Lutang na lutang ang pakiramdam ni Yngrid nang lumabas ng futsal stadium. Parang zombie na siya. Kahit yata tisurin pa siya o banggain ay wala siyang pakialam o nararamdaman. Hungkag ang laman ng dibdib niya. And she hated this feeling. She hated it.
"Why, Kenji? Why?"
Parang lason sa sistema niya habang paulit-ulit na naririnig nang sabihin ni Kenji na mahal nito si Margaret. Tinakpan niya ang tainga. "Hindeee! Ayokong marinig. Hindi iyon totoo." Kanya lang ang pag-ibig ni Kenji. Siya lang dapat ang mahal nito.
Nagulat siya nang may marinig siyang malakas na busina. Paglingon niya ay may pulang kotse na nakatigil ilang pulgada mula sa kanya. Muntik na siyang masagasaan. Naka-go na pala ang mga sasakyan at stop para sa mga pedestrian.
Muli siyang binusinahan ng galit na galit na maskuladong driver. "Hoy! Kung gusto mong magpakamatay, huwag mo akong idamay. Buwiset!"
Napaurong siya. "Sorry po."
Kung ibang pagkakataon ay baka makipagtarayan siya dito. But she was too brokenhearted to argue. Nawalan na siya ng tapang.
Pag namatay ako, kasalanan ni Margaret. Kasalanan niyaaaaa!
"Miss, okay ka lang? Namumutla ka," nag-aalalang tanong ng babaeng katabi niya sa gilid ng daan.
"Hindi ako okay."
"Bakit? Nahuli mo ba na may ibang babae ang boyfriend mo? Naku! Ganyan din ako dati. Sinabunutan ko nga ang babae at sinampal ko ang boyfriend ko."
"Hindi ko kayang saktan si Kenji." At hindi naman niya nobyo si Kenji pero umasa siya na espesyal siya para dito at darating ang panahon na mamahalin siya nito.
"Humanap ka na lang ng ibang lalaki, Miss. Wala kang mapapala sa lalaking iyan," sabi ng babae. "O! Go na pala. Saan ba ang punta mo, Miss?"
"Hindi ko alam."
She was lost.
"Mauna na ako. May date pa kami ng chatmate kong foreigner. Naku! Sa internet ka na lang maghanap ng majojowa. Marami doong naghahanap ng Filipina bilang asawa. Di ka pa sasaktan."
"Si Kenji lang ang gusto ko."
Di na rin siya tumawid pa. Sa halip ay naglakad-lakad na lang siya sa gilid ng daan nang di alam kung saan pupunta
Napapitlag siya nang mag-ring ang cellphone niya. Malabo ang mata niya at di nagrehistro sa utak niya kung sino ang tumatawag. "Hello," sagot niya pero nakatulala lang siya sa kawalan. "Sino ito?"
"Anong sino ito? Lasing ka ba? Si Dreamilyn ito. Anong nangyari sa iyo?"
"Hindi totoo ang lahat ng nakita ko. Hindi totoo ang narinig ko," usal niya.
"Ano bang pinagsasasabi mo? Nasaan ka?"
Luminga siya. "Sa may.... KSP."
"Anong KSP? KFC iyang nasa tapat mo."
Nagtaka siya. "P-Paano ninyo nalaman?"
"Nandito kami. Pumasok ka sa loob."
Bigla siyang nakadama ng ginhawa nang malamang naroon lang ang mga kaibigan nya. Dali-dali siyang nagtungo sa KFC kahit parang nanghihina siya.
Sinalubong siya sa may pinto ng fastfood ni Dreamilyn. Napayakap agad siya sa kaibigan. "Dream!"
Tinapik nito ang likod niya. "Sige na. Sa loob na tayo mag-usap."
Pagpasok sa loob ng KFC ay nakaupo na sa isa sa mga couch si Justine. Binigyan agad siya ng kaibigan ng tubig pagkaupo sa mesa.
Ito ang kailangan niya - isang kaibigan na mahihingan ng sama ng loob. Okay lang kahit sermunan pa siya nito basta ayaw lang niyang maramdaman na mag-isa siya. Hindi nagsalita ang mga ito, hindi nanermon o nagtanong. Hinayaan lang siya ng mga ito.
"Anong ginagawa ninyo dito?" tanong ni Yngrid nang kumalma na ang kalooban niya. "Sinundan ba ninyo ako? Akala ko ba wala kayong pakialam sa kahibangan ko kay Kenji?"
"Nakabantay lang kung kailan mo kakailanganin," malumanay na sabi ni Dreamilyn. "Hindi ka namin matitiis."
"We are kinda expecting this scenario. We are expecting that things will end up like this," naiiling na sabi ni Justine at inilapit sa kanya ang French fries.
Kumuha siya ng isang pirasong French fries at pinangas. "Na maghahalikan sila sa harap ko? Na sasabihin ni Kenji na mahal niya ang mukhang manyika ng mangkukulam na babaeng iyon?"
Ngumiwi siya nang maalala ang sandaling iyon. Masakit. Sobrang sakit. Parang dinidikdik ng almires ang puso niya. Idinaan na lang niya sa pagkain ang sakit na nararamdaman mo.
"No. That you'll break your heart," sabi ni Justine. "Walang mabuting idudulot ang kabaliwan mo kay Kenji."
"Huwag mong sabihin na itinanong mo pa sa kanya kung totoo ang relasyon nila nina Kenji at Margaret Choi?" tanong ni Dreamilyn.
"Hindi na ako umabot doon. Umalis na kasi ako," sabi niya habang nakatitig sa tubig. "Huwag ninyo akong alalahanin. I am okay. I am fine."
"Mabilis ka yatang naka-recover," wika ni Dreamilyn. “I thought you need a shoulder to cry on that’s why we are here.”
“Oo nga. Pwede akong uminom ng isa o dalawang shot ng alak para sa iyo kung gusto mong maglabas ng sama ng loob,” sabi naman ni Justine.
“Hindi. Hindi ako bigo okay? I don’t think they are really together.” Ayaw tanggapin ng isip niya. Ayaw tanggapin ng puso niya.
“I think it is the real thing. Nagbibilangan pa sila ng barya sa tour nila. Tinuturuan na ni Kenji na magtipid si Margaret. Ang sweet lang,” sabi ni Justine pero natahimik agad ito nang matalim niyang tingnan.
“Hindi totoo iyan sabi!” giit ni Yngrid.
Umungol si Justine habang nahampas bigla ni Dreamilyn ang lamesa. "Pwede bang iumpog ang babaeng iyan para matauhan sa kagagahan niya?" gigil na wika ni Dreamilyn. "Kaya ayokong pumunta dito. Mapapatulan ko iyan."
"Teacher, masisira ang image mo bilang guidance counselor. Ako na lang ang bibira para sa iyo. Ako na," sabi ni Justine.
Nakasimangot niyang pinagmasdan ang mga ito. "Ganito ang in love. Pag in love ka, di ka maiintindihan ng iba."