Tinitigan siya ni Kara pero sa huli ay tumango ito. Di lang naman grades ang gusto niyang makuha kundi ang kaalaman na magagamit niya kapag nagtrabaho na siya. Sa likod ng camera naman talaga niya gustong magtrabaho. Gusto niyang maging katulad ni Kara na isang magaling na executive producer.
Kara was a genius and she was amazed. Maganda ang vision nito kaya lahat ng ideas nito ay nagugustuhan ng publiko at tinatangkilik.
Makalipas ang dalawang oras ay bumalik na rin ang mga boys. Sa sala sila ng mansion nag-shoot. Dala-dala ng mga ito ang isang box at nakapaloob doon ang mga items na nagre-represent sa mga ito.
Binuksan ni Jess ang box at isang libro ang nandoon. “I am like a book. Do not judge me by my cover. I hope you will get to know me.”
“Nice book,” sabi niya nang basahin ang teaser sa likod. “Romance?”
“Romantic kasi ako,” sabi nito.
Sumunod naman ay si Raymark. “Band-aid para gamutin ang puso mong sugatan.”
Si Chard naman ay isang paketeng 3-in-1 na kape. “Pampagising sa nahihimbing mong puso. Titimplahin ko sana kaso mababasa ang kahon.”
Natawa siya. “Salamat, Raymark.”
Nangangating tumaas ang kilay ni Patrice hanggang hairline nang bigyan siya ng trophy ni Sullivan. “Panalo ka na agad kapag ako ang pinili mo.”
Isang tipid na ngiti at mahinang pasasalamat lang ang sinabi niya dito pero sa likod ng utak niya ay gusto na niya itong tadyakan palabas ng mansion. Napaka-narcissistic talaga.
Si Topher ang pinakahuli na nag-present sa kanya. Nang buksan nito ay cellphone na iba’t ibang kulay ang nasa loob ng kahon. “Ako ang pambalot sa pastillas mo.”
Isang ngiti ang sumilay sa labi niya. Sa palagay niya ay natagpuan na niya kung sino ang makakasama niya sa lunchdate.
INIT na init si Patrice nang makabalik sa mansion. Malagkit sa pakiramdam na nag-picnic sila ni Topher sa La Mesa Ecopark. Mainit ang panahon sa kabila ng maraming mga puno. At sinusuwerte pa dahil nasira ang aircon ng van na sinasakyan nila. Tuloy-tuloy agad siya sa kuwarto para mag-shower.
Nag-enjoy naman siyang kasama si Topher. Makulit kasi itong kasama. Gaya niya ay nasa college pa rin ito at kabe-break lang sa nobya. Iniwan daw ito ng babae at ipinagpalit sa iba. At kaya daw ito sumali sa naturang dating show dahil naniniwala daw ito na naghahanap din siya ng tunay na pag-ibig gaya nito.
Hindi naman siguro mahahanap ang tunay na pag-ibig sa loob ng isang buwan lang pero sa palagay niya ay makakasundo niya si Topher.
Pagbukas niya sa mini-ref sa loob ng kuwarto niya ay dinampot niya ang nag-iisang bote ng mineral water. Iinumin na sana niya nang mapansin niya ang note na nakadikit doon. Malamang umay ka na sa mga pambobola ng mga manliligaw mo. Inom ka munang tubig at kumain ka ng chicharon - Totoy Biloy
Lumabas agad siya ng kuwarto at nakita si Abegail na may pinapanood sa cellphone nito. “S-Saan galing itong mineral water at chicharon?” tanong niya.
“Dala ng nanay mo kanina. May nagpabigay daw,” sabi nito. “May problema ba?”
Umiling siya. “Wala naman.” Tatalikod sana siya nang mahagip ng mga mata niya ang video na pinapanood nito. “Ano iyan?”
“Mga bagong commercial ni Calden Faulkner. Mineral water saka vegetable chicharon. Panoorin mo at sure ako na kikiligin ka rin,” anito at inabot sa kanya ang smartphone nito. “Pahingi naman ako ng chicharon na iyan.”
Lumakas ang kabog ng dibdib niya nang makilala na ang mga produktong ina-advertise ng binata ay iyon din ang mineral water at chicharon na padala sa kanya. What a coincidence.
Bumalik siya sa kuwarto niya at inubos ang chicharon bago nag-shower. Naglalaro pa rin sa isip niya ang posibilidad na si Calden din si Totoy Biloy.
Ipinilig niya ang ulo. Imposible iyon. Kung noon ngang nobya siya nito, wala itong oras sa kanya. Ngayon pa kaya na break na sila. Matapos ang huli nilang pag-uusap dahil sa dating game ay di na ulit ito kumontak sa kanya. Kahit isang simpleng kumusta lang.
Siguro dahil na-realize din ng binata na kahit anong gawin nito ay di rin naman sila magkakaroon ng normal na relasyon. Gaya ng dati ay magtatago pa rin sila sa mga tao. At ang masaklap pa ay nasa magkalabang istasyon sila ngayon - siya ay nasa Star Network at ito naman ay nasa Rainbow Network.
Masyado nang imposible ang lahat para sa kanila. Hindi na rin siya dapat pang umasa. Hindi talaga sila ni Calden ang para sa isa’t isa.
PUMIKIT si Patrice at sinamyo ang mabangong amoy ng brewed coffee mula sa Wonderland Boutique. Bagong sponsor daw nila ito at ang mga damit doon ang isusuot niya para sa duration ng pagtira niya sa mansion.
She loved the boutique. Parang nasa loob siya ng isang English cottage dahil na rin sa interior decoration doon. Naririnig niyang pinag-uusapan iyon ng mayayaman niyang kaklase dati pero hanggang tingin lang siya sa labas ng boutique. Nakakatakot kasing hawakan ang mga items doon dahil nakakahimatay ang mahal ng mga damit. But now, she could enjoy staying there on her free day.
Iniwan niya sa mansion ang mga manliligaw niya habang siya naman ay nagliliwaliw. Mamayang gabi siya mag-e-eliminate ng mga kandidato. Gusto niya na makalabas ng mansion nang walang nakabuntot sa kanya. Nakipagkita lang sandali si Abegail sa isang cafe sa di kalayuan sa nobyo nito. Nagtatampo na daw kasi ang lalaki dito. Hinayaan na lang niya dahil alam niya ang pakiramdam ng isang nobya na walang oras ang nobyo dito dahil sa trabaho.
“Wow! I thought this place is exclusively for classy people. Kung sino-sino na lang pala ang pinapapasok dito. Di n’yo alam kung anong bacteria pa ang dala dito ng mga iyan.”
Idinilat niya ang isang mata at nakita niyang nakatayo sa harap niya ang ina ni Calden. Kapag nga naman sinuswerte, akala niya ay magkakaroon siya ng katahimikan. Hindi rin pala. “Hello, Mrs. Faulkner! Gusto po ba ninyo ng kape o tea?”
Umismid ito. “Nawalan na ako ng gana. Ikaw na lang tutal di ka naman laging nakakatikim ng brewed coffee. Next thing I know, they are serving instant coffee here.”
Dumampot siya ng fashion magazine at binuklat iyon. “As far as I know, money can’t buy you class. Ibig sabihin, di lahat ng pumupunta dito, may class. ‘Yung iba, may pera lang.”
“Right. And you are the low-life who has no right to be here.”