Nakadama siya ng iritasyon. Ayaw niya sa lahat ay niloloko siya. “You are not Margaret. I am a bit drunk but I am not stupid.” Bumaling siya sa driver ng taxi. Gusto niyang makatiyak na di mali ang nakikita hiya. “Manong, kilala ninyo si Margaret Choi, di ba?”
“Oo naman, Boss. Sikat iyon, eh. Idol pa ng mga anak kong babae,” sagot naman ng driver.
“Siya ba si Margaret Choi?” tanong niya at itinuro ang babae.
Pagak na tumawa ang driver. “Ang layo, Sir. Hindi siya ganoon kaganda. Lasing lang siguro o kaya ay nakashabu ang magsasabing magkahawig sila.:
Galit na hinampas ng babae ang driver sa balikat. “Bastos! Anong hindi ako ganoon kaganda? Hindi ka naman ganoon kaguwapo! Matandang hukluban!”
“Hey!” aniya at pinigilan ang babae.
Biglang nagpreno ang mamang driver. “Bumaba ka na, Ma’am. Madidisgrasya pa tayo sa ginagawa ninyo. E nagsasabi lang naman ako ng totoo. Ayoko naman pong magsinungaling dahil masama iyon. E sa hindi naman talaga kayo si Margaret Choi.”
Sumingasing ang babae at binalingan siya. “This is all your fault.” Sinampal siya ng babae ng ubod lakas. Napabiling ang mukha at napapaling ang mukha niya sa lakas ng pagkakasampal nito. “No wonder Margaret Choi left you. You are one stupid guy. You are just a pretty face. You won’t amount to anything.” Binuksan ang babae ang pinto, lumabas ng kotse at pabalabag na isinara ang pinto. “Screw you, Kenji Matsunaga!” sigaw nito bago tumawid ng kalsada.
Natigagal siya at sinapo niya ang nasaktang pisngi. Hindi na niya alam kung ano ang nangyari sa sobrang bilis. “Anong pong nangyari?” nausal niya.
“Sabihin na lang natin na nailigtas ko kayo sa isang babaeng mapagsamantala, Sir. Maraming ganyang babae. Sinasamantala ang kalasingan ng mga lalaki. Mga lahing pikutin po tayo. Kundi naagapan iyon, baka habambuhay kayong maging miserable. Hindi bagay sa kaguwapuhan ninyo ang ganoong klaseng babae. Sayang kayo kapag nagkataon.”
“Salamat po, Manong,” wika niya at isinandal ang ulo.
Nakahinga siya ng maluwag. Ayaw naman niyang saktan ang babaeng iyon pero mali talaga ang nangyari. Wala siya sa sarili niya. Inakala niyang ito si Margaret. It was partly his fault. Akala siguro ng babae ay gusto niya ito. Hindi na talaga siya maglalasing sa susunod kahit gaano pa niya kagustong makalimot.
“Sa Capitol Hills pa rin tayo, Sir?”
“Opo,” sagot niya.
Gusto lang niyang ipahinga ang katawan at isipan niya sa isang lugar na komportable siya. Sa Sweet Surrender. Gusto niya ang lugar na iyon – tahimik at parang napapahinga ang isipan niya. At naroon si Yngrid. Sana lang ay tanggapin siya nito.
“Anong gagawin ninyo doon, Sir?” tanong ng driver.
“Gusto kong magkape.”
Tumango lang ang driver at nagpatuloy sa pagmamaneho. Maya maya pa ay naramdaman niyang tumigil ang sasakyan. “Sir, masyado na pong gabi. Di na po kami nagpapapasok.”
Nang dumilat siya ay nakita niya na may guard na nakasungaw sa kanila. Mukhang nasa loob ng commercial area ng isang subdivision ang café na malapit sa isang golf course.
“Magkakape daw po ang pasahero ko, Boss,” sagot ng driver.
“Saan kayo, Sir?” tanong ng guard at sumilip sa bintana.
“Sa Sweet Surrender Café daw,” wika ng driver.
“Baka sarado na ang café,” anang guwardiya. “Mag-a-alas dose na po kasi. Bumalik na lang po kayo bukas.”
Bukas pa? No. Wala siyang ibang mapupuntahan ngayon. He wanted to be in that café. He wanted to relax. He wanted to talk to Yngrid. There was something about that woman that calmed his soul. Ayaw niyang bumalik sa bahay niya kung saan mag-isa lang siya at maraming alaala si Margaret. Malulungkot lang siya. Baka lalo lang siyang di maka-recover sa di magandang nangyari sa gabing iyon.
“I know the owner of the café. Tawagan ninyo si Yngrid. Sabi niya pwede ko siyang puntahan anong oras ko man gusto. She will accommodate me.”
Sumilip ang security guard sa bintana ng kotse. “Anong pangalan ninyo, Sir?”
“Tell her it is Kenji. Kenji Matsunaga.”
“MA, sana pala sumama na lang ako sa inyo ni Papa sa trip ninyo,” nanghihinayang na wika ni Yngrid. Kausap niya ang ina sa pamamagitan ng Viber. Nasa bansang Laos ang mga ito para sa Mekong Delta trip ng mga ito. Niyayaya siya ng mga ito na magbakasyon noongh una pero naka-focus siya sa isyu ni Kenji.
“Bakit? Ano bang nangyari?” nag-aalalang tanong ng mama niya.
“I… I am just bored.” And brokenhearted. And feeling stupid.
Heto siya at asang-asa na tutuparin ni Kenji ang pangako nito sa kanya na dadalawin siya nito sa café kapag may panahon ito. Hintay siya nang hintay sa wala. Isa siyang malaking HOPIA. Hope lang nang hope. Asa nang asa sa isang taong mukhang di naman dadating.
Seriously, hindi naman na siya teenager. Hindi na niya ito dapat ginagawa. Feeling lang niya ay parte siya ng buhay nito pero di naman. Hindi na siya nadala. Di na siya natuto. Parang teenager siya na nag-iilusyon na magugustuhan siya ng lalaking gusto niya pero di naman niya kayang abutin.