When He Cries Chapter 26

“OKAY na ba ang itsura ko kapag nagkita kami ni Kenji?” tanong ni Yngrid sa mga staff na sina Frecy at Armie nang lumabas siya sa opisina niya. Nasa labas na ang staff para sa production ng music video. Hindi pa dumadating si Kenji kaya kinonsulta muna niya ang mga tauhan niya tungkol sa itsura niya.

“Naks! Parang nagmumurang kamatis kayo, Ma’am,” sabi ni Frecy nang pasadahan ng tingin ang ayos niya at humagikgik.

“Anong sinasabi mong nagmumurang kamatis?” tanong niya ay hinaplos ang pink headband sa ulo. At saka niya hinaplos ang palda ng dress niya na bulaklakin at may ruffles sa manggas, neckline at hemline ng palda.

"Ma'am, malayo sa sopistikadang image ninyo," anang si Armie na hinahaplos ang sariling baba habang pinagmamasdan siya. "Pang-teenager lang ang ganyang porma. Parang... hindi ganyan ang bagay sa inyo."

Itinaas niya ang isang kamay. "Yeah! Yeah! Alam ko naman kung anong style ko dati. Pero gusto ni Kenji kapag simple lang daw ako. Walang masyadong make up at di masyadong manamit. Kaya naisip ko na ganito lang ang ayos ko. Mukhang fresh. Mukhang inosente."

“Ma’am, parang mas maganda pa kayo sa model na ka-partner ni Kenji Matsunaga," sabi ni Frecy.

Inayos niya ang bracelet niya at ngumiti. “Dapat lang. Para hindi na niya ako matanggihan. This time kapag nakita niya ako, tiyak na pakakasalan niya ako.”

Ganoon kataas ang kompiyansa ni Yngrid sa sarili niya. Mangangarap na lang din naman siya kaya sasagarin na niya. Ilang araw niyang pinaghandaan ang muli nilang pagkikita ni Kenji. Pinlano niya ang magiging itsura niya. Gusto niya na kapag nagkita sila ni Kenji ay makita nito ang babaeng pinapangarap nito sa kanya.

“Ma’am, di ba girlfriend niya si Margaret Choi?” maingat na tanong ni Armie.

Umingos siya. “Sabi lang nila iyon. Malay ko ba kung gimmick lang nila or ilusyon ni Margaret. Alam mo naman ang showbiz, maraming mapagpanggap. Ang mahalaga ngayon sa akin ay makakasama ako ni Kenji, di ba? Wala akong pakialam sa Margaret Choi na iyon."

Tumango na lang ang dalawa. Wala na siyang pakialam kay Margaret Choi. Sigurado siya na hindi ito susunod doon. Masosolo niya si Kenji. Pwede naman siyang magpanggap na walang Margaret Choi sa buhay ni Kenji.

Loob at labas ng café ang kukuhanan ng video. Di rin sila makakatanggap ng customers kaya sa kanila na rin oorder ng pagkain at inumin ang mga staff. Magiging abala ang buong araw na iyon. Hindi makakapag-day off ang tauhan nilang si Bernie na siyang tatao sa kusina. Kumuha din siya ng part-timer kung sakaling kailanganin ng extra na tao.

Binibigyan ng instruction ng production assistant sina Frecy at Armie na magiging extra sa MTV nang bumukas ang pinto. Naestatwa siya sa kinatatayuan nang pumasok si Kenji Matsunaga. "Good morning, Direk!" anito at lumapit sa direktor saka kinamayan. Kumaway din ito sa mga staff. "Good morning, everyone!"

"Good morning!" bati rin dito ng mga production staff. Mapa-babae o lalaki ay mukhang nagayuma ng karisma ng binata.

Tumutok ang mga mata nito sa kanya at naglakad palapit. “Hey, gorgeous!”

“Kenji!" she squeaked when she heard the endearment. Malakas ang tibok ng puso niya habang palapit sa kanya. Anong gagawin niya ngayon? Anong dapat niyang iakto sa harapan nito?

Kalma lang. Demure dapat. Kailangang huwag halata na excited kang makita siya.

"How are you?" tanong ng binata at humalik sa pisngi niya.

She went still. His manly scent whafted her senses. Tuluyan nang nawala ang pagtitimpi niya. Animo'y may dam na sumabog sa dibdib niya. Napayakap siya kay Kenji sa sobrang excitement. “I am so happy to see you.”

Humalakhak ito at magaang tinapik ang likod niya. “Yes. It has been a long time. Na-miss mo ako, no?" tanong nito na may halong panunukso sa tono.

Nag-init ang pisngi niya at dali-daling kumawala sa binata. “Hindi kaya,” kaila niya. Hindi pa ba obvious? Wagas siya nang makayakap dito. Hindi naman kasi niya mapigilan ang emosyon niya. At malamang ay miss rin siya nito. After all, ito mismo ang gumawa ng paraan para muli silang magkita – nang wala si Margaret na asungot sa pali-paligid. At wala rin s I Iggy, the Iguana.

Bahagyang dumistansiya si Kenji sa kanya, inilagay ang mga kamay sa likuran at inikot ang mata sa paligid. “This place is very homey. Parang masarap lang mag-relax habang umiinom ng espresso.”

“You want espresso? Igagawa kita ngayundin.”

Hinawakan nito ang balikat niya. “Hindi na muna. Mamaya na siguro ako oorder kapag pagod na ako sa shoot. That’s when I need a shot of caffeine.”

“Later. Just tell me whatever you need,” she said in an overeager to please voice. Tumikhim siya para hamigin ang sarili. “Uhmmm… thanks for recommending my café to your colleagues. Hindi ko inaasahan na maalala mo pa pala ako.”

“Siyempre naman natatandaan kita. Nang magtanong sila kung anong magandang café, naisip ko na ipa-check ang area mo. Naisip ko kasi na mukhang maganda ang location mo. I love the cool ambiance at may view pa ng golf course. At nagustuhan din ng location manager. So we are here.”

“Nandito si Margaret Choi!” narinig niyang sigaw mula sa labas.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.