“Sinasabi mo ba na hindi kami makakagamit ng pool?” nanlalaki ang matang tanong ni Yngrid habang kausap ang mga receptionist sa front desk ng resort
Nagmartsa silang tatlong magkakaibigan patungo sa reception. Hindi talaga sila papayag na magtatampisaw sa mabatong dagat habang may nagdadaan na higanteng mga barko. This was not the vacation that they signed up for. Pero siya talaga ang pinakamainit ang ulo. Pakiramdam talaga niya ay nainsulto siya bilang isang guest. Na parang tinrato sila na hampaslupa lalo na ng Iguana na iyon.
Binigyan siya ng magalang na ngiti ni Louiela base sa nametag nito. “Ma’am, we sincerely apologize for the inconvenience. Naka-book po kasi ang pool para sa photoshoot ng Megamag. If you want, you can try our other amenities. Mayroon po kaming spa hut, gym at…”
“No. We don’t want those. We want to use the pool.”
Sa itsura ba nila ay mukha silang maggy-gym? Naka-swimsuit na sila nang bonggang-bongga. Sasayangin ba nila ang outfit nila?
“Pwede naman po bukas,” mahinahong wika ng receptionist.
Namaywang si Yngrid. “Bukas ang tour namin. Maghapon kaming nasa labas. Lahat na ng bodies of water sa Camiguin maliliguan namin bukas. Mula sa dagat, cold spring, soda pool at hot spring. Hindi na kami magkaka-interes maligo sa pool pagbalik. Anong silbi ng mahal na bayad na siningil ninyo sa amin kundi rin naman namin mama-maximize ang paggamit ng amenities ninyo?”
Hay! Hina-high blood na talaga siya. Ngayon na nga lang sila magbabakasyon, mabubulilyaso pa ang plano niya. And she hated that. Hindi siya pwedeng manahimik na lang lalo na’t alam naman niya kung ano ang karapatan niya.
“Anong oras ba ang simula ng pictorial nila?” malumanay na tanong ni Dreamilyn.
“Mamaya pong alas singko. Nagse-set up pa lang sila ng equipment,” paliwanag ng receptionist.
Tiningnan ni Justine ang ceramic watch nito. “Maaga pa naman. Alas tres pa lang ng hapon. Gasino ba naman na pagamitin kami ng pool ng thirty minutes? Di naman kami maliligo doon. Magpi-pictorial lang kami. I don’t think that’s too much to ask. Kaysa naman may customers kayong hindi nasisiyahan sa serbisyo ninyo. Ayaw naman siguro ninyong makakuha ng pangit na feedback, dib a?”
“Kakausapin ko po sila, Ma’am,” wika ng receptionist na si Loueila at naglakad patungo sa pool area.
Sumunod silang magkakaibigan dito pero di sila tuluyang lumapit. They just hovered over the area. Humarang agad si Iguana sa receptionist at kinausap ito. “Anong problema?” nakataas ang kilay nitong tanong.
“Sir, kung mamaya pa naman po ang pictorial ninyo, baka pwede po silang pagbigyan na gumamit ng pool. Kahit po thirty minutes lang. Hindi naman po sila manggugulo,” malumanay na paliwanag ng receptionist.
Humalukipkip si Iguana. “No! No! No! No! Hindi pwede.” Napansin niya na ang nagtatakang pagtitinginan ng ibang staff dito.
“Excuse me?” wika ni Yngrid at lumapit na kay Iguanang intrimitida. “Ikaw ba ang nagbabayad ng accommodation dito? O kahit man lang head ng pictorial na ito?”
Saglit itong natigilan. “No. PA ako ng model.”
Nanlaki ang mata niya. “PA ka ng model?” PA ito ng model pero kung makaasta ito ay akala mo ito na ang may-ari ng Pilipinas. Pagak siyang tumawa. “So hindi ikaw ang head ng picotiral dito. Ni hindi nga ikaw ang nagbayad ng accommodation. So wala ka sa lugar para magdesisyon kung dapat o di kami dapat gumamit ng facilities dito. Bakit ikaw ang sagot nang sagot? Gusto kong makausap ang director ng pictorial o kung sinuman ang head dito.” Binalingan niya ang receptionist. “Huwag ang reptilyang iyan ang kausapin mo. Look for their manager.”
“Yes, Ma’am,” magalang na sabi ng receptionist at kinausap ang ibang staff. Ngumisi lang siya habang minumulagatan ng intrimitidong Iguanang PA. Wala na itong nagawa dahil nasupalpal na niya ito.
Maya maya pa ay isang lalaking may mahabang kulot na buhok ang lumapit sa kanila. “Ladies, I am Marc, the head of this shoot.” At kinamayan sila isa-isa. “I am sorry for the inconvenience. I guess your thirty-minute shoot is fine with us.”
“T-Talaga?” excited usal ni Justine. “Papayagan ninyo kami na mag-pictorial?”
“Of course. Bakit naman hindi? Kailangan ba ninyo ng tulong sa pictorial?” Kinawayan nito ang isang maliit na babae na mukhang intern pa lang. “Pearly, assist them. Gusto ko maganda ang kuha nila. This is like your photography training.”
“A-Ako na po ang kukuha ng picture ninyo,” prisinta ni Pearly at inilahad ang kamay sa kanilang magkakaibigan.
Inabot ni Yngrid ang digicam niya dito saka umupo sa kahoy na lounging chair na nasa ilalim ng puti na beach umbrella. Noong una ay naiilang pa silang magkakaibigan dahil nasanay naman sila na sila-sila lang ang nagkukuhanan ng pictures. Kalaunan ay naging komportable na rin siya kay Pearly. At magaganda ang mga kuha ng dalaga sa kanila. Pakiramdam nilang magkakaibigan ay professional ang kumukuha ng pictures nila.
“Thank you, Pearly. Mababait naman pala ang ibang staff dito,” sabi ni Yngrid at umupo sa lounging chair na nasa gilid ng pool. "Hindi katulad ng Iguana na iyon. Akala mo naman kung sinong somebody."
“Kasi po sikat ang ina-assist niya,” sabi ni Pearly at inayos ang anggulo niya.
“PA lang naman siya. Hindi naman siya ang sikat. Saka gaano ba naman kasikat ang ina-assist niya at ganoon siya kasungit,” aniya at tumalikod para ipakita ang string ng bikini top niya.
“Iyon po kasi ang amo niya,” sabi ni Pearly at ngumuso.