“Sarado na ang café.”
“Oh, I am sorry. Sarado na pala ang café mo. Nasaan na ang taxi? Uuwi na lang ako sa amin. May kape doon,” anito at akmang babangon. “Manong! Taxi!”
“No. Take a rest.” Hinawakan niya ang balikat nito at pilit itong ihiniga. “Wala na ang taxi. Ipinahatid na kita dito sa bahay ko. Kung gusto mo ng kape, pwede naman kitang ipagtimpla. But not… not a peppermint mocha. Something stronger maybe?”
Akmang aalis siya nang biglang sinambilat ni Kenji ang kamay niya. “Don’t leave me. Please.”
Umupo siya sa tabi nito. “Ipagtitimpla kita ng kape.”
“Ayoko ng kape. Gusto ko ng may kasama.” Ihinilig nito ang noo sa balikat niya. “She left me, Yngrid. I feel so stupid. Alam na pala ng lahat na break na kami. Ako na lang ang hindi nakakaalam.”
Parang sinaksak ang puso niya nang marinig ang hinagpis sa boses ni Kenji. Akala niya ay masakit na nang mapanood ang interview nito sa TV. Iba pala kapag personal niyang naririnig ang hinanakit nito. Iba pala kapag nasa bisig niya ito at nakikita niya kung gaano ito nasaktan.
Nakadama siya ng guilt. Siya ang isa sa unang nakaalam pero wala siyang ginawa para dito. She kept him in the dark. Pakiramdam niya ay nakipagsabwatan siya sa kabaliwan ni Margaret.
Hinaplos niya ang buhok ni Kenji. “I am sorry. Hindi ko sinabi sa iyo.”
Nanatili itong nakapikit at ipinihit ang ulo para mahimlay sa dibdib niya. “It is not your fault. Hindi naman ikaw si Margaret. Hindi ikaw ang nanakit sa akin. Hindi ikaw ang nanloko. You didn’t try to take away my dignity and compromise my principles.”
“Kenji…”
“Why is life like this? I thought that loving someone faithfully is enough. Na kapag nagsikap ako sa buhay at pinatunayan ko na karapat-dapat ako para mahalin ni Margaret ay ipaglalaban niya ako. Kahit pala anong gawin kong paglaban ay sinukuan na niya ako sa simula pa lang. I am so stupid. Stupid.” At binayo ng nakakuyom nitong palad ang ulo nito.
“Kenji!” sayaw niya dito at pinigilan ang kamao nito bago na naman nito saktan ang sarili nito. “Huwag mong gawin ito sa sarili mo. Hindi mo kasalanan ang nangyari. “You are not stupid. Hindi ikaw ang problema kundi si Margaret. Pinakawalan niya ang isa sa pinakamabait at disenteng lalaking nakilala ko.”
“What am I going to do?” he asked with a sob. At naramdaman niya ang mainit na luha nito na bumasa sa blouse niya. Gusto niyang sakalin si Margaret nang mga oras na iyon at dukutin ang mga mata. Hindi niya ito mapapatawad sa pananakit nito kay Kenji.
Hinaplos niya ang likod ni Kenji habang tumutulo ang luha sa mga mata niya. She wanted to share his grief. Kung pwede lang ay siya na lang ang masaktan para dito. Para makita ulit niya ang ngiti sa labi nito nang walang lungkot sa mga mata. Nais muli niyang marinig ang halakhak nito. Gusto niyang bumalik ang dating Kenji na nakilala niya. Ang Kenji na hindi pa sinisira ni Margaret.
“Hayaan mo na siya, Kenji. She doesn’t deserve you,” aniya sa mabigat na boses. “Mawawala din ang sakit. May mas magaganda pang bagay na naghihintay sa iyo. You are better off without her. May iba pang magmamahal sa iyo.”
“Sino?” tanong nito at inangat ang tingin sa kanya na puno ng pag-asa sa mga mata.
“Ako,” sagot niya at sinalubong ang mga mata nito.
“Mahal mo ako?” gulat na tanong nito.
“Yes.”
Nang mga oras na iyon ay wala na siyang pakialam. Basta sasabihin niyang mahal niya ito. Nandito na ito sa harap niya, hindi ba? Di na rin niya gustong kwestiyunin ang mga sinasabi niya. Nararamdaman niya na hindi basta-basta pagiging fan girl lang ang nararamdaman niya para kay Kenji. It was deeper than that. At gagawin niya ang lahat para burahin ang mapapait na alaalang idinulot dito ni Margaret. Kahit anong hingin nito sa kanya ay ibibigay niya.
Hinaplos nito ang mukha niya. “Thank you, Yngrid. You are a good friend. Huwag mo akong iiwan.”
Di ata ito makaintindi ng Tagalog. Mahal nga niya ito. Tapos friend lang? Bakit ba niya ina-analyze ang sinasabi ng isang taong lasing? Lasing nga ito.
Ipinikit nito ang mata at humiga sa kama. Bahagya itong ngumiti at masaya siya dahil alam niyang siya ang naglagay ng ngiting iyon sa labi nito. In her own little way, she made a difference. Kahit na di siya nito mahalin. Kahit bilang isang kaibigan lang nito ay ayos na sa kanya.
Subalit di niya maiwasang mabagabag sa mga sinabi nito kanina. Sa palagay niya ay may kahulugan ang sinabi nito tungkol sa relasyon nito kay Margaret. Sa ngayon ay masaya siya. Sa kanya tumakbo si Kenji. Isang himala nga ang nangyari. Anong ibig sabihin nito?
May pag-asa na ba sila ni Kenji? Ipinilig niya ang ulo. No. Hindi niya ito dapat ilusyunin o pagsamantalahan sa ngayon. Iba siya sa mga babaeng may masamang balak dito. Nandito siya para alagaan ito. Sapat na iyon sa kanya.