"Sige. Doon tayo sa opisina mo," maangas na wika ng ginang at taas-noo siyang sinundan papasok ng opisina niya.
Pagkapasok ng opisina ni Yngrid ay tinanggal ng ginang ang shades at ipinanduro sa kanya. "Kahit pa sabihing wala kayong relasyon ni Bruno ay may kasalanan ka pa rin. Pinaasa mo siya," nanlilisik ang mata nitong wika. "Sinaktan mo siya! Nakita ko ang pamamaga ng bibig niya. Di ko kayo mapapatawad ng lalaki mo."
"Si Bruno po ang may kagagawan noon sa sarili niya. Sinuntok mo niya si Kenji pero nakaiwas si Kenji. Nasubsob tuloy si Bruno sa lamesa," paliwanag niya. "Tinulungan pa nga po siya ni Kenji na tumayo."
"Tumahimik ka! Umasa pa rin ang anak ko sa iyo. Alam mo bang marami akong babaeng inirereto sa anak ko pero ikaw lang ang gusto niya. Nararamdaman daw niya na malapit mo na siyang sagutin."
Napabuntong-hininga na lang si Yngrid. Paniwalang-paniwala si Mrs. Dimasalanta sa delusyonal nitong anak na si Bruno. Ano bang laban niya sa mga ito?
"Nilinaw ko po sa simula pa lang na hindi ako interesado sa kanya. Hindi ko siya hiningan ng kahit na anong pabor. Siya po itong makulit. Kaya hindi po tama na sisihin ninyo ako sa nangyayari sa kanya," matiyaga niyang paliwanag sa ginang. "Huwag po ninyo akong tratuhing masamang babae dahil di ko minahal ang anak ninyo. At di rin po tama na personalin ninyo ako at madadamay pa po ang café ko."
"Basta sinaktan mo pa rin ang anak ko. Gagawin ko kung anong gusto ko sa café na ito dahil pag-aari ko ang pwesto nito. Kaya kung hindi mo kayang bayaran ang bagong upa, humanap ka na lang ng ibang malilipatan mo. Sana naman ay maliwanag iyon sa iyo." Muling isinuot ni Mrs. Dimalanta ang salamin. "Gagay, let's go."
Pagbukas ng pinto ay nakatayo doon si Armie at may dalang tray na may dalawang tasa ng kape. "Ma'am, coffee po," nakangiting alok ni Armie.
"Ganyan ba kabagal ang serbisyo ninyo dito? Magsara na lang kayo dahil baka di ninyo kayanin ang idinagdag ko sa upa ninyo kung ganyan kayo kababagal," asik ni Mrs. Dimasalanta.
Dali-dali siyang nilapitan ni Armie. Nakatulala na lang siya noon habang iniisip kung gaano katindi ang kinaharap niyang problema. "Ma'am, okay lang po kayo? Nakakatakot naman iyon. Akala mo dragon na magbubuga ng apoy. Alam na kung saan nagmana ng ugali si Bruno na mukhang galing Mars."
"Just a bit rattled. Hindi naman ako naano." Dinampot niya ang isang tasa ng kape na dala nito at ininom iyon kahit na walang asukal. Kailangan niyang matauhan. Kailangan niyang magising sa masamang bangungot na iyon.
"Pero tataasan niya ang renta natin. Sobrang laki po ng sampung libo. Naku! Baka kailangan nating lumipat ng pwesto," anang si Armie at napainom na rin ng kape.
Umiling siya. "I can't afford that right now."
Malaki talaga. Sapat lang ang kita niya para sa mga bayarin sa utilities, upa, sweldo ng mga tauhan, bayad sa supplies at bayad sa loan niya sa bangko. Nakakapag-ipon siya pero kakainin iyon ng dagdag na upa. Mas malaking halaga ang kakailanganin sa paglilipat.
"Ma'am, kung kukulangin tayo di na namin sosolohin ang tip. Iko-contribute na lang namin sa bayad ng renta," pagpiprisinta ni Armie. "Kakausapin ko po sina Frecy at Jan Hubert. Pihadong papayag po ang mga iyon."
"Hindi na kailangang magsakripisyo pa kayo." Sa tip na nga lang nakakabawi ang mga tauhan niya ay mababawasan pa. Ayaw niyang maapektuhan pa ang mga ito ng problema niya. Gusto niyang manatiling secured ang pakiramdam ng mga ito sa trabaho. "Makakagawa naman ako ng paraan para hindi tayo umalis dito," aniya at pilit na ngumiti.
"Sasagutin mo si Bruno?" Nanlalaki ang matang tanong nito.
Napaubo siya. "Huwag naman ganyan. Nasisikmura mong isipin iyon? Isasanla ko ang kaluluwa ko sa halagang sampung libong piso?"
Nag-peace sign ito. "Kasi iyon lang ang pinakamadaling solusyon."
"Oo. Parang binigyan mo ako ng lason para laklakin ko o kaya ay lubid para bigtiin ko ang sarili ko."
"Erase-erase na lang iyan. Bruno is not an option. Pero ano pa po ang ibang option?"
Mariing nagdikit ang labi ni Yngrid. Wala rin siyang ideya sa ngayon. Pilir siyang ngumiti. "Huwag na ninyong problemahin iyon. Ako ang dapat na mamoroblema dahil ako ang may-ari ng café. Bumalik ka na sa trabaho."
Makakagawa din siya ng paraan. Huwag lang siyang mauwi kay Bruno. Hindi niya hahayaang masira ang mga pangarap niya at ang buhay niya.
Nakasubsob si Yngrid sa desk niya sa opisina at parang mababaliw sa kaiisip kung anong gagawin para mas lumaki ang kita ng Sweet Surrender. Magbenta kaya siya ng lamang-loob? Mangholdap ng bangko? Holdapin ang mga kurakot na pulitiko?
Aaaahhh! Desperada na siya!
Mahalaga sa kanya ang café niya. Gusto niyang ipakita sa mga nang-apak sa pamilya niya dati na hindi siya failure gaya ng iniisip ng mga ito. Na may maipagmamalaki siya at may accomplishment sa sarili niyang paraan. Gusto niyang makita ng mga ito na umaakyat siya sa taas at hindi bumubulusok pababa.
Pero ano ang dapat niyang gawin?