When He Cries Chapter 51

Nakahinga siya ng maluwag. Mabuti na lang at sa café niya nagpahatid si Kenji sa di pa niya malamang dahilan. Kung hindi ay baka winasak na kung sinumang chaka bitch na iyon ang puri ni Kenji. Siya lang ang may karapatan sa puri ng binata.

Nagpatuloy sa pagkukwento ang driver. “Usap-usapan nga po ang ginawa sa kanya ng girlfriend niya. Siguro kasi mas mayaman ang lalaki. ‘Yung congressman naipinalit kay Sir. May ganyan yata talagang babae. Mas mahalaga ang pera kaysa sa pagmamahal. Hindi sapat na may pera lang ang lalaki. Kailangan maraming-maraming pera.”

“Hindi ko po alam kung ano ang buong kwento.”

Ang alam lang niya ay umiikot ang mundo ng mga Choi sa pera. Walang di gagawin para sa pera. Akala niya ay iba si Margaret sa mga ito nang piliin nito si Kenji at lumantad sa publiko sa relasyon ng mga ito. Naisip niya na baka nagkaroon na ng backbone si Margaret. Na baka umibig ito nang totoo at kahit anong mangyari ay ipaglalaban nito si Kenji sa mapaniil nitong pamilya.

Pero sa nakikita niyang nangyayari kay Kenji ay mukhang hindi ganoon ang sitwasyon. Di namumunga ang puno ng mangga ng santol. Sinaktan ni Margaret si Kenji pero sa palagay niya ay mas malalim pa sa istoryang ito. At si Kenji lang ang maaring sumagot sa lahat ng misteryong iyon.

“Manong, sa tabi lang po. Pakitulungan na lang po akong ibaba si Kenji.” Tinapik niya ang pisngi ni Kenji. “Kenji, bababa na tayo.”

Umungol lang ito at lumungayngay sa dibdib niya. Kailangan nitong gumising subalit halos di naman ito natinag sa pagkakahilig sa kanya.

Pinagtulungan na lang nila ng driver na ipasok sa bahay niya ang binata. Dalawang palapag ang bahay niya na may tatlong silid. May dalawang kuwarto sa taas at isa sa baba. Masyado iyong malaki para sa isang tao lang pero naisip nilang pamilya na investment iyon lalo na kung magdedesisyon siyang lumagay sa tahimik balang-araw.

Nagpatulong siyang ipasok si Kenji hanggang guestroom. Mabuti na lang at malinis ang kuwarto sa baba ng bahay kaya di na nila kailangan pang iakyat ang binata sa kuwarto sa taas. May kabigatan kasi ito.

Binayaran ang driver na may kasamang malaking tip. “Thank you po, Kuya. Hindi ninyo pinabayaan si Kenji. Sana po wala na lang makaalam tungkol dito.”

Kapag kumalat pa sa ibang tao at sa mga reporter ang nangyari ay mas mapapasama pa si Kenji. Mabuti nang ang babaeng chakang ambisyosa na nag-attempted rape kay Kenji lang ang problemahin niya kung sakaling magsalita sa reporters. Basta sa ngayon ay gagawin niya ang makakaya niya para protektahan at alagaan si Kenji. Siya lang ang maaasahan nito ngayon.

“Ayos lang iyon, Ma’am. Sana lang huwag ninyo siyang samantalahin katulad ng ginawa sa kanya ng isang babae,” anang mamang taxi driver.

Umiling siya habang namumula ang pisngi. Wala yatang tiwala si Manong Driver sa kanya. Mukha ba siyang mapagsamantala?

“Hindi ko po magagawa iyon kay Kenji. Mapagkakatiwalaan po ako.”

Tumango-tango ang driver. “Kayo na po ang bahala sa kanya.”

Tiningnan niya si Kenji na nakabulagta sa kama. Nakadipa ang mga kamay nito at walang katinag-tinag. Sa palagay niya ay hindi ito ganoon kakomportable. Nilapitan niya ito at tinanggal ang suot na sapatos at medyas.

Kumuha siya ng malinis na bimpo at palanggana na may maligamgam na tubig. Nilagyan niya ng eucalyptus oil ang tubig para mas ma-rejuvinate si Kenji kapag pinunasan niya. Hindi niya kayang hayaan na lang si Kenji na makatulog nang ganoon ang itsura. Gusto niya na maging komportable ito.

Pinunasan niya ang mukha nito at pababa sa leeg nito. Kinalas din niya ang ilang butones ng polo nito. Napalunok siya nang makita niya ang matipuno nitong dibdib pababa sa six-pack abs nito. Hindi niya maidikit-dikit ang bimpo sa katawan nito sa takot na mapaso siya.

Hayyyy! Super hot naman ni Kenji. Parang gusto kong magkasala.

Bigla niyang inalog ang sarili. Hindi ito ipinadala ng Diyos sa kanya para pagsamantalahan niya. Pero anong gagawin niya? Isa lang siyang babaeng mahina. Nag-hum na lang siya at tumingin sa painting ng bulaklak sa ulunan ng kama habang pinupunasan ang dibdib nito, pababa. Iisipin na lang niya na mesa lang ang pinupunasan niya para walang malisya at hindi na siya ma-tempt pa. Sa kasamaang-palad ay nakakapa naman niya ang kurba ng muscles nitong alon-alon. Napakahirap labanan ng tukso.

Umungol si Kenji at naalimpungatan. Bigla niyang binawi ang kamay na may hawak na bimpo nang dahan-dahan na idilat ang mata. “Nasa café na ba tayo?” tanong nito at luminga. Marahil ay iniisip nito na nasa taxi pa ito at kausap ang driver. Dumako ang mata nito sa kanya. “Hi, Yngrid,” sabi nito at ngumiti habang namumungay ang mata. “Nasa café mo na ba tayo? Gusto kong magkape sana pero sorry dahil wala akong kasamang girlfriend. Di ko naman alam na break na pala kami. Welcome pa ba ako dito?”

Tumango siya. “Of course.”

Itinaas nito ang kamay. “Gusto kong umorder ng kape. Espresso. Iba na lang pala. Peppermint mocha na lang. Nakakaamoy ako ng mint.”

“Wala na kasing…”

“Sarado na ba ang café?” tanong nito at inangat ang ulo saka inilinga ang tingin sa paligid? “Bakit mukhang nasa kuwarto ako? Nag-renovate ka ba ng café? Bakit parang maliit dito?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.