“THANKS, Justine. Malaking bagay kung matutulungan mo akong umisip ng promo para sa café ko. Sumasakit na talaga ang utak ko sa kaiisip,” sabi ni Yngrid habang kausap sa telepono ang kaibigang si Justine. Nasa bahay pa siya noon at parang di pa siya handang pumunta sa café niya hangga't walang naiisip na solusyon sa problema niya.
Hindi niya ito nakausap kagabi dahil ginabi rin sila ni Kenji sa pamamasyal at maaga siyang nakatulog. Ikinuwento nito ang kabataan nito sa Brazil at kung paano ito naging model. Alam na niya ang buhay ng binata dahil nabasa na niya ang mga article tungkol dito at napanood ang mga interview pero iba pa rin pala kapag nanggagaling mismo kay Kenji ang mga kwento.
Napaka-down-to-earth nito dahil simple lang ang pamilyang pinagmulan nito. Di rin simple ang pinagdaanan nito na pagmomodelo sa iba’t ibang bansa. It was not glamorous all the time, lalo na noong nagsisimula pa lang ito. At kahit na may pangalan na ito sa Pilipinas ay dala pa rin nito ang pagiging humble nito.
Hindi rin madali para dito ang mailadlad sa publiko ang pribadong buhay nito. Maraming kung anu-anong panghuhusga sa pagkatao nito. Pero sa huli ay parang nananatili pa ring mabuti ang puso nito. Kabaligtaran sa mundong ginagalawan nito kung saan maraming pagbabalat-kayo. Na mabuti sa harap ng publiko pero masama naman sa harap ng iba.
Mas gumaan ang pakiramdam niya matapos nilang magkasama ni Kenji. Mas inspired siya na paunlarin pa ang café niya. Nangako si Kenji na tutulungan siya nito pero di pa niya alam kung anong magiging plano nito. Maghintay lang daw siya. Hindi niya mahihintay si Kenji. Kailangan niyang gumawa ng sarili niyang paraan.
“Mukhang may fans day si Kenji mamaya sa café mo,” pagkuwan ay sabi ni Justine.
“Fans day? Hindi yata ako aware diyan. Saan mo nalaman?”
“Nag-post siya sa Twitter at Instagram niya. Hindi mo alam? Sabi niya may sorpresa daw siya sa mga fans niya. Naku! Baka nagkakagulo na sa café mo ngayon. Tingnan mo kaya?”
Kumunot ang noo niya. “Kung may plano siya, sana sinabi niya sa akin. Magkausap lang kami kanina. Wala siyang nabanggit sa akin malibang tutulungan niya ako sa problema ko.”
Anong klaseng fans day ang magaganap? Malaki ba ang event na iyon? May program ba? Hindi naman siguro ganoon ka-bongga. Maliit lang naman ang café niya. Baka imi-meet lang nito ang ilang piling fans nito para magkape.
“Hmmm… Feeling ko marami kang hindi ikinukwento sa amin ni Dreamilyn,” panghuhuli ni Justine.
Umikot ang mga mata ni Yngrid. Paano naman niya sasabihin sa mga ito ang nangyayari sa kanila ni Kenji kung napaka-kontrabida ng mga ito pagdating sa love life niya? “Ay naku! Panira kayo ng kaligayahan. Sasabihin na naman ninyo na huwag akong masyadong umasa dahil lang madalas kaming magkasama at magka-text o tinatawagan niya ako o magka-DM kami sa Twitter, at sa akin siya tumakbo noong nalasing siya at doon siya natulog sa bahay namin, etcetera, etcetera.”
Nakakasira kaya ng magandang mood kapag ganoon. Masaya lang naman siya sa nararamdaman niya kay Kenji at masaya na siya kung anong kaya nitong ibigay sa kanya. Di naman siya nag-e-expect ng sobra. Siyempre mas natuto na siyang lumugar ngayon. Kung may isang bagay man siyang natutunan, iyon ay huwag masyadong mag-expect para di gaanong masakit. Dahil minsan ay maraming naghihintay na magagandang sorpresa kapag di inaasahan o umaasa.
“Whattttt? Nalasing siya at sa iyo siya pumunta? Natulog siya sa bahay mo? May nangyari na sa inyo? Ano ba naman ang ginagawa mo sa buhay mo, Yngrid? Basta-basta mo na lang ibibigay ang sarili mo sa isang lalaki. Kahit pa sabihin mong guwapo, macho, yummy at mabango si Kenji Matsunaga, di mo dapat basta-basta isinuko ang Bataan! Isusumbong kita kay Mother Superior! Lagot ka.”
Napangiwi na lang si Yngrid at inilayo ang awditibo ng telepono sa tainga niya. “Hoy! Huwag ka ngang OA diyan. Sino ba naman ang nagsabi sa iyo na isinuko ko na ang Bataan?”
“Sabi mo kasi etcetera, etcetera. E di nag-fill in the blanks na lang ako. Ano ba ang susunod na sa pinuntahan ka niya habang lasing ka at pumunta siya sa bahay mo? Malamang sinamantala mo na ang puri ni Kenji.”
Namaywang ang isang kamay niya. “Ganoon? Si Kenji pa ang inalala mo ang puri at hindi ako? You are some kind of a friend really.”
“Kung isang lasing na Kenji Matsunaga na ang kasama mo, malamang di mo na palalampasin ang pagkakataon,” may kapilyahang wika nito.
“Hindi ko sinira ang puri niya. Di ko sinamantala ang kalasingan niya!”
"Weh? Di nga?" di naniniwalang sabi nito.
“Hindi ako mapagsamantalang babae. Nirerespeto ko si Kenji. Napatunayan ko iyon nang malasing siya pero di ko sinamantala ang kahinaan niya. Oo, pinagnasaan ko siya. But I didn’t act on it,” paliwanag niya. “At dahil doon, naging palagay ang loob sa akin ni Kenji. Sa palagay niya mapagkakatiwalaan ako.”
“So marami na ngang nangyari na di mo sinasabi. Malay ko ba naman na ganyang level na kayo. Kinikilig ako sa inyo,” anito at impit na tumili.
Biglang gumaan ang pakiramdam niya. “Ibig sabihin suportado mo na ang pag-iibigan namin?”