UNUSUALLY BEAUTIFUL Chapter 10

"Miyell!"

Napahinto ako sa paglalakad nang makita si AP. "Siguro nag-away kayo ni Fervid?"

"Nag-away?" Inayos ko ang malaking salamin ko. "Bakit naman kami mag-aaway?"

"Kasi nakasimangot siya noong makita ko tapos binati ko nilampasan lang ako."

"Aba malay ko," hinawakan ko ang malaking salamin ko at inayos iyon.

Naglakad kami papunta ng canteen. Wala si Key kasi may practice at si Delight naman, may lakad daw hindi na namin tinanong kaya ang echoserang palakang si AP ang kasama ko.

"Aalis pala ako this weekend uuwi ako sa amin. Baka kasi ma-miss mo ako kaya sinasabi ko ito saiyo. 'Wag ka mag-alala babalik din ako."

"Kahit 'wag ka na bumalik, AP," pagbibiro ko.

"Ang sama naman ng ugali mo. Anong gusto mong pasalubong? Pasalamat ka mabait pa rin ako kahit inaaway mo ako."

"Kailan kita inaway?"

"Noong isang araw lang samahan mo pa ng pangde-deadma sa akin ng boyfriend mo."

Taas kilay ko siyang tiningnan. "Boyfriend?"

"Si Fervid," ngumisi siya. "Gumawa nga kayo ng milagro sa--"

Naibato ko sa kaniya ang wallet kong nakapatong sa table.

"Ilang ulit ko bang sasabihin--" natigilan ako sa pagsasalita ng tumawa siya nang malakas.

"Ang defensive mo! Grabe ka, Nematoda."

Inayos ko ang salamin ko. "'Wag mo akong pagtripan."

Natigilan si AP. Nanlalaki ang mata niya habang nakatingin sa likod ko kaya nilingon ko iyon. Nakita ko si Fervid na may kausap na babae, maganda, parang artista ang kutis at lingunin ng mga lalaki. Tumatawa pa siya habang kinukulit 'yong babae.

"Sabihin mo lang sa akin kakalbuhin ko ang babaeng 'yan!" nanggigigil ang ngipin ni AP. Nakita ko ang pagkuyom ng kamao niya.

"Adik ka ba? Magkaibigan lang kami ni Fervid," ibinalik ko ang tingin sa pagkain, pero bumalik lang din sa kanila nang marinig kong magsalita ang babae.

"Kuya Xen!"

Mabilis ko silang nilingon. Nakangiting lumapit sa kanila si Xen. Napalingon siya sa gawi ko ngumiti at hinila ang babae palapit sa pwesto namin. Sumunod naman si Fervid sa kanila.

Umupo si Xen sa tabi ko at umakbay. "Si Miyell," nakangiti niyang pakilala. Itinuro niya ang babae. "Kapatid ko si Xhane."

Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa. May malaking pagkakahawig nga. Kaya pala noong makita ko siya parang pamilyar.

Si Fervid naman ay nakangiting umupo sa tabi ni Xhane parang hindi man lang ako nakita, hindi man lang bumati ang batang ito.

"Si Fervid nanliligaw sa kapatid ko," bulong ni Xen. Mabilis ko siyang nilingon. Nabitawan ko pa ang hawak kong kutsara.

"Ohh," pumorma ang malaking letter O sa labi ni AP. "Akala ko may pagkakaintindihan, 'yon pala walang pag-asa kasi ang puso niya'y may ibang laman," banggit ni AP habang nakatingin sa phone niya animo'y may binabasa, pero sa totoo lang kilala ko na siya. Wala talaga siyang binabasa, umiiral nanaman ang pagiging echosera niyang palaka.

"Anong sinasabi mo, AP?" Kumunot ang noo ni Xen.

"Wala, sabi ko una na ako. Sasama ko si Miyell," hinatak niya ako patayo. "Baka kasi may masugatan dito," matalim niyang tiningnan si Fervid. "Akala ko mutual understanding 'yon pala sa ib-- " tinakpan ko ang bibig niya.

"Ano bang pinagsasasabi mo?"

"Wala!" Inirapan niya ako at padabog na kinuha ang bag. "Una na kami!"

Hinila niya ako palayo, pero bago pa tuluyang makalabas ng pinto ay nahawakan ni Xen ang kamay ko.

"Pwede ba kitang maging partner sa University party?"

Ngumiti ako at tumango. Nanlalaki naman ang mata ni AP habang nakatingin sa kamay naming magkahawak. Chismosa talaga nito. Malamang ikwekwento niya nanaman sa Nematoda kung ano ang nangyayari.

"Jolly cow! I'm outdated! Hindi pala si Fervid?"

Inayos ko ang salamin ko. Lahat naman issue kay AP. Mayroon kasi kaming malaking sikreto ni Xen na hindi pwedeng i-share sa iba. Hindi ko alam kung bakit ko siya tinutulungan basta ang alam ko lang magkaibigan kami.

"Thank you, Miyell!" Nakangiting umakbay sa akin si Xen. Nilampasan namin si AP na nakatulala na.

Bahala siya mag-isip ng kung anu-ano basta hindi ko pwedeng sabihin kahit pa sa kanilang mga best friend ko.

Mabilis na lumipas ang mga oras. Diretso nanaman ako sa office. As usual wala naman ibang tao kung hindi ako lang. Naupo ako at inayos ang mga gamit. Magsisimula na sana akong mag-type ng mga memo nang tumunog ang phone ko.

NEMATODA

AP the jowable: Knock-knock?

Key the lover boy: Who's there?

Kumunot ang noo ko nang makita ang mga pangalan nila.

Hibiscus! Bakit ganyan ang mga nickname nila? Ano naman kayang nilagay nito sa akin?

AP the jowable: Miyell, lumalandi.

Delight the bitter: Waley! Alam na namin 'yan. 'Di ba nga gumawa pa sila ng milagro ni Fervid sa office.

Napasabunod ako sa ulo ko. Gigil akong nag-type, pero natigilan lang din nang sumulpot ang reply ni AP.

AP the jowable: Ay, Nematoda, hindi! Mali tayo ng pusta talo tayo ni Susi.

Delight the bitter: What! Sayang ang bente pesos!

Kumunot ang noo ko. Pusta? Pinagpupustahan ako ng mga echoserang ito? Sabunutan ko talaga ang mga ito hanggang sa matanggal lahat ng hibla ng buhok.

Key the lover boy: Sabi sainyo, eh, Yes! Si Xen boyfriend niya, 'no?

Ang pagkakasabunot ko sa buhok ay lalong tumindi. Bruha na nga ang buhok ko lalo pang naging buhol-buhol.

Ang issue nila!

Ailey the laglag panty girl: Gosh! Sinong naglagay ng nickname ko?

Natawa rin ako nang makita iyon. Laglag panty girl ang pang-asar nila sa kaniya kasi noong high school kami tumakas kami sa school. Nag-swimming kami sa resort na mura lang. Ang saya-saya pa namin noon habang naglalaro at naghahabulan sa tubig hanggang sa magutom na kami. Umahon kami galing sa tubig. Ang lakas ng tawa namin nang makitang naiwan sa pool ang panty niya. Ang sabi ba naman niya.

"Nagmamadali ako, hindi ko napansing maluwag na panty 'yong nasuot ko."

Parang baliw akong nakangiti habang sinasariwa ang mga alaala. Titig na titig pa rin sa nickname ni Ailey.

"Happy?"

Napatingala ako ng tingin. Kunot-noong nakatitig sa akin si Fervid. Iba ang awra niya ngayon parang ang sungit-sungit ng mukha niya.

"Kanina ka pa?"

"Tingin mo?"

"Pilosopo ka talagang bata ka."

"Ang bata ten years old," nakasimangot siyang umupo sa table niya. Pinanood ko lang ang bawat galaw niya.

May problema ba ang batang ito? Bakit ganyan ang ugali niya sa akin ngayon? I mean noong isang araw pa.

Napabalik ang atensyon ko sa phone nang sunod-sunod nanamang tumunog 'yon.

Ailey the laglag panty girl changed her nicknme into Ailey the future pharmacist

Ilang ulit niyang pinalitan ang nickname, pero ilang ulit lang din ibinalik ni Key at kung hindi siya ang gumagawa si AP naman kaya walang nagawa si Ailey kung hindi ang hayaan na ganoon ang pangalan niya sa gc.

Hinanap ko ang pangalan ko. Inayos ko ang salamin nang makita ko kung anong inilagay nilang nickname sa akin.

Miyell the baby bra

Napabuntong hininga na lang ako. Wala na talagang matinong gagawin ang mga ito. Hinayaan ko na lang dahil alam ko naman na ibabalik lang din nila. May alamat din na kwento kung bakit naging ganyan ang nickname ko. Pumunta kasi sila sa bahay namin noong high school pa lang kami. Nakita nilang may mga nakasampay sa labas ng bahay. Huli na bago ko matanggal ang baby bra kong kupas na ang kulay. May mga nakasabit din na panty ko na ganoon din. Ang korona ng panty ay na kay Ailey sa akin na lang daw ang baby bra.

Aba! Mahirap lang kami kaya ang mga gamit namin binili lang sa tabi-tabi.

Ang lakas ng tawa nila noon. Hanggang mag-college kami inaasar pa rin nila ako tungkol doon.

"Bakit ka masaya?" Tinaas ko ang tingin kay Fervid na ngayon ay kunot ang noong nakatitg sa akin. Nasa harapan ko pala siya.

"Kasi masaya," natigilan ako. Kung minsan na-aadapt ko na ang pagiging pilosopo niya.

"Anong kinakasaya mo?"

"Masama ba akong maging masaya?"

"Hindi naman," umupo siya sa tabi ko. "Wala ka naman gagawin ngayon, Ate, 'di ba?"

"Wala masiyado."

"Mag-practice na lang tayo ng kanta."

Iyon nga ang nagyari, inaral namin ang kantang napili niya. Noong una hindi ko pa makapa kasi ang taas ng boses ng babae pero sa huli nakuha ko rin ang tono. Kinakabahan ako para dito dahil hindi naman ako sanay humarap sa mga tao kahit pa chairman ako. Madalas sinasamahan ako nila AP dahil sila naman ang may kasalanan kung bakit ako napunta sa ganitong posisyon. I-nominate ba naman akong chairman, sila pa ang nangampanya para sa akin at dahil malakas ang dating ni Key ako ang nanalo. Ang rason nila kailangan ko raw humanap ng mga kaibigan para hindi ako palaging tahimik. Umubra naman iyon. Nagkaroon ako ng iba pang kaibigan, pero hindi na talaga maalis sa akin ang hindi ako nagsasalita kapag wala akong sasabihin.

"Ate, pwede natin babaan ang tono kung hindi mo kaya?"

"Hindi okay na ako riyan, Bunso."

"Sige. Magaling ka naman kaunting practice pa mape-perfect natin ito."

Lumipas ang mga oras na nag-aaral lang kami ng performance namin hanggang sa may kumatok. Nilingon namin parehas ang pinto.

"Hi, Miyell, Hi, Fervid," nakangiting kumaway si Xhane sa amin. Hindi na ako magtataka kung bakit kapatid siya ni Xen parehas kasi silang mabait at laging nakangiti.

"Hi, hon," lumapit sa kaniya si Fervid at umakbay rito.

Hon? Sila na agad? Ang bilis naman yata no'n?

Inabala ko ang sarili na mag-ayos ng mga papeles.

"Ate, pwede bang mauna na ako?"

Ngumiti ako. Sana lang hindi mukhang pilit. "S-sige."

"Miyell, susunduin ka raw ni kuya hintayin mo siya," bilin sa akin ni Xhane bago sila lumabas.

Okay? So, sila na ngang dalawa? Matagal na ba? Baka naman hindi lang ako updated sa mga pangyayari? Hibiscus!

Nasapo ko ang noo ko at sinabunutan ang sarili.

Ano bang pakialam ko? Edi sila kung sila! Bakit ba parang ang laki ng problema ko?

Sa loob ko naiinis ako sa hindi ko malamang dahilan.

Hey, pangit na Cinderella, pinapaalala ko saiyo na bata pa si Fervid, bagay silang dalawa dahil magkaedad lang sila.

"Hi, Comby."

Napailing-iling ako nang makita si Xen. Noong isang araw niya pa akong tinatawag na Comby kasi hindi raw ako nagsusuklay ng buhok ko.

"Hello, Mr. Help me."

Tumawa siya. "Bumabawi naman ako saiyo palagi, ah."

"Akala mo tuwing nililibre mo ako ng pagkain okay na?"

"Woah? Don't tell me may iba ka pang request?"

"Joke lang."

"Tara, kain tayo sa labas."

"Wala akong pera as usual."

"Susundan natin sila Fervid."

"Huh?" Nagugulat ko siyang tiningnan. "Bakit natin sila susundan?"

"Medyo wala akong tiwala sa kaniya."

"Ano ka ba? Parang hindi mo naman kilala 'yon."

"Basta sundan na lang natin."

Ang ending para kaming baliw na nakasunod sa dalawa. Ang sweet nila, kumakain ng ice cream habang tumatawa. Hindi ko maiwasang hindi makahinga dahil sa eksena.

"Umuwi na tayo, bakit ba natin 'to ginagawa?"

"Kasi baka mamaya kung saan dumiretso 'yang dalawang 'yan. Mamaya mag-hotel 'yan."

Nasabunutan ko ang buhok niya. "Adik ka ba? Ang bata-bata pa nila."

"Baka lang naman, mas mabuti nang sigurado."

"Hibiscus rosa sinensis. Uuwi na ako!" Tumayo ako bigla dahilan para makita kami nila Fervid.

"Kuya? Miyell?"

Sabay kaming napalunok ni Xen. Nagpalipat-lipat ang tingin nila sa amin. Ilang segundong walang nagsalita hanggang sa pumorma ang ngisi sa labi ni Xhane.

"Nagde-date din kayo?"

Todo iling ako. "Hindi-- "

"Yes, Pwede ba kaming sumama sainyo? Mas maganda kung double date, 'di ba?" Pinandilatan ko ng mata si Xen at pasimpleng kinurot sa baiwang.

Maiistorbo namin sila.

"Sure," nakangiting sumagot si Fervid.

Kumuha sila ng table dahil kumain daw muna kami bago gumala.

"Cr lang ako," tumayo si Xhane at umalis. Ilang minuto, sumunod naman si Xen, magbabanyo rin daw.

Naiwan kaming dalawa ni Fervid. Tahimik kaming kumain, walang nagsasalita o gustong kumausap sa isa't isa hanggang sa tanungin niya ako.

"Bakit niyo kami sinusundan?"

Napalunok ako. Inayos ko ang salamin.

"H-hindi, ah."

Sige, magsinungaling ka pa, Miyell.

Wala sa sariling tumayo ako. "CR lang din ako."

Sa pagtayo ko hindi ko inaasang may waiter pa lang may dalang pagkain ang natabig ko kaya nabuhos ang lahat ng laman noon sa babaeng nakaupo malapit sa amin.

"Hibiscus! Miss, sorry!"

"Ang pangit mo na nga ang clumsy mo pa!"

"Sorry talaga!" Lumapit ako at pinunasan ng tissue ang damit niya. Nagulat na lang ako nang itapon niya sa akin ang cake na nasa platito niya. Nalagyan ang buong mukha ko pati na rin ang salamin.

Nakita ko si Fervid sa tabi ko, walang emosyong nakatingin sa babae.

"Sorry," naiiyak kong sambit dahil nakakahiya na pinagtitinginan na kami ng mga tao.

Hindi pa siya nakontento, ibinuhos niya sa akin ang sinigang na hipon, malansa at mainit iyon kaya napaso ako.

Ang akala ko ipagtatanggol ako ni Fervid pero wala siyang ginawa, nakatingin lang talaga siya.

Tumulo na ang luha ko. Akmang tatalikod ako nang hawakan ni Fervid ang braso ko.

"Papayag ka na lang na inaapi ka ng ibang tao?"

@AdiennaMichelle

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.