"Close din naman kami. Magkasama lang naman kami na nagbakasyon sa Camiguin. Ganoon kami ka-close,” pagmamalaki ni Yngrid. Gusto niyang i-imply dito na higit pa sa simpleng fan ang estado niya sa buhay ni Kenji.
Nakataas ang kilay siyang tiningnan ni Chubbylita mula ulo hanggang paa at pabalik ulit. “Baka naman nagkita lang kayo ni Kenji sa Camiguin at kung maka-claim ka naman ay parang sinadya talaga ninyong magbakasyon nang magkasama.”
Ouch! Medyo na-hit siya nang hard ng sinabi nito. But she kept her cool. Magkasama naman talaga sila ni Kenji sa bakasyon. Di na mahalaga kung coincidence lang ang pagkikita nila. Ang mahalaga ay nagkasama sila at madalas ay ito pa ang gumagawa ng effort para magkita sila.
“He saved my life when I nearly drowned. And we danced the night away during our last night together. Magkasama kami kahit na tapos na ang party,” nakangisi niyang sabi. “It was the most romantic evening of my life.” Sinapo niya ang pisngi at saka tumingala habang inaalala ang masasayang sandali nila. “Then he kissed me under the stars.”
“Bruhang ilusyunada!” singasing ng babae sa kanya.
Tuluyan nang nag-init ang ulo ni Yngrid at tumayo saka pinamaywangan si Chubbylita. "Ikaw! Ikaw ang bruhang ilusyunada. Endearment niya sa akin ang gorgeous. Nasabihan ka na ba niya ng gorgeous? I bet, hindi pa."
Tumayo din ito at pinamaywangan siya. Nanliit siya dahil matangkad ito sa kanya ng may anim na pulgada. At parang kaya siya nitong patalsikin sa Batanes sa isang pitik lang. “Excuse me? Hindi niya kailangang tawagin akong gorgeous. Isang katok lang niya sa pinto ko kapag kailangan niya ako.”
“Baka para gawing chimi-a-a, you mean. Para utusan. Hindi niya ako kailangang utusan. Ako ang pinagsisilbihan niya. Binuhat pa nga niya ako minsan at inalagaan nang masama ang pakiramdam ko. Anong laban mo doon?” nang-aasar niyang tanong. “At sa palagay mo ay ilusyunada ako, kung gusto mo kay Kenji ka mismo magtanong kung totoo ang sinasabi ko.”
Ngumuso lang ito at humalukipkip. Taas-baba ang mga kilay nito. “Kapiling mo siguro siya ng isa o dalawang gabi pero sa akin siya umuuwi araw-araw. Ako ang babaeng nariyan kapag kailangan niya.”
“Hindi mo kayang pantayan ang tatlong araw namin sa Camiguin. Hanggang diyan ka lang. Just a friendly neighbor na nag-aambisyong maging kayo.”
"Ayan na si Kenji! Kenji!” tilian ng mga fans ni Kenji. Nagsitayo ang iba sa bleachers habang hawak ang mga banner. Ang iba naman ay nagtatalon pa sa bleachers habang ang iba naman ay parang sinipit sa singit kung makatili.
Bigla siyang nag-hyperventilate nang makitang naglalakad si Kenji papasok ng stadium. Laglag ang puso ni Yngrid nang masilayan ang kaguwapuhan ni Kenji. He was wearing blue sleeveless jersey. Sa palagay niya ay ginagamit iyon sa training. Nagpapakita iyon ng well-toned muscles sa braso nito. Naka-shorts ito na may yellow lining na umabot hanggang three-fourth ng hita. He was wearing his football cleets. Narinig niya ang sabay nilang pagsinghap ni Chubbylita. He looked every inch an athlete. A hot athlete. Iyong tipong kahit ano pang isuot at i-endorse, kahit mag-endorse pa ito ng contest sa pagkain ng buhay na manok ay tatangkilikin pa rin.
“Kenji, my love, I am here!” sabi ni Maj at inilahad pa ang mga bisig.
Hindi naman pwedeng magpatalo si Yngrid. Nagkakaway din siya at sumigaw. “Kenji! Kenji, nandito ako!”
Tumingin ito sa direksiyon niya at binigyan siya ng megawatt. Nag-quadruple sommersault ang puso niya. At alam niyang para sa kanya ang ngiti na iyon. Iyon ang ipinunta niya dito. itinaas ng binata ang kamay at kumaway sa direksiyon ni Yngrid.
"Hi, babe!" nakangiting sabi ni Kenji.
Lumutang yata ang kaluluwa niya at umalis sa katawang lupa niya. Napahawak siya sa braso ni Chubbylita habang di inaalis ang tingin kay Kenji. "Narinig mo ba iyon? Tinawag niya akong babe!" Kinikilig niyang usal.
Gorgeous ang endearment nito sa kanya pero kung gusto nitong mag-level up at tawagin siyang babe, sino naman siya para tumanggi?
Nagulat si Yngrid nang biglang tanggalin ni Chubbylita ang pagkakahawak niya dito. "Tse! Ako ang babe niya. Kitang-kita naman sa pata ko pa lang. Pak na pak na." A t saka nito tinampal ang malaki nitong hita.
Umingos siya. Wala siyang laban dito pagdating sa palakihan ng pata. Wala namang kahit anong malaki sa kanya maliban sa kanyang puso. Makikita nitong si Chubbylita na siya ang babaeng tinutukoy ni Kenji. Siya ang babe ng binata.
"Babe!" animo’y natigilan ang lahat nang marinig ang matinis na tili ng isang babae sa likuran nila. Natigagal na lang sila nang maglakad patungo kay Kenji ang isang babaeng nasa 5'4" ang tangkad, balingkinitan at mahaba ang tuwid na buhok. Sinugod nito ng yakap si Kenji at sa harap ng maraming mga tao ay inangkin ang labi.
"Si Kenji ko..." nausal na lang niya at akmang hahatakin ang bruhang babae palayo kay Kenji. Ang lagay ay palalampasin na lang niya ang paglapastangan nito sa kanyang pag-ibig. No! Kakalbuhin niya ang bruha.
Natigagal siya nang makilala kung sino ang babae - si Margaret Choi.
“Anong ginagawa ng kalansay na babaeng iyan dito?” ngitngit ni Chubbylita sa pagitan ng naggigiyagis na ngipin. Sa palagay niya ay pareho sila ng itsura. Pareho silang nagngingitngit sa intrimitidang si Margaret. “Wala siyang karapatan na halikan at yakapin ang Kenji ko. Lalasug-lasugin ko ang buto niya.”
“Tutulungan kita. Malaking masyado ang atraso ng babaeng iyan sa akin,” aniya at isinuntok ang kamao niya sa palad. Kahit kailan talaga ay kontrabida ang bruhang ito sa buhay niya.
“Retokada naman ang bruhang iyan. Naku! Sana naman itulak siya ni Kenji palayo o kaya ipakaladkad sa guards,” sabi ni Maj.
“Magandang idea iyan. Ako na ang tatawag sa guwardiya,” wika niya.
"I love you, babe! I am happy that you are here,” Kenji said as if he really meant it. Nakangiti pa ito habang nakatitig ang nakangiti nitong mga mata kay Margaret.
"I love you, too, babe," wika naman ni Margare.
Si Kenji ang unang nag-I love you kay Margaret. Not the other way around. Sinabi nito na mahal nito si Margaret at hindi siya. Mali ito. Maling-mali. Dapat ay siya ang inaalayan nito ng pag-ibig. Parang mamamatay siya sa sakit.
"No! Hindi ito totoo! Kenji, you can't do this to me. Ako ang ina ng mga anak mo. Ako ang nagpapaligo sa kanila sa araw-araw. Ako! Ako! Ako!" palahaw ni Chubbylita at napaupo sa bench habang humahagulgol ng iyak.
Wala nang pakialam si Yngrid sa palahaw ng karibal niya. Pakiramdam niya ay nag-uulap ang panangin niya. Na parang wala siya sa mundo ng realidad kundi nasa loob ng isang bangungot. Bangungot na magpalitan ng “I love you” sina Margaret at Kenji sa isa’t isa. Isang bangungot na sa ibang babae inalay ni Kenji ang pagmamahal nito. Sa babaeng labis niyang kinamumuhian.
"Hindi. Hindi totoo ang lahat ng nakikita ko. Hindi ito totoo," usal niya at tinalikuran ang masayang sandali nila Kenji at Margaret. Wala siyang pakialam sa mga biruan at kantiyawan dahil sa romantikong eksenang ginawa ng dalawa.
Her heart was bleeding. Gusto na lang niyang tumakbo palayo sa lugar na iyon.