sa sarili ko ay hindi ko matanggap na nagkaroon ako ng ganitong sakit. Masyado pang maaga para iwan sila, paano nga kung isang araw ay deretso ng hindi ko na sila maalala pa? Paano na si mama? Lalo't kamamatay lang ni papa.
Hindi ko inaasahang malalaman ito kaagad ni kuya. Hindi pa nga nawawala sa kanila ang sakit na nararamdaman nila dahil sa pagkawala ni papa at heto pa may panibagong sakit na naman sila na mararamdaman.
Si Doctor Wallace anong mararamdaman niya kapag ang babaeng pakakasalan niya ay hindi na niya makakasama pa habang buhay? I don’t want to be a burden to him or to my family. Hangga’t maaga pa kailangan ko na siyang palayain habang hindi pa gaanong masakit.
Pero paano? Kakayanin ko ba ang mawala siya gayong mahal na mahal ko na siya? Gusto ko siyang makasama kahit sa mga huling sandali ko hangga’t nakaka-alala pa ako, pero ayokong maging pabigat sa kan’ya at alagain na parang isang sanggol.
Habang naiisip ko ang mga ganoong bagay ay nasasaktan na ako para sa aming dalawa. Mahal na mahal ko si Doctor Wallace, ngunit hindi ko siya puwedeng makasama habang buhay tulad ng nais niya.