“Kumusta naman ang date ninyo?” tanong ni Dreamilyn at ngumuso kay Kenji na kausap ang isang DJ na kakilala nito.
“Ayoko pang matapos ang gabing ito. Kasehodang mamatay ako sa kilig.”
“Ma’am Dream, pinapapunta po kayo ni Sir Casey sa backstage,” anang bagong PA ni Casey.
“Paano? Aalis na rin kami,” sabi niya at naramdaman niyang nasa tabi na niya si Kenji.
Inabot ni Kenji ang kamay kay Dreamilyn habang ang isang kamay ni Kenji ay nakahawak sa baywang niya. “Congratulations! Salamat ulit dahil sa invitation sa concert.”
“Sana makasama ka rin sa kasal namin,” sabi ni Dreamilyn at makahulugang tumingin sa kanya. Akala niya ay mag-a-ala-Mother Superior ito. Pero mukhang masyado itong masaya kaya hinayaan na lang sila ni Kenji. “At ingatan mo ang kaibigan ko.”
“Of course. Kahit hindi mo pa sabihin ay iyon talaga ang gagawin ko,” sabi ni Kenji at iginiya din siya palabas ng lobby.
Di pa sila nakakalayo nang harangin sila ng mga reporter. “Kenji, who is your date? Siya na ba ang ipinalit mo kay Margaret?”
“Hindi ba siya ang owner ng café kung saan ka ambassador?”
“Kaibigan ba siya ng fiancée ni Casey Jimenez?”
Nataranta si Yngrid sa sunud-sunod na tanong mga ito. Akala niya ay sa concert lang ang focus ng mga reporter o kaya ay sa ibang mga artista at celebrity na dumalo. Nagulat na lang siya nang bigla silang dumugin. Natensiyon siya nang tumutok ang mikropono sa kanya at ang camera.
Biglang kinabig ni Kenji ang ulo niya at isinubsob sa dibdib nito para protektahan siya sa mga reporter. “Guys, please. My friend is a private person. She’s not a celebrity. I had always been open to you about my life. Let’s just spare her. Ibalato na ninyo sa akin ito.”
Narinig niya ang pag-angal ng ibang reporter. Malaking balita nga naman kung makukuhanan ng anggulo ang balita tungkol sa kanila. Isa yata ito sa bahagi ng trabaho ni Kenji na ayaw niya. Kinakabahan siya kapag humaharap sa reporters. Sana lang talaga ay pumayag na ang mga reporter na huwag nang mag-usisa tungkol sa kanya. Na hayaan na lang siya sa privacy niya.
Ilan sa mga security ang humawi na sa mga reporter para di na sila masundan. Naipagpasalamat niya iyon dahil di siya makahinga.
“Kenji, isang tanong na lang. Is she special?” pahabol na tanong ng isang reporter.
Natensiyon siya. Anong isasagot ng binata? Sasabihin ba nito na friends lang sila? Nauuwa na siya sa sagot na iyon. Palagi na lang siyang friendzoned. Bahala na si Kenji kung anong isasagot nito. Alam naman niyang para lang sa kapakanan niya iyon. Promise. Kung friendzoned na naman siya ay di niya dibdibin.
“Yes. She is special,” narinig niyang usal ni Kenji.
Nang tingalain niya ito ay nakangiti ito habang nakalingon sa reporter. Inamin ni Kenji sa mga reporter na espesyal siya. Hindi friend. Hindi special friend. Special lang. That was a big thing.
“Aabangan namin ang pangako mo. Babawi ka sa amin,” sabi ng bading na reporter at hinayaan na silang makarating nang matiwasay sa parking area.
“You told them that I am special,” di makapaniwalang tanong niya nang makasakay na sila ni Kenji sa kotse nito.
“Yes,” kaswal na sagot ni Kenji.
“Bakit iyon ang sinabi mo sa kanila? Bakit hindi na lang friend?”
“Ayaw mo bang sabihin ko sa iba na special ka sa akin?”
“G-Gusto… ano…” Huminga siya ng malalim. “Ewan ko.” Malay ba naman niya kung ano ang status niya sa puso nito.
“Mas gusto mo bang sabihin ko na magkaibigan lang tayo?”
Pinagsalikop niya ang palad sa kandungan niya. “Kenji, kahit sinong babae naman magiging privileged kapag sinabi mo sa iba na espesyal siya. I am flattered. Kaso baka iba ang isipin ng mga tao. Na feelingera ako…”
“Ako naman ang nagsabi na espesyal ka sa akin. Not the other way around. Let’s go home?”
“O-Okay,” usal lang niya at di niya maiwasang makadama ng lungkot. Tapos na ang concert. Tapos na rin ang romantic date nila. Ganoon-ganoon lang? Parang isang magandang panaginip lang ang lahat. Tapos ay ano nang mangyayari sa kanila ni Kenji? Matutulog na lang ba siya? Wala na ba itong ibang sasabihin sa kanya? Floating status na nga ang pag-ibig niya. Ayaw naman niyang magtanong. Fine. Palalampasin niya ang floating status niya. Sana naman hindi pa matapos ang gabing ito.
“Ayaw mo pang umuwi?” tanong ni Kenji.
“Ha?” tanong niya at nilingon ito.
“Sabi mo ayaw mo pang matapos ang gabing ito.”
“Well, tonight is like a fairy tale. It is magical, romantic and dreamy. Maraming nangyaring magagandang bagay ngayong gabi. Alam mo ba ‘yung sobrang sarap ng pakiramdam mo at ayaw mo pang tapusin ang gabi? Parang ayoko pang matulog.” Gusto pa niyan makasama si Kenji.
“I don’t want this night to end either,” he said in a raspy voice that touched her whole being. “I don’t want this magic to end.”
“Ano namang gagawin natin? Late na.” Nakalabas na sila ng Cubao. Lagpas na noon ng hatinggabi at marami nang establishments ang sarado. Ayaw naman niyang pumunta sa bar. Ayaw na niyang may iba pang tao sa paligid. Gusto niyang masolo lang niya si Kenji. “Sa bahay na lang kaya tayo?”
“No problem. Umorder ka ng pagkain at ipa-deliver mo sa bahay. May directory sa loob ng glove compartment.”
Binuksan niya ang compartment at inilabas ang glossy na directory kung saan nakalista ang mga delivery number ng iba’t ibang restaurant at fast food sa Metro Manila. Pinadaanan ng daliri niya ang pangalan. “Is pizza okay?” tanong niya kay Kenji at nilingon ito.
“Sure. Samahan mo na ng mojo potatoes at chicken. I am famished. Tell them to send it to my house.”
Tumawag siya sa hotline ng isang pizza restaurant at ipina-deliver ang pagkain sa bahay ni Kenji. Nakadama na rin siya ng gutom dahil wala naman silang nakain kanina bago ang concert maliban sa sandwich na in-order ni Kenji kasama ng kape. “So what is next?” tanong niya kay Kenji. “Anong gagawin natin sa bahay mo bukod sa kumain?”
“Kumain muna tayo. Then I will tell you how we will spend the rest of the night.”
Napalunok si Yngrid. That sounded like a promise. Ano kayang planong gawin ni Kenji sa kanya? Ise-seduce siya nito? Aakitin hanggang isuko niya ang Bataan? Masasakal siya ng mga kaibigan niya kapag pumayag siya subalit isa lamang siyang mahinang babae. Di lang Bataan ang isusuko niya. Buong Central Luzon ang iaalay niya kay Kenji.
“P-Pwede bang m-mag-ayos muna ako?” tanong niya nang makarating sila sa bahay. Kung isusuko niya ang Bataan, kailangan naman ay paghandaan niya kahit na kaunti.
“Sure. Tatawagin na lang kita kapag dumating na ang pagkain.”