Charged up agad ng pag-ibig nang buksan ng bandang Fireworks ang concert sa kantang Crazy Little Thing Called Love.
"Sana di ako mapakanta. Baka masira ang kanta nila Casey,” nasabi niya kay Kenji. Halos lahat sa concert ay nakatayo na at nagsasayawan.
"Pwede mo naman akong kantahan kapag tayong dalawa lang. I am willing to listen,” bulong ni Kenji sa kanya.
Everyone was a romantic mood. Pasabog ang mga kanta ng Fireworks. Iyon ang unang pagkakataon na kumanta ng love songs ang banda. The effect was astounding. Parang idinala sila ng mga ito sa isang lugar kung saan puro pag-ibig lang ang namamayani at masarap ma-in love. She couldn’t help but sigh. Bakit ba ngayon lang naisipan ng Fireworks na kumanta ng love songs? They should have done this a long, long time ago.
Naramdaman na lang niyang niyakap siya ni Kenji mula sa likuran habang tahimik nilang sinasabayan ang mga kanta kahit na wala sa tono. Wala siyang pakialam sa nasa paligid niya. She loved this feeling. Parang napakanatural lang para sa kanya ang yakapin nito. Ang isandal ang katawan dito at nakapaikot ang braso nito sa kanya.
Si Dreamilyn naman ay parang teenager na kinikilig sa tabi nila ni Kenji. Naka-focus lang ang atensiyon nito sa nobyong nasa stage. “Alam mo ba na lalo akong na-in love sa kanya ngayong gabi?” anang si Dreamilyn. “Pakiramdam ko ako lang ang kinakantahan niya.”
“Ahhhh! Nakakainggit ka. Naalala ko dati pinapangarap ko rin na kantahan ako ni Casey Jimenez ng love songs,” sabi niya at ipinadyak ang paa.
“Ganoon?” tanong ni Kenji at nang tingalain niya ay nakataas ang kilay nito. “Naging crush mo si Casey?”
“Dati pa iyon. Huwag ka namang magselos.”
“Okay,” sabi ni Kenji at ibinalik ulit ang tingi sa stage. Naramdaman niyang nakakatang ang baba nito sa balikat niya. “Parang hindi ko yata gusto na may ibang lalaki kang binabanggit kapag kasama mo ako.”
“Opo. Sobrang demanding at seloso naman nito.”
“Yes. That’s me. Demanding, seloso, guwapo…”
Natigilan sila sa pagkukulitan nang biglang magpaalam si Justine sa kanila. “Pupunta lang ako ng restroom,” sabi nito at naglakad na palabas ng concert area.
“Teka, sasamahan kita,” sabi ni Yngrid.
“Ako na ang bahala sa kanya,” wika ni Arci at sinundan ang kaibigan niya.
“Ano kayang ginawa ng lalaking iyon sa kanya?” usal niya habang sinusundan ng tingin ang lalaki.
“Sabi ko naman sa iyo huwag mong isipin iyon,” sabi ni Kenji at hinaplos ang ulo niya. “You think too much.”
Sinubukan niyang mag-focus sa program pero di pa rin bumabalik si Justine. Gusto na niyang tawagan sana pero tiyak na magtatampo sa kanya si Kenji. Pakiramdam talaga niya ay may mali. Sinenyasan niya si Dreamilyn. “Si Justine?” buka ng bibig niya.
Parang nagulat pa si Dreamilyn. Luminga ito sa tabi nito na parang noon lang nito natuklasan na wala pa rin si Justine. Tumango ito at inilabas ang cellphone para mag-text. “Pupuntahan daw niya si Stefan.”
“Good,” nausal niya at saka lang siya nakahinga ng maluwag.
“Nasaan daw si Justine?” tanong ni Kenji.
Tiningala niya ang binata. “Pinuntahan niya si Stefan. Na-miss siguro niya. Mahirap nga naman manood ng romantic concert pero di mo naman boyfriend ang kasama mo o hindi mo mahal. Maiinggit ka lang sa mga tao sa paligid mo. I am sure magiging masaya na siya ngayon.”
“I agree,” wika ni Kenji. Ngayon ay pwede na siyang mag-focus sa binata.
Dahil sa magagandang repertoire ng program ay di rin naman nila maiwasang mapakanta ni Kenji.
Patapos na ang concert nang mag-speech si Casey. "We don't do romantic concerts. We hate love songs... or at least I used to hate it. But since I fell in love with an extraordinary woman, nahilig na ako sa love songs. Dreamilyn, I made this concert just for you. And I want to sing this next song for you. Only for you."
♫Be my lady. Come to me and take my hand be my lady...♫
Pumailanlang ang boses ni Casey. Walang anumang instrumentong maririnig. Just his husky voice filling the whole coliseum. Walang nagsasalita. Walang makapalakpak. As if all of them was enthralled. Tutop lang ni Dreamilyn ang bibig habang nanonood sa tabi niya. Alam niyang emotional ito ngayon. Kahit naman siya ay emotional din.
Maya maya pa ay bumaba na sa stage si Casey. Nilapitan nito sa upuan si Dreamilyn at inakay sa stage. Nang nasa gitna na ng stage ang mga ito ay lumuhod si Casey sa harapan ng dalaga. "Sabi nila ako daw ang dream guy ng marami. Pero naging totoong dream guy ako dahil sa iyo. Dream, my Dream, will you marry me?" Isang maliit na kahon ang hawak ni Casey. Binuksan nito ang kahita at tumambad ang singsing.
Napuno ng buong hiyawan ang buong coliseum lalo na nang mai-focus ang singsing sa camera. Naghawak sila ng kamay ni Kenji sa sobrang excitement. "Ahhhhhhh! Nakakaloka ito!” tili niya.
"Wow! That's quite a proposal. Go, Casey!" pagchi-cheer ni Kenji.
"Say yes! Say yes!" sigaw niya.
Huminga ng malalim si Dreamilyn. Mukhang nanginginig ang kamay nito nang hawakan ang microphone. Inangat nito ang salamin at pinahid ang luha. "Casey, kahit wala ang magarbong concert. Kahit... kahit tayo lang, alam mo naman ang sagot ko. I love you, Casey. Yes, I will marry you."
Napayakap sila ni Kenji sa sobrang tuwa. Masaya siya para sa kaibigan niya. Hindi niya maipaliwanag ang pakiramdam. Parang maiiyak din siya samantalang di naman sa kanya nag-propose si Casey.
“Hey, don’t cry!” sabi ni Kenji at pinunasan ng daliri ang luha niya.
"Hindi ko mapigilan. It is beautiful. Love is so beautiful. Parang masarap ma-in love ng ganito. Parang masarap magmahal. Gusto ko ng ganito.”
“You will experience it in your own time. And I am sure your own love story will be as beautiful,” Kenji said with a hint of promise in his voice.
Kailan naman kaya mag-o-oo si Kenji sa kanya para naman hindi lang assumingera ang dating sa love story nila?
“CONGRATULATIONS, Dreamilyn! Magiging Mrs. Casey Jimenez ka na!” tili ni Yngrid at niyakap ang kaibigan. Tinapos ni Casey ang concert sa proposal na iyon. At lahat yata ng nanood ng concert ay lumabas na nakangiti, kinikilig at in love.
Nasa lobby sila ng coliseum. Ayaw nang makigulo ni Dreamilyn sa backstage dahil alam nitong maraming kailangang asikasuhin ang grupo ni Casey. Subalit nasa daliri na ni Dreamilyn ang opal cut sapphire engagement ring na pinili ni Casey para sa kaibigan niya. Iyon ang patunay ng pagmamahal ni Casey para dito.
“Hindi pa rin ako makapaniwala na ginawa niya ang buong concert na ito para sa akin. Na nag-propose siya. Alam mo naman na wala akong hilig sa magagarbong gestures. Pero naa-appreciate ko talaga ito. M-Matutuwa nito ang mga tiya ko. Sayang wala sila dito,” sabi ni Dreamilyn na medyo naiiyak na naman. “Sayang din wala dito si Justine.”
“Hayaan mo na iyon. Masaya naman siya kasama si Stefan. Kung nandito iyon baka mainggit lang iyon sa iyo.”