“Hmp! Baka naman tulad niya na hindi rin kagandahan o kaguwapuhan,” sabi ni Yngrid habang naka-pout. May mga models naman na nadadaan lang sa make up at kung anu-anong effects. Uso din ang Photoshop. Kaya di siya impressed.
Narinig niya ang pagsinghap ni Justine. Kinalabit naman siya ni Dreamilyn. “Yngrid, tingnan mo,” usal nito na parang manghang-mangha. “Ang guwapo!”
“Sino ba iyan?” angil niya at nagpatuloy sa pag-pose. Ayaw niya sa lahat ay naaabala ang pagpo-project niya.
“Si…Si… ano…” sabi ni Justine na hindi maituloy-tuloy ang sasabihin.
“Sino nga?” naiinis niyang tanong at saka bahagyang ipinihit ang katawan para makita ang tinutukoy ng mga ito. Tiyakin lang ng mga ito na guwapo nga iyon o malilintikan sa kanya ang mga kaibigan niya.
Pakiramdam ni Yngrid ay umigting ang katawan niya nang makita kung sino ang model na naglalakad sa gilid ng pool habang nakasuot lang ng white sando, walking shorts at shades. Muntik nang lumuwa ang mata niya at malaglag ang puso niya nang mapagmasdan itong mabuti. “Oh, my gosh! Si Kenji Matsunaga! Si Kenji Matsunaga! Si Kenji Matsunaga!” aniyang di mapigilang mag-hyperventilate habang sapo ang dibdib.
Si Kenji Matsunaga ay isa sa pinakaguwapong modelo sa bansa ngayon kundi man ito ang pinakaguwapo. He was part-Japanese, part-Filipino, part-Brazilian model. Sikat ito hindi lang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa sa Asya. Gustong-gusto niya ito dahil maamo ang mukha nito at laging nakangiti. Isama pa ang hot na hot nitong katawan. He had a face of an angel with a body made for sin.
Si Kenji Matsunaga – ang lalaking laman ng mga pangarap niya, ang lalaking laman ng dasal niya, ang lalaking magiging ama ng mga anak niya.
Kapag nga nakikita niya ang picture nito sa magazine ay hinahalik-halikan niya. He had the kindest smile yet he had a sinful body. Kapag nakikita niya ang hubad nitong katawan sa magazine ay nagkakasala siyang tunay. Sumasakit ang puson niya samantalang madalas naman ay immune siya sa mga lalaki.
Sinong mag-aakala na nami-meet niya ito nang personal? At dito pa mismo sa paraiso ng Camiguin. Oh, yes! Ito ang pinakahihintay niyang pagkakataon. Parang dininig ng langit ang panalangin niya. Heto na ang biyaya na hinihintay niya. Isang guwapong lalaki para mawala ang pagkaumay niya kay Bruno. Ito ang totoong lalaki. Ngiti pa lang, ulam na.
“Hi, Kenji!” di niya mapigilang bati dito.
Tumingin ito at kumaway sa direksiyon niya. “Hi, gorgeous!”
“Thank you,” sabi ni Justine at kumaway pa sa binata.
“Gaga! Ako ang sinabihan niyang gorgeous,” angil niya at mariin itong kinurot sa tagiliran.
Pilit itong umiwas. “Ito naman. Ayaw mag-share ng pagiging gorgeous. Friends naman tayo.”
“Akin lang si Kenji Matsunaga,” aniya at hinawi ang mahabang buhok niya palayo sa mukha niya para mai-project ang kagandahan niya..
“Kenji, halika na. Magpa-make up ka na. Huwag lang kung sinu-sino ang binabati mo. Baka mamatanda ka,” sabi ni Iguana at inismiran sila bago iginiya si Kenji patungo sa lilim ng open-air restaurant kung saan naghihintay ang make up artist at iba pang staff.
Napamaang si Yngrid at namaywang. “Narinig ba ninyo ang sinabi ng impaktong Iguana na iyan?"
“Oo, mare. Parang sinabi niya na lamang-lupa ka,” sabi ni Justine.
“Huwag mo na lang pansinin,” pakli ni Dreamilyn.
“Hindi ako papayag na palagpasin ito. Ako si Yngrid Singson. At hindi ako mapipigilan ng Iguana na iyan kung gusto kong lapitan si Kenji,” nakataas ang noo niyang sabi. Maya maya pa ay gumuhit ang ngiti sa labi niya nang makitang umalis si Iguana at bumalik sa kuwarto nito.
“Pearly, samahan mo nga kami na magpa-picture kay Kenji Matsunaga habang wala pa ang bantay niyang iguana,” hilingniya. Kailangan niyang samantalahin ang pagkakataong ito.
“S-Sasabihin ko po, Ma’am,” sabi ni Pearly at naglakad patungo kay Kenji upang ipagpaalam ang pagpapa-picture nila.
Kinalabit siya ni Justine. “Paano kung hindi siya pumayag? Baka mapahiya lang tayo diyan.”
“Magtiwala ka lang sa kagandahan ko. Hindi ako matatanggihan niyan.”
Tumingin si Kenji sa direksiyon nila. Hindi pa ito mine-make up-an at nakatayo lang sa tabi ng direktor. Lumingon ito sa direksiyon niya. Kimi siyang ngumiti at kumaway dito. Itinaas nito ang kamay at sinenyasan siyang lumapit.
“Yiiii! Sabi ko naman sa inyo hindi niya ako matatanggihan,” sabi niya at hinatak na ang mga kaibigan papunta kay Kenji. “Let’s go, girls.”
“Ikaw muna ang magpa-picture,” wika ni Dreamilyn. “Baka mamaya tanggihan ako niyan. Titingnan ko muna ang powers mo.”
“Ako rin. Steady lang ang gorgeousness ko dito. Baka kasi kapag lumapit ako, mawalan ka na ng chance sa kanya,” pang-aasar ni Justine sa kanya.
Umingos siya. Walang tiwala sa kamandag niya ang mga bruha. Maghintay lang ang mga ito. Pakikitaan niya ang mga ito ng da moves. Naniniwala siya na natural siyang kaakit-akit na babae. At walang kawala si Kenji Matsunaga sa kanya.
Itinapis niya ang sarong niya sa baywang at saka naglakad palapit kay Kenji. “Hi!” bati niya dito. “Okay lang ba na magpa-picture ako?”
“Of course. I wont say no to a gorgeous lady,” sabi nito. Tanan! Gorgeous daw siya. Dalawang beses na nitong sinabing gorgeous siya. Ibig sabihin totoo.
Tumayo siya sa tabi ni Kenji. Kitang-kita niya ang dimple nito gilid ng labi. Maganda ang porma ng muscles sa braso nito. Parang masarap pisil-pisilin. Isang angat lang ng kamay niya ay pwede na niyang haplusin ang ilalim ng sando nito at damahin ang abs nito at ang dibdib nito. Gusto lang niyang ma-testing kung ganoon din ito ka-sexy katulad ng nasa pictures.