What A Girl Wants (Filipino) Chapter 19

NASISILAW na si Patrice sa tindi ng sikat ng ilaw na nakatutok sa kanya. Nakatayo siya sa fountain sa harap ng mansion katabi ang host na si Vhon. She was wearing pink sequined V-neck gown, her long hair was put in a bun and she felt like she was wearing tons on make up n her face.

“Nervous?” tanong ng guwapong host sa kanya. Matangkad ito at bakas sa maamo nitong mukha na bata pa ito. Ang alam niya ay nasa mid-twenties lang ito. Ba

“Yes,” aniya at bumuga ng hangin. Mabuti na lang at in-between takes sila habang hinihintay ang mga paparating na “suitors” niya. Kapag nasobrahan siya ng kaba ay baka mag-walkout na lang siya.

“Just be natural. Isipin mo na walang camera na nakatutok sa iyo.”

Umaga pa lang ay nasa mansion na siya at ginagawang pamilyar ang sarili sa paligid. Sa isang mansion sa New Manila, Quezon City sila nagsu-shoot at naka-settle na siya sa kuwarto niya bago pa man ang shooting. Kasama niya ang nanay niya na tumiyak na ayos lang ang kalagayan niya doon. Hindi man ito kasama sa shoot nila pero kasama lang ito ng production team at nakamasid. Pahapyaw lang itong nakuhanan kanina ng video at bukas pa niya ito pormal na ipapakilala sa mga manliligaw.

Gusto ng nanay niya ng minimal exposure sa naturang programa. Basta ang mahalaga daw ay nababantayan siya nito at naroon ito kung kailangan niya.

Narinig niya ang boses ni Kara mula sa earpiece. “Patrice, Vhon, *we will start rolling in five, four, three, two, one.”

Nakahanda na ang ngiti niya nang nakita niya ang isa sa mga manliligaw niya na naglalakad palapit sa kanya. Di ito katangkataran. Sa palagay niya ay kasing tangkad lang niya ito kung nakatakong siya. Hindi guwapo pero meron itong appeal. Nanginginig ang kamay nito nang iabot ang isang tangkay ng pink na rosas sa kanya.

“Hi! I am Patrice,” sabi niya at inabot ang kamay dito.

“H-Hi!” anito at napanganga na lang sa kanya. “I’m ano... Ahhhh!” At humaba ang sandali nang di man lang nito nasasabi ang pangalan nito.

“Cut!” biglang sigaw ni Kara at nagulat na lang siya nang biglang lumabas ng mansion mula sa monitor room. Dinuro nito ang una niyang manliligaw malayo pa lang. “You! Hindi ka ba marunong magsalita? Nakalimutan mo na rin ba ang pangalan mo?”

“S-Sorry po, Ma’am. Di ko naman alam na ganyan kaganda si Miss Pastillas sa personal. Nakalimutan ko po ang sasabihin ko pati ang pangalan ko,” sabi ng lalaki.

Isang maasim na ngiti ang ibinigay nito sa lalaki. “Mr. Del Rosario, kayang-kaya kitang palitan ora-mismo ng ibang contestant na hamak mas guwapo at competent sa iyo. Kaya umayos-ayos ka sana ng pagpapakilala kung ayaw mong uminit ang ulo ko.”

“O-Opo, Ma’am,” anang lalaki na mangiyak-ngiyak na.

Hinawakan ni Patrice ang balikat ng manliligaw. “Ayos lang iyan. First time mo sigurong humarap sa camera kaya ka kinakabahan.”

Tumango ito. “O-Oo.”

“Huminga ka lang ng malalim at isipin mo na walang camera sa paligid mo. Kunyari tayong dalawa lang. Tapos magpakilala ka. Di naman ako nangangain.”

“A-Ako si Raymark. At handa na akong maging band aid na gagamot sa puso mo,” sabi nito at kumindat.

“See? Kaya mo naman pala,” sabi niya at tinapik-tapik ang balikat nito.

“Salamat. Ang bait mo pala,” anang lalaki at saka bumalik ulit ilang metro mula sa kanya para ulitin ang shot nito.

Sumunod ay ibang manliligaw naman ang dumating. Pawang pamilyar ang mga ito sa kanya dahil nagme-message ang iba sa kanya sa social media account niya. Ang mga staff ang namili sa mga ito. Ang kailangan lang niyang i-confirm ay kung isa sa mga ito ay stalker niya. Sinala din ang background ng mga ito.

Isang maliit na dinner party ang sumunod na itinanghal kung saan pahapyaw niyang nakilala ang mga kalalakihan. Iba’t iba ang character ng mga ito at kanya-kanya ring ng pinagmulan.

She was gracious to the guys. Gusto niyang maramdaman ng mga ito na pwede naman siyang makipagkaibigan. Magkakasama sila araw-araw at ayaw niyang maging masyado silang pormal sa isa’t isa. Di naman lahat ay mapipili niya sa mga ito pero gusto naman niyang malaman na pwede silang maging magkakaibigan.

“Wine?” alok sa kanya ni Sullivan na may hawak na whiskey sa isang kamay. He was a model and he grew up in Los Angeles. Komportable na ito sa harap ng camera at kampante rin sa pakikipag-usap sa kanya.

“I have to pass,” aniya at tipid na ngumiti. Ininom niya ang sparkling water.

“What’s the use of a good wine if you won’t enjoy it?” tanong ng lalaki at nangalumbaba. “Huwag mong sabihing boring ka rin katulad ng mga lalaki dito.”

“Boring?” Pagak siyang tumawa at sumubo ng ubas. “Boring just because I don’t drink wine? I just know my limits. Hindi ko kailangang magpakalunod sa alak dahil lang iyon ang cool.”

Lumapit ito sa kanya at bumulong. “How about we get out of here? Let’s go somewhere privatewhere we can talk? Tayong dalawa lang. I will make sure that you will have fun.” At saka nito binasa ang labi.

Humakbang siya palayo. “Errrr! I-I think I need to use the washroom.” Saka niya ito tinalikuran.

“Where are you going, Patrice?” narinig niyang bulong ni Kara sa earpiece niya nang magkulong siya sa restroom.

“Kakikilala pa lang namin pero gusto na po niya akong isama somewhere private? Really. Akala ba niya ay cheap akong babae?” angil niya.

“He just wants to get what he wants. Huwag ka nang magalit sa kanya. Go back to the party then you can bid everyone goodnight.”

Nang matapos ang shots sa party ay pinayagan na siya ni Kara na umakyat ng kuwarto niya at magpahinga habang ang mga kalalakihan naman ay pinapunta sa pool area para sa sariling party ng mga ito. Isang pagsubok agad ang nakahanda sa mga ito at bukas na lang niya malalaman ang mga happening.

Tumuloy siya sa kuwarto niya. Hinati ang bahay sa dalawa kaya may sarili siyang area at may sarili ring area ang mga manliligaw. Ang natira na lang sa kuwarto niya ay sina Desmond at Matilda na mas excited pa sa kanya sa pagsulpot ng mga manliligaw niya.

“Bet ko si Raymark. Di kaguwapuhan pero mukhang mabait,” sabi ni Matilda. “Saka iba siya kung tumitig sa akin.”

“Feeling mo naman crush ka, bakla?” tanong ni Desmond at hinatak ang buhok ng kaibigan niya. “Si Patrice ang type niya.”

“Hindi naman siya type ni Patrice, no?” At saka bumaling sa kanya. “Pwedeng pakibasted mo na agad?”

“Kapag binasted ko agad siya, baka di mo na siya makita. Babalik na sa Batangas iyon at planong mag-abroad,” paalala niya. “Gusto mo?”

“Basta bet ko si Sullivan,” anang si Desmond habang nagniningning ang mga mata.

Naputol ang pagkukwentuhan nila nang pumasok ang nanay niyang si Aling Lita sa silid. “Anak, may nagpapabigay pala nito kanina,” sabi ng nanay niya at may inabot na folder.

“Ano po ito, Nay?”

“Hindi ko alam. Basta may nagpaabot lang sa akin kanina bago ako umalis ng bahay. Naka-address sa iyo.”

Nang buksan niya ang folder ay parang tumigil sa pagtibok ang puso niya nang bumungad sa kanya ang picture ni Calden. “Si Calden!” tili ni Desmond. Mag-a-apply ba ito na “manliligaw” niya gaya ng hamon niya dito?

Subalit parang nawalan ng hangin ang lumolobo niyang puso sa labis na pagkadismaya. Nakapangalan kay Totoy Biloy ang resume.

Dimples ko pa lang, buo na ang araw ko. Iyon ang tagline nito.

Nangilid ang luha niya. “Akala ko si Calden.”

“Asa ka naman na hahabulin ka ni Calden. Takot lang niyang ma-associate sa iyo,” paalala ni Desmond. “Saka tantanan mo na nga ‘yang stalker mo.” Hinablot nito ang folder. “Mula ngayon huwag ka nang tatanggap ng kahit ano mula sa kanya. Huwag mo na rin siyang kakausapin.”

“Huwag!” tutol niya at binawi ang folder mula sa kaibigan. “Tingin ko kasi kilala ko siya.”

“Kilala mo ang stalker mo?” tanong ni Matilda. “Sino?”

“H-Hindi ko alam. Basta pakiramdam ko kilala ko siya. Magaan ang loob ko sa kanya.” At niyakap ang folder. Hindi talaga niya maintindihan kung bakit kinikilig siya dito. Malay naman talaga niya kung ano ang tunay na pagkatao nito.

“Patrice, mag-focus ka lang sa mga manliligaw mo. Huwag mong hayaan ‘yang poser ng ex mo na ma-distract ka. Isusumbong kita kay Miss Kara,” banta ni Desmond.

“Huwag naman. Hayaan na ninyo ako. Kaibigan ko si Totoy Biloy. Ito na lang ang realidad na natitira sa akin na walang kinalaman sa dating game na ito.”

Madalas pakiramdam niya ay isa siyang robot. Kailangan niyang gumalaw sa kung ano ang hinihingi ng camera at kung ano ang dapat na mapanood ng mga tao. Kahit ang mga kaibigan niya ay nasa programa at kay Kara ang loyalty.

Gusto naman niya ng isang tao na makakausap niya nang walang kinalaman sa programa. Isang kaibigan na masasabihan niya ng totoong nararamdaman niya.

“Bahala ka na nga diyan. Sisilipin ko na lang kung anong nangyayari sa pool area. Baka pwede akong maki-join,” anang si Desmond at pakendeng-kendeng na lumabas ng kuwarto niya.

Niyakap siya ni Matilda. “Goodnight.”

Nang mapag-isa sa kuwarto ay bahagya pa niyang naririnig ang tugtugan sa pool area at may bahagya pang tawanan ng mga babae. Alam niyang may ibang mga sexy na babae doon na di niya kilala. Tine-test na ngayon pa lang ang mga contestant kung sino ang di basta-basta magpapaakit sa ibang babae at sino din ang alam kontrolin ang sarili kahit nakainom ng alkohol.

Sa halip na usyosohin ang mga ito, binuksan na lang niya ang Facebook. Bumungad agad sa kanya ang mensahe ng secret admirer niya.

Totoy Biloy: Nakuha mo na ba ang resume ko?’

Patrice: Mag-a-apply ka ba na ano?

Totoy Biloy: Nag-a-apply na manliligaw mo.

Patrice: Kasama sa suitor ko dito sa show?

Totoy Biloy: Yes.

Kumabog ang dibdib niya. Nandito na ba si Totoy Biloy sa show niya? Baka naman basta na lang itong magpapasabog sa kanya. Sumilip siya sa bintana para tingnan kung kumpleto pa ang mga manliligaw doon. Dose pa rin ang mga ito at nagpapakasaya kasama ang mga babaeng naka-two piece bikini.

Habang nagsu-shoot kasi sila ay di pwedeng gumamit ng cellphone ang mga manliligaw niya malibang emergency. Hindi isa sa mga ito si Totoy Biloy.

Patrice: Lalabas ka rin ba sa TV?

Totoy Biloy: Masaya na akong hangaan ka mula sa malayo. Kung pakiramdam mo puro pagkukunwari ang nasa paligid mo, pwede mo akong maging kaibigan na masasabihan mo ng totoong nararamdaman mo. Hayaan mong pasayahin ka habang kailangan mo ako. Nandito lang ako hanggang mabuo mo ang mga desisyon mo. Hanggang matapos ang show mo.

Matapos magpasalamat kay Totoy Biloy ay nakangiti siyang pumikit. Dahil may kaibigan siyang gaya nito, kahit paano ay makakatakas siya sa nakakabaliw na mundong iyon.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.