UNUSUALLY BEAUTIFUL Chapter 11

"Papayag ka na na lang na inaapi ka ng ibang tao?"

Napatitig ako sa mukha niyang walang emosyon. "Oo, natabig mo 'yong tray at nabuhusan siya ng mga pagkain, pero hindi mo sinasadya kaya dapat isang sorry lang okay na," matalim niya akong tiningnan. "Tinawag ka niyang pangit, okay, that's quits... pero ang lagyan ka ng pagkain at buhusan ng sabaw. Papayag ka ba?"

Sa sinabi niya parang nagkaroon ako ng realization na hindi sa lahat ng oras may taong magtatanggol sa akin. Wala rito si AP, Key, Delight at Ailey na palaging pinagtatanggol ako. Ang nandito lang ay si Fervid na imbes na ipagtanggol ako ay tinuturuan akong gawin iyon sa sarili kong paraan. Tinuturuan niya akong tulungan ang sarili ko, maging matapang at higit sa lahat 'wag mag-paapi.

"Kung ako saiyo hindi ako papayag. Sumubra siya dapat may gawin ka," prente siyang bumalik sa inuupuan niya kanina.

Wala sa sariling napatingin ako sa babaeng hanggang ngayon ay nakatingin pa rin sa akin nang masama.

"Anong tinitingin-tingin mong pangit ka?" Tumaas ang kilay niya. "May ganyan pala kapangit na taong nage-exist sa mundo!"

Wala sa sariling kinuha ko ang isa pang bowl ng sinigang na hipon at ibinuhos din sa kaniya.

Tumalon-talon siya dahil mainit iyon. Napangisi ako. "How dare you?" Akmang bubuhusan niya ako ng tubig nang may humawak sa kamay niya at ibinuhos iyon sa kaniya.

It was Xen holding his temper. "I hate to do that, but what I hate the most was hurting Miyell." Bumugso ang matinding emosyon na pinapakita niya. "Makikipagpatayan ako." Matalim at madiin niyang sambit. Bihira ko siyang makitang ganito. He is kind and always wearinng his charming smile. It was new to me.

Hinila niya ako palabas ng restaurant na sinundan naman ng dalawa.

Nanginginig pa rin ang kamay ko. Sa buong buhay ko hindi ko magawang ipagtanggol ang sarili dahil lagi akong nakadepende sa mga kabigan ko. Ito ang unang beses na may nagawa ako para maipaglaban ko man lang ang sarili.

Si Fervid, hindi niya ako pinagtanggol, pero tinuruan niya akong lumaban. Na-realize kong tama siya. Hindi ako dapat nagpapaapi dahil lang sinasabi ng lipunan na pangit ako.

Paki ba nila?

"Okay ka lang ba?" Tinanggal ni Xen ang mga hipong naiwan pa sa buhok ko.

Tumango ako. "Okay lang ako."

Walang emosyong inabutan ako ni Fervid ng panyo. "Hakuna Matata."

Kinuha ko iyon at pinunas sa sarili ko, pero kinuha iyon ni Xen at siya ang nagpunas. "Ano ba ang na--"

"Sa susunod na mangyari 'yon hayaan mo si Miyell na lumaban para sa sarili niya. Hindi laging may ibang taong nandiyan para promotekta sa kaniya," singit ni Fervid. Bumaling siya kay Xhane. "Tara na, hon."

Pinanood namin ang pag-alis nilang dalawa.

"Palagi bang nangyayari saiyo 'yon?"

Bumuntong hininga ako bago tumango.

"Bakit hindi mo sinasabi sa akin? Alam mo namang gagawin ko lahat para saiyo. Sabihin mo sa akin ang mga pangalan ng mga 'yon gagantihan ko."

Mahina akong natawa at sinabunutan siya. "Hibiscus! Tigilan mo nga ako, Mr. Help me."

"Tara na umuwi na tayo."

Napatingin ako sa orasan. Mag-aalas otso na ng gabi. Mapapagalitan nanaman ako nito ni papa.

Hinatid ako ni Xen sa may kanto lang hindi ko siya hinayaang makita ng mga kapatid ko lalo na ni papa dahil siguradong mata lang ang walang latay.

Gumagapang akong pumasok ng bahay.

"Papa, nandito na si ate!" Malakas na sigaw ni Melle. Tumawa siya at senenyas ang kamay na 'lagot ka'

Matalim na lumabas ng kwarto si papa. "Saan ka galing? Anong oras na?"

"Kumain lang po."

"Bakit ang baho mo? Ang lansa?"

Inamoy ko ang sarili. Ikaw ba naman ang buhusan ng sinigang na hipon.

"Magbihis na na! Sa susunod na umuwi ka pa nang ganitong oras sa labas ka matutulog."

"Opo."

Pumasok ako ng banyo at mabilis na naligo. Paglabas ko nandito si Rocelle hawak ang phone at tumitipa habang pangiti-ngiti pa.

"Anong ulam?"

"Tingnan mo sa ref."

Nasabunutan ko siya nang wala sa oras. "Wala tayong ref!"

Tumawa naman siya. Tinanggal niya ang takip ng nakapatong na sa tingin ko ay ulam na nasa harap niya sa lamesa.

"Tada!" Bumagsak ang balikat ko nang makitang maliit na kapiraso iyon ng fried chicken.

"Bi, sobrang laki nito baka hindi ko ito maubos," sarkastiko kong sabi.

Kunwari lang naman 'yon para lang hindi nila mahalata na kumain na ako sa labas, busog ako.

"Tirhan mo na lang ako," tumawa pa siya.

Matapos kong kumain ay diretso pasok agad ako sa kwarto. Hinampas ko ang hita ni Melle dahil sinakop niya na ang buong tulugan.

"Umayos ka! Ang sikip-sikip, saan ako matutulog nito?"

"Sa banyo!" sigaw niya pa bago umayos ng higa.

Humiga na lang din ako. Umilaw ang phone ko na inilagay ko sa gilid ko kaya kinuha ko iyon.

From: Bata

Don't let people hurt you, always fight for yourself.

Kumunot ang noo ko. Hindi pa rin siya natapos kakasermon sa akin?

To: Bata

Matulog ka na 'wag mo akong isipin.

Pinindot ko ang send, pero nag-failed. Ay, assumera wala nga pala akong load. Nasampal ko ang sarili.

Bahala ka riyan, matutulog na ako.

"Hi, pizza, Nematodes!" Nakangiting inilapag ni Delight ang pizza sa lamesa. "May nauto ako kaya nilibre ako ng pizza," tumawa siya.

"Ano pa ba? Alangan naman binili mo 'yan mas pulubi ka pa sa akin," pang-aasar ni Key. Lumapit siya sa lamesa at mabilis na binuksan ang box. Kumuha agad siya at malaking sumubo. Hindi pa nakontento kumuha pa ulit at inubos ulit.

Nasa apartment ako ng mga Nematoda. Ewan ko ba sa mga ito, siguro mangungulit nanaman o ano.

"Eatwell," nakangising sabi ni Delight kay Key. Binasa ko ang ekspresyon ng mukha niya.

Bakit parang pakiramdam ko may binabalak siyang masama?

Hindi ako agad kumuha ng pizza dahil may nakikita akong kakaibang kislap sa mata ni Delight.

"Ahhh!" Inilabas ni Key ang dila habang pinapaypayan. "Engheng! Tang ina mo, Delight!"

"Narinig mo 'yon?" Nakangisi pa ring tanong ni Delight kay AP. "Nagmura siya kaya kuhaan mo na ng bente!"

Bawal magmura ang mga Nematoda kaya kapag narinig ka nila awtomatikong kukuhaan ka ng bente pesos at ilalagay sa alkansya. Ang perang malilikom ay panggala namin. Kaya ako ay iwas na iwas magmura. Mahirap na baka makuhaan ng bente, pamasahe rin 'yon.

"Ang anghang!" Namilipit si Key. "Pahinging tubig!" Binigyan siya ni AP ng tubig.

Napatakip ako sa bibig nang makita ko kung anong tubig ang ibinigay niya.

'Yong tubig na may lumalangoy pang isda! Ewan ko kung saan galing 'yon.

Ang lakas ng tawa ni Delight namilipit pa habang nakahawak sa tiyan.

"Key, 'yang tubig!" Malakas na sigaw ko, pero huli na, naubos niya na!

"Tang ina! Ba't may isda rito?" Naibuga ni Key ang tubig sa mukha ni AP.

"Kadiri ka!" Pinaghahampas siya ni AP.

"Bibigyan mo ako ng tubig na nilalanguyan pa ng isda?" Gumuhit ang inis sa mukha ni Key.

Masama namang tiningnan ni AP si Delight. "Siya ang nagbigay!"

Nangibabaw ang malakas na tawa ni Delight.

"Delight Areana Laganzo!" Malakas na malakas na sigaw ng dalawa. Kinuyog nila ng sabunot si Delight.

Okay, I'm out. Mamaya madamay pa ako.

Tumayo ako at tatakas na sana. Nang hatakin ako ni Key patakbo sa kwarto. Tinapon niya rin si Delight. Dinaganan kaming dalawa habang tumatawa.

"Ba't may isda sa bote? Tang ina ang lansa," nakangiwing sabi ni Key. "Naubos ko pa naman."

"Sixty pesos na ang utang ni Key sa alkansya, tatlong beses na nagmura" tumawa si Delight. Tumayo siya at hinanap ang pitaka ni Key. Wala talagang takas kay Delight pagdating sa pera.

"Sinong 'di magmumura? Ang anghang ng pizza tapos pinainom mo pa ng may nagswi-swimming na isda. Saan galing 'yon?"

"Galing kami ng ilog. Natuwa ako kaya nanghuli ng isda. Malay ko bang ibibigay saiyo 'yon ni AP."

May kumatok kaya dali-daling bumangon si Key. Nakangisi pa ang echosero. Ang lakas ng pakiramdam ko na si Ailey 'yon.

Lumabas si Key. Rinig namin ang malakas na tawa niya at ang tili ni Ailey. Bigla niyang ibinato sa amin at bumwelo para daganan kami. Nagkatinginan kaming apat. Pagtalon ni Key sabay-sabay kaming bumangon.

At ang ending, masakit ang likod ni Key dahil ang nabagsakan niya ay ang matigas na kama. Napuno ng tawanan ang kwartong iyon.

Matapos ng nakakapagod na kulitan umalis na rin ako. Ay mali, tumakas ako. Ayaw kasi nila akong paalisin. Eh, wala naman silang ginagawa kung hindi mag-alaskahan.

Naglakad lang ako pauwi. Tahimik kong tinahak ang daan. Nagulat na lang ako nang may biglang huminto na kulay itim na van. Ipinasok ako sa loob!

"Mama, Papa! Tulong! Kini-kidnap ako! Help!"

Panay ang sigaw ko. Napahinto lang ako nang may humagalpak ng tawa.

"Diamond?"

"Duh?" Pinagtaasan niya ako ng kilay.

"Bakit mo ako kinuha?"

"Pakalat-kalat ka sa daan."

"Huh?"

"We're going to our house. I gonna give you your skin care routine nang hindi ka nagmumukhang palaka," umirap pa siya.

Hindi ko alam kung magpapasalamat o maiinis, eh. Grabe pa naman ang kaba ko kanina akala ko talaga may kumidnap na sa akin.

"We have two weeks to make you beautiful," humawak siya sa baba at nag-isip. "I think two weeks is not enough. Ang pangit mo kasi."

Napalunok ako ng sariling laway. Ang maldita niya naman. Prangka at.. masakit 'yon, ah!

"Pangit ka sa panlabas but I know you are beautiful inside. Like parang sa movie," mataray niyang sabi. Pinagkrus niya pa ang dalawang kamay sa dibdib. "Well, I'm not going to hingi ng patawad saiyo. I'm kinda ganito lang talaga," umikot pa ang mata niya.

Ewan ko ba kung matatawa ako sa kaniya o maiinis, pero mas nangibabaw ang inggit ko. Kasi naman kahit saang anggulo mo tingnan ang ganda niya! Kutis pa lang talagang lilingunin mo na lalo na kapag napatingin ka sa mahabang pilik mata at mapungay niyang mata.

Tomboy na ba ako?

"Don't stare at me!"

"Sorry," nag-iwas ako ng tingin.

"Look, Mi-miyer--"

"Miyell."

"Okay," umikot ang mata niya. "Miyell, sometimes beauty is not what you think. I can see that you have lots of insecurities, but I promise you, I will make you beautiful."

"Salamat."

"Hindi ka pangit, mahirap ka lang," again, she rolled her eyes.

Kakaunting sandali ko pa lang siya nakakasama, pero parang naiintindihan ko nang ang pag-ikot ng mata, ang pagtataray, at pagsasalita niya ay parte lang ng personalidad niya. Ganoon lang talaga siya. Mahilig kasi akong pag-aralan ang ekspresyon ng iba.

Dinala niya ako sa 'bahay' raw nila, pero hindi ko makita ang deskripsyon ng bahay dahil sa laki nito. Ay, mali-- sobrang laki! Mansyon o palasyo!

Ang yaman talaga ng mga Baider. Puro ginto ang lahat ng mahagip ng mata ko.

Ibinigay sa akin ni Diamond ang lahat ng gagamitin ko raw. Itinuro niya sa akin ang tamang paglagay ng kung anu-anong skin care products para mawala na raw ang 'kadiri kong pimples' napakaprangka niya. Hindi siya marunong mamplastik. Ipinalagay niya pa sa maleta ang mga gamit niya na hindi niya na kailangan.

Eh, sa nakikita ko puro mga bago 'yon dahil may mga tag pa.

Paano ko naman masusuot 'yon? Kung hindi labas ang tiyan, likod naman, o dibdib. Lahat ay puro pang-bar yata. Hindi naman ako nagsusuot nang ganoon ka-sexy puro pimples din ang likod at dibdib ko kaya nakakahiya.

"Ito put it bago ka matulog," itinaas niya ang kung anong product na hindi ko na maintindihan dahil sa dami niyang ipinakita. Mabuti na lang visual learner ako tanda ko ang hitsura kahit nakalimutan ko na ang pangalan sa sobramg dami.

"Next day, we'll go to dermatologist to make sure that your face will fix."

Maka-fix naman siya? Bakit may sira ba ang mukha ko?

"No worries, Miyer--"

"Miyell."

"Whatever."

Inilagay niya pa lahat nang mahawakan ng kamay niya sa maleta. Daig ko pa ang galing abroad kung iuuwi ko lahat 'yon.

Matapos niya pahidan ng kung anu-ano ang mga pimples ko dinala niya naman ako sa kusina para pakainin. Hindi ko alam kung anong uunahin kong kainin sa dami ng ipinahain niya.

Mukha ba akong matakaw?

"Diamond, did you see my phone in your room?"

Napanganga ako nang makita ko ang lalaking napakaguwapo! Kung may diyosa baka siya diyoso!

"Yes, I gave to Manang Lita."

Nakakunot ang noong tinalikuran kami ng lalaki.

Grabe naman ang pogi niya! Ang tangkad, tikas ng katawan, matangos ang ilong para siyang buhay na anime.

"He's my cousin, Taxon Ken Baider," pakilala ni Diamond. "Don't fall in love with him, masungit," tumawa siya.

Sinilip ko muna si Taxon bago ako sumubo. Sa hitsura niyang 'yon talaga namang gugustuhin ng mga babae.

"I said don't fall in love with him," mataray na sabi ni Diamond.

"Fall in love agad? 'Di ba, pwedeng naguwapuhan lang?"

Tumawa si Diamond. "Marunong ka naman pa lang magsalita akala ko putol ang dila mo."

"Huh?"

"Kanina ka pa kaya tango lang nang tango," umikot nanaman ang mata niya.

"Sorry."

"Anyways, don't forget my teachings dapat maganda ka sa University party."

Tumango ako. Hinawakan niya ang kamay ko at pinisil.

"Ipakita mo sa lahat na may igaganda ka pa," kumindat siya.

Nang-asar pa.

@AdiennaMichelle

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.