Ike-claim na lang niya na nasiraan siya ng bait sa korte. Inuubos nito ang pasensiya niya. Natitiis niya dati ang kakapalan ng mukha nito. Ngayon ay di niya ito mapapatawad dahil sa harap pa ni Kenji nito inangkin na may relasyon sila. Boyfriend? Juskoh! Horrors!
Nakakainis! Ano na lang ang iniisip ni Kenji? Na wala siyang taste sa lalaki? Na pumapatol siya sa lalaking may lahing undin? Sirang-sira na ang image niya.
Dali-dali siyang lumabas ng bahay. "Kenji, ako na ang bahala. Sa loob ka muna." Pormal ang boses niya at di man lang siya ngumiti sa binata. Hinarap niya si Bruno nang marinig niyang sumara ang pinto. "Ang aga-aga pero nambubulabog ka. Ano bang kailangan mo?" mataray niyang tanong.
"Dinadalaw kita. Gusto sana kitang yayaing mamasyal sa farm namin sa Tanay para makita mo ang ipapatayo kong bahay para sa atin kapag kasal na tayo .” Horrors! Kapag kasal na kami? Over my dead body! Tumalim ang mata ni Bruno nang tumingin sa pinto at nagkakandahaba ang leeg habang pilit na inaninaw kung anong mayroon sa loob. “Pero ang lalaking iyon ang nagbukas ng gate. Si Kenji Matsunaga iyon a!"
Isang matagumpay na ngiti ang sumilay sa labi ni Yngrid. "Tama. Si Kenji Matsunaga nga. At naaabala mo na kami,” aniya at itinaas ang baba.
Naalala niya kung paano siyang lait-laitin ni Bruno noon na hindi daw siya papansinin ni Kenji. Na di daw siya papatulan ng binata dahil pang-Bruno level lang daw ang ganda niya. Pwes, ipapakita niya ngayon na nagkakamali ito. Hindi pa naman niya boyfriend si Kenji pero papunta na rin sila doon... balang-araw.
"Anong ginagawa niya dito?" maasidong tanong ni Bruno.
Umingos siya. "Wala na sa iyo iyon."
Bahala itong isipin kung anong ginagawa ni Kenji doon. Mas may malisya ang isipin nito, mas pabor sa kanya. Siguro naman ay titigilan na siya nito pagkatapos.
"Sabihin mo sa akin kung anong ginagawa niya dito!” sigaw nito.
"Ano ba kita? Di naman kita kaano-ano."
Itinuro nito ang sarili. "Ako ang lalaking pakakasalan mo."
Isang mataginting ang halakhak na pinakasalan ni Yngrid. "Ay, naku! Bruno, Matulog ka ulit. Kulang ka pa ng tulog. Mukhang delusional ka na. Isaksak mo sa utak mo na hindi kita pakakasalan. Hindi kita magugustuhan kahit na kailan. Kaya tigil-tigilan mo ang pagkakalat mong boyfriend kita. Hindi ikaw ang gusto ko. Maliwanag?"
“At sino ang gusto mo? Si Kenji Matsunaga?”
Mataman niya itong tiningnan. “Alam mo kung ano si Kenji sa akin sa simula pa lang. Malinaw iyon sa iyo.”
Hinaklit nito ang braso niya. "Sa akin ka lang, Yngrid! Sa akin ka lang!"
Nag-panic siya dahil ngayon lang niya ito nakitang nagalit nang ganito. Naramdaman niya na bumaon ang daliri nito sa payat niyang braso. Pakiramdam niya ay magkakapasa siya. "Pakawalan mo ako, Bruno!"
Hangos na lumabas si Kenji mula sa labas. "Hey! Bitiwan mo siya. Ayaw sa iyo ng babae kaya huwag mong ipilit ang sarili mo."
Subalit hindi siya binitawan ni Bruno na mahigpit pa rin ang hawak sa kanya. Dinuro nito si Kenji. "Hoy, Boy Iyakin! Huwag kang makialam dito. Sa amin lang ito ni Yngrid. Ginugulo mo ang relasyon naming dalawa."
Puno ng pagmamakaawa niyang tiningnan si Kenji. Gusto niyang magpaliwanag dito na wala silang relasyon ni Bruno. Na natatakot siya na maniwala ito sa kumag na manliligaw niya na patay na patay sa ganda niya. Na ilusyunado lang si Bruno. Na si Kenji ang gusto niya at walang iba.
"Sa pagkakaintindi ko ay wala kayong relasyon. Leave her alone." At tinanggal ni Kenji ang pagkakahawak ng kamay ni Bruno sa braso niya. “Pumasok ka sa loob. Huwag kang lalabas hangga’t di ko sinasabi.”
"Ikaw ang lumayo sa kanya!” tungayaw ni Bruno.
Sumugod si Bruno. Nagpakawala ito ng suntok pero nakaiwas si Kenji. Halatang wala naman ito sa porma para makipaglaban kay Kenji na maganda ang pangangatawan. Nasubsob si Bruno sa garden set niya at bumangang ang mukha sa gilid ng matigas na metal na mesa. Napangiwi siya nang marinig ang pag-ungol nito at ang pagkalampag ng pagtama ng mukha nito sa metal. Hindi agad nakagalaw sa pagkakaluhod sa may mesa si Bruno. Napuruhan yata.
"Hey! Let me help you,” anang si Kenji at akmang tutulungang tumayo si Bruno. Ugh! Sobrang bait talaga nitong si Kenji kahit na sa kaaway at taong mananakit dito.
"Huwag mo akong hawakan.” Tinabig ni Bruno ang kamay ni Kenji. Sapo nito ang harapan ng mukha habang pilit na itinayo ang sarili. Dinuro nito si Kenji na punmo ng sakit at akusasyon sa mukha. “Ikaw nagtulak sa akin. Isusumbong ko kayo kay Mommy. Sinaktan ninyo ako."
Dali-dali siyang lumabas at tumakbo sa tabi ni Kenji. "Ikaw lang naman ang hindi nakikinig,” paninisi ni Bruno. “Dati ko pa sinasabi na ayaw ko sa iyo. Ayaw mo lang kasing tanggapin."