"Kenji, don't,” aniya at iniwas ang tingin.
"Don’t what?" naguguluhang tanong nito.
"Huwag mo akong titigan ng ganyan. Nanlalambot ang tuhod ko. Hindi ako makahinga.” Sinapo niya ang dibdib niya. “Baka ma-in love ako sa iyo."
There. Sinabi na niya. Di man niya dinirekta ito na mahal niya ito, at least alam na nito ang epekto ng mga titig nito sa kanya. Kaya kung may reklamo ito sa baranggay ay sabihin na nito ngayon.
"E di ma-in love ka sa akin."
Nahigit niya ang hininga. "Ano?"
Inilapit nito ang labi sa tainga niya. "Sabi ko okay lang na ma-in love sa akin. I guess it is the perfect night to fall in love tonight."
Hindi niya alam kung anong hinga ang gagawin ngayong sobrang lapit ng mukha ni Kenji sa kanya. Nararamdaman niya ang init ng hininga nito sa sensitibo niyang tainga. At nang magtama ang mga mata nila ay naging likido na ang buto niya. She was just a puddle of mud.
Pero seryoso ba ito nang sabihin nito na okay lang siyang ma-in love dito? Hindi ba iyon joke? Baka akala nito ay nakikipagbiruan siya dito. Seryoso siya sa pagmamahal niya. Baka mamaya ay sabihin niyang mahal niya ito, tapos ay magagalit ito sa kanya.
Bago pa niya makumpirma ay narinig niyang nagtanong si Dreamilyn kay Justine. “Anong oras pa dadating ang boyfriend mo?" Naiinip ito habang tinitingnan ang relo. Paulit-ulit nitong tinatapik ang paa sa pagkainip. Alas siyete y media na noon at alas otso ang concert.
"Hindi ko nga matawagan,” sabi ni Justine at nag-redial ulit. Bakas na ang pag-aalala sa mukha nito. Parang maiiyak na.
"Ano ba? Ito ang kauna-unahang na makakanood tayo ng concert ni Casey nang libre at front row seats pa tapos male-late tayo. Kanina pa hihimatayin sa excitement itong si Dreamilyn," sabi niya. "At naiinip na rin ang ka-date ko."
"No. I'm cool here," sabi ni Kenji na parang naaaliw na akitin siya at i-torture. Baka mamaya ay bumulagta na lang siya dito sa sobrang kilig. Ibang klase si Kenji ngayon. Noon ay sweet lang ito. Ngayon ay super hot na ito.
Maya maya pa ay nag-ring ang cellphone ni Justine. Lumayo ito sa kanila at saka sinagot ang tawag. Nang bumalik ito ay parang di pa rin nagbago ang anyo nito. Mas malala pa nga kaysa sa dati dahil dismayadong-dismayado na ito.
"Si Stefan na ba iyon?" tanong ni Dreamilyn.
Bumuntong-hininga si Justine at bumagsak ang balikat. "Hindi daw siya makakarating. May biglaan siyang interview para sa isang lifestyle show. Ang bestfriend niyang si Arci ang sasama sa ating manood ng concert.” Nakatanggap ito ng text mula kay Arci. “Naghahanap lang daw siya ng parking dahil mahaba pa ang pila.”
"Mabuti naman at makakapasok na rin tayo,” anang si Dreamilyn na nakahinga ng maluwag. Gusto na talaga nitong makapasok kanina pa. Ito ang unang concert ni Casey na panonoorin nito.
Pero siya ay di maganda ang mood dahil sa nalaman. Kinalabit niya si Justine. "Bakit naka-eksena na naman ang bestman ninyo?"
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ng kaibigan niya.
"Tuwing wala si Stefan, to the rescue siya lagi sa iyo. Baka naman gusto din niyang mag-substitute kay Stefan sa puso mo." Hindi niya feel ang Arci na iyon. Basta. Pakiramdam niya ay may masama itong intensyon.
Kumunot ang noo ni Justine. "Ano bang sinasabi mo? Hindi siya ganoon. Mabait lang talaga siya. Ang mahalaga lahat tayo mag-enjoy sa concert. Sayang din naman ang ticket ni Stefan kundi mapapakinabangan."
“Basta! Ayoko sa kanya,” nausal na lang ni Yngrid. Di maipinta ang mukha niya hanggang dumating si Arci. Mestiso ito, light brown ang may pagkakulot na buhok at laging nakangiti. Kabaligtaran ni Stefan na laging mukhang galit sa mundo. Pero mas gusto niya ang aura ni Stefan kaysa dito.
"O! Kumalma ka lang. Di bagay sa iyo ang nakasimangot," sabi ni Kenji sa kanya nang hawakan ang siko niya.
"Akala ko pa mandin perfect ang gabing ito. Excited kaya si Justine sa date nila ni Stefan. Tapos ibang lalaki ang susulpot. Ano ba naman iyon?" Siyempre kung masaya siya ay gusto din niyang sumaya ang lahat ng kaibigan niya. Paano naman mag-e-enjoy si Justine kung di ang lalaking mahal nito ang kasama nito kundi isang asungot?
Minasahe ni Kenji ang balikat niya. "Nandiyan na iyan. Kaya na ni Justine na i-handle iyan."
"May hindi ako nararamdamang maganda sa Arci na iyan. Naiinis ako." Di pa rin basta-basta mawala ang init ng ulo niya sa masahe nito. Konti lang.
"Mas maganda kung mag-focus ka na lang sa akin para mawala ang init ng ulo mo." Hinawakan nito ang baba niya at pilit na hinuli ang mga mata niya. “Gusto ko mag-enjoy lang tayo. Ako na lang ang isipin mo.”
"Tama ka. Kaya love na love kita."
"Love din naman kita,” anito at ibinigay ang ticket nila para sa concert sa ticket officer.
She felt like air swooshed in her lungs. Mahal daw siya ni Kenji. Mahal din daw siya nito. Parang gusto niyang magtitili sa gate ng Araneta. Narinig niya ang pinakamagandang salita mula sa mga labi ni Kenji.
Tinalakan siya ng realidad sa utak niya. Hoy! Di naman sinabing “I love you”. Ang sabi “Love din naman kita”. Malay ba niya kung joke lang ang love mo? E di joke lang din ang love back niya.Tanungin mo kaya para di assuming?
Pero ipininid lang niya ang bibig at tahimik na naglakad sa tabi ni Kenji. Hindi siya magtatanong kung anong ibig sabihin ng pagmamahal nito. Kenji loves her. Period. Kundi pa siya nito mahal sa romantikong paraan, papunta na sila doon.