“Salamat na lang. Kunin mo na lang ulit ang pasalubong mong gulay at salamat na lang din sa iba mo pang bigay. I appreciate it. Pero di mo naman talaga kailangang gawin ito,” aniya sa malamig na boses.
Anyong nasaktan si Bruno at sinapo ang dibdib. “Ano bang nangyayari sa iyo? Nagtampo ka ba sa akin dahil di ako sumama sa inyong magkakaibigan sa Camiguin? Alam mo naman na family reunion namin sa Baguio. Di ako pwdeng mawala dahil ako ang pinakaguwapo sa aming magkakamag-anak. Nagseselos ka ba dahil baka may ibang babaeng nagkagusto sa akin sa Baguio? Huwag mong intindihin ang ibang babae. Ikaw lang ang gusto ko.”
May babaeng nagkagusto kay Bruno sa Baguio? Kung sinuman ang babaeng iyon, ipagpapasalamat niya nang bonggang-bongga kung pinikot na lang sana nito si Bruno para hindi na sinisira ang araw niya. Wala na sana siyang problema ngayon.
“No. Ang ibig kong sabihin, mabuti pang huwag ka nang umasa sa akin. M-May mahal na kasi ako,” maingat niyang sabi. May temper kasi si Bruno. Natatakot siya na basta na lang itong maghurumentado.
Sa halip na magalit ay ngumiti lang ito. “Alam ko na. Kunyari ayaw mo sa akin pero sasagutin mo na ako.”
Pambihira! Ibang klase talaga ang ilusyon nitong si Bruno. Lufeeet!
Direkta niya itong tiningnan sa mga mata. “Mahal ko si Kenji Matsunaga.”
“Kenji Matsunaga? ‘Yung model?” Humalakhak ito. “Joke ba iyan?”
“Pwes, tingnan mo ito.” Ihinarap niya dito ang netbook niya.
Nanlaki ang mata ni Bruno saka inilapit ang mukha sa netbook niya. Halos ipagduldulan niya sa mukha nito ang selfie picture nila ni Kenji at nanlaki ang mata nito. “P-Paano nangyari ito?” naguguluhang tanong nito.
Nakangiting humalukipkip si Yngrid. Si Kenji Matsunaga lang pala ang magpapatahimik dito. “Nagkita kami sa Camiguin. Dati ko pa siya gusto. Siya ang sumagip sa akin nang muntik na akong malunod. Isinama pa nga niya ako sa party nila. Tanungin mo siya kung ayaw mong maniwala.”
“Ganoon lang kadali sa iyo na mahalin siya?” puno ng hinanakit nitong tanong. “Minsan mo lang naman siyang nakita.”
“Bruno, kailangan mong tanggapin na iba talagang lalaki ang nararapat sa akin. Si Kenji iyon. Gusto rin niya ako.”
Okay. Hindi iyon sinabi nang direkta ni Kenji pero ramdam naman niya sa mga galaw nito, sa mga titig nito, sa paghawak-hawak nito sa kamay niya, kapag sinasabi nitong gorgeous at maganda siya, alam niyang gusto siya nito.
Naningkit ang mga mata ni Bruno. “Hindi ako naniniwala.”
“Hindi ka naniniwala na magugustuhan ko si Kenji?”
“Hindi ako naniniwala na magugustuhan ka niya.” Itinuro ni Bruno ang screen ng netbook niya. “Tingnan mo nga. Sobrang guwapo niyan. Nagpapatawa ka ba? Hindi ka papatulan niyan. Supermodel iyan.”
“Excuse me?” usal niya sa mataas na tono. Parang gusto niyang hampasin ng bulaklak si Bruno sa mukha.
Akala ba niya ay gusto siya nito at naniniwala ito na maganda siya? Tapos ay sasabihin nito na hindi bagay ang kagandahan nila ni Kenji sa isa’t isa.
Napailing si Bruno. “Girlfriend niya si Margaret Choi. Hindi mo ba alam? Kalat na kalat na ngayon sa internet ang relasyon nila.”
Natigagal si Yngrid. “Si Margaret Choi?”
Margaret Choi. Isa sa kilalang showbiz personality sa bansa at mula sa angkan ng mga Choi na kilala sa chain of restaurant ng mga ito. Nagsimula ito bilang teen star at modelo. Kalaunan ay nakilala ito nang maging nobyo ang isang sikat na aktor. Hindi man ito magaling umarte ay nananatili itong isa sa pinakasikat na aktres sa showbiz.
At ito rin ang huling babaeng gugustuhin niya na maging nobya ni Kenji.
“No. Hindi ako naniniwala sa iyo.” Hindi niya matatanggap. Marami namang ibang babae diyan pero huwag naman sana si Margaret ang mahalin ni Kenji. She hated the girl.
“Magkasama pa sila ngayon sa Thailand. Matagal na silang may relasyon. Ayaw lang ipasabi ng manager ni Margaret dahil may ka-love team pa siya. Ngayong tapos na ang series ni Margaret ay hindi na niya kailangan pang itago ang relasyon nila. Si Margaret pa mismo ang nag-post sa Instagram at Twitter niya. Hindi mo ba siya pina-follow?"
"Bakit ko naman siya ipa-follow? Ayaw ko ngang makikita ang pagmumukha ng babaeng iyon," angil ni Yngridm.
Si Margaret. Matagal na niya itong kakilala pero malamang ay ide-deny ng babae ang tungkol doon. Mas gusto nitong isipin na hindi siya nag-e-exist sa mundo. Yngrid was nice to her when they were in high school together. Ito pa ang laging nagpapatulong sa kanya sa mga assignment and projects. She was so eager to please her. Sino ba naman ang hindi matutuwa na mapalapit sa isang celebrity? Margaret may be pretty but she was kinda short in the brain department.
“Hindi pa rin ako naniniwala. I think Kenji has more sense than that.”
Beyond her good looks, sweet and pasosyal, ano pa bang nakiya ni Kenji dito?
“Mas maswerte si Kenji dahil mas malaki ang mapapakinabangan niya kay Margaret. Mas sikat si Margaret sa kanya. Malawak din ang koneksiyon sa negosyo. Kaya kalimutan mo na ang ilusyon mo. Mas bagay sila."
Nagpanting ang tainga niya.“Para sa isang lalaki, masyado ka yatang tsismoso.”
“Sabihin na natin na isa ako sa mga may gusto kay Margaret Choi kaya alam ko. Siya pa nga ang nag-post sa Instagram account niya. Sa palagay mo ba ay ipagpapalit ni Kenji ang isang tulad ni Margaret sa isang tulad mo? Ako lang ang lalaking magsasakripisyo para sa iyo. Ikaw ang pipiliin ko kahit ilang Margaret pa ang mang-akit sa akin.”
Thanks, but no thanks.
“Look, bayad ako sa upa ko at may advance pa ako hanggang sa isang buwan." Iwinaksi niya ang kamay na parang binubugaw ito. "You may go now. Dalhin mo na rin ang mga pasalubong mo.” Ibinalik niya dito ang bulaklak. "Ibigay mo na lang sa Margaret Choi mo."
Ngumisi lang si Bruno na parang di apektado sa malamig na trato niya. “Kahit ano pang sabihin mo, sa akin ka pa rin babagsak.” At saka ito puno ng kompiyansang lumabas ng café.
She wanted to puke at the thought. Seryoso? Wala na bang ibang mas matinong lalaki? Kay Bruno talaga ang bagsak niya?
That was a destiny she didn’t want to consider. Over her dead body.
Kay Kenji lang siya. At hangga't di sinasabi ni Kenji sa kanya ang katotohanan ay hindi siya maniniwala.