When He Cries Chapter 47

Naliliyo si Kenji sa ilaw ng strobe lights sa dance floor. Malakas ang ingay mula sa bagong remix music ng mga sikat na kanta. Nagsisiksikan ang mga taong magkakadikit na ang katawan at halos magkapalitan na ng mukha.

Habang nakahilig sa balikat niya ang babaeng kasayaw niya. Si Margaret. Pakiramdam niya ay nasa isang mundo siya na silang dalawa lang. Wala siyang pakialam sa ingay ng mga tao o sa musika. Ito lang ang mahalaga sa kanya at ang nararamdaman niya para dito.

“Babe, why did you leave me?” tanong niya at isinubsob ang mukha sa buhok nito, gaya ng ginagawa niya kapag magkasama sila.

Tumingala si Margaret sa kanya. “I won’t leave you ever, Kenji. I am always here for you.”

Inangat nito ang kamay at hinaplos ang mukha niya. It felt different. Parang malamig ang pakiramdam niya sa haplos ng kamay nito. Parang ibang Margaret. But it didn’t matter. Ang mahalaga ay narito ulit at kasama niya ito. Siya ang pinili nito. Hindi ang pamilya nito. Hindi ang lalaking pakakasalan nito.

“I miss you,” usal niya.

Tumingkiyad ang babae at bumulong sa kanya. “Let’s get out of here.”

Hindi na siya nag-atubili pa na sumama dito nang hilahin nito ang kamay niya palayo ng dance floor. Ayaw na niyang magbago pa ang isip nito. Baka ito na lang ang tanging pagkakataon na makasama niya ito. Ang tanging pagkakataon na itatama niya ang lahat ng mali sa buhay nila. They were meant to be after all.

Kinawayan na lang niya ang mga kaibigan sa mesa ng mga ito. Nagmamadali na kasi ang dalaga nang hilahin siya palabas ng bar. Masakit na ang mata niya at ang baga niya nang makalabas ng bar. Huminga siya ng malalim at naramdaman niya ang hangin sa mukha niya. Naginhawahan siya.

Freedom. Iyon muli ang naramdaman niya lalo na’t hawak muli niya ang kamay ni Margaret. Bagong simula para sa kanila. Bagong pagkakataon. At hindi niya ito bibitawan kahit na anong mangyari.

Umiikot ang paningin niya kaya nakahilig na ang katawan niya dito. Sumakay agad sila sa isang nakaabang na taxi. Pagsakay ng taxi ay nakasandal na ang ulo niya sa sandalan. “Manong, sa Makati po tayo,” narinig niyang sabi ni Margaret. Di niya maintindihan. Parang iba ang boses nito. Marahil ay dahil nahihilo siya kaya parang mas malaki iyon at magaspang.

Umungol siya bilang pagtutol. Ano naman ang gagawin nila sa Makati? Itinaas niya ang kamay para sumenyas sa driver. “No. I don’t want to go to Makati. I promised a friend that we will go to her place. Sa Sweet Surrender Café po tayo sa Capitol Hills, Manong.”

“Kenji, no! We will go to my place.”

“Your place?” tanong niya sa mataas na tono. Ang alam niya ay sa Valencia Heights sa Quezon City ang bahay nito at hindi sa Makati.

Pumihit ito paharap sa kanya at sinimulang kalasin ang butones ng polo niya. She was a bit aggressive today than what he was used to. “Make love to me, Kenji. Make love to me.”

It was supposed to be a come on but he stopped her wandering hands. “Stop!” pigil niya dito.

“What?” bulalas ni Margaret.

This was wrong. Hindi pa malinaw ang lahat sa kanila. “Ipangako mo muna na iiwan mo siya. Na ako lang ang gusto mong makasama. Promise me.”

Hindi pa niya naririnig dito ang kasiguraduhan na siya talaga ang pipiliin nito. Na hindi na siya nito iiwan pa. He won’t be a boytoy or a paramour. Kapag nagkasama sila ni Margaret sa pagkakataong ito ay kakayanin na siya nitong ipaglaban sa pamilya nito. Di nila kailangang magpanggap. At siya ang lalaking pakakasalan nito at ihaharap sa mundo para makasama nito habambuhay.

Gumuhit ang ngiti sa labi ng dalaga. “I am all yours.”

“Hindi ka magpapakasal sa ibang lalaki?”

Hinaplos nito ang labi niya. “All I want is you.”

Dahan-dahang lumapit ang mukha nito sa kanya. Tumigil ang taxi na sinasakyan nila at sa tulong ng liwanag mula sa streetlight ay napagmasdan niya ang mabuti ang mukha ni Margaret. And he was horrified. Bagamat tsinita ang babaeng ito, balingkinitan at may mahaba at tuwid na buhok ay malayo pa rin ang anyo nito kay Margaret. Hindi ganoon katangos ang ilong nito at malapad ang labi. Hindi rin hugis-mukha ang puso ng babae katulad ng sa dati niyang kasintahan. At higit sa lahat ay noon lang niya ito nakita.

“No. You are not Margaret,” aniya at hinawakan ang balikat nito. Pilit niyang inilayo ang katawan ng babae sa kanya.

“What the…!” bulalas ng babae.

Itinulak niya ito palayo. “I don’t want you. No. I am sorry, Miss. There must be some mistake.”

“Anong mistake ang sinasabi mo? Ako ang kasama mo kanina pa. Ako si Margaret,” histerikal nang wika ng babae. “Ako ang mahal mo.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.