Pakiramdam ni Yngrid ay tumigil ang mundo niya nang marinig ang sigaw na iyon mula sa labas ng café. Naroon si Margaret Choi? No! No! Hindi ito pwedeng mangyari. Hindi ito pwedeng magpunta sa café niya. Hindi nito pwedeng i-invade ang Margaret Choi ang fairy tale moment nila ni Kenji.
Subalit hindi na niya mapigilan pa ang mga sumunod na pangyayari. Mistulang aparisyon si Margaret habang naglalakad papasok ng nakabukas na pinto ng café. She was wearing a wide-brim white hat. Nakalugay ang mahaba nitong buhok. She was wearing a mint green cotton dress with Sabrina neckline. Nakasuot din ito ng flesh colored doll shoes na may ribbon. She looked simple yet elegant. Like a real princess. Pinapayungan ito ni Iggy, the Iguana na kasunod nito habang naglalakad. It was like a double nightmare for her.
“Excuse me,” wika ni Kenji at dali-daling nilapitan si Margaret na pinapayungan pa rin ni Iggy hanggang makarating sa pinto. “Hello, babe! This is a surprise.”
“I really want to surprise you, babe. I miss you,” malambing na sabi ni Margaret at yumakap sa leeg ni Kenji.
“I am surprised and happy now that you are here. Now I am inspired to work.”
Ngumisi si Margaret. “Then I should inspire you some more.”
Iniwas agad ni Yngrid ang tingin nang hahalikan ng bruhang si Margaret ang kanyang prinsipe. O, hindeeee! Bakit nangyayari ito sa akin?
Napakaganda ng simula ng araw niya. Nagsisimula na ang magandang sandali niya kasama si Kenji sa buong pag-aakala niya na walang kontrabida sa buhay niya. Tadaaan!!! Enter the dragon lang ang dating ni Margaret na kinabog ang “simple look” niya. Aminado naman siya na kahit na magsuot yata ng basahan at gawing taong grasa si Margaret ay maganda pa rin ito.
“Halika. May ipapakilala ako sa iyo,” sabi ni Kenji. Tumalikod agad siya bago pa mahalata ng mga ito na masasaktan siya. “Yngrid! Yngrid, sandali lang.”
Ayaw sana niyang pansinin ang pagtawag ni Kenji sa kanya at magkunwaring walang narinig subalit kusang tumigil ang paa niya. Pilit muna siyang ngumiti – ngiti na parang tinutubuan siya ng wisdom tooth – at saka humarap kay Kenji at sa mangkukulam na kasama nito.
“Babe, she’s the girl I told you about. Na-meet namin siya ni Missy sa Camiguin. Babe, this is Yngrid Singson.” Yumakap si Kenji sa baywang ni Margaret at idinikit ang pisngi sa pisngi ng mangkukulam. “Yngrid, this is my girlfriend, Margaret Choi.”
Ngumiti si Margaret pero nahuli niya ang pagtaas ng isang kilay nito. “Hello!” bati nito at kumaway sa kanya. Di nag-abalang kamayan siya. “So, ikaw pala ang tinutukoy ni Kenji na na-meet niya sa Camiguin. So are you a staff here at the café, a barista, a cashier…?"
Napamaang si Yngrid. Ano bang palagay ni Margaret sa kanya? Na wala siyang malayong mararating? The bitch! Kung pwede lang ipamukha dito na nakapagtapos siya ng college habang ito ay di man lang yata nakatapos ng high school dahil mas lucrative daw para dito kung magfo-focus ito sa showbiz. At kung saan man siya nakarating ngayon ay pinaghirapan niya nang todo dahil alam niyang wala siyang financial backer gaya ng pamilya Choi.
Bago pa siya makaisip ng malupit-lupit na pambara kay Margaret ay itinama na ito ni Kenji. “Babe, Yngrid is the owner of this cute café. Dati pa kita niyayaya dito, ‘di ba? Nakaka-relax dito at parang wala ka sa loob ng city.”
Lumabi si Margaret at inikot ang tingin sa café. “It looks okay,” matabang na sabi ni Margaret. As if she was not impressed.
“Pwede mo akong hintayin dito sa loob habang nagsu-shoot kami sa labas.” Nakangiting bumaling si Kenji sa kanya. “Ikaw na ang bahala sa babe ko.”
“Paano naman ako, Papa Kenji?” hirit ni Iggy.
“At kay Iggy na rin. Of course, you know Iggy.”
“I know him. Of course,” aniya sa mabigat na boses.
Mabigat na nga ang loob niya dahil narito si Margaret ay dadagdagan pa ng isang iguana. Bakit kaya di na lang siya ibaon nang buhay nang mga oras na iyon para mawala na ang paghihirap niya?
Maya maya pa ay lumabas na si Kenji dahil sa labas ng café kukuhanan ang ibang mga eksena. Umupo si Margaret sa isa sa mga couch doon at saka itinapik-tapik ang daliri sa arm habang ikinukuyakoy ang paa. Pinagsalikop nito ang mga kamay sa ibabaw ng tiyan nito. Mistula siyang alipin na naghihintay ng instruction nito.
“So where’s the menu?” may katarayang tanong ni Margaret at inilahad ang palad.
“Sandali lang po, Ma’am,” magalang niyang sabi at sinenyasan si Armie na lumapit. “May kabagalan yata ang service dito…. O ayaw mo lang kaming pagsilbihan dito?”
May hawak na agad na menu ang tauhan niya at eager na inabot kay Margaret. “Good morning, Ma’am, Sir. I am Armie at your service.” Armie was extra cheerful today. Siyempre eager ito na pagsilbihan ang isang sikat na personalidad.
“Kung may kailangan po kayo, sabihin lang ninyo kay Armie o sa ibang staff ko,” wika niya kay Margaret. “If you’ll excuse me.”
“Wait. Kenji told us that you will take care of us. Dapat lang siguro ay ikaw ang personal na mag-asikaso sa amin. Just to show how good your service is. So what is your specialty here?” tanong ni Margaret at di nag-abalang tingnan ang menu.
Ito mismo ang iniiwasan ni Yngrid- ang maging tagasilbi ni Margaret. Minsan na niyang ginawa iyon noong high school pa sila. Ipinangako niya sa sarili na hindi na iyon mauulit pa. Pero wala naman siyang magagawa dahil customer ito ngayon.
“Most of our coffee and tea are from the local farmers. We have civet coffee from Mt. Apo and Arabic and robusta coffee from the Cordilleran Highlands. Siyempre hindi rin mawawala ang Kapeng Barako ng Batangas. Our bestseller are seafood pasta and honey roast pork.”