@KenjiM: What will your staff tell you if they see me dating the boss?
“Shocks! Dating! Niyayaya niya akong mag-date!” tili niya at nagdadamba sa sobang kilig. “Yes! Yes! Date na ito!”
Hindi na ito joke. Hindi na siya nananaginip. Kinumpirma mismo ni Kenji na magde-date sila. Gusto niyang gumulong-gulong sa opisina niya sa saya.
@YngridSingson: Mamamatay sila sa inggit. :P
Harharhar! Problema na iyon ng mga tauhan niya basta sa kanya si Kenji. Wala namang magagawa ang mga ito. Ika nga ng mga ito, all is fair in love and war. At sa giyerang iyon ay siya ang nagwagi.
@KenjiM: I have a surprise for you. Laters.
Nasapo niya ang dibdib. Ano kayang sorpresa nito? Mamatay siya sa excitement sa kaiisip kung ano iyon. Grabe!
Pero saka na niya iyon iisipin. Kailangan muna niyang mag-focus sa trabaho. Baka wala na naman siyang matapos na trabaho dahil sa kay Kenji. Dapat ngayon ay inspired na siya dahil sa binata.
Paglabas ng opisina ay narinig niyang bumukas ang pinto at nagbatian ang staff niya. "Good morning, Mrs. Dimasalanta!" masayang bati ni Frecy.
"Nasaan ang amo ninyo?" mataray na tanong nito.
Natigil ang kaligayahan niya nang makitang nakatayo ang ina ni Bruno sa harap ng counter. Malaki itong babae. Sa palagay niya ay nasa 5'7" ito. May kalaparan din ang pangangatawan. Nakasuot ito ng leopard printed blouse, black na leggings at leopard printed din na wedge shoes. Puno ng alahas ang katawan nito. Ilang suson yata ng kuwintas na gawa sa ginti ang nakasabit sa leeg nito. Kumikinang ang diamante sa hikaw nito at may suot na singsing ang lahat yata ng daliri nito sa kamay na iba't iba ang klase ng bato.
Ayon sa usap-usapan ay nakapangasawa ng isang Briton na may minahan sa India si Mrs. Dimalanta. Iniwan daw nito ang anak sa nobyo nito na ama ni Bruno. Nang mamatay ang matandang Briton ay saka binalikan ni Mrs. Dimasalanta ang tunay nitong mahal at nagpakasal ang mga ito. Kaya naman pagkarami-rami ng property ng ginang sa Pilipinas. At lumaki ring spoiled si Bruno na nakukuha ang lahat ng gustuhin nito.
Nakasuot si Mrs. Dimasalanta ng cream na wide-brim hat at di nag-abalang tanggalin ang diamond-studded shades nang iikot ang paningin sa café niya. May isa itong maliit na babaeng di nalalayo sa kanya ang edad. Ito ang alalay ni Mrs. Dimasalanta. Pinapaypayan nito ang ginang ng malaking abaniko kahit na malakas naman ang aircon sa café niya.
Alam niya kung bakit nandoon ito. Dahil sa insidenteng nangyari kay Bruno sa bahay niya kahapon. Gusto sana niyang pagtaguan ito subalit huli na dahil nahagip na siya ng mga mata nito.
Wala siyang nagawa kundi ngumiti dito at ipunin ang lahat ng lakas ng loob niya sa pagharap sa babaeng dragon. Hindi naman ito masungit sa kanya. Di rin nito sinasabi na gusto siya nito para kay Bruno pero sa palagay niya ay tino-tolerate nito ang presensiya niya. Good tenant naman kasi siya at nasa oras siya kung magbayad.
"Good morning, Mrs. Dimasalanta. Ano pong maipaglilingkod ko sa kanila?" magalang niyang tanong.
Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. Di na nito kailangan pang tanggalin ang shades nito dahil damang-dama niya ang pang-uuri nito.
"Gusto ko lang sabihin sa iyo na tataasan ko na ang renta ng café mo." At inabot sa kanya ang piraso ng papel. Notice iyon sa pagtataas ng renta niya.
Nanlaki ang mata ni Yngrid at muntik na siyang mawalan ng ulirat nang makita ang halaga. 'Po? Additional ten thousand pesos? Sobrang laki naman po ng itinaas," aniya at puno ng pagtatakang tiningnan ang ginang.
Namaywang ang isang kamay nito. "Matagal nang nag-increase ang upa sa ibang tenants ko. Hindi ko tinaasan ang sa iyo dahil sa pakiusap ng unico hijo kong si Bruno. Pero dahil ipinagpalit mo siya sa ibang lalaki, bakit pa ako magiging mabait sa iyo? Business is business."
"Pwede po bang sa opisina natin ito pag-usapan?" malumanay niyang tanong. Nakakahiya naman dahil may mga customer sa café nang mga oras na iyon at pinagtitinginan sila.
"Bakit? Nahihiya ka bang malaman nila kung paano mong pinaikot ang anak ko para lang ipagpalit sa modelong iyon?" malakas ang boses na sabi ng ginang.
Napamaang siya. "Wala naman po kaming relasyon ng anak ninyo. Malinaw po iyon sa simula pa lang."
"Wala naman pala silang relasyon. Assuming naman kasi ang anak niya," narinig niyang wika ng isang regular customer. Miyembro ang mga ito ng isang exclusive club para sa mga ginang na asawa ng miyembro ng kalapit na golf course. Ang alam niya ay di masyadong feel ng mga ito si Mrs. Dimasalanta at ayaw tanggapin sa elite circle.
"Doon na lang ako sa guwapong modelo," anang isa pang ginang at saka ngumisi sa direksiyon ni Mrs. Dimalanta na parang nanunuya.
Bumulong sa ginang ang alalay nito. "Madam, may mga amiga po kayo dito. Nakakahiya po kung maririnig nila ang usapan ninyo ni Miss Singson."