Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi ni Patrice at ikinikiling ang ulo. “They are my sponsor. Gusto po nila na nandito ako para i-represent ang brand. Please don’t make a scene. Kawawa ang pinaka-iingatan ninyong career ni Calden kung gagawa kayo ng eksena. Have a seat.” At inilahad ang kamay sa bakanteng upuan sa tapat niya.
Mariing nagdikit ang labi ni Mina, animo’y pinipigilang sumambulat ang galit. Akala niya ay lalayasan na lang siya nito pero umupo ito sa bakanteng Queen Anne’s chair sa tapat niya. She looked like a haughty queen with an invisible crown. “Ang lakas talaga ng loob mo at tinapatan pa ng cheap mong show ang timeslot ng anak ko.”
Nagkibit-balikat siya. “Desisyon po iyon ng management.”
Dumukwang ito sa mesa at mariing bumulong sa kanya. “And what will you do next? Idadamay mo ang pangalan ng anak ko? I will ruin you once you do that. Idedemanda kita. Hihilahin ko ang buong istasyon ninyo pababa.”
Tinitigan niya ang mga babae sa mata. “Sana nagiging mabait kayo sa akin na huwag kong idamay si Calden. Hindi naman yata tama na magmataas kayo sa akin.”
“I will never bow down to a low-class girl like you. Bugaw serye ang tawag sa palabas ninyo.”
Bumuntong-hininga siya. “Hindi ko po alam na pambubugaw na pala ang tawag sa dating game ngayon. Ibig sabihin pati pala ang ibang dating game noong araw pambubugaw na. Ang alam ko po kasi sa pambubugaw, ‘yung ibinubuyo ang isang tao para sa pera. Parang ‘yung ex-boyfriend ko na ipinipilit siya sa babaeng di niya naman niya gusto pero mapera. Labag sa kalooban niya dahil ako naman talaga ang mahal niya kaso wala naman akong pera.”
Namula sa galit ang babae. “You, bitch!” At inangat ang palad para sampalin siya.
Tiningnan lang niya ang palad nito na biglang tumigil ilang pulgada mula sa pisngi niya. “Pag itinuloy ninyo iyan, papalag ako. Makakaladkad ang pangalan ni Calden at kasalanan ninyo iyon.”
“You provoked me,” anito at binawi ang kamay.
“Kahit nanay ko hindi ako nasaktan. For your information, I signed a non-disclosure clause with the network. Di namin pag-uusapan ang ex-boyfriend ko.”
“Y-You signed a NDC?” usal nito na parang di makapaniwala.
Tumango siya. “Gusto ba ninyong ipadala ko sa inyo at ipa-check sa abogado ninyo? Importante kay Calden ang career niya. Pinaghirapan niya iyon. Kung may sisira doon, tinitiyak kong hindi ako iyon. Tinitiis ko ang pambabastos ninyo sa akin dahil kay Calden pero huwag ninyo akong pupunuin.”
Kinuyom nito ang palad at saka biglang lumabas ng boutique. Hangos siyang nilapitan ng mga staff. “Ma’am, okay lang po ba kayo? Sino po ba ang customer na iyon at basta na lang kayong sinungitan?”
“H-Hindi ba ninyo regular customer iyon?” tanong niya.
“Bago pa lang po kasi kami dito,” anang pangalawang babae at tumingin sa isa pa. “Nakakahiya po talaga sa inyo.”
“It is okay. Wala naman siyang ginawang masama sa akin.”
“Malapit na pong matapos ang paghahanda namin sa mga damit ninyo.”
Nag-ring ang cellphone niya nang makarating na siya sa mansion. Pumunta siya sa balkonahe at hinayaan ang mga staff na ayusin ang mga damit na pinamili niya. Nanginginig ang kamay niya nang makitang si Calden ang tumatawag. “Patrice, I am sorry. Nalaman ko mula sa driver na kinompronta ka daw ni Mommy. I sincerely apologize.”
“Sanay na ako, Calden. Hindi na bago sa akin iyon. Dati pa namang mainit sa akin ang ulo ng nanay mo. Iyon lang ba ang sasabihin mo?”
“Y-You look good on TV. You looked like a princess.”
Nahigit niya hininga. “P-Pinanonood mo ako?”
“Yes. I-I also saw the pictures on the internet. Mataas din ang ratings mo. Magkakatapat pa tayong dalawa simula sa isang Lunes.”
“G-Galit ka ba sa akin dahil nagkatapat ang program natin?” tanong niya.
“No. I am just glad that you are doing great. I hope you are happy.”
Gusto sana niyang sabihin dito na mas masaya siya ngayong kausap niya ito. At sasaya pa siya kung sasabihin nito na sana ay isa pa rin siya sa mga manliligaw niya. Na mag-e-effort pa rin ito sa sarili nitong paraan.
“Calden, I cooked beef asado for you. Sino pa ‘yang kausap mo sa phone?” narinig niyang sabi ng boses ng isang babae.
“Just a minute, Darling.”
“Goodbye, Calden,” aniya at dali-daling pinutol ang tawag. Pumikit siya nang mariin habang mahigpit ang pagkakahawak sa phone.
Gusto niyang maiyak dahil hindi maipaliwanag na selos ang nararamdaman niya. Selos na di naman niya naramdaman noong nobyo pa niya si Calden. Dahil ngayon ay wala na siyang karapatan dito gaya nang wala na itong karapatan sa kanya.
Kaya kung sasagutin niya ang tanong ni Calden kanina, ang isasasagot niya ay ‘Hindi ako masaya’.
“GUSTO kong tanggalin si Sullivan,” deklarasyon ni Patrice at itinuro ang glossy picture ng modelo. “Hindi ko po matatagalan ang ugali niya.”
Nasa meeting sila para sa mga desisyon na gagawin niya sa elimination night. She had her own choices. Ang isa ay si Elmo na unang gabi pa lang ay napatunayan na niyang matalikod lang ang isang babae ay may iba na agad itong kakalantariin. Pare-pareho sila ng desisyon doon.
Subalit nang banggitin niya ang pangalan ni Sullivan ay nakita niya ang pagtutol sa mata ng mga nasa paligid niya.
“Di mo pwedeng alisin si Sullivan,” sabi ni Kara.
“He is a jerk. Napakayabang din niya. I-I can’t stand him,” aniya at isinuklay ang daliri sa buhok niya sa labis na frustration. “Bastos din siya. Nakita naman ninyo, he tried to make a pass on me. I am sure nakita din iyon ng audience.”
“It was not exactly a heavy pass,” sabi naman ng direktor na si Calvin. “He cornered you at the hallway, he tried to kiss you and you said no.”
“At pinipilit ko po ang braso niya,” humihingal niyang sabi sa panggigigil. “Pasalamat nga siya dahil di ko binali ang buto niya.” Kung hindi siya lumaban, ewan lang niya kung ano ang ginawa ng lalaki sa kanya.
“He apologized,” sabi ni Bruno na siyang talent coordinator. Ito kasi ang kumuha kay Sullivan sa show. “Nangako siya na hindi na niya gagawin sa susunod.