Umiling siya. "Okay lang ako dito."
Ayaw niyang magmukhang tanga na nagsisisigaw. Ayaw niyang mawalan ng poise sa harap ni Kenji.
"Come on. Subukan mo rin," yaya nito at inilahad ang kamay sa kanya. Nang hindi siya tuminag ay hinatak nito ang kamay niya. Tumayo ito sa likuran niya. Wala siyang kawala lalo na't isinandal nito ang likuran niya sa harap ng katawan nito. At nanghihina siya.
"A-Anong gagawin ko?"
"Sumigaw ka."
"Anong isisigaw ko? Ding, ang bato? Darna? Di bagay."
Pinisil nito ang ilong niya. "Stop being cute. Come on. Sumigaw ka. Ilabas mo kung anong nararamdaman mo. Simulan mo sa ahhhhh!"
"Ahhhhh...." aniya sa mababang tono na kahit siya ay halos di marinig.
"Lakasan mo pa!" utos ni Kenji.
Tumirik ang mata niya at bahagyang nilakasan. "Ahhhhhh....."
"Mas malakas pa diyan. Hindi kita marinig."
"Ahhhhhh!" Naramdaman niya na may enerhiyang kumakawala sa dibdib niya. Sinubukan pa niyang mas lakasan. "Ahhhhh!" Nagwawala ang emosyon sa loob niya habang gumagaan ang dibdib niya. Nakuyom niya ang palad at isang malakas na sigaw ang kumawala sa bibig niya. "Aghhhhhh! Kaya ko ang problema ko. Kaya ko kahit anong itapon na pagsubok sa akin! Hindi ninyo ako kayang itumba! Hindi ninyo ako matatalo!" Nagtatalon siya habang ibinubuhos niya ang nararamdaman sa pagsigaw. "Mga suwangit na nga kayo, pangit pa ang pag-uugali ninyo! Pangit!"
Saka siya tumawa ng tumawa.
"Magsama-sama kayo, mga pangit!" sigaw din ng binata at sinabayan siya sa pagtawa. At tumawa lang sila nang tumawa hanggang pareho silang napaupo sa damuhan. Hanggang sumakit ang panga at tiyan nila sa katatawa.
Nang mapagod sila katatawa ay humiga sila sa picnic blanket at pinanood ang pagdaan ng mga ulap sa kahel na langit dahil nagsisimula nang lumubog ang araw.
Huminga siya ng malalim. Payapa ang pakiramdam niya at kontento siya habang katabi niya si Kenji. Parang silang dalawa lang sa mundo. Malayo sa gulo.
"Feeling better?" tanong ni Kenji.
“Malaking tulong sa akin na nakasigaw at nakatawa ako. Mas maluwag ang dibdib ko. I call this an escape. A little escape from reality. Pwede kong takasan ang mga problema ko kahit na sandali. Tumawa lang ng tumawa na parang okay lang ang lahat.”
She could get used to this. Parang masarap ding sanayin ang sarili na nariyan si Kenji at tinutulungan siyang kalimutan ang problema niya.
“So anong problema mo?” tanong ni Kenji at bahagyang inangat ang sarili para mapagmasdan siya.
Iniwas niya ang tingin dito. “Nothing.”
“Alam mo na halos ang lahat tungkol sa akin. Marami ka ngang alam na hindi alam ng mga reporters o ng malalapit kong kaibigan. Unfair naman yata kung hindi ka magse-share sa akin. Malay mo makatulong ako.”
Tipid siyang ngumiti. “Hindi na. May problema ka rin. Ayokong makadagdag pa sa problema mo. Kaya ko na ito.”
Ayaw na niyang isipin pa ang mga problema kapag kasama ito. Gusto niyang maging masaya lang sila at kalimutan ang lahat. Gusto niyang siya ang taong matatakbuhan nito kapag kailangan nito na huwag masyadong malungkot. She wanted to be his refuge. Bahala na siya sa problema niya.
“Kaya kong i-handle ang mga problema ko. As a matter of fact, sinisimulan ko na lang isipin na hindi naman talaga problema iyon. I am starting to move on. Tinulungan mo nga ako, di ba?”
Bumalikwas siya ng bangon. “Talaga? Nagmo-move on ka na?”
“Oo naman. Kaya pwede mo nang i-share sa akin ang problema mo. Ano ba ang problema mo? May kinalaman ba sa lalaking nagke-claim na boyfriend mo?”
“Si Bruno? P-Parang ganoon na nga.”
“Hina-harass ka ba niya? Gusto mo ba na magsumbong tayo sa pulis?” tanong nito na may kasamang determinasyon.
Umiling siya. “No. Nothing like that. Hindi nga siya nagpapakita sa akin nitong nakakaraang araw.” Mukhang ayon sa kay Mrs. Dimasalanta ay nagmumukmok lang si Bruno sa kuwarto nito at nagpapagaling sa pumutok nitong nguso.
“Then what are you worried about?”
Umiling siya. "Hayaan mo na iyon."
Masaya na sila ngayon. Ayos na iyon. Ayaw na niyang masira pa ang masayang mood nila. Gusto na lang nilang mag-focus sa kanilang dalawa.
“Sige ka. Hindi na kita kakausapin kapag hindi mo sinabi sa akin kung anong problema mo,” sabi ni Kenji at parang batang nagtatampo na lumabi.
“Kenji!” bulalas niya. “Walang ganyanan.”
“Hindi na rin ako magpapakita sa iyo,” anito at bumangon. Saka pumihit patalikod sa kanya.
Bumangon siya. “Kenji, come on!”
“Nagtatampo na talaga ako sa iyo,” anito sa seryosong boses.
Bumuntong-hininga siya. Di niya kaya na magalit ito sa kanya. Ayaw niyang mawala ito sa buhay niya kung kailan malapit na sila sa isa’t isa. Sa huli ay sumuko din siya. “Pinuntahan ako ng nanay ni Bruno kanina. Tataasan daw niya ang upa ko ng ten thousand pesos.”
Nanlalaki ang mata nito nang lingunin siya. “Agad-agad? Di ba parang hina-harass ka niya o ginagantihan dahil sa nangyari sa anak niya?”
Napabuga ulit siya ng hangin. “Parang ganoon na nga na parang hindi rin. Ang totoo di tinataasan ang renta ko sa café sa loob ng dalawang taon dahil na rin kay Bruno. In a way tinitiis ko rin ang panliligaw niya sa akin. Mayabang lang siya at maangas pero di naman niya ako kinakanti. You see, ayos lang naman ang kita ng café ko. Hindi ko kailangan ng sobrang daming customers. Isa sa charm ng café ko ay hindi masyadong crowded. Mababait din ang mga clients at malaking magbigay ng tip. Just enough for all the expenses at nakakapag-ipon din ako. Pero sa bagong taas ng renta, hindi ko na alam. Sabi sa akin kung hindi ko daw kayang bayaran ang renta, kailangan ko nang humanap ng sarili kong pwesto. A-At hindi ko pa kayang maglipat ng pwesto ngayon. Hindi ko naman kasi inaasahan ito.”
With the new increase, kailangan niyang magpursige para mas lumaki ang kita. Sa kasamaang-palad ay blangko pa rin ang isip niya kung paano mapapalaki ang kita ng café.
“Yes. Tingin ko rin nakabase ang character ng café mo sa location nito. I would hate to see you leave it. Sinabi ko sa iyo na gusto ko ang appeal ng lugar. It is refreshing. It has a nice view. I feel at home,” paliwanag ni Kenji.
“So what should I do?” tanong niya.
“You have to boost your sales.”
“At paano ko gagawin iyon? Kanina pa kasi ako nag-iisip pero hindi ko pa rin alam kung anong gagawin ko. At ang paraan na ii-implement ko ay kailangang maging sapat para matustusan ang bagong increase sa renta ko.”
Isang kampanteng ngiti ang sumilay sa labi nito. “Ako ang bahala. For now, let’s enjoy this day.”
“Kenji. Hindi pwedeng ikaw ang bahala. Kailangang ipaliwanag mo sa akin ang idea mo para mapag-isipan ko rin o kaya ay mapag-aralan ang feasibility.”
Sa halip na magpaliwanag sa kanya ay humiga ito ulit sa picnic basket at tumuro sa langit. “Look! Mukhang rabbit ang ulap.”
Nakitingin din siya sa ulap at nakisali sa laro nito. Saka na niya iisipin ang bukas. Gusto muna niyang mag-focus sa kung anong ang mayroon ngayon kasama si Kenji.