When He Cries Chapter 49

Dapat nang tigilan ang kaiilusyon na ito. Pinahihirapan lang niya ang sarili niya. Hindi na dadating si Kenji sa Sweet Surrender. Bakit pa? Marami namang ibang babae na tiyak na aaliw dito. Hindi siya nito kailangan. She was just one of those girls who were crazy for him. Matapunan lang nang kaunting atensiyon ay iniisip nang napaka-espesyal na niya para dito.

Hindi siya espesyal para kay Kenji. She was just a fan for him. Ouch! Fanzoned ang ganda niya.

“Pwede kang sumunod sa amin ng Papa mo. Mahigit isang buwan pa ang tour namin sa area na ito. How about we meet in Myanmar or Bangkok? Kahit na ilang araw lang pwede naman tayong magkasama. You really sound tired. Ano bang pinaggagagawa mo nitong nakakaraang araw? Baka naman sa sobrang pagtatrabaho mo sa café hindi ka na magka-boyfriend. Nag-iisang anak ka lang namin at gusto namin ng apo. Baka naman kailangan mo lang ng love life. May anak ang kaibigan namin sa Davao na kasama namin sa tour. We can pair you up. Pwede rin naming pasunurin ang anak nila sa tour para makilala mo.”

Muntik na siyang mapaungol. Wala naman siyang planong magpa-matchmake. Gusto lang niya ng bakasyon kasama ang mga magulang niya. Ang hanapin ang sarili niya. Malayo kay Kenji. Baka sakaling sa malayong lugar ay mapasaya ulit niya ang sarili niya. Matagpuan niya ang ibang bagay na pwedeng magpasaya sa kanya nang di umaasa sa isang lalaking walang pakialam sa kanya at di siya itinuturing na parte ng buhay nito.

“Ma, susunod na lang po ako diyan kapag naayos na ang flight ko. Saka na ang reto-reto na iyan. See you.”

“Sure. I miss you, baby,” wika nito.

“I miss you, too, Mama.”

Oras na siguro para isara niya ang parteng ito ng buhay niya. Isang magandang panaginip lang si Kenji. Kailangan na niyang gumising sa katotohanan. Isa lang siya sa mga babaeng nagpapantasya dito. At the end of the day, isang katulad rin ni Margaret ang pipiliin nito. Someone popular and moved on the same circle with him. They were not in the same league.

No more false hopes for her. Oras na para magpaka-matured siya at bumalik sa pagiging dating Yngrid – the independent woman. Na ang kaligayahan ay nakasalalay sa sarili niya at di sa isang guwapong lalaki na nagngangalang Kenji Matsunaga.

“Magpahinga ka na. Nasa café ka pa rin yata,” anang nanay at bumuntong-hininga. “Puro ka na lang trabaho.”

“Pauwi na rin po ako. May tatapusin lang po.”

Mag-isa na nga lang siya dahil nag-uwian na ang mga staff niya. She really felt empty inside. Tama naman ang mga kaibigan niya. Masyado siyang asang-asa. Samantalang sa ibang tao ay siya ang madalas na manermon sa ganitong mga sitwasyon. Ganoon yata talaga. Mahirap bigyan ng advice ang sarili. Nakapag-move on na si Kenji. Makakakita ito ng ibang babae at di siya ang babaeng iyon maliban na lang kung magkaroon ng himala at dalhin ito sa pinto niya. Na malabong mangyari.

Tinatapos pa niya ang report para sa inventory nang mag-ring ang telepono niya. Sinagot niya ang telepono. “Sweet Surrender Café, good evening.” Saka niya tiningnan ang oras sa gilid ng laptop niya. Malapit nang mag-alas dose ng gabi.

“Ma’am, sa guardhouse po ito. May lalaki po kasi dito na nagpipilit na pumunta sa café ninyo.”

Kumunot ang noo niya. Sino kaya ito? “Late na. Sarado na kami.”

Kinabahan siya. Baka mamaya ay si Bruno iyon at mangungulit na naman. Naku! Di pa ba ito nasiyahan na tumambay ito sa café niya maghapon at sinira ang araw niya?

“Mapilit po, Ma’am. Sabi po niya siya daw po si Kenji Matsunaga.”

Nagpanting ang tainga niya. “Joke ba iyan, Manong?”

Kung masamang biro iyon ay babagsakan niya ito ng telepono. Wala siyang kiber kung mabingi ito.

Ayaw na niya. Pagod na pagod na siya. Gusto na niyang makatakas sa anino ni Kenji. Ayaw na niyang mangarap. Ayaw na niyang umasa sa wala.

“Ma’am, makulit po at mukhang nakainom. Sabi po daw ninyo sa kanya ay pwede siyang pumunta sa café ninyo kahit na anong oras,” anang guwardiya.

“Si Kenji Matsunaga ba talaga iyan?”

“May ID po, Ma’am. Saka kamukha nga po niya ang guwapong model na umiyak noong isang araw sa TV dahil iniwan ng girlfriend at ipinagpalit sa matandang politiko. Mukha nga pong kawawa ito. Papapasukin ko ba?”

Pumitlag ang puso niya. “Si Kenji nga iyan. Opo, patuluyin na ninyo dito. May iba ba siyang kasama?”

“Wala po. Mag-isa lang siya.”

Bumuntong-hininga siya. “S-Sige po.”

Hahayaan niya ang sarili niya na umasa kahit na isa pang beses. Kapag hindi si Kenji ang lalaking iyon at isang malaking kalokohan lang ang lahat, she would swear off Kenji Matsunaga for good.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.